Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/09 p. 3-4
  • Aborsiyon—Hindi Talaga Solusyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Aborsiyon—Hindi Talaga Solusyon
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Ito Lang ang Naiisip Kong Solusyon’
  • Pag-isipan ang Kahihinatnan
  • Aborsiyon—Isang Nababahaging Daigdig
    Gumising!—1987
  • Taglay ba ng mga Relihiyong Ito ang Kasagutan?
    Gumising!—1993
  • Aborsiyon—Ito ba ang Lunas?
    Gumising!—1995
  • Ang Kalunus-lunos na Kamatayan Dahil sa Aborsiyon
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2009
g 6/09 p. 3-4

Aborsiyon​—Hindi Talaga Solusyon

MULA pagkabata, alam ni Bill na malaking kasalanan ang magpalaglag, katumbas ito ng pagpatay. Pero noong 1975, nagbago ang kaniyang paninindigan nang siya na mismo ang kailangang gumawa ng desisyon. Nabuntis ang kaniyang girlfriend na si Victoria pero hindi pa handa si Bill na mag-asawa at maging ama. “Naisip ko kaagad ang pinakamadaling solusyon,” ang pag-amin ni Bill, “at sinabi ko kay Victoria na ipalaglag ang bata.”

Karaniwan na, ang tinatawag ni Bill na pinakamadaling solusyon ang ginagawang solusyon sa di-ninanais at wala-sa-planong pagbubuntis. Iniulat ng isang pag-aaral noong 2007 na tinatayang 42 milyon ang nagpalaglag sa buong daigdig noong 2003. Ang mga nagpalaglag ay mula sa iba’t ibang lahi, nasyonalidad, relihiyon, at iba-iba ng kalagayan sa buhay, edukasyon, at edad​—mula bata hanggang sa matanda. Kung ayaw mo sa ipinagbubuntis mo, ano ang gagawin mo? Bakit marami ang nagpapalaglag?

‘Ito Lang ang Naiisip Kong Solusyon’

“Nahirapan ako sa huli kong pagbubuntis at panganganak, tapos gipit kami noon sa pera at ang dami naming problema sa pamilya,” ang sabi ng isang 35-anyos na babae. “Pagkatapos, anim na linggo pa lang pagkapanganak ko, buntis na naman ako. Inisip naming magpalaglag. Alam kong mali iyon, pero ito lang ang naiisip kong solusyon.”

Iba-iba ang katuwiran ng mga nagpapalaglag​—problema sa pera, bigong relasyon, at marahil pang-aabuso ng kapareha, kaya ayaw na nilang magkaroon pa ng anumang ugnayan sa lalaki. O baka wala talaga sa plano ng babae o ng mag-asawa ang pagbubuntis.

May mga nagpapalaglag din para hindi masira ang kanilang reputasyon, gaya ng isinulat ni Dra. Susan Wicklund sa kaniyang aklat na This Common Secret​—My Journey as an Abortion Doctor. Isang pasyente niya na gustong magpalaglag ang nagkuwento: “Napakarelihiyoso po ng mga magulang ko. . . . Kung magkakaanak ako sa pagkadalaga, masisira ang pangalan nila. Malalaman ng lahat ng kanilang mga kaibigan na nagkasala ang kanilang anak.”

Tinanong siya ni Dra. Wicklund: “Sige, sabihin na nating nagkasala ka sa paningin nila, pero ano ba ang tingin nila sa aborsiyon?” Inamin ng dalaga: “Aborsiyon po? Wala pong kapatawaran ’yon. Pero mas mabuti na po iyon, tutal hindi naman nila malalaman. Kung magpapalaglag ako, hindi mababalitaan ng mga kaibigan [ng mga magulang ko] sa simbahan ang nangyari.”

Anuman ang situwasyon, karaniwan nang hindi madaling desisyon ang magpalaglag. Kadalasan nang mabigat sa loob ang ganitong desisyon. Talaga bang solusyon ang aborsiyon?

Pag-isipan ang Kahihinatnan

Sa isang pag-aaral noong 2004 sa 331 Ruso at 217 Amerikano na nagpalaglag, lumilitaw na mga kalahati sa dalawang grupong ito ang nalungkot matapos magpalaglag. Halos 50 porsiyento ng mga Ruso at mga 80 porsiyento ng mga Amerikano ang “nakonsiyensiya” sa ginawa nila. ‘Hindi mapatawad’ ng mahigit 60 porsiyento ng Amerikano ‘ang kanilang sarili.’ Yamang marami ang nakokonsiyensiya sa pagpapalaglag​—kahit mga taong hindi naman relihiyoso​—bakit napakarami pa ring kabataan ang nagpapalaglag?

Kadalasan nang panggigipit ang dahilan. Baka sabihin ng kanilang mga magulang, kapareha, o nagmamalasakit na mga kaibigan na mas maigi nang magpalaglag. Kaya baka hindi na sila makapag-isip at magpasiya sila nang padalus-dalos. “Pero pagkatapos gawin ang mahirap na desisyong iyon,” ang paliwanag ni Dra. Priscilla Coleman, eksperto sa pag-aaral tungkol sa mga epekto ng aborsiyon sa mental na kalusugan, “nagiging malinaw na uli ang pag-iisip ng mga babae, at madalas na nakokonsiyensiya sila, nalulungkot, at nagsisisi.”

Kadalasan nang nagsisisi sila dahil naiisip nila: May buhay na ba ang ipinalaglag ko? Ipinakikita ng report ng South Dakota Task Force to Study Abortion na maraming buntis na nag-iisip na magpalaglag ang “napaniwala na mga ‘tissue’ lamang ang tinatanggal, at sinasabi nilang hindi sana sila nagpalaglag kung sinabi sa kanila ang totoo.”

Pagkatapos pag-aralan ang “nakagugulat at makabagbag-damdaming kuwento” ng 1,940 nagpalaglag, ganito ang naging konklusyon ng report: “Magkahalong lungkot at galit ang nadarama ng marami sa mga babaing ito sa pagkawala ng sanggol na ang sabi sa kanila ay hindi kailanman umiral.” Sinabi rin ng report na “kadalasan nang napakabigat na pasanin na malamang pinatay niya ang sarili niyang anak.”

Pero ano ba ang totoo? Tissue nga lamang ba ang tinatanggal kapag nagpapalaglag? Isa bang nabubuhay na indibiduwal ang nasa bahay-bata ng isang ina?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 4]

NAGPALAGLAG AT HINDI NAGPALAGLAG

Sinuri ng isang pag-aaral noong 2006 ang naging buhay ng maraming kabataang nagdalang-tao. Kalahati sa mga ito ay nagpalaglag. Ipinakikita ng pag-aaral na “kumpara sa mga nagpalaglag, ang mga hindi nagpalaglag ay karaniwan nang hindi nangangailangang magpatingin sa isang sikologo, mas mahimbing ang tulog, at mas malamang na hindi humitit ng marijuana.”​—Journal of Youth and Adolescence.

Ipinakita naman ng isa pang report “ang resulta ng apat na masusing pag-aaral.” Ano ang isinisiwalat ng mga pag-aaral na ito? “Ang mga nagpalaglag ay mas madalas dumanas ng iba’t ibang problema sa isip kumpara sa mga hindi nagpalaglag.”​—Report of the South Dakota Task Force to Study Abortion​—2005.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share