Santiago
4 Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga pag-aaway sa gitna ninyo? Hindi ba ang mga iyon ay nagmumula rito,+ samakatuwid nga, mula sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman na nakikipagbaka sa inyong mga sangkap?+ 2 Kayo ay nagnanasa, gayunma’y hindi kayo nagkakaroon. Patuloy kayong pumapaslang+ at nag-iimbot,+ gayunma’y hindi kayo makapagtamo. Patuloy kayong nakikipag-away+ at nakikipagdigma. Hindi kayo nagkakaroon dahil sa hindi kayo humihingi. 3 Kayo nga ay humihingi, gayunma’y wala kayong tinatanggap, sapagkat humihingi kayo ukol sa maling layunin,+ upang gugulin ninyo ito sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman.+
4 Mga mangangalunya,+ hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos?+ Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan+ ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.+ 5 O inaakala ba ninyo na ang kasulatan ay nagsasabi nang walang layunin: “Dahil sa hilig na mainggit kung kaya ang espiritu+ na nanahanan sa atin ay patuloy na nananabik”? 6 Gayunman, ang di-sana-nararapat na kabaitan na kaniyang ibinibigay ay mas dakila.+ Kaya sinasabi nito: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo,+ ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.”+
7 Kaya nga, magpasakop kayo+ sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo,+ at tatakas siya mula sa inyo.+ 8 Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.+ Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan,+ at dalisayin ninyo ang inyong mga puso,+ ninyong mga di-makapagpasiya.+ 9 Magbigay-daan kayo sa kahapisan at magdalamhati at tumangis.+ Palitan ninyo ng pagdadalamhati ang inyong pagtawa, at ng kalumbayan ang inyong kagalakan.+ 10 Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova,+ at itataas niya kayo.+
11 Tigilan ninyo ang pagsasalita nang laban sa isa’t isa, mga kapatid.+ Siya na nagsasalita nang laban sa isang kapatid o humahatol+ sa kaniyang kapatid ay nagsasalita nang laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Ngayon kung hinahatulan mo ang kautusan, ikaw ay hindi isang tagatupad ng kautusan kundi isang hukom.+ 12 May Isa na tagapagbigay-kautusan at hukom,+ siya na may kakayahang magligtas at pumuksa.+ Ngunit ikaw, sino ka para humatol sa iyong kapuwa?+
13 Halikayo ngayon, kayo na nagsasabi: “Ngayon o bukas ay maglalakbay kami patungo sa lunsod na ito at gugugol ng isang taon doon, at kami ay makikipagkalakalan at magtutubo,”+ 14 samantalang hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.+ Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay naglalaho.+ 15 Sa halip, ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ni Jehova,+ mabubuhay kami at gagawin din ito o iyon.”+ 16 Ngunit ngayon ay ipinagmamapuri ninyo ang inyong pangahas na mga pagyayabang.+ Ang lahat ng gayong pagmamapuri ay balakyot. 17 Kaya nga, kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa,+ ito ay kasalanan+ sa kaniya.