Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 9/8 p. 10-15
  • “Ang Armero ay Naglaho sa Mapa!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Armero ay Naglaho sa Mapa!”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pumutok ang Nevado del Ruiz
  • Walang Malinaw na Babala
  • “Ang Bulkan Ay Dumarating!”
  • “Talagang Mamamatay Tayo Ngayon!”
  • Natatakpan-Putik na mga Momiya
  • “Mula sa Hindi Inaasahang mga Dako, Naglitawan ang mga Kamay na Kumakampay”
  • Pagkasiphayo at Kagalakan
  • Panahon at Di-inaasahang Pangyayari
  • Pagwawalang-Bahala sa Babala at Pagsubok sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Isang Trahedya sa Chile ay Nag-uudyok ng Pag-ibig Kristiyano
    Gumising!—1992
  • “Hindi Sila Nagbigay-Pansin”
    Patuloy na Magbantay!
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 9/8 p. 10-15

“Ang Armero ay Naglaho sa Mapa!”

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Colombia

ANG mga tao sa Colombia ay nagigising sa isang bagong araw. Huwebes noon, Nobyembre 14, 1985. Binuksan ko ang radyo upang mapakinggan ang balitang pang-umaga. Hindi ako makapaniwala nang sabihin ng tagapagbalita: “Ang Armero ay naglaho sa mapa! . . . Isang bahagi ng Chinchiná ang pinalis ng isang pagguho ng putik!”

Hinding-hindi ako makapaniwala sa napakinggan kong patuloy na pag-uulat ng balita. Ang Armero, isang bayan na nagtatanim ng bulak at palay na may 28,000 mga mamamayan, 55 milya (90 km) hilagang-kanluran ng Bogotá, ay talagang inalis sa mapa ng isang pagguho ng putik, yelo, at lava. Ang bilang ng mga namatay at nangawala ay tinatayang mahigit sa 21,000. Ang Chinchiná, isang mahalagang sentro na nagtatanim ng kape sa kabilang panig ng bundok, ay hindi gaanong napinsala, na mga 2,000 ang namatay roon. Subalit ano ba ang nagpangyari sa ganap na pagkawasak na ito?

Pumutok ang Nevado del Ruiz

Nang gabi bago ito nangyari, mga alas nuebe, ang 17,550 piye (5,400 m) na tuktok ng bulkan na nalalatagan ng niyebe, ang Nevado del Ruiz, ay pumutok sa hilagang-silangan na gilid nito, na nagbubuga ng maraming maasupreng bulkanikong abo. Bukod pa rito, tinunaw na matinding init mula sa bunganga ng bulkan ang malaking bahagi ng niyebe na nakatakip sa tuktok ng bulkan. Bunga nito, ang dati-rating malakristal-linaw, marahang umaagos, na mga sapa ay naging nakamamatay na malakas na agos ng putik at natutunaw na yelo. Ang malaking bahagi ng dumudulas na kimpal na ito ay umagos tungo sa Ilog Lagunilla, gumugulong paibaba, tinatangay ang mga punungkahoy at malalaking bato habang ito ay bumibilis sa 32-milya (52 km) na pagbaba nito sa Armero.

Pagkalipas lamang ng isang oras, isang haligi ng putik, hindi kukulangin sa 40 piye (12 m) ang taas (ang isang ulat ay nagsasabi na ito ay mahigit 90 piye), ang bumuga sa makipot na lambak tungo sa pinaka-sahig ng libis at kumalat na gaya ng isang nakamamatay na walis na pinalis ang lahat. Ang Armero, na nasa daanan mismo nito, ay pinalis. Iilang bahay lamang sa mas mataas na lugar ang natirang nakatayo.

Walang Malinaw na Babala

Nakausap ko ang ilang nakaligtas na nagsabi na noong Miyerkules ng hapon ang amoy ng asupre sa hangin ay matapang. Nang mga bandang alas kuwatro, nagsimula nang umulan sa bayan ng mga abo. Subalit ito ay hindi alintana yamang ang bulkan ay aktibo na sa ganitong paraan sa loob halos ng isang taon.

Si Jorge Castilla, mula sa Bogotá at dumadalaw sa Armero nang hapong iyon ng Miyerkules, ay nagsabi sa akin na narinig niya sa laud ispiker ng simbahan na may humimok sa mga taong-bayan na manatiling mahinahon, huwag lalabas ng bahay, at takpan ang kanilang mga mukha ng mamasá-masáng mga panyo. Sang-ayon sa mga pinagmumulan ng balita sa simbahan, ito ay isang membro ng Emergency Committee for Civil Defense. Yaong mga dumalo sa maagang panggabing Misa ay tiniyak din na walang dapat ikabahala.

Nang bandang ikapito’t kalahati ng gabi, bumuhos ang napakalakas na ulan, pagkatapos ay biglang-biglang huminto, na sinundan ng isang kakaibang pagsabog​—ng pino, mainit na buhangin na tumakip sa mga bubungan at mga lansangan. Ito ay isang bagong bagay. Higit at higit, ang mga tao ay naging balisa. Kinandado ng iba ang kanilang mga bahay at tumakas tungo sa mas mataas na lugar. Ang karamihan ay nanatili.

Pagkalipas ng ilang panahon, mula sa mataas na mga dalisdis, ang mga mensahe sa radyotelepono ay ipinahatid sa Armero, na nagbababala na isang matinding pagsabog ang nangyari sa gilid ng bulkan at na ang bayan ng Armero ay dapat na lisanin. Sa ganap na ika-10:13 n.g. ang alkalde ng Armero, si Ramón Antonio Rodríquez, ay biglang sumabad sa isang usapan sa radyo sa isang kinatawan ng Red Cross, na nagsasabi, “Narito na ang tubig!” Kumuha lamang ng isang oras at kinse minutos upang ang pagguho ay maglakbay ng 32 milya!

“Ang Bulkan Ay Dumarating!”

Gayunding kuwento ang sinabi sa akin ng mga nakaligtas. Ang ilan ay nagising dahilan sa malakas na pag-ulan ng buhangin sa bubong. Narinig naman ng iba ang pagkakaingay at sigawan sa labas. Balisang-balisa, ginising nila ang kanilang mga anak at mga membro ng pamilya. Ang mga ilaw ay biglang namatay. Kinakalampag at sinisipa ng mga tao ang mga pinto habang sila ay sumisigaw, “Ang Lagunilla ay dumarating! Takbo! Takbo!” “Narito na ang tubig!” “Ang bulkan ay dumarating!”

Libu-libo ang nagdagsaan palabas ng kanilang mga tahanan. Ang mga kotse, motorsiklo, at mga trak ay humahagibis sa mga lansangan, bumubusina, hindi pinapansin ang mga tao sa kanilang daan. Marami ang nasagasaan bago pa tumama ang haligi ng putik. Natataranta at nagkakagulo ang lahat.

Sa nakapangingilabot na kadiliman, ang dumarating na pagguho ay lumikha ng isang nakatatakot na ingay. Sang-ayon sa panauhin mula sa Bogotá, si Jorge Castilla, ito’y katulad ng tunog ng dalawang jumbo jetliner na bumababa. Ang dumadagsang kimpal ay sumampa sa mga pampang ng ilog, mas mataas pa kaysa sa mga bahay, at dumaan sa gitna ng bayan. Ang mga bahay, mga simbahan, mga tindahan, at iba pang mga gusali ay nilamon at mabilis na tinangay. Ang mga bata ay nahiwalay sa hawak ng kanilang mga magulang at nailibing sa putik o tinangay sa kanilang kamatayan.

“Talagang Mamamatay Tayo Ngayon!”

Si Obdulia Arce Murillo, ina ng siyam na mga anak at kaugnay sa mga Saksi ni Jehova sa Armero, ay lubusang natabunan ng pagguho​—gayunma’y nabuhay upang isaysay ang kuwento. Sabi niya: “Tumakbo ako sa kalye kasama ng aking mga anak at sinikap kong umakyat sa isang trak ng gasolina. Pagkatapos ay dumating ang tubig. Sumubsob ako sa lupa. Ang tubig na dumarating ay napakataas . . . at ito’y umugong nang umugong. Sumigaw ako ‘Jehova! Jehova! Talagang mamamatay tayo ngayon! Ito na ang wakas!’ Pagkatapos napakaraming haligi at mga poste ang sumusugod na kasabay ng mga tubig. Ang isa ay tumama sa aking kaliwa, at noon ko nabitawan ang aking munting anak na babae.

“Nagkandabuhul-buhol ako sa isang poste at mga kawad ng koryente. Pagkatapos isa sa aking mga anak na babae, na umakyat sa mga ilang sako ng kape, ay sumigaw, ‘Yumuko kayo!’ Pagyuko ko, para bang dinaanan ako ng isang tren. Ito ay putik. Hindi na ako makakita sapagkat ako ay lumubog sa putik. Ako ay lubusang natabunan.

“Nadama ko na ako ay tinatangay papalayo ng puwersa ng putik. Sinikap kong sumigaw, at ang aking bibig ay napuno ng putik. Ako ay nahirinan . . . Ako’y lumangoy at namuwersa hanggang sa wakas ay naitaas ko ang aking ulo sa ibabaw ng putik. Sa pamamagitan ng aking kamay, hinila ko nang ubod lakas ang putik mula sa aking bibig anupa’t akala ko’y nasira ko ang aking mukha. Tiyak kong ako’y malulunod, subalit sa wakas ako ay nakahinga at sumigaw. Gayon na lamang ang ginhawa ko nang maiangat ko ang aking mukha sa putik!” Subalit maraming oras pa bago siya sa wakas ay nasagip.

Isa pang Saksi, si Elena de Valdez, at ang kaniyang pamilya ay nakarating sa mataas na lugar sa likuran ng bayan. Sabi niya: “Kararating pa lamang namin sa paanan ng burol nang marinig namin ang mga sigaw at mga tili ng mga tao sa likod namin, na nilamon ng delubyo. Hindi nagtagal, ang iba ay nagdatingan, lubusang natatakpan ng putik. Naririnig namin ang nakatatakot na ingay na ginawa ng ‘bagay’ na iyon. Kakila-kilabot ang tunog nito! At ang sigaw ng mga tao: ‘Saklolo! Saklolo! Iligtas n’yo kami! Huwag ninyo kaming pabayaang mamatay!’”

Sa wakas, ito ay natapos din. Tanging isang nakapangingilabot na katahimikan at kadiliman ang nananatili. Si Jorge Castilla, ligtas sa isang bukid sa labas ng Armero, ay nagsabi na nadarama niya ang “isang kapaligiran ng kamatayan sa gabi.” Sabi pa niya: “Ang mga nakaligtas​—mga matanda, mga bata​—ay naglabasan mula sa putik, ang marami sa kanila’y nasaktan. Sila’y parang mga zombies, para bang naglalakad sa kanilang pagkatulog. Sila’y tulalang nakatitig sa iyo. Sila’y humihingi ng tubig, wala ng iba. Nakapangingilabot ito!”

Samantala, mula sa kalaliman, si Obdulia Arce ay nakikipagpunyagi pa rin upang panatilihing nakalabas ang kaniyang ulo sa putik. Para sa kaniya at sa libu-libong iba pa na mga nakaligtas, iyan ay mamamalaging ang pinakamatagal na gabi sa kanilang mga buhay.

Natatakpan-Putik na mga Momiya

Sa pagbubukang-liwayway, tiningnan ng isang crop duster ang mayabong, binungkal na mga bukirin sa libis sa ibaba. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Malapit sa tabi ng bundok, kung saan dapat sana’y naroroon ang Armero, wala kundi isang malawak na kulay abong putik, na may daan-daang bangkay, ng hayop at tao, na lumulutang sa ibabaw. Sabi niya: “Ang bayan ay nagmistulang isang pagkalaki-laking tabing-dagat, na may iilang bahay na nakatayo pa. Ang mga tao ay makikita sa mga tuktok ng mga punungkahoy, sa mga haligi, at sa mga gilid ng burol.”

Sa gilid ng dakong pinangyarihan ng sakuna, nakita ng mga tagasagip ang mga nakaligtas na parang mga momiya, natatakpan ng kulay abong naninikit na putik, na tulalang pagala-gala, hinahanap ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang mga bata at ang mga matatanda ay nag-iiyakan sa kawalang pag-asa, mga inang malungkot na humihiyaw, hinahanap ang kanilang mga anak. Ang iba pa, na kalalabas lamang mula sa putik, ay nakatayong parang mga istatuwa, nadaramtan lamang ng kanilang mga sapin-panloob. Ang damit na pantulog ng iba ay sirang-sira dahil sa lakas ng pagguho. Ang iba pa ay hindi gaanong pinalad.

Ang buháy na mga tao ay makikita roon, nakalubog hanggang leeg at humihingi ng tulong, hindi makakilos. Lulong sa panganib na sinikap niyaong mga nasa gilid ng latian na abutin yaong mga nasa malapit. Ginagamit ang makapal na mga tabla, matagumpay na nailigtas nila ang ilan. Ang ilan ay nangahas na nagtungo sa putik subalit pagkatapos ay umatras sapagkat sila ay lumulubog. Sinikap ng isang tagasagip na patakbuhin ang isang traktora upang tumulong. Hindi pa nakahihigit sa tatlong yarda (3 m), ang traktora ay lumubog!

Pinasalamatan ni Obdulia Arce ang init ng putik, sapagkat ang gabi ay malamig. Noong gabi, paidlip-idlip ang tulog niya, nagigising siya kapag kinakapos ng hininga kapag ang kaniyang mukha ay lumulubog sa putik. Umaga na, ngunit walang isa mang nakakita sa kaniya.

“Mula sa Hindi Inaasahang mga Dako, Naglitawan ang mga Kamay na Kumakampay”

Ang reaksiyon sa buong bansa ay kusa at buong-puso. Ang mga institusyon at mga indibiduwal ay kumilos upang tumulong. Ang mga hukbong sandatahan, mga civil-defense unit, ang pulisya, at ang mga pangkat na tagasakip ng Red Cross ay sumugod sa pinangyarihang dako. Libu-libong mga boluntaryo​—mga doktor, seruhano, paramedik, inhinyero, at iba pang propesyonal na mga tauhan​—ay nag-alok ng kanilang paglilingkod. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpadala ng tatlong sasakyan kasama ng pantulong at mga paglalaan mula sa Bogotá.

Ang mga pangkat na tagasagip ay inihatid ng eroplano mula sa ibang mga bansa. Hindi nagtagal mga 30 helikopter, lokal at dayuhan, ang sumuyod sa lugar na iyon upang hanapin ang mga nakaligtas. Ang gawaing pagliligtas ay halos kailangang gawin mula sa himpapawid, yamang ang lahat halos ng pagsisikap na pagmaniobra sa makapal na putik ay nabigo.

Ang ganap na kalakhan ng pagkawasak ay nagpabagal sa gawaing paghahanap sa ilang nabubuhay at paghukay sa mga nangamatay. Pagkaraang masagip ang daan-daang mga nakaligtas, iniulat ng mga tagasagip na marami pa ang naghihintay na iligtas. Gaya ng sabi ng isang tagasagip: “Aakalain ng isa na walang tao sa ibaba, subalit habang lumalapit ang helikopter, mula sa hindi inaasahang mga lugar, naglitawan ang mga kamay na kumakampay, isang nakaligtas ang kumakampay upang siya’y sagipin.”

Kabilang doon sa mga kumakaway sa helikopter tuwing magdaraan ang mga ito ay si Obdulia, ang kaniyang ulo ay nabalutan ng tuyong putik. Mahinang naikakampay niya lamang ang kaniyang kamay mula sa pulsuhan, at sa buong maghapon sinikap niyang makuha ang kanilang pansin. Walang nakakita sa kaniya. Siya ay nawalan na ng pag-asang makita pa. Patuloy siyang nanalangin. Naranasan na naman niya ang isa pang napakahabang gabi ng pagdadalamhati, nakakulong sa putikan at may matinding kirot mula sa kaniyang napinsalang tagiliran.

Nang madaling araw ng Biyernes, inipon niya ang lahat niyang lakas na sumigaw nang sumigaw, hanggang sa wakas ay nakita siya ng mga tagasagip na sumusuyod sa lugar na iyon. Sa ganap na ika-11 ng umaga siya ay napasigaw dahil sa matinding kirot habang siya ay hinihila at itinataas sa isang helikopter. Siya ay dinala kaagad sa isang first aid center at pagkatapos ay sa isang ospital. Gumugol siya ng 35 oras na nakabitin sa putik na iyon.

Ano ang nangyari sa kaniyang mga anak? Nang malaunan nalaman niya na ang dalawa ay nasawi, subalit ang iba niyang mga anak ay tinangay sa gilid ng latian, at sa wakas sila ay nailigtas.

Pagkasiphayo at Kagalakan

Sa ilalim ng mainit na tropikal na araw, ang putik ay nagsimulang tumigas, at nangailangan ng higit at higit na panahon upang mahango ang mga tao. Nakikita pa rin ang kaawa-awang mga kalagayan​—mga ulong naglitawan, humihingi ng saklolo, o mga labing kumikilos bilang pahiwatig na mayroon pang buhay roon. Ang ilan ay naipit sa ilalim ng bumagsak na mga labí sa ilalim ng makapal na putik. Ang mga ito ay kailangang pabayaang mamatay.

Isang gayong makabagbag-damdaming kalagayan ay yaong sa kay Omayra Sánchez, isang 12-taóng-gulang na mag-aaral na batang babae, na hinangaan ng mga tagasagip at mga peryudista dahilan sa kaniyang lakas ng loob at optimistikong pakikipag-usap. Siya ay naipit sa pagitan ng bangkay ng kaniyang tiya at ng isang malaking kongkreto. Ang mga tagasagip ay nakipagpunyagi ng mga 60 oras upang hanguin siya. Sa wakas, tatlong araw pagkaraan ng pagguho, siya ay namatay dahilan sa panghihina ng puso, na nakabaon pa rin hanggang leeg sa putik at tubig. Ang pangkat ng mga tagasagip at ang mga peryudista​—sa katunayan ang buong bansa​—ay nanangis.

Mayroong mas maligayang pangyayari nang ang di-kumikilos na hubad na katawan ng kuwatro-anyos na si Guillermo Páez ay makita 60 oras pagkaraan ng sakuna. Hindi halos maaninaw sa mapanglaw na kulay abong kalawakan, siya ay hindi patay, natutulog lamang! Nagising siya sa ingay ng bumababang helikopter, at mabuway na naupo. Ang helikopter ay bumaba na malapit sa kinalalagyan niya, at siya ay binuhat at isinakay sa helikopter. Iyan ang isang pangyayari na nagdulot ng kagalakan sa mga puso ng hindi makasariling mga tagasagip.

Panahon at Di-inaasahang Pangyayari

Tinatayang 21,000 katao ang nasawi sa sakuna sa Armero, gayundin mga 2,000 pa sa Chinchiná. Halos 5,400 ang nailigtas sa Armero, kung saan ang mga 2,000 ay ginamot sa mga ospital sa buong bansa. Ang mga kamay at mga paa ng marami ay malubhang nasugatan sa lakas ng baha at kinailangang putulin dahilan sa nagsisimula ang gangrena. Isa sa mga taong ito si Epifania Campos, isa sa mga Saksi ni Jehova, empleado ng bangko sa Armero. Nakalulungkot, siya ay namatay mula sa mga epekto ng gangrena.

Sa 59 katao na kaugnay sa Kongregasyon ng Armero ng mga Saksi ni Jehova, 40 niyaong nakatira sa pinakamalubhang apektadong lugar ng bayan ang naglaho nang walang anumang palatandaan. Tatlong mga tao na kaugnay sa Kongregasyon ng Chinchiná ang nasawi, at mga 30 iba pa ang nawalan ng kanilang mga tahanan at mga pag-aari.

Anim na linggo pagkaraan ng malaking sakuna, dinalaw kong muli ang lugar na pinangyarihan kasama si Gervasio Macea, na walong taóng nanirahan sa Armero. Hindi niya matiyak kung saan ang dating kinaroroonan ng Kingdom Hall​—gayon na lamang ang ganap na pagkawasak. Kung saan dati-rati’y may isang bayan, ngayo’y isang abuhin, malawak, nagkalat ang malalaking bato na dalampasigan sa hugis ng isang pagkalaki-laking abaniko.

Maliwanag, ang mga Saksi ni Jehova ay nakatayâ rin sa mga aksidente at di-inaasahang mga elemento na gaya ng sino pa man. Sa mga panahong gaya nito, mapapahalagahan natin kung paanong ang simulaing ipinahayag sa Eclesiastes 9:11, 12 ay kumakapit sa lahat, nang walang pinipili: “Ako’y bumalik at nakita ko sa silong ng araw na hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan, ni ang malalakas man ang sa pagbabaka, . . . ni ang mga paglingap man ay yaong mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat. Sapagkat hindi rin nalalaman ng tao ang kaniyang kapanahunan. . . . Gayon ang mga anak ng tao ay nasisilo sa masamang kapanahunan, kapag biglang nangyayari sa kanila.”

Gayunman, gaya ng maliwanag na itinuturo ng Bibliya, magkakaroon ng pagkabuhay-muli “kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Sabi ni Kristo Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.” Ipinakikita ng Bibliya na ang panahon ay malapit na para sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos at sa pagsasauli ng Paraisong mga kalagayan sa lupa. Pagkatapos ang mga patay ay magbabalik sa isang pagkakataon sa tunay na buhay, ang buhay na walang hanggan.​—Gawa 24:15; Juan 5:28, 29; 11:25; 17:3.

[Dayagram/Larawan sa pahina 11]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NEVADO DEL RUIZ

ARMERO

[Mga larawan sa pahina 12]

Sinira ng lakas ng pagguho ang ospital ng mga may sakit sa isip at binalot ng mga tahilan ang paligid ng mga labí nito

[Mga larawan sa pahina 13]

Isang diploma ang nakakalat sa putik sa kalyeng ito​—kalunus-lunos na katibayan ng isang nawasak na pamilya

[Mga larawan sa pahina 14]

Ibinaon ng putik ang punong ito hanggang sa taas na 25 piye at ibinigkis dito ang isang-pulgadang mga bara ng bakal. Ang sentro ng pangangalakal ng Armero sa kalayuan ay naging ilang

Naligtasan ni Obdulia Arce Murillo ang 35 oras sa ilalim ng putik

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share