Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 4/08 p. 16-19
  • Gintong Likido ng Mediteraneo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gintong Likido ng Mediteraneo
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gintong Likido na Di-matutumbasan
  • Masustansiyang Sangkap sa Pagkaing Mediteraneo
  • Ang Langis ng Olibo Noong Panahon ng Bibliya
  • Maraming-Gamit na Langis ng Olibo
    Gumising!—1992
  • Isang Mayabong na Punong Olibo sa Bahay ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Langis
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Langis Mula sa Olibo
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Gumising!—2008
g 4/08 p. 16-19

Gintong Likido ng Mediteraneo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

“Luntian ako noon, pagkaraa’y naging itim; ngayo’y naging ginto matapos na pigain.”​—Kilalang bugtong ng mga Kastila.

KAPAG nahinog sa puno ang luntiang mga bunga ng olibo, nagiging makintab na itim ang mga ito. Pero sa loob ng maitim na mga bunga ay may makakatas na “ginto.” Kapag piniga ang hinog na mga olibo, naglalabas ito ng gintong likido. Sa nakalipas na libu-libong taon, laging nakikita ang likidong ito sa mesa ng mga pamilya sa Mediteraneo. Ang gintong likido na ito​—ang langis ng olibo​—ay napakahalagang produkto ng mga punong olibo na saganang namumunga sa dalisdis ng mga burol sa Portugal hanggang sa Sirya.

Masarap at mabuti sa kalusugan ang langis na nakukuha mula sa bunga ng matitibay na punong olibo. Kapag naririnig ng mga Mediteraneo ang salitang “langis,” ang parati nilang naiisip ay ang “langis ng olibo.” Sa katunayan, ang salitang Kastila para sa “langis” na aceite, galing sa salitang Arabe na azzáyt, ay literal na nangangahulugang “katas ng olibo.” At ganiyan naman talaga ang langis ng olibo​—purong katas ng pinigang bunga ng olibo. Yamang nakukuha ang langis mula sa bunga nito nang walang anumang idinaragdag na sangkap o ginagawang kemikal na proseso, napananatili ang lahat ng likas na sustansiya, lasa, at mabangong amoy nito.

Gintong Likido na Di-matutumbasan

Ipinaliwanag ng istoryador na si Erla Zwingle na ang langis ng olibo ay “matagal nang ginagamit bilang pagkain, pamahid, at langis para sa lampara at relihiyosong ritwal.” Sinabi rin niya na sa ngayon, “ang gintong likido ng olibo ay hindi pa rin matutumbasan ng ibang langis.” Sa loob ng libu-libong taon, hindi nagbago ang simpleng pamamaraan ng pagkuha ng langis ng olibo. Una, hinahampas ng mga mang-aani ang mga sanga ng puno gamit ang tungkod para malaglag sa lupa ang mga bunga nito, at saka nila ito iniipon. Pagkaraan, ang mga bunga, kasama ang mga buto nito, ay nilalagyan ng tubig at pinipiga. Sumunod, tinatanggal ang mga sapal. Panghuli, inilalagay ito sa isang tangke para patiningin at saka inihihiwalay ang langis mula sa tubig. At ngayon, puwede nang gamitin ang nakuhang langis.a

Gayunman, tulad ng alak, marami ring klase ang langis ng olibo. Sa buong mundo, mga isang bilyong punong olibo ang inaalagaan.b At mahigit sa 680 uri ng olibo ang natukoy ng mga hortikulturista o dalubhasa sa halaman. Bukod sa pagkakasari-sari nito, ang uri ng lupa, klima, ang panahon ng pag-ani (mula Nobyembre hanggang Pebrero), at ang paraan ng pagkatas ay nakaaapekto rin sa natatanging lasa, kulay, at mabangong amoy nito. Ang mga grupo ng propesyonal na tagatikim ang nagsasabi kung ang iba’t ibang klase ng langis ay matamis, lasang prutas, matapang, o katamtaman ang lasa. Tinitiyak ng mga tagatikim na hindi nagbabago ang kalidad ng mga produktong ito.

Tamang-tama ang klima sa Mediteraneo para sa pag-aalaga ng mga punong olibo, kung kaya nanggagaling sa mga bansang nakapalibot sa Dagat Mediteraneo ang mga 95 porsiyento ng langis ng olibo sa buong mundo. Makikita ng mga naglalakbay ang mga taniman ng olibo na tumatakip sa dalisdis ng mga burol sa Gresya, Italya, Morocco, Portugal, Espanya, Sirya, Tunisia, at Turkey. Talagang angkop na ilarawan ang saganang langis ng olibo bilang “gintong likido ng Mediteraneo.”

Masustansiyang Sangkap sa Pagkaing Mediteraneo

Sa loob ng maraming siglo, karaniwan nang pinasasarap ng langis ng olibo ang karamihan sa lutuing Mediteraneo. Maaari itong gamiting pamprito, pambabad, o panimpla ng pagkain. “Kung 4,000 taon nang ginagamit ang produktong ito, tiyak na mahusay ito,” ang sabi ng maestro kusinerong si José García Marín, bilang paglalarawan niya sa kahalagahan ng langis ng olibo sa mga lutuing Kastila. Idinagdag pa niya: “At sumulong ang kalidad ng katas na ito sa nakaraang mga taon, buti na lamang at maingat ang pamamaraan sa paggawa ng produktong ito.”

Matagal nang napapansin ng mga mananaliksik na mas malusog ang mga taong kumakain ng pagkaing Mediteraneo.c Kamakailan, inorganisa ng mga nutrisyonista ang International Conference on the Healthy Effect of Virgin Olive Oil. Sinabi nila na ang pagkaing Mediteraneo na may virgin olive oil ay nakatutulong upang maging mas malusog at mas mahaba ang buhay ng tao. Ang pagkaing mayaman sa virgin olive oil ay maaari ding makatulong upang maiwasan ang sakit sa puso at kanser. “Sa mga bansa kung saan ang mga tao ay kumakain ng pagkaing Mediteraneo . . . na may sangkap na virgin olive oil bilang pangunahing pinagkukunan ng taba,” ang sabi ng mga eksperto, “mas mababa ang bilang ng may kanser kaysa sa mga bansa sa Hilagang Europa.”

Maraming dahilan kung bakit mabuti sa kalusugan ang mga pagkaing ito. Isa rito ay ang mataas na antas ng oleic acid (mga 80 porsiyento) na makukuha sa langis ng olibo. Maganda ang epekto nito sa sirkulasyon ng dugo. Karagdagan pa, dahil hindi nilalagyan ng kemikal at preserbatibo ang langis ng olibo, napananatili ang mga bitamina, monounsaturated fat, at iba pang likas na sangkap ng hinog na bunga nito.

Maganda rin sa balat ang langis ng olibo yamang nagsisilbing antioxidant ang maliliit na sangkap nito, gaya ng bitamina E at polyphenol (isang mabangong sangkap). Kaya karaniwan itong ginagamit sa mga kosmetik, losyon, shampoo, at sabon. Ginamit ng sinaunang mga Griego at Romano ang langis ng olibo na may yerba bilang panlinis at pampalambot ng balat. Nang maglaon, noong ikaanim na siglo, sinimulan ng mga bihasang manggagawang Pranses ang paggawa ng sabon mula sa langis ng olibo na hinaluan ng abo ng mga halamang dagat.

Ang Langis ng Olibo Noong Panahon ng Bibliya

Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang ginagamit ang langis ng olibo bilang pagkain, kosmetik, langis para sa lampara, gamot, at iba pa. Binabanggit ng Bibliya ang langis ng olibo nang mahigit 250 ulit, bilang langis o bilang pangunahing sangkap ng pabango.

Malinaw na inilalarawan ng Kasulatan ang mahalagang papel ng langis ng olibo sa buhay ng karaniwang pamilyang Israelita. Mahalagang bahagi ito ng kanilang pagkain, at ang pagkakaroon nila ng maraming suplay nito ay tanda ng kasaganaan. (Joel 2:24) Ginagamit ito ng mga lalaki’t babae bilang pamahid sa balat. Halimbawa, bago nakipagkita si Ruth kay Boaz, ‘nagpahid siya ng langis.’ (Ruth 3:3) Matapos ang pitong araw na pag-aayuno, “tumindig si [Haring] David mula sa lupa at naghugas at nagpahid ng langis sa sarili at nagpalit ng kaniyang mga balabal at pumaroon sa bahay ni Jehova.”​—2 Samuel 12:20.

Ang sinaunang mga lampara ay nilalagyan ng sapat na dami ng langis ng olibo. (Mateo 25:1-12) Ginamit naman ang “dalisay na napigang langis ng olibo” para ilawan ang tabernakulo sa ilang. (Levitico 24:2) Noong panahon ni Haring Solomon, ang langis ng olibo ay naging mahalagang produkto sa kalakalan ng iba’t ibang bansa. (1 Hari 5:10, 11) Gumamit ng langis ang mga propeta sa paghirang ng mga hari. (1 Samuel 10:1) Naipapakita ang pagiging mapagpatuloy ng may-bahay sa pamamagitan ng pagpapahid niya ng langis sa ulo ng mga bisita. (Lucas 7:44-46) Sa ilustrasyon ni Jesus, gumamit ng langis at alak ang mapagkawanggawang Samaritano para gamutin ang mga sugat ng isang binugbog na lalaki.​—Lucas 10:33, 34.

Sa Kasulatan, ang nakagiginhawang payo at kaaliwan ay itinulad sa langis dahil sa nakapagpapagaling na epekto nito. Sumulat ang Kristiyanong alagad na si Santiago: “Mayroon bang sinumang may sakit sa inyo? Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova.”​—Santiago 5:14, 15.

Patuloy na makapaglalaan ng saganang langis ang punong olibo. Ang isang punong olibo ay makapagsusuplay sa may-ari nito ng tatlo hanggang apat na litrong langis bawat taon sa loob ng maraming siglo! Walang alinlangan na ang gintong likidong ito ay nakabubuti sa ating kalusugan, nakapagpapaganda ng ating balat, at nakapagpapasarap ng ating pagkain.

[Mga talababa]

a Tanging ang extra-virgin olive oil at virgin olive oil lamang ang purong katas ng bunga ng olibo. Ang refined o karaniwang langis ng olibo at ang olive-pomace oil o langis ng sapal ay hinahaluan naman ng kemikal para maging balanse ang matapang na lasa nito.

b Bawat taon, mahigit 1.7 bilyong litrong langis ng olibo ang nakukuha sa mga punong ito.

c Karaniwan ding sangkap ng mga pagkaing ito ang mga prutas at gulay.

[Kahon sa pahina 19]

Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Langis ng Olibo

◼ Ang sustansiya ng langis na ito ay tumatagal nang hanggang 18 buwan.

◼ Nasisira ng liwanag ang mga sangkap nito, kaya dapat itong ilagay sa malamig at madilim na lugar.

◼ Nawawala ang mga antioxidant nito kapag mahigit sa isang beses itong ginamit na pamprito.

◼ Para lubusan itong makatulong sa kalusugan ng tao, inirerekomenda ng mga nutrisyonista na dapat itong gamitin nang patuluyan.

◼ Higit na mapapakinabangan ang sustansiya ng langis ng olibo kung gagamitin itong sangkap sa pagkaing Mediteraneo na sagana sa isda, gulay, butong-gulay, at prutas.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Tradisyonal na Proseso sa Pagkuha ng Langis ng Olibo

Hinahampas ng mga mang-aani ang mga sanga upang makuha ang mga bunga

Pinipiga ang buong bunga ng olibo

Ginagamit noon ang makinang ito para ihiwalay ang langis mula sa mga sapal

Langis ng olibo na lumalabas mula sa makabagong makinang pampiga

[Credit Line]

Millstones and machine: Museo del Olivar y el Aceite de Baena

[Larawan sa pahina 18]

Itaas: Taniman ng mga punong olibo na daan-daang taon na

[Larawan sa pahina 18]

Kanan: Sinaunang lamparang ginagamitan ng langis ng olibo

[Credit Line]

Lamp: Museo del Olivar y el Aceite de Baena

[Larawan sa pahina 18]

Dulong kanan: Larawan ng talinghaga ni Jesus hinggil sa sampung birhen na may dalang lamparang de-langis

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share