LIHAM KAY TITO
1 Ako si Pablo, isang alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Kristo, na ang pananampalataya ay kaayon ng pananampalataya ng mga pinili ng Diyos at ng tumpak na kaalaman sa katotohanan, na nauugnay sa makadiyos na debosyon 2 at batay sa pag-asang buhay na walang hanggan+ na matagal nang ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling;+ 3 pero sa itinakda niyang panahon, ipinaalám niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin,+ ayon sa utos ng ating Tagapagligtas, ang Diyos. 4 Sumusulat ako kay Tito,+ isang tunay na anak at kapananampalataya:
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.
5 Iniwan kita sa Creta+ para maayos mo ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, ayon sa tagubilin ko sa iyo: 6 isang lalaki na malaya sa akusasyon,+ asawa ng isang babae, at may nananampalatayang mga anak na hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde.+ 7 Dahil bilang katiwala ng Diyos, ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon, hindi arogante,+ hindi mainitin ang ulo,+ hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim sa pakinabang,+ 8 kundi mapagpatuloy,+ laging gumagawa ng mabuti, may matinong pag-iisip,+ matuwid, tapat,+ may pagpipigil sa sarili,+ 9 at mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo,+ para magawa niyang magpatibay* sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang* na turo+ at sumaway+ sa mga kumokontra dito.
10 Dahil marami ang lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang, lalo na ang mga nanghahawakan sa pagtutuli.+ 11 Kailangang itikom ang bibig ng mga ito, dahil pami-pamilya ang inililihis nila sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro at ginagawa nila ito dahil sakim sila sa pakinabang.+ 12 Isang propeta, na kababayan pa nila, ang nagsabi: “Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad.”
13 Totoo iyan. Kaya maging mahigpit ka sa pagdidisiplina+ sa kanila para maging matibay* ang pananampalataya nila 14 at hindi sila magbigay-pansin sa gawa-gawang mga kuwento+ ng mga Judio at sa utos ng mga tao na lumihis sa katotohanan. 15 Ang lahat ng bagay ay malinis para sa mga taong malinis.+ Pero para sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya, walang anumang malinis, dahil parehong nadumhan ang kanilang isip at konsensiya.*+ 16 Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, pero itinatakwil naman nila siya sa pamamagitan ng mga ginagawa nila,+ dahil kasuklam-suklam sila, masuwayin, at hindi kuwalipikado para sa anumang uri ng mabuting gawa.
2 Gayunman, patuloy kang magsalita ayon sa kapaki-pakinabang na turo.+ 2 Ang matatandang lalaki ay dapat na may kontrol sa kanilang paggawi, seryoso, may matinong pag-iisip, matibay ang pananampalataya, sagana sa pag-ibig, at nagtitiis. 3 Sa katulad na paraan, ang matatandang babae ay dapat gumawi nang kagalang-galang,+ hindi naninirang-puri, hindi naglalasing, at mga guro ng kabutihan, 4 para mapayuhan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa, mahalin ang kanilang mga anak, 5 magkaroon ng matinong pag-iisip, maging malinis, masipag sa gawaing-bahay,+ mabuti, at nagpapasakop sa kanilang asawa,+ nang sa gayon, ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan ng masama.
6 Gayundin, patuloy mong himukin ang mga nakababatang lalaki na magkaroon ng matinong pag-iisip,+ 7 at maging halimbawa ka sa kanila sa paggawa ng mabuti sa lahat ng bagay. Maging tapat* ka at seryoso sa iyong pagtuturo,+ 8 na gumagamit ng angkop na pananalita na hindi mapipintasan ng iba,+ nang sa gayon, mapahiya ang mga kumakalaban at wala silang masabing negatibo* tungkol sa atin.+ 9 Ang mga alipin ay dapat magpasakop sa kanilang mga panginoon* sa lahat ng bagay,+ na sinisikap palugdan ang mga ito at hindi sinasagot nang palaban 10 at hindi ninanakawan,+ kundi ipinapakita nilang talagang mapagkakatiwalaan sila, nang sa gayon, lagi silang magdulot ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.+
11 Dahil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos ay nahayag na at nagliligtas sa lahat ng uri ng tao.+ 12 Sinasanay tayo nito na itakwil ang di-makadiyos na paggawi at makasanlibutang mga pagnanasa+ at mamuhay nang may katinuan ng pag-iisip, katuwiran, at makadiyos na debosyon sa gitna ng sistemang ito,+ 13 habang hinihintay natin ang kamangha-manghang pag-asa+ at ang maluwalhating paghahayag ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, 14 na nagbigay ng sarili niya+ para mapalaya* tayo+ sa lahat ng uri ng kasamaan at para dalisayin ang isang bayan na espesyal niyang pag-aari+ at buong pusong gumagawa ng mabuti.+
15 Patuloy mong ituro ang mga bagay na ito, at patuloy kang magpayo* at sumaway ayon sa awtoridad na ipinagkaloob sa iyo.+ Hindi ka dapat hamakin ng sinuman.
3 Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad,+ na maging handa sa paggawa ng mabuti, 2 na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman,+ at na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran+ at mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.+ 3 Dahil tayo rin noon ay mga mangmang, masuwayin, naililigaw, alipin ng mga pagnanasa at kaluguran, gumagawa ng masama at mainggitin, kasuklam-suklam, at napopoot sa isa’t isa.
4 Pero ipinakita ng Diyos na ating Tagapagligtas ang kaniyang kabaitan+ at pag-ibig sa mga tao 5 (hindi dahil sa anumang matuwid na nagawa natin,+ kundi dahil sa kaniyang awa).+ Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis sa atin, kung kaya nagkaroon tayo ng bagong buhay,+ at sa pamamagitan ng banal na espiritu na ginamit niya para gawin tayong bago.+ 6 Sagana niyang ibinuhos sa atin ang espiritung ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Tagapagligtas,+ 7 para kapag naipahayag na tayong matuwid dahil sa walang-kapantay na kabaitan niya,+ maging mga tagapagmana rin tayo+ ng buhay na walang hanggan na inaasam natin.+
8 Mapananaligan ang mga pananalitang ito, at gusto kong lagi mong idiin ang mga bagay na ito para ang isip ng mga sumasampalataya sa Diyos ay manatiling nakapokus sa paggawa ng mabuti. Ang mga ito ay mabuti at kapaki-pakinabang para sa mga tao.
9 Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga argumento,+ mga talaangkanan, mga pag-aaway, at mga pagtatalo tungkol sa Kautusan, dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang.+ 10 Kung tungkol sa isang tao na nagtataguyod ng isang sekta,+ itakwil mo siya+ matapos paalalahanan nang dalawang beses,+ 11 dahil alam mong lumihis na sa daan ang gayong tao at nagkakasala na siya at nahatulan na dahil sa sarili niyang paggawi.
12 Kapag isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico,+ sikapin mong makapunta sa akin sa Nicopolis, dahil doon ko piniling magpalipas ng taglamig. 13 Pagsikapan mong maibigay kay Zenas, na bihasa sa Kautusan, at kay Apolos+ ang mga kailangan nila sa paglalakbay para hindi sila magkulang ng anuman.+ 14 Pero hayaan mong matutuhan din ng mga kapatid natin na laging gumawa ng mabuti para makatulong sila sa panahon ng pangangailangan,+ nang sa gayon ay lagi silang maging mabunga.+
15 Kinukumusta ka ng lahat ng kasama ko. Iparating mo ang pagbati ko sa mga kapananampalataya nating nagmamahal sa amin.
Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan.
O “magpayo.”
Lit., “nakapagpapalusog.”
Lit., “malusog.”
O “budhi.”
O posibleng “taimtim.”
O “masama.”
O “sa mga may-ari sa kanila.”
Lit., “matubos.”
O “magpatibay.”