-
Maging InteresadoGumising!—2012 | Oktubre
-
-
Maging Interesado
Para maging interesado ka sa anumang gawain, kailangan mong makita ang kahalagahan nito.
ANO ang praktikal na kahalagahan ng pag-aaral sa iskul? Makatutulong ito para magkaroon ka ng karunungan, at ayon sa Bibliya, “ang karunungan ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Paano? Ipaghalimbawang maglalakad ka sa isang mapanganib na lugar. Ano ang pipiliin mo—maglakad na nag-iisa o maglakad na kasama ang mga kaibigan mo na mapoprotektahan ka kung kinakailangan? Ang mabuting edukasyon ay tutulong sa iyo na magkaroon ng mahuhusay na “kaibigan” na palaging nasa tabi mo. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Kakayahang mag-isip. Ang pag-aaral ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng tinatawag sa Bibliya na “sentido-kumon at matinong pagpapasiya.” (Kawikaan 3:21, Contemporary English Version) Kung taglay mo ang mga kakayahang ito, malulutas mo ang sarili mong mga problema sa halip na laging humingi ng tulong sa iba.
Kakayahang makibagay. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na linangin ang mga katangiang gaya ng mahabang pagtitiis at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Dahil sari-saring tao ang nakakasalamuha mo sa iskul, marami kang pagkakataon na ipakita ang mga katangiang iyan, kasama na ang pagpaparaya, paggalang, at empatiya—mga katangiang mapapakinabangan mo hanggang sa maging adulto ka.
Praktikal na kasanayan. Matututuhan mo sa iskul ang kahalagahan ng dedikasyon sa trabaho, na tutulong sa iyo na makakuha ng trabaho sa hinaharap at mapanatili ito. At miyentras mas lumalawak ang kaalaman mo, mas makikilala mo ang sarili mo at malalaman kung ano ang pinakamahalaga sa iyo. (Kawikaan 14:15) Sa gayon, makapaninindigan ka sa iyong mga paniniwala sa magalang na paraan.—1 Pedro 3:15.
Mahalagang tandaan: Dahil kailangan mo ng edukasyon, hindi makatutulong ang pagpopokus sa mga bagay na inaayawan mo sa pag-aaral. Sa halip, isipin ang mga pakinabang na binanggit sa itaas. Baka nga may maisip ka pang ibang pakinabang!
Simulan mo na ngayon! Isipin ang pinakamalaking pakinabang na gusto mong makuha sa pag-aaral.
-
-
Maging OrganisadoGumising!—2012 | Oktubre
-
-
Maging Organisado
Sa kaunting pagsisikap lang na maging organisado, napakalaki na ng pakinabang—mas maraming panahon, walang gaanong stress, at mas matataas na grade.
IPAGHALIMBAWANG may bibilhin ka sa isang supermarket pero lahat ng paninda roon ay basta nakakalat lang. Gaano kaya katagal bago mo makita ang hinahanap mo? Hindi ba’t mas madaling maghanap kung nakaayos ang mga paninda at may karatula ang bawat seksiyon? Puwede mo ring sundin ang simulaing iyan sa iyong pag-aaral. Paano?
Gumawa ng iskedyul.
“Minsan, nakalimutan kong gawin ang homework ko—pati ang mga gawaing-bahay na iniutos sa akin—dahil nasa bahay ako ng kaibigan ko buong weekend,” ang sabi ng 18-anyos na si Zachary, na taga-Estados Unidos. “Kinalunisan, kinailangan kong makiusap sa mga titser ko kung puwede pa rin nilang tanggapin ang homework ko kahit late nang maipasa. Ngayon, gumagawa na ako ng listahan para maalala ko ang mga dapat kong tapusin.”
Ang paggawa ng listahan ay nakatulong din kay Celestine, isang kabataang babae sa Papua New Guinea. Ganito ang sinabi niya tungkol sa pag-aaral niya noon: “Gumagawa ako ng iskedyul ng lahat ng kailangan kong gawin, kasali na ang homework, exam, at iba ko pang activity. Dahil dito, alam ko kung ano ang mga dapat kong unahin at hindi ako nahuhuli sa deadline.”
Tip: Ilista sa maliit na notbuk ang mga gagawin mo, o i-save ito sa iyong cellphone o iba pang kagamitang elektroniko.
Huwag ipagpabukas ang gagawin mo.
Madaling sabihin, “Mamaya ko na lang ito gagawin.” Mas mabuting gawin agad ang mga bagay-bagay hangga’t maaari—lalo na ang iyong homework.
Tip: Gawin agad ang iyong homework pagdating ng bahay, bago ka manood ng TV o magrelaks.
Ayusin ang gamit mo.
Nangyari na ba sa iyo na nakarating ka sa iskul tapos natuklasan mong nakalimutan mo pala ang iyong notbuk, bolpen, o mga libro? Puwede mong maiwasan iyan! Paano? “Inaayos ko na ang bag ko bago pa pumasok sa iskul,” ang sabi ni Aung Myo Myat, isang kabataang lalaki na taga-Myanmar.
Tip: Panatilihing maayos ang bag mo para kung may hahanapin ka, madali mo itong makikita.
Mahalagang tandaan: Kung organisado ka, hindi ka mai-stress dahil late ka na, dahil may nakalimutan ka, o dahil gahol ka sa panahon para sa mahahalagang gawain.
Simulan mo na ngayon! Isipin kung saan mo kailangang maging organisado. Pagkatapos, kasama ng iyong magulang o kaibigan, pag-isipan ninyo kung paano ka magiging mas organisado sa bagay na iyon.
-
-
Humingi ng TulongGumising!—2012 | Oktubre
-
-
Humingi ng Tulong
Mahalaga na may nagpapayo at tumutulong sa iyo, hindi lang habang nag-aaral ka pa kundi pati sa mga gagawin mo kapag adulto ka na.
SINO ang makatutulong sa iyo sa pagsisikap mong makinabang sa pag-aaral?
Pamilya.
“Kapag kailangan ko ng tulong sa homework ko,” ang sabi ni Bruna, isang 18-anyos na taga-Brazil, “ipapaliwanag ni Daddy ang topic at pagkatapos, tatanungin niya ako hanggang sa makuha ko ang sagot.”a
Tip: Una muna, tanungin ang magulang mo kung gaano siya kagaling noon sa subject na nahihirapan ka. Kung mahusay siya sa subject na iyon, baka siya ang makatulong sa iyo.
Titser.
Maraming titser ang natutuwa kapag nalaman nilang gusto talagang matuto ng isang estudyante, at handa silang tumulong.
Tip: Puwede mong sabihin sa titser mo, “Nahihirapan po ako sa subject na ’to, pero gusto ko talaga itong maintindihan. Ano po ang maipapayo n’yo sa akin?”
Mentor.
Baka makatulong sa iyo ang isang mapagkakatiwalaang kaibigan ng inyong pamilya. May mga pakinabang dito: Una, may tutulong sa iyo; at ikalawa, matututo kang tumanggap ng tulong kung kailangan—isang bagay na mahalaga kahit adulto ka na. Ang totoo, karamihan ng tagumpay ay resulta ng pagtutulungan, hindi ng solong pagsisikap.—Kawikaan 15:22.
Tip: Tanungin ang mga magulang mo kung sino ang puwede mong maging mentor.
Mahalagang tandaan: Hindi masamang humingi ng tulong!
Simulan mo na ngayon! Ilista ang dalawa o tatlong huwaran para sa iyo—mga taong nirerespeto mo. Matutulungan ka ba ng isa sa kanila sa mga gawain mo sa iskul?
a Puwede ring makatulong sa iyo ang ate o kuya mo.
-
-
Ingatan ang KalusuganGumising!—2012 | Oktubre
-
-
Ingatan ang Kalusugan
Kung iingatan mo ang kalusugan mo, makatutulong ito para maging mas mahusay ka sa mga gawain sa iskul—at mas masigla pa.
MAKATUWIRAN lang na ingatan mo ang katawan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. (Awit 139:14) Ipaghalimbawang may kotse ka, pero hindi mo naman ito minamantini. Di-magtatagal at masisira ito. Puwede ring mangyari iyan sa katawan mo. Ano ang kailangan ng katawan mo para manatili itong malusog?
Pahinga.
Kung kulang ka sa tulog, magmumukha kang pagód, manlalambot, matutuliro, at made-depress pa nga. Pero kung sapat ang tulog mo, magiging masigla ka. Bibilis din ang paglaki mo, huhusay ang paggana ng utak mo, lalakas ang immune system mo, at magiging mas masayahin ka. Makukuha mo ang lahat ng iyan nang walang kahirap-hirap—matulog ka lang!
Tip: Kung posible, gawing regular ang oras ng pagtulog mo sa gabi.
Nutrisyon.
Mabilis lumaki ang mga tin-edyer. Halimbawa, sa pagitan ng edad 10 at 17, nadodoble ang timbang ng karamihan sa mga lalaki. Bigla rin ang paglaki ng mga kabataang babae. Habang lumalaki ang katawan, kailangan nito ng masustansiya at nakapagpapalakas na pagkain. Tiyakin na naibibigay mo sa iyong katawan ang kailangan nitong nutrisyon.
Tip: Laging mag-agahan. Kung kakain ka bago pumasok sa iskul, makatutulong ito para humusay ang iyong konsentrasyon at memorya.
Ehersisyo.
Sinasabi ng Bibliya na “ang ehersisyo ay mabuti sa iyong katawan.” (1 Timoteo 4:8, Contemporary English Version) Ito ay nagpapatibay ng mga kalamnan at buto, nagpapasigla, kumokontrol ng timbang, nagpapatalas ng isip, nagpapalakas ng immune system, nakakabawas ng stress, at nagpapaganda ng mood. At siyempre, enjoy rin itong gawin, dahil puwede mong gawin ang ehersisyong gusto mo!
Mahalagang tandaan: Ang sapat na pahinga, tamang nutrisyon, at katamtamang ehersisyo ay tutulong sa iyo na maingatan ang iyong kalusugan. At kung malusog ka, tutulong ito para maging mas mahusay kang estudyante.a
Simulan mo na ngayon! Magkaroon ng makatuwirang iskedyul sa pag-eehersisyo. Irekord ang mga oras ng tulog mo pati ang mga kinakain mo sa loob ng isang buwan, at tingnan kung may kailangan kang baguhin.
“Kapag nagwo-walking ako, pakiramdam ko’y mas sumisigla ako—kahit nga pagód ako nang simulan ko ito.”—Jason, New Zealand.
“Ang katuwiran ko, ginawa ng Diyos ang pagkain para magpalusog sa ating katawan, at gusto ko na puro masusustansiya ang pumasok sa katawan ko!”—Jill, Estados Unidos.
“Nagdya-jogging ako nang tatlong beses sa isang linggo, at nagbibisikleta ako o naglalakad nang dalawang beses sa isang linggo. Kapag nag-eehersisyo ako, mas sumisigla ako at nawawala ang stress ko.”—Grace, Australia.
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kalusugan, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
-
-
Magkaroon ng GoalGumising!—2012 | Oktubre
-
-
Magkaroon ng Goal
Ang pag-aaral ay nagiging mas makabuluhan—at mas nakaka-enjoy—kapag alam mo ang mapapakinabang mo rito.
ANG pag-aaral sa iskul nang walang goal ay parang pagtakbo sa isang takbuhang walang finish line. Ang sabi ng Bibliya: “Alamin mo kung saan ka pupunta.” (Kawikaan 4:26, Contemporary English Version) Kung may goal ka, tutulong ito sa iyo na makapagpokus at mas madaling makapag-adjust kapag nagtrabaho ka na. Paano ka magse-set ng goal?
Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ba ang plano kong maging hanapbuhay?’ Huwag ipagpaliban ang pagsagot sa tanong na iyan. Sa halip, magplano nang maaga. Bakit? Isipin ito: Kung magbibiyahe ka, kailangan mo munang pagpasiyahan kung saan ka pupunta. Pagkatapos, titingin ka sa mapa at aalamin ang pinakamagandang ruta papunta roon. Parang ganiyan din sa pag-aaral. Pag-isipan kung anong trabaho ang gusto mo, saka pumili ng kurso na tutulong sa iyo na makuha iyon.
Babala: Ang gusto lang trabaho ng maraming kabataan ay yaong hilig nila—halimbawa, maging propesyonal na musician—dahil iniisip nilang boring ang ibang trabaho. Ano ba ang mga dapat mong isaalang-alang?
Tingnan ang mga kakayahan mo. Halimbawa, nag-e-enjoy ka bang tumulong sa iba? Magaling ka ba sa pagmemekaniko? sa pagkukuwenta? sa pagbabadyet? sa pagre-repair?
Pag-isipan ang mga opsyon mo. Anu-anong trabaho ang akma sa mga kakayahan mo? Ipakipag-usap sa iba ang mapagpipilian mo sa halip na magpokus lang sa “pangarap” mong trabaho. At maging praktikal. Halimbawa, ang gusto mo bang trabaho ay makukuha rin sa ibang lugar, sakaling lumipat ka ng bahay? Magkakautang ka ba ng malaki dahil sa kukunin mong training?
Alamin ang mga oportunidad na bukás sa iyo. Kapag alam mo na kung anong trabaho ang gusto mo, tingnan kung mayroon nito sa inyong lugar. May alam ka bang mga mapapasukan? Kung mayroon, tumatanggap ba sila ng trainee? May mga vocational training bang ibinibigay sa inyong lugar?
Tip: Magtanong sa iyong mga magulang, titser, at mga kaibigang adulto. Tumingin sa diyaryo o sa Internet.
Mahalagang tandaan: Kung may goal ka, magkakaroon ng direksiyon at layunin ang pag-aaral mo sa iskul.
Simulan mo na ngayon! Pag-isipan mo na ngayon, habang nag-aaral ka pa, ang tatlong puntong nabanggit. Isulat ang mga goal mo, at ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang.
-