Pagkontrol ng Trapiko sa Himpapawid—Ano ang Papel Nito sa Ligtas na Paglipad ng mga Eroplano?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PILIPINAS
HABANG nakasakay sa eroplano, napag-isipan mo na ba kung paano nalalaman ng mga piloto ang ruta patungo sa kaniyang destinasyon? Marahil ay nag-aalala ka kapag naiisip mo ang napakaraming eroplano na sabay-sabay na lumilipad sa himpapawid mula sa iba’t ibang direksiyon. Paano kaya nila naiiwasang magkabanggaan?
Ang gayong mga tanong ay natural lamang sa mga sumasakay ng eroplano. Gayunman, ipinakikita ng estadistika na talagang ligtas na sumakay ng eroplano.a Sa katunayan, mas ligtas pa ito kaysa sa magbiyahe sakay ng motorsiklo o kotse. Ang isang pangunahing dahilan sa ligtas na pagbiyahe sakay ng eroplano ay ang sistema ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid.
Ginagawang Ligtas ang Iyong Biyahe
Ang kapitan, o punong piloto, ang siyang pangunahing may responsibilidad sa ligtas na pagpapalipad ng eroplano. Gayunman, maraming pagkakataong hindi niya nakikita at maaari pa ngang wala siyang kaalam-alam na may iba pang lumilipad na mga eroplano sa palibot niya. Dahil diyan, karamihan sa mga bansa ay may sistema ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid. May mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid na nakabase sa lupa na sumusubaybay sa paglipad ng eroplano at nagbibigay ng instruksiyon sa piloto.
Si Samuel, isang tagakontrol ng trapiko sa himpapawid sa California sa loob ng 13 taon, ay nagsabi: “Ang mga eksperto sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid ay gumaganap ng napakahalagang papel sa ligtas na paglipad ng mga eroplano. Ang unang priyoridad ay hindi magkabanggaan ang mga eroplano.” Ganito pa ang paliwanag ni Melba, superbisor sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid, “Una sa lahat ang kaligtasan, pero bukod diyan, ginagawa rin naming mabilis at maayos ang daloy ng trapiko sa himpapawid.” Kaya, tumutulong din ang mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid sa tuluy-tuloy na paglipad ng eroplano bukod pa sa pagtulong nitong maiwasan ang aksidente.
Ang ibig sabihin nito, habang pinalilipad ng piloto ang eroplano, maraming tagakontrol na sumusubaybay sa kaniyang pagpapalipad ng eroplano. Palagiang nakikipag-usap ang piloto sa pamamagitan ng radyo hindi lamang sa mga tagakontrol ng trapiko na nasa pinanggalingan at patutunguhang paliparan kundi gayon din sa mga nasa bawat daraanan nitong pasilidad sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid.
Napakahalaga na masubaybayan ng tagakontrol ng trapiko ang hindi nakikita ng piloto dahil sobrang bilis ng mga eroplano sa ngayon. Isipin ang dalawang eroplano na malapit nang magkasalubong. Sa sandaling makita ng mga piloto na magkakabanggaan na ang kanilang mga eroplano, malamang na mayroon na lamang silang ilang segundo para maiwasan ang aksidente! Pananagutan ng mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid na maiwasang mangyari ang ganiyang situwasyon. Matagal pa bago makita ng mga piloto ang makakasalubong niyang eroplano, nabigyan na sila ng mga instruksiyon para hindi magkabanggaan ang mga eroplano.
Pagsubaybay sa Paglipad ng Eroplano
Ang mga transmiter ng radyo sa lupa na nagbibigay ng espesipikong mga direksiyon ay naglalaan ng impormasyon para igiya ang mga piloto. May mga aparato ang piloto kung saan pumapasok ang mga impormasyon mula sa mga transmiter na nagsasabi ng eksaktong lokasyon niya. Ang mga transmiter na ito ay nakapuwesto sa espesipikong mga lokasyon kung saan dumaraan ang mga eroplano hanggang sa makarating ang mga ito sa kanilang destinasyon. Dahil sa mga transmiter na ito na tumutulong sa nabigasyon, nakabuo ng espesipikong mga ruta para sa mga eroplano.
Tinutunton ng mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid ang dinaraanang ruta ng mga eroplano. Bago sila magbiyahe, hinihilingan ang mga piloto na magbigay ng kanilang pinaplanong ruta. Ang tagakontrol ng trapiko ay may kopya ng tinatawag na flight progress strip o rekord ng paglipad. Ipinaliwanag ni Salvador Rafael, nangangasiwa sa isang pasilidad sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid, kung paano ito ginagamit: “May mga interseksiyon sa himpapawid. Kapag dumaan ang eroplano sa mga ito, kailangang ireport ng piloto ang impormasyong iyan sa tagakontrol. Pagkatapos, mamarkahan naman ng tagakontrol ang rekord ng paglipad.” May ideya na ngayon ang tagakontrol sa magiging ruta ng eroplano.
Para magawa ito, may isa pang pantulong ang tagakontrol ng trapiko—ang radyo. Dahil alam niya ang lokasyon ng eroplano, mabibigyan niya ng instruksiyon ang piloto para maiwasan ang banggaan ng mga eroplano. Karaniwan nang higit sa isa ang magagamit na radyo at frequency ng mga tagakontrol at piloto. Para kung magkaproblema ang isa, may magagamit pa rin sila.
Kumusta naman ang mga biyaheng dumaraan sa iba’t ibang bansa na may iba’t ibang wika? Upang maiwasan ang anumang panganib bunga ng di-pagkakaintindihan, pinili ng International Civil Aviation Organization ang wikang Ingles para sa komunikasyon. Gayundin, yamang ang ilan sa mga salita, titik, at numero ay magkakapareho ng tunog kapag binibigkas sa pamamagitan ng radyo, ang mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid ay tinuruang gumamit ng tiyak na mga parirala at pamantayan sa pagbigkas kapag nagbibigay ng mga instruksiyon sa mga piloto. Para higit pang matiyak ang kaligtasan, ipinauulit sa mga piloto ang ilang instruksiyong ibinigay ng mga tagakontrol ng trapiko.
Radar ang isa pang pantulong na ginagamit ng mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid. Sa pamamagitan ng mga radio wave, nalalaman ng antena ng radar kung nasaan na ang eroplano. Pagkatapos, lilitaw sa iskrin ng radar ng tagakontrol ang eksaktong lokasyon ng eroplano. Maraming eroplano ang may transponder na naghahatid ng impormasyon sa antena ng radar para matukoy nito ang eroplano. Kapag naipasok ang impormasyong ito sa computer, lilitaw ang eroplano sa iskrin ng radar, pati na ang ibang detalye gaya ng flight number nito, bilis at taas ng paglipad, at kung anong uri ng eroplano ito.
Kapag nakita ng tagakontrol ng trapiko na kailangang maniobrahin ang eroplano para maiwasan ang banggaan, maaari niyang imungkahi sa piloto na baguhin ang (1) direksiyon ng eroplano. O maaari din niyang sabihin sa piloto na baguhin ang (2) bilis ng eroplano gaya halimbawa, kung gustong lampasan ng isang eroplano ang ibang eroplano. Ngunit ang pinakakaraniwang paraang iminumungkahi ng tagakontrol para hindi magkabanggaan ang mga eroplano ay baguhin ng piloto ang (3) taas ng lipad ng eroplano.
Para lalo pang maiwasan ang aksidente, maraming sistema ng radar ang puwedeng magbabala sa tagakontrol ng trapiko kapag may mapanganib na mga situwasyon. Bilang halimbawa, mayroong mga alarma na nagbibigay-hudyat kapag may dalawang eroplano na nagiging masyadong malapit sa isa’t isa. Isa pang alarma ang tutunog kapag masyado namang mababa ang lipad ng isang eroplano.
Ang Tunguhin—Ang Iyong Kaligtasan
Pinatutupad na sa ngayon ang mga plano para pasulungin ang sistema ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid. Kadalasan nang nalilimitahan ang mga eroplano sa paglipad sa espesipikong mga ruta at taas na ipinahihintulot lamang ng mga sistema ng nabigasyon na nakabase sa lupa. Dahil dito, may mga bahagi ng himpapawid na hindi nadaraanan at humahaba ang mga ruta ng eroplano. Sa hinaharap, inaasahang ang mga paglipad ng eroplano ay higit na dedepende sa mga sistema ng nabigasyon gamit ang mga satelayt, gaya ng Global Positioning System. Dahil dito, madaragdagan ang mga ruta ng eroplano at magiging mas madaling subaybayan ang mga biyaheng tumatawid ng karagatan.
Gaya ng ipinakikita ng ating maikling pagtalakay tungkol sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid, hindi lamang ang iyong piloto ang nakaaalam ng inyong lokasyon kapag nagbibiyahe na kayo. Ang totoo, maraming iba pa ang sumusubaybay sa inyong paglalakbay. Ang sistema ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid ay dinisenyo upang maiwasan ang mga panganib at masiguro ang kaligtasan ng paglipad ng mga eroplano. Walang alinlangan, iyan ang dahilan kung bakit napakababa ng bilang ng mga aksidente sa eroplano!
Kaya kung ikaw ay isang pasahero ng eroplano, wala kang dapat ipag-alala. Sa susunod mong pagsakay rito, tandaan na ang mga mata at tainga ng mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid ay nagbabantay sa iyong kaligtasan. Kaya magrelaks at masiyahan sa ligtas na paglalakbay!
[Talababa]
a Noong isang nakalipas na taon sa Estados Unidos, mga 11 bilyong kilometro ang distansiyang nalipad ng mga eroplano roon at mayroon lamang isang aksidente, sa katamtaman, sa bawat 334,448 oras na paglipad.
[Dayagram sa pahina 14, 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAGSUBAYBAY SA PAGLIPAD NG EROPLANO
Global Positioning System
Sistema ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid
Mga transmiter ng radyo
Radyo
Antena ng radar
[Larawan sa pahina 15]
Tore kung saan nagtatrabaho ang mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid
[Larawan sa pahina 15]
Mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid
[Larawan sa pahina 15]
Sentro ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Tower and controllers: NASA Ames Research Center; control center: U. S. Federal Aviation Administration