Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Eclesiastes 1:1-12:14
  • Eclesiastes

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Eclesiastes
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Eclesiastes

ECLESIASTES

1 Ang mga salita ng tagapagtipon,+ na anak ni David, ang hari sa Jerusalem.+

 2 “Talagang walang kabuluhan!” ang sabi ng tagapagtipon,

“Talagang walang kabuluhan! Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan!”+

 3 Ano ang pakinabang ng isang tao sa lahat ng pagsisikap niya,

Sa pagpapakapagod niya sa ilalim ng araw?*+

 4 Isang henerasyon ang lumilipas, at isang henerasyon ang dumarating,

Pero ang lupa ay mananatili* magpakailanman.+

 5 Ang araw ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog;

Pagkatapos, nagmamadali itong bumalik* sa lugar kung saan ito sisikat muli.+

 6 Ang hangin ay pumupunta sa timog at umiikot pabalik sa hilaga;

Paulit-ulit itong umiikot; paulit-ulit na lumilibot ang hangin.

 7 Ang lahat ng ilog* ay dumadaloy papunta sa dagat, pero hindi napupuno ang dagat.+

Bumabalik ang mga ilog sa pinagmulan nito para dumaloy ulit.+

 8 Ang lahat ng bagay ay nakakapagod;

Hindi ito kayang ipaliwanag ng sinuman.

Ang mata ay hindi nasisiyahan sa nakikita nito;

Ang tainga ay hindi rin nasisiyahan sa naririnig nito.

 9 Ang nangyari na ay mangyayari ulit,

At ang nagawa na ay gagawin ulit;

Walang anumang bago sa ilalim ng araw.+

10 Masasabi ba ng isang tao tungkol sa anumang bagay, “Tingnan mo—bago ito”?

Matagal nang umiiral iyon;

Umiiral na iyon bago pa ang panahon natin.

11 Walang nakakaalaala sa mga taong nabuhay noon;

Wala ring makakaalaala sa mga taong mabubuhay sa hinaharap;

At hindi rin sila maaalaala ng mga darating pa.+

12 Ako, ang tagapagtipon, ay hari ng Israel sa Jerusalem.+ 13 Gamit ang aking karunungan, pinagsikapan kong pag-aralan at saliksikin+ ang lahat ng bagay na nagawa na sa ibabaw ng lupa*+—ang miserableng gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao para pagkaabalahan nila.

14 Nakita ko ang lahat ng ginawa sa ilalim ng araw;

Nakita kong ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.+

15 Ang baluktot ay hindi maitutuwid,

At ang wala ay hindi puwedeng bilangin.

16 At sinabi ko sa sarili* ko: “Nagkaroon ako ng napakalawak na karunungan, higit kaysa sa sinumang nauna sa akin sa Jerusalem,+ at ang aking puso ay napuno ng napakaraming karunungan at kaalaman.”+ 17 Pinagsikapan kong makakuha ng karunungan at maunawaan ang kabaliwan* at kahibangan,+ at ito rin ay paghahabol sa hangin.

18 Dahil ang maraming karunungan ay nagdudulot ng maraming kapighatian,

Kaya ang nagpaparami ng kaalaman ay nagpaparami rin ng problema.+

2 At sinabi ko sa sarili* ko: “Susubukan kong magsaya, at titingnan ko kung may mangyayaring maganda.” Pero iyon din ay walang kabuluhan.

 2 Sinabi ko tungkol sa pagtawa, “Kabaliwan iyon!”

At tungkol sa kasayahan, “Ano ang pakinabang nito?”

3 Sinubukan kong alamin kung anong mabuti ang idudulot ng pagpapakasasa sa alak+ nang hindi ako nawawala sa katinuan; nagpakamangmang din ako para malaman kung ano ang pinakamabuting gawin ng mga tao sa maikling buhay nila sa ibabaw ng lupa.* 4 Gumawa ako ng malalaking proyekto.+ Nagtayo ako ng maraming bahay para sa sarili ko;+ gumawa ako ng mga ubasan para sa sarili ko.+ 5 Gumawa ako ng mga hardin at parke para sa sarili ko, at tinamnan ko ang mga iyon ng iba’t ibang klase ng punong namumunga. 6 Gumawa ako ng mga imbakan ng tubig para sa sarili ko para madiligan ang taniman* ng lumalagong mga puno. 7 Nagkaroon ako ng mga aliping lalaki at babae,+ at may mga alipin ako na sa sambahayan ko na ipinanganak.* Nagkaroon din ako ng napakaraming alagang hayop—mga baka, tupa, at kambing+—mas marami kaysa sa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem. 8 Nagtipon ako ng pilak at ginto para sa sarili ko,+ ang mga kayamanan ng mga hari at ng* mga nasasakupan nilang distrito.+ Nagtipon ako ng mga lalaki at babaeng mang-aawit para sa sarili ko, pati na ng nagpapasaya nang husto sa mga anak na lalaki ng tao—babae, oo, maraming babae. 9 Kaya naging dakila ako at nahigitan ko ang lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem.+ At nanatili akong marunong.

10 Hindi ko ipinagkait sa sarili ko ang anumang gustuhin ko.*+ Ginawa ko ang lahat ng magpapasaya sa akin. At talagang nasiyahan ang puso ko dahil sa lahat ng pagsisikap ko, at ito ang gantimpala* ko para sa lahat ng pinaghirapan ko.+ 11 Pero nang pag-isipan ko ang lahat ng ginawa ko at lahat ng pinaghirapan ko,+ nakita kong ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin;+ walang anumang bagay na may tunay na halaga* sa ilalim ng araw.+

12 At binigyang-pansin ko ang karunungan at ang kabaliwan at ang kahibangan.+ (Dahil ano ang magagawa ng tao na susunod sa hari? Kung ano lang din ang nagawa na.) 13 At nakita kong mas kapaki-pakinabang ang karunungan kaysa sa kahibangan,+ kung paanong mas kapaki-pakinabang ang liwanag kaysa sa kadiliman.

14 Bukás* ang mga mata ng marunong;+ pero ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman.+ Nakita ko rin na iisa lang ang kahihinatnan nila.+ 15 At sinabi ko sa sarili* ko: “Mangyayari din sa akin ang nangyayari sa mangmang.”+ Ano ngayon ang nakuha ko sa pagpapakarunong? Kaya sinabi ko sa sarili ko: “Wala rin itong kabuluhan.” 16 Dahil hindi maaalaala magpakailanman ang marunong o ang mangmang.+ Balang-araw, ang lahat ay malilimutan. At paano ba mamamatay ang marunong? Katulad din ng mangmang.+

17 Kaya kinamuhian ko ang buhay,+ dahil ang lahat ng ginagawa sa ilalim ng araw ay nakakadismaya sa akin, dahil ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan,+ paghahabol lang sa hangin.+ 18 Kinamuhian ko ang lahat ng pinaghirapan ko sa ilalim ng araw,+ dahil maiiwan ko lang din ito sa kasunod ko.+ 19 At sino ang nakaaalam kung magiging marunong siya o mangmang?+ Pero siya ang mamamahala sa lahat ng bagay na pinagbuhusan ko ng lakas at karunungan sa ilalim ng araw. Wala rin itong kabuluhan. 20 Kaya ikinalungkot ng puso ko ang lahat ng pinagpaguran ko sa ilalim ng araw. 21 Dahil kahit magpakahirap ang isang taong may karunungan, kaalaman, at kakayahan, ibibigay rin niya ang pinaghirapan niya* sa taong hindi nagpagod para dito.+ Ito rin ay walang kabuluhan at malaking kabiguan.*

22 Ano ba talaga ang nakukuha ng isang tao sa lahat ng pagsisikap niya at sa ambisyon na nagtutulak sa kaniya* na magtrabaho nang husto sa ilalim ng araw?+ 23 Dahil sa buong buhay niya, kirot at pagkadismaya ang dulot ng trabaho niya,+ at kahit sa gabi, hindi pa rin nagpapahinga ang isip* niya.+ Ito rin ay walang kabuluhan.

24 Wala nang mas mabuti para sa tao kundi ang kumain, uminom, at masiyahan* sa pinaghirapan niya.+ Nakita ko na ito rin ay mula sa kamay ng tunay na Diyos,+ 25 dahil sino ang nakakakain at nakaiinom ng mas masarap kaysa sa akin?+

26 Ang taong kalugod-lugod sa kaniya ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman, at kasayahan,+ pero ang makasalanan ay ginagawa niyang abala sa pagtitipon ng mga bagay na ibibigay lang nito sa taong kalugod-lugod sa tunay na Diyos.+ Ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.

3 May takdang panahon para sa lahat ng bagay,

Isang panahon para sa bawat gawain sa ibabaw ng lupa:*

 2 Panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan;

Panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot sa itinanim;

 3 Panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;

Panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo;

 4 Panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa;

Panahon ng paghagulgol at panahon ng pagsasayaw;*

 5 Panahon ng paghahagis ng mga bato at panahon ng pagtitipon ng mga bato;

Panahon ng pagyakap at panahon ng pag-iwas sa pagyakap;

 6 Panahon ng paghanap at panahon ng pagtanggap sa pagkawala;

Panahon ng pag-iingat at panahon ng pagtatapon;

 7 Panahon ng pagpunit+ at panahon ng pananahi;

Panahon ng pagtahimik+ at panahon ng pagsasalita;+

 8 Panahon para umibig at panahon para mapoot;+

Panahon para sa digmaan at panahon para sa kapayapaan.

9 Ano ang pakinabang ng manggagawa sa lahat ng pagsisikap niya?+ 10 Nakita ko ang gawaing ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao para maging abala sila. 11 Ginawa niyang maganda* ang lahat ng bagay sa tamang panahon nito.+ Inilagay pa nga niya sa puso nila ang magpakailanman; pero hinding-hindi mauunawaan ng sangkatauhan ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos mula pasimula hanggang wakas.

12 Nakita ko na wala nang mas mabuti para sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay sila,+ 13 at na ang bawat isa ay dapat kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng pinaghirapan niya. Regalo iyan ng Diyos.+

14 Nalaman ko na ang lahat ng ginawa ng tunay na Diyos ay tatagal magpakailanman. Wala nang kailangang idagdag o ibawas dito. Ginawa ito ng tunay na Diyos sa ganitong paraan para matakot sa kaniya ang mga tao.+

15 Lahat ng nangyayari ay nangyari na noon, at lahat ng darating ay noon pa naririto;+ pero hinahanap ng tunay na Diyos kung ano ang sinisikap na makamit.*

16 Nakita ko rin ito sa ilalim ng araw: Kung saan dapat may katarungan ay may kasamaan, at kung saan dapat may katuwiran ay may kasamaan.+ 17 Kaya sinabi ko sa sarili* ko: “Parehong hahatulan ng tunay na Diyos ang matuwid at ang masama,+ dahil may panahon para sa bawat gawain at bawat pagkilos.”

18 Sinabi ko rin sa sarili* ko na susubukin ng tunay na Diyos ang mga anak ng tao at ipapakita sa kanila na gaya sila ng mga hayop, 19 dahil ang mangyayari sa hayop ay mangyayari din sa tao; pareho sila ng kahihinatnan.+ Kung paanong namamatay ang hayop, namamatay rin ang tao; at lahat sila ay may iisang puwersa ng buhay.*+ Kaya ang tao ay walang kahigitan sa hayop, dahil ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan. 20 Iisa lang ang kapupuntahan ng lahat.+ Lahat sila ay galing sa alabok,+ at lahat sila ay babalik sa alabok.+ 21 Sino ang talagang nakaaalam kung ang puwersa ng buhay* ng tao ay pumapaitaas at kung ang puwersa ng buhay* ng hayop ay bumababa sa lupa?+ 22 At nakita ko na wala nang mas mabuti para sa tao kundi ang masiyahan sa ginawa niya,+ dahil iyon ang gantimpala* niya; dahil sino ang makapagpapakita sa kaniya ng mangyayari kapag wala na siya?+

4 Binigyang-pansin ko ulit ang lahat ng pagpapahirap na patuloy na nangyayari sa ilalim ng araw. Nakita ko ang mga luha ng mga pinahihirapan, at walang dumadamay sa kanila.+ May kapangyarihan ang mga nagpapahirap sa kanila, at walang dumadamay sa kanila. 2 At naisip kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buháy.+ 3 Pero mas mabuti pa ang sitwasyon ng mga hindi pa naisisilang,+ dahil hindi pa nila nakikita ang kasamaang nangyayari sa ilalim ng araw.+

4 At nakita ko na talagang nagpapakapagod at nagpapakahusay sa trabaho ang mga tao dahil sa pakikipagkompetensiya;+ ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.

5 Ang mangmang ay naghahalukipkip habang unti-unti siyang naaagnas.*+

6 Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.+

7 Binigyang-pansin ko ang isa pang walang-kabuluhang bagay sa ilalim ng araw: 8 May isang taong nag-iisa, walang sinumang kasama; wala siyang anak o kapatid, pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho. Hindi nakokontento sa kayamanan ang mga mata niya.+ Pero naitatanong ba niya sa sarili, ‘Para kanino ako nagpapakahirap, at bakit ko pinagkakaitan ng mabubuting bagay ang sarili ko’?+ Ito rin ay walang kabuluhan at pagpapakapagod lang.+

9 Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa+ dahil may mabuting gantimpala* ang pagsisikap nila. 10 Dahil kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon siya ng kasama niya. Pero ano ang mangyayari sa isang nabuwal kung walang tutulong sa kaniya na bumangon?

11 At kung magkasamang hihiga ang dalawang tao, hindi sila giginawin, pero paano ang taong nag-iisa? 12 Isa pa, ang taong nag-iisa ay puwedeng matalo. Pero kung dalawa sila, kaya nilang lumaban. At ang panaling gawa sa tatlong hibla ay hindi madaling mapatid.

13 Mas mabuti ang batang mahirap pero marunong kaysa sa haring matanda na pero mangmang+ at hindi na nakikinig* sa babala.+ 14 Dahil lumabas siya* sa bilangguan para maging hari,+ kahit na ipinanganak siyang mahirap noong naghahari ang isang iyon.+ 15 Nakita ko kung ano ang nangyayari sa lahat ng buháy na lumalakad sa ilalim ng araw, pati na sa batang papalit sa hari. 16 Kahit di-mabilang ang mga tagasuporta niya, sa bandang huli ay hindi na makokontento sa kaniya ang mga tao.+ Ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.

5 Bantayan mo ang iyong lakad kapag pumupunta ka sa bahay ng tunay na Diyos;+ mas mabuting lumapit para makinig+ sa halip na maghandog gaya ng ginagawa ng mga mangmang,+ dahil hindi nila alam na masama ang ginagawa nila.

2 Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita, at huwag mong hayaang magsalita nang padalos-dalos ang puso mo sa harap ng tunay na Diyos,+ dahil ang tunay na Diyos ay nasa langit pero ikaw ay nasa lupa. Kaya dapat mong piliing mabuti ang mga salita mo.+ 3 Dahil ang panaginip ay epekto ng sobrang daming álalahanín,*+ at ang kadaldalan ng mangmang ay epekto ng sobrang daming salita.+ 4 Kapag nanata ka sa Diyos, huwag mong ipagpaliban ang pagtupad dito,+ dahil hindi siya nalulugod sa mga mangmang.+ Tuparin mo ang ipinanata mo.+ 5 Mas mabuti pang hindi ka manata kaysa manata ka at hindi tumupad.+ 6 Huwag mong hayaang magkasala ka* dahil sa bibig mo,+ at huwag mong sabihin sa harap ng anghel* na nagkamali ka lang.+ Bakit mo gagalitin ang tunay na Diyos dahil sa sinabi mo at dahil diyan ay sisirain niya ang gawa ng mga kamay mo?+ 7 Dahil kung paanong ang maraming álalahanín* ay nagbubunga ng mga panaginip,+ ang maraming salita ay nagbubunga ng kawalang-kabuluhan. Pero matakot ka sa tunay na Diyos.+

8 Kung nakita mong inaapi ang dukha at binabale-wala ang hustisya at katuwiran sa inyong distrito, huwag mong ikagulat iyon.+ Dahil ang mataas na opisyal ay binabantayan ng isang nakatataas sa kaniya, at mayroon pang mga mas nakatataas sa kanila.

9 Gayundin, pinaghahatian nilang lahat ang pakinabang mula sa lupa; kahit ang hari ay umaasa sa bunga ng lupa.+

10 Ang maibigin sa pilak ay hindi makokontento sa pilak, at ang maibigin sa kayamanan ay hindi makokontento sa kita.+ Ito rin ay walang kabuluhan.+

11 Kapag dumarami ang mabubuting bagay, dumarami rin ang nakikihati sa mga iyon.+ At ang pakinabang lang dito ng may-ari ay ang makita ang mga iyon.+

12 Masarap ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kinakain niya, pero ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.

13 May nakita akong malaking kabiguan* sa ilalim ng araw: ang kayamanang inimpok ng isang tao na magpapahamak sa kaniya. 14 Nawala ang kayamanang iyon dahil sa di-nagtagumpay na hanapbuhay, at nang magkaanak siya, wala na siyang natirang pag-aari.+

15 Kung paanong hubad ang isang tao nang lumabas sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din siya kapag namatay.+ Wala siyang madadalang anuman sa mga pinagpaguran niya.+

16 Ito rin ay malaking kabiguan:* Kung paano siya dumating, gayon siya aalis; at ano ang pakinabang ng taong patuloy na nagpapakapagod para lang sa hangin?+ 17 Araw-araw din siyang kumakain sa kadiliman, na punong-puno ng sama ng loob, sakit, at galit.+

18 Ito ang nakita kong mabuti at tama: na ang tao ay kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng pinaghirapan niya+ sa ilalim ng araw sa maikling buhay na ibinigay sa kaniya ng tunay na Diyos, dahil iyon ang gantimpala* niya.+ 19 At kapag ang isang tao ay binigyan ng tunay na Diyos ng kayamanan at mga ari-arian,+ pati ng kakayahang masiyahan sa mga iyon, dapat niyang tanggapin ang gantimpala* niya at magsaya sa pinaghirapan niya. Regalo ito ng Diyos.+ 20 At halos hindi niya mapapansin* ang paglipas ng mga araw ng buhay niya, dahil ginagawa siyang abala ng tunay na Diyos sa mga bagay na nagpapasaya sa puso.+

6 May nakita akong isa pang kabiguan* sa ilalim ng araw, at karaniwan iyon sa mga tao: 2 Binibigyan ng tunay na Diyos ng kayamanan, mga pag-aari, at karangalan ang isang tao, kaya wala na siyang hahanapin pa; pero hindi siya hinahayaan ng tunay na Diyos na masiyahan sa mga iyon, samantalang ang mga estranghero ang nasisiyahan doon. Ito ay walang kabuluhan at matinding pagpapahirap. 3 Kung ang isang lalaki ay magkaanak nang sandaang beses at mabuhay nang maraming taon at tumanda, pero hindi siya nasiyahan sa mabubuting bagay na mayroon siya bago siya napunta sa libingan,* masasabi ko na mas mabuti pa sa kaniya ang isang sanggol na ipinanganak na patay.+ 4 Walang kabuluhan ang pagdating ng sanggol na ito, at naglalaho ito sa kadiliman, at natatakpan ng kadiliman ang pangalan nito. 5 Kahit hindi nito nakita ang araw at wala itong nalaman, mas mabuti* pa rin ito kaysa sa unang nabanggit.+ 6 Ano ang pakinabang na mabuhay nang sanlibong taon, kahit dalawang libong taon pa, pero hindi naman nasisiyahan? Hindi ba sa iisang lugar lang napupunta ang lahat?+

7 Nagpapakapagod ang tao para makakain;+ pero hindi siya nabubusog. 8 Dahil ano ang kahigitan ng marunong sa mangmang,+ o ano ang kabutihan kung alam ng isang mahirap kung paano makaraos?* 9 Mas mabuting masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa hangarin ang mga bagay na hindi naman makukuha. Ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.

10 Ang lahat ng bagay na umiiral ay napangalanan na noon, at naisiwalat na kung ano talaga ang tao; hindi niya kayang makipagtalo* sa isa na mas makapangyarihan sa kaniya. 11 Kapag mas maraming salita,* mas nagiging wala itong saysay; at ano ang pakinabang nito sa tao? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang pinakamagandang gawin ng isang tao sa maikli at walang-kabuluhang buhay niya, na parang anino lang?+ Dahil sino ang makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari sa ilalim ng araw kapag wala na siya?

7 Ang magandang pangalan* ay mas mabuti kaysa sa mamahaling langis,+ at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. 2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa sa bahay na may handaan,+ dahil iyon ang wakas ng lahat ng tao, at dapat itong isapuso ng mga buháy. 3 Mas mabuti ang paghihirap ng kalooban kaysa sa pagtawa,+ dahil ang malungkot na mukha ay nakakabuti sa puso.+ 4 Ang puso ng marurunong ay nasa bahay ng namatayan, pero ang puso ng mga mangmang ay nasa bahay na may kasayahan.*+

5 Mas mabuting makinig sa saway ng marunong+ kaysa makinig sa awit ng mga mangmang. 6 Dahil ang tawa ng mangmang ay gaya ng lagitik ng nasusunog na mga tinik sa ilalim ng palayok;+ ito rin ay walang kabuluhan. 7 Pero puwedeng mabaliw ang marunong dahil sa pang-aapi, at ang suhol ay nakapagpapasama sa puso.+

8 Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito. Mas mabuting maging matiisin kaysa maging mapagmataas.*+ 9 Huwag kang maghinanakit agad,*+ dahil mangmang ang nag-iipon ng hinanakit sa dibdib niya.*+

10 Huwag mong sabihin, “Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?” dahil hindi katalinuhang itanong ito.+

11 Ang karunungan na may kasamang mana ay mabuting bagay, at kapaki-pakinabang ito sa mga nakakakita ng liwanag ng umaga.* 12 Dahil ang karunungan ay proteksiyon+ kung paanong ang pera ay proteksiyon,+ pero ito ang kahigitan ng kaalaman: Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.+

13 Bigyang-pansin mo ang gawa ng tunay na Diyos, dahil sino ang makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?+ 14 Sa isang araw na punô ng kabutihan,+ ipakita mo sa iba ang kabutihang ito, pero sa isang araw na punô ng problema,* isipin mo na parehong ginawa ng Diyos ang mga araw na ito,+ para hindi matiyak* ng mga tao kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap.+

15 Sa buhay kong ito na walang kabuluhan,+ nakita ko na ang lahat ng bagay—may matuwid na maagang namamatay kahit matuwid siya+ at may masama na nabubuhay nang matagal sa kabila ng kasamaan niya.+

16 Huwag kang maging sobrang matuwid+ o mag-astang napakatalino.+ Bakit mo ipapahamak ang sarili mo?+ 17 Huwag kang magpakasama o maging mangmang.+ Bakit kailangan mong mamatay nang maaga?+ 18 Mas mabuting pakinggan ang* isang babala nang hindi kinalilimutan* ang isa pa;+ dahil pareho itong pinakikinggan ng may takot sa Diyos.

19 Dahil sa karunungan, ang isang matalinong tao ay nagiging mas malakas kaysa sa 10 malalakas na lalaki sa isang lunsod.+ 20 Dahil walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa at hindi nagkakasala.+

21 Huwag mo ring dibdibin ang lahat ng sinasabi ng mga tao,+ para hindi mo marinig na isinusumpa ka ng lingkod mo; 22 dahil alam na alam mong* isinumpa mo rin nang maraming beses ang ibang tao.+

23 Gamit ang karunungan ko, pinag-isipan ko ang lahat ng ito at sinabi: “Magiging mas marunong pa ako.” Pero hindi ko naabot ang karunungang hinahanap ko. 24 Ang anumang naganap na ay hindi maabot ng isip at napakalalim. Sino ang makauunawa nito?+ 25 Itinuon ko ang puso ko na alamin, saliksikin, at hanapin ang karunungan at ang dahilan ng mga bagay-bagay, at unawain ang kasamaan ng kamangmangan at ang kahangalan ng kabaliwan.+ 26 At natuklasan ko ito: Mas malala pa sa kamatayan ang babaeng gaya ng lambat ng mangangaso, na ang puso ay gaya ng lambat ng mangingisda at ang mga kamay ay gaya ng mga tanikala sa bilangguan. Ang nagpapasaya sa tunay na Diyos ay tatakas sa kaniya,+ pero ang makasalanan ay mahuhuli niya.+

27 “At ito ang nakita ko,” ang sabi ng tagapagtipon.+ “Sinuri kong mabuti ang bawat bagay para makabuo ng konklusyon, 28 pero hindi ko nakita ang hinahanap ko noon pa. Sa isang libong tao, may nakita akong isang matuwid na lalaki, pero wala kahit isang matuwid na babae. 29 Ito lang ang nakita ko: Ginawa ng tunay na Diyos na matuwid ang mga tao,+ pero sarili nilang mga plano ang sinusunod nila.”+

8 Sino ang gaya ng taong marunong? Sino ang nakaaalam ng solusyon sa problema?* Dahil sa karunungan, makikita ang saya sa mukha ng isang tao at umaaliwalas ang masungit niyang mukha.

2 Sinasabi ko: “Sundin mo ang mga utos ng hari+ dahil nanata ka sa harap ng Diyos.+ 3 Huwag kang magmadaling umalis sa harap niya.+ Huwag kang pumanig sa anumang mali;+ dahil magagawa niya anuman ang gusto niya, 4 dahil walang puwedeng tumutol sa salita ng hari;+ sino ang makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginagawa mo?’”

5 Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak,+ at alam ng marunong* ang tamang panahon at pamamaraan.*+ 6 May panahon at pamamaraan* para sa bawat bagay,+ dahil napakarami ng problema ng mga tao. 7 Walang nakaaalam kung ano ang mangyayari, kaya sino ang makapagsasabi sa kaniya kung paano iyon mangyayari?

8 Kung paanong hindi nakokontrol at napipigilan ng tao ang kaniyang hininga ng buhay,* hindi rin niya kayang hadlangan ang araw ng kamatayan niya.+ Kung paanong walang pinauuwi kapag may digmaan, hindi rin pinatatakas ng kasamaan ang mga gumagawa nito.*

9 Nakita ko ang lahat ng ito, at itinuon ko ang pansin ko sa bawat bagay na ginawa sa ilalim ng araw, sa panahong ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala* nito.+ 10 At nakita kong inililibing ang masasama, ang mga pumapasok at lumalabas sa banal na lugar, pero nalilimutan sila agad sa lunsod kung saan sila gumawa ng masama.+ Ito rin ay walang kabuluhan.

11 Dahil hindi agad inilalapat ang parusa para sa masamang ginawa,+ lumalakas ang loob ng mga tao na gumawa ng masama.+ 12 Bagaman maaaring sandaang beses gumawa ng masama ang isang makasalanan at mabuhay pa rin nang mahaba, alam kong mapapabuti ang mga natatakot sa tunay na Diyos, dahil may takot sila sa kaniya.+ 13 Pero hindi mapapabuti ang masama+ at hindi rin niya mapahahaba ang kaniyang buhay, na gaya lang ng isang anino,+ dahil wala siyang takot sa Diyos.

14 May kawalang-kabuluhan* na nangyayari sa lupa: May mga matuwid na pinakikitunguhan na parang gumagawa sila ng masama,+ at may masasama na pinakikitunguhan na parang tama ang ginagawa nila.+ Sinasabi kong ito rin ay walang kabuluhan.

15 Kaya inirerekomenda ko ang pagsasaya,+ dahil wala nang mas mabuti para sa tao sa ilalim ng araw kundi ang kumain, uminom, at magsaya; dapat niya itong gawin habang masipag siyang nagtatrabaho sa buong buhay niya,+ na ibinigay sa kaniya ng tunay na Diyos sa ilalim ng araw.

16 Pinagsikapan kong kumuha ng karunungan at makita ang lahat ng pangyayari* sa lupa,+ at hindi pa nga ako natulog araw at gabi.* 17 At pinag-isipan ko ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos, at nakita kong hindi kayang unawain ng mga tao ang nangyayari sa ilalim ng araw.+ Kahit anong pagsisikap ng mga tao, hindi nila ito mauunawaan. Sabihin man nilang may sapat silang karunungan, hindi talaga nila ito mauunawaan.+

9 Kaya isinapuso ko ang lahat ng ito, at naunawaan ko na ang matuwid at ang marunong, pati na ang mga gawa nila, ay nasa kamay ng tunay na Diyos.+ Walang alam ang mga tao tungkol sa ipinakitang pag-ibig o poot ng sinuman bago sila nabuhay. 2 Iisa lang ang kahihinatnan ng lahat,+ ang matuwid at ang masama,+ ang mabuti at ang malinis at ang marumi, ang naghahain at ang hindi naghahain. Ang mabuti ay gaya rin ng makasalanan; ang nananata ay gaya rin ng taong maingat sa pagbibitiw ng panata. 3 Ito ang nakakadismayang pangyayari sa ilalim ng araw: Dahil ang lahat ay may iisang kahihinatnan,+ ang puso ng mga tao ay punô ng kasamaan; at may kabaliwan sa puso nila sa buong buhay nila, at pagkatapos ay namamatay sila!*

4 May pag-asa para sa sinumang nabubuhay, dahil ang buháy na aso ay mas mabuti kaysa sa patay na leon.+ 5 Dahil alam ng mga buháy na mamamatay sila,+ pero walang alam ang mga patay;+ wala na rin silang tatanggaping gantimpala,* dahil lubusan na silang nalimutan.+ 6 Naglaho na rin ang kanilang pag-ibig, poot, at inggit, at wala na silang bahagi sa anumang gawain sa ilalim ng araw.+

7 Kaya kumain ka nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may masayang puso,+ dahil nalulugod na ang tunay na Diyos sa iyong mga gawa.+ 8 Lagi nawang maging puti ang iyong damit,* at lagi kang maglagay ng langis sa iyong ulo.+ 9 Masiyahan ka sa iyong buhay kasama ng minamahal mong asawa,+ sa lahat ng araw ng iyong maikling* buhay, na ibinigay Niya sa iyo sa ilalim ng araw, sa lahat ng iyong walang-kabuluhang araw, dahil iyan ang gantimpala* mo sa buhay at sa iyong pagsisikap, sa pagpapakapagod mo sa ilalim ng araw.+ 10 Anuman ang puwede mong gawin, gawin mo nang buong makakaya, dahil wala nang gawain, pagpaplano, kaalaman, o karunungan sa Libingan,*+ kung saan ka pupunta.

11 Mayroon pa akong nakita sa ilalim ng araw: Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan, hindi laging ang malakas ang nananalo sa labanan,+ hindi laging ang marunong ang may nakakain, hindi laging ang matalino ang nagiging mayaman,+ at hindi laging ang may kaalaman ang nagtatagumpay,+ dahil lahat sila ay naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari. 12 Dahil hindi alam ng tao kung kailan siya mamamatay.*+ Kung paanong ang mga isda ay nahuhuli ng nakamamatay na lambat at ang mga ibon ay nahuhuli sa bitag, ang mga anak ng tao ay nabibitag ng kapahamakan, na bigla na lang dumarating.

13 Ito pa ang isa kong naobserbahan tungkol sa karunungan sa ilalim ng araw—at napahanga ako nito: 14 May isang maliit na lunsod na kaunti lang ang mga lalaki; sinalakay iyon ng isang makapangyarihang hari, at nagtayo siya ng matibay na harang sa palibot nito. 15 Doon ay may isang mahirap pero marunong na lalaki, at nailigtas niya ang lunsod dahil sa karunungan niya. Pero wala nang nakaalaala sa mahirap na taong iyon.+ 16 At sinabi ko sa sarili ko: ‘Ang karunungan ay nakahihigit sa lakas;+ pero ang karunungan ng isang mahirap ay hinahamak, at hindi pinakikinggan ang mga salita niya.’+

17 Mas mabuting pakinggan ang mahinahong pananalita ng marunong kaysa ang mga sigaw ng isang namamahala sa mga mangmang.

18 Ang karunungan ay nakahihigit sa mga sandata, pero kayang sirain ng isang makasalanan ang napakaraming mabubuting bagay.+

10 Kung paanong bumabaho at bumubula ang mabangong langis dahil sa patay na mga langaw, nasisira ang reputasyon ng taong marunong at marangal dahil sa kaunting kamangmangan.+

2 Ang marunong ay inaakay ng puso niya sa tamang landas, pero ang mangmang ay inaakay ng puso niya sa maling landas.*+ 3 Saanmang landas lumakad ang mangmang, lagi siyang kulang sa unawa,*+ at ipinaaalam niya sa lahat na mangmang siya.+

4 Kung sumiklab ang galit* ng isang tagapamahala dahil sa iyo, huwag kang umalis sa puwesto mo,+ dahil ang kahinahunan ay nakapipigil sa malalaking kasalanan.+

5 May nakita akong nakakadismayang bagay sa ilalim ng araw, ang pagkakamaling nagagawa ng mga nasa kapangyarihan:+ 6 Maraming mangmang ang nabibigyan ng mataas na posisyon, pero ang mga may kakayahan* ay nananatili sa mababang puwesto.

7 May nakikita akong mga lingkod na nakakabayo samantalang naglalakad lang ang mga prinsipe na parang mga lingkod.+

8 Ang gumagawa ng hukay ay puwedeng mahulog doon;+ at ang bumubutas sa batong pader ay puwedeng matuklaw ng ahas.

9 Ang tumitibag ng mga bato ay puwedeng masaktan dahil sa mga iyon, at ang nagsisibak ng kahoy ay puwedeng mapahamak dahil dito.*

10 Kapag mapurol ang palakol* at hindi ito hinasa, mas kailangan ng puwersa sa paggamit nito. Pero ang karunungan ay nakatutulong para maging matagumpay ang isa.

11 Kung ang ahas ay manuklaw bago pa ito mapaamo, walang saysay ang kakayahan ng engkantador.*

12 Tumatanggap ng pabor ang marunong dahil sa mga salitang lumalabas sa bibig niya,+ pero ang mga labi ng mangmang ay nagpapahamak sa kaniya.+ 13 Ang mga unang salitang lumalabas sa bibig niya ay kamangmangan,+ at ang mga huling salita ay kabaliwan at nagdudulot ng kapahamakan. 14 Pero tuloy pa rin sa pagsasalita ang mangmang.+

Hindi alam ng tao kung ano ang mangyayari; sino ang makapagsasabi sa kaniya ng mangyayari kapag wala na siya?+

15 Ang pagsisikap ng mangmang ay umuubos sa lakas niya, dahil hindi man lang niya alam kung paano pumunta sa lunsod.

16 Talagang kaawa-awa ang lupain kung isang bata ang hari nito+ at umaga pa lang ay nagkakasayahan na ang mga prinsipe! 17 Maligaya nga ang lupain kung ang hari ay anak ng maharlika at ang mga prinsipe ay kumakain sa tamang panahon para lumakas, hindi para maglasing!+

18 Dahil sa sobrang katamaran ay lumulundo ang biga, at dahil sa mga kamay na walang ginagawa ay tumutulo ang bubong.+

19 Ang tinapay* ay nagbibigay ng kasiyahan,* at ang alak ay nagpapasaya sa buhay;+ pero pera ang sagot sa lahat ng pangangailangan.+

20 Huwag mong sumpain ang hari kahit sa isip lang,*+ at huwag mong sumpain sa iyong silid ang mayaman, dahil puwedeng ibunyag ng ibon* ang sinabi* mo, at puwede itong ulitin ng nilalang na may pakpak.

11 Ihagis mo sa tubig ang iyong tinapay,+ dahil makukuha mo itong muli pagkalipas ng maraming araw.+ 2 Mamahagi ka sa pito o kahit sa walo,+ dahil hindi mo alam kung anong sakuna* ang darating sa lupa.

3 Kapag ang ulap ay punô ng tubig, bubuhos ang ulan sa lupa; at kapag ang puno ay nabuwal patimog o pahilaga, mananatili ito kung saan ito nabuwal.

4 Hindi maghahasik ng binhi ang nakatingin sa hangin, at hindi mag-aani ang nakatingin sa ulap.+

5 Kung paanong hindi mo alam kung paano kumikilos ang espiritu* sa mga buto ng isang sanggol sa* sinapupunan ng nagdadalang-tao,+ hindi mo rin malalaman ang gawa ng tunay na Diyos, na gumagawa ng lahat ng bagay.+

6 Maghasik ka ng binhi sa umaga, at huwag kang magpahinga hanggang gabi;+ dahil hindi mo alam kung alin sa mga ito ang tutubo, kung ang isang ito o ang isa pa, o kung parehong tutubo ang mga ito.

7 Nakakatuwa ang liwanag, at mabuti para sa mga mata na makita ang araw. 8 Dahil kung mabuhay nang mahaba ang isang tao, dapat siyang masiyahan sa bawat araw.+ Pero dapat niyang tandaan na puwedeng maging marami ang mga araw ng paghihirap;* ang lahat ng darating ay walang kabuluhan.+

9 Magsaya ka, binata, habang kabataan ka pa, at masiyahan nawa ang puso mo sa panahon ng iyong kabataan. Sundin mo ang puso mo at pumunta ka kung saan ka akayin ng mga mata mo; pero tandaan mong hahatulan ka ng tunay na Diyos depende* sa mga gagawin mo.+ 10 Kaya alisin mo ang kapaha-pahamak na mga bagay sa puso mo, at ilayo mo sa iyong katawan* ang anumang nakapipinsala, dahil ang panahon ng kabataan at kalakasan ay walang kabuluhan.+

12 Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang habang kabataan ka pa,+ bago dumating ang panahon na punô ng problema*+ at ang mga taon kung kailan sasabihin mo: “Hindi ako masaya sa buhay ko”; 2 bago magdilim ang araw, liwanag, buwan, at mga bituin,+ at bumalik ang ulap pagkatapos ng ulan;* 3 sa panahong nanginginig na ang mga bantay* sa bahay, at hukot na ang malalakas na lalaki, at hindi na naggigiling ang mga babae dahil kaunti na lang sila, at nadidiliman ang mga babaeng nakatanaw sa mga bintana;+ 4 kapag sarado na ang mga pintong nakaharap sa lansangan, kapag humina na ang tunog ng gilingan, kapag nagigising na ang isa dahil lang sa huni ng ibon, at kapag humina na ang awit ng mga babae.+ 5 Gayundin, ang isa ay takot na sa matataas na lugar, at marami siyang ikinakatakot sa lansangan. At ang punong almendras ay namumulaklak na,+ at kinakaladkad ng tipaklong ang sarili niya, at pumutok na ang bunga ng alcaparra,* dahil ang tao ay lumalakad patungo sa tahanang matagal niyang titirhan+ at ang mga tagahagulgol ay lumilibot na sa lansangan;+ 6 bago maalis ang panaling pilak, madurog ang gintong mangkok, mabasag ang banga sa may bukal, at madurog ang gulong ng panalok sa imbakan ng tubig. 7 Pagkatapos, ang alabok ay babalik sa lupa,+ kung saan ito galing, at ang puwersa ng buhay* ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.+

8 “Talagang walang kabuluhan!” ang sabi ng tagapagtipon.+ “Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.”+

9 Bukod sa naging marunong ang tagapagtipon, patuloy niya ring itinuro sa mga tao ang nalalaman niya,+ at nagmuni-muni siya at nagsaliksik na mabuti para makapagtipon ng* maraming kawikaan.+ 10 Sinikap ng tagapagtipon na makahanap ng magagandang salita+ at maisulat nang tumpak ang mga salita ng katotohanan.

11 Ang mga salita ng marurunong ay gaya ng tungkod na panggabay* sa baka,+ at ang mga kasabihang tinipon nila ay gaya ng mga pakong malalim ang pagkakabaon; ang mga ito ay galing sa isang pastol. 12 Pero kung tungkol sa iba pang bagay, binababalaan kita, anak ko: Walang katapusan ang paggawa ng maraming aklat, at nakakapagod ang sobrang pag-uukol ng panahon sa mga iyon.+

13 Pagkatapos kong masabi ang lahat ng ito, ito ang punto: Matakot ka sa tunay na Diyos+ at sundin mo ang mga utos niya,+ dahil ito ang obligasyon ng tao.+ 14 Dahil hahatulan ng tunay na Diyos ang bawat gawa, pati na ang lahat ng nakatago, kung ito ay mabuti o masama.+

Sa aklat na ito ng Bibliya, ang ibig sabihin ng pananalitang “sa ilalim ng araw” ay “sa lupang ito” o “sa mundong ito.”

Lit., “nakatayo.”

O “humihingal ito pabalik.”

O “sapa sa taglamig.”

Lit., “sa silong ng langit.”

Lit., “puso.”

O “sobrang kamangmangan.”

Lit., “puso.”

Lit., “sa silong ng langit.”

O “kagubatan.”

O “at nagkaroon ako ng mga anak sa sambahayan.”

O “mga pag-aaring nauukol sa mga hari at sa.”

Lit., “anumang hilingin ng mga mata ko.”

O “bahagi.”

O “may pakinabang.”

Lit., “Nasa ulo.”

Lit., “puso.”

O “ang lahat.”

O “kapahamakan.”

Lit., “at sa pagpupunyagi ng puso niya.”

Lit., “puso.”

O “at makakita ng mabuti.”

Lit., “sa silong ng langit.”

Lit., “pagtalon; paglukso-lukso.”

O “maayos; angkop.”

O posibleng “kung ano ang wala na.”

Lit., “puso.”

Lit., “puso.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

O “bahagi.”

Lit., “naghahalukipkip at kinakain ang sarili niyang laman.”

O “may mas malaking pakinabang.”

O “at hindi na nakikita ang pangangailangang makinig.”

Malamang na tumutukoy sa batang marunong.

O “pinagkakaabalahan.”

Lit., “ang iyong laman.”

O “mensahero.”

O “pinagkakaabalahan.”

O “kapahamakan.”

O “kapahamakan.”

O “bahagi.”

O “bahagi.”

O “maaalaala.”

O “kapahamakan.”

O “at maging ang libingan ay hindi naging kaniya.”

Lit., “mas may kapahingahan.”

Lit., “lalakad sa harap ng mga buháy?”

O “ipagtanggol ang usapin niya.”

O posibleng “bagay.”

O “Ang magandang reputasyon.” Lit., “Ang pangalan.”

O “bahay ng paglilibang.”

Lit., “mapagmataas ang espiritu.”

Lit., “Huwag magmadali ang iyong espiritu na mainis.”

O posibleng “dahil tanda ng kamangmangan ang pag-iipon ng hinanakit sa dibdib.”

Tumutukoy sa mga buháy.

O “kapahamakan.”

O “malaman.”

O “manghawakan sa.”

O “binibitiwan.”

O “dahil alam mo sa puso mo na.”

O “ng pakahulugan sa isang bagay?”

O “may marunong na puso.”

O “hatol.”

O “hatol.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

O posibleng “ang masasama ay hindi rin maililigtas ng kasamaan nila.”

O “ikapapahamak.”

O “nakakainis.”

O “gawain.”

O posibleng “na ang mga tao ay hindi natutulog sa umaga o sa gabi.”

Lit., “at pagkatapos nito—patungo sa mga patay!”

O “kabayaran.”

Damit na may masayang kulay, hindi damit na para sa pagdadalamhati.

O “walang-kabuluhang.”

O “bahagi.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

Lit., “ang kaniyang panahon.”

Lit., “Ang puso ng marunong ay nasa kanang kamay niya, at ang puso ng mangmang ay nasa kaliwang kamay niya.”

Lit., “kapos ang puso niya.”

Lit., “espiritu; hininga.”

Lit., “ang mayayaman.”

O posibleng “ay dapat maging maingat dito.”

O “kasangkapang bakal.”

O “eksperto sa paggamit ng dila.”

O “pagkain.”

Lit., “ay para sa pagtawa.”

O posibleng “sa higaan mo.”

Lit., “lumilipad na nilalang sa langit.”

Lit., “tinig.”

O “kapahamakan.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Lit., “sa mga buto sa.”

Lit., “kadiliman.”

O “tandaan mong pananagutin ka ng tunay na Diyos.”

Lit., “laman.”

O “ang kapaha-pahamak na mga araw.”

O posibleng “ang ulap na may kasamang ulan.”

O “tagapangalaga.”

Isang bunga na pampagana sa pagkain.

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

O “maiayos ang.”

Isang tungkod na matulis ang dulo na ginagamit para pakilusin ang isang hayop.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share