Ang Pinakahuling Sandata at ang Paligsahan Para sa Katiwasayan
“ISANG sandata na walang katulad ang lakas ay ginagawa na lubusang magbabago sa lahat ng mga kalagayan ng pakikidigma sa hinaharap . . . Maliban na lamang, na magkaroon nga ng ilang kasunduan tungkol sa pagkontrol sa paggamit ng bagong aktibong mga materyales sa takdang panahon, ang anumang pansamantalang bentaha, gaano man kalaki, ay maaaring mahigitan ng walang hanggang pinsala sa lipunan ng tao.”—Nuclear physicist na Danes na si Neils Bohr. Isinulat noong 1944.
Sabi ng isang pag-aaral ng United Nations: “Walang . . . target ang may sapat na lakas na hadlangan ang matinding mga epekto ng mga sandatang nuklear, walang mabisang depensa laban sa isang determinadong pagsalakay . . . Sa diwang ito, nakakaharap ng tao ang ganap na sandata.”
Kaagad na natalos ng mga tao na hindi lamang ang mga lunsod ang maaaring mawala sa loob ng mga ilang segundo kundi ang pagkawasak ay maaaring isagawa nang may kadalian—hindi na kinakailangang talunin muna ang isang hukbo. Sa pamamagitan ng mga sandatang nuklear ang populasyon ng isang bansa ay maaaring lipulin at ang kabuhayan nito ay ganap na wasakin sa loob ng isang araw, nang walang bahagya mang pag-aaway.
Ang kabatiran na walang mabisang depensa laban sa mga sandatang atomiko ay umakay sa ideya ng nuclear deterrence (pag-iingat ng napakaraming lakas militar at sandata upang pigilin ang digmaan). Noong Nobyembre 1945, binanggit ng komandanteng heneral ng U.S. Army Air Forces na si Henry H. Arnold sa isang ulat sa kalihim ng digmaan: “Ang tunay na seguridad laban sa mga sandatang atomiko sa hinaharap ay depende sa ating kakayahan na gumawa ng kagyat na opensibong pagkilos na may puspusang lakas. Kailangang maging malinaw sa isang potensiyal na mananalakay na ang isang pagsalakay sa Estados Unidos ay maaaring sundan kaagad ng isang mapangwasak na atomikong pagsalakay sa kaniya.”
Marami ang hindi sumasang-ayon na ang gayong deterrence ay nagbibigay ng tunay na katiwasayan. Inihalintulad ni Robert J. Oppenheimer, isang matalinong physicist na nanguna sa paggawa ng bomba atomika, ang magkalabang mga kapangyarihang nuklear sa “dalawang alakdan sa loob ng isang bote, na ang bawat isa ay may kakayahang patayin ang isa, subalit sa kapahamakan ng kaniya mismong buhay.” Kamakailan, sinabi ng Pangulong Ronald Reagan na ang kalagayan ng U.S./Sobyet ay tulad sa dalawang tao na nakaumang ang baril sa ulo ng isa’t isa.
Pagsisikap na Gawing Internasyonal ang Atomo
Noong Hunyo 1946 ang Estados Unidos ay nagharap ng isang plano sa katatatag na organisasyon ng United Nations. Ang plano ay humihiling sa paglikha ng isang internasyonal na ahensiya na magkakaroon ng kapamahalaang kontrolin at siyasatin ang lahat ng mga gawaing may kaugnayan sa atomikong-enerhiya sa buong daigdig. Pagkaraan na maitatag na ang gayong ahensiya, ibibigay ng Estados Unidos ang atomikong mga sekreto nito, kakalasin ang umiiral na mga bomba atomika nito, at hindi na gagawa ng ano pa mang bomba.
Iginiit ng Unyong Sobyet na ang mga sandatang atomiko ay dapat munang alisin. Minsang ito’y magawa, kung gayon ang mga kaayusan ng pagkontrol at pagsisiyasat ay maaaring isagawa. Walang nangyari sa isyu dahil sa pagsalansang ng magkabilang panig, at sa sumunod na mga taon ng cold war, ang pag-asa na makukontrol ng UN ang mga sandatang atomiko ay naglaho.
Ang Paligsahan sa Armas: Aksiyon at Reaksiyon
Noong 1949 pinasabog ng mga Sobyet ang kanilang kauna-unahang bomba atomika. Ang paghihinala at kawalang-tiwala ay tumindi sa pagitan ng Silangan at Kanluran, at ang paligsahan sa armas ay lalong sumigasig. Ang tugon ng E.U. sa bombang Sobyet ay ang paggawa ng isang lubhang mas malakas na sandata, ang bomba hidroheno. Ang unang sinubok (noong 1952) ay halos 800 ulit na mas malakas kaysa naunang mga bomba atomika. Pagkaraan lamang ng siyam na buwan, matagumpay na nagawa ng mga Sobyet ang kanilang sariling bomba hidroheno.
Pagkatapos dumating ang ICBM (intercontinental ballistic missile). Ang Unyong Sobyet ang nanguna rito noong 1957. Ngayon ang isang nuklear na pagpapatama ay maaaring isagawa sa loob lamang ng mga ilang minuto sa halip na mga ilang oras. Nagmadali ang Estados Unidos na makahabol at nang sumunod na taon naidagdag nito ang ICBM sa arsenal nito.
Samantala ang ibang mga bansa ay gumawa at sinubok ang kanilang sariling mga bomba atomika. Kasunod nito, ang United Kingdom, Pransiya, at iba pa ay naging mga kapangyarihang nuklear.
Ang palatandaan ng aksiyon-reaksiyon ay nagpatuloy na walang tigil noong 1960’s. Kapuwa ang Estados Unidos at ang Unyong Sobyet ay nag-eksperimento sa mga antiballistic missile. Kapuwa sila natuto kung paano magpaputok ng mga missile mula sa mga submarino. Sila kapuwa ay nakagawa ng maramihang warheads.
Ang paligsahan ay nagpatuloy hanggang noong 1970’s taglay ang mahalagang paggawa ng MIRV (multiple independently-targeted reentry vehicle). Ang isang missile ay maaari na ngayong magdala ng maraming warheads, ang bawat isa ay maaaring ituon sa magkahiwalay na target. Halimbawa, ang modernong American MX, o Peacekeeper, na missile ay nagdadala ng sampung gayong mga warheads; gayundin ang Soviet SS-18. Kaya, maaaring wasakin ng bawat missile ang sampung lunsod.
Ang mga missile ay nagiging mas asintado rin, at ito, pati na ang paggawa ng mga MIRV, ay humantong sa muling paglitaw ng takot. Sa halip na pagtarget sa mga lunsod, ang magkalabang mga base ng missile at mga instilasyong militar ay maaari at maraming ulit na tinarget ng mga MIRV. Inaakala ngayon ng iba na ang digmaang nuklear ay maaaring mapanalunan. Maaaring alisin ng isang malakas na unang pagsalakay ang kakayahan o kalooban ng kalaban na gumanti.
Ang bawat panig ay napipilitang sagutin ang gayong banta sa pamamagitan ng pagtiyak sa kakayahan nito na gumanti kahit na kung ang isa ay matagumpay na unang nakapagpatama ng sorpresang pagsalakay. Ikinakatuwiran na, kung walang kakayahang gumanti, kaunti lamang ang magagawa upang pigilin ang pagsalakay ng kaaway; oo, ang pagsalakay ay maaaring maging totoong nakatutukso. Kaya—higit pang mga sandata.
Tayo ngayon ay nasa 1980’s na, ang paligsahan sa armas ay nagpapatuloy sa nakababali-leeg na bilis. Isang bagong karagdagan sa galerya ng mga sandata ang bomba neutron—isang maliit na bombang hidroheno na idinisenyo upang pumatay ng mga tao sa pamamagitan ng radyasyon subalit hindi sinisira ang mga gusali at mga sasakyan. Isa pa ang cruise missile—na nakakasagap sa himpapawid sa ibabaw lamang ng mga punungkahoy (at sa ibaba ng radar ng kaaway) upang ihatid ang isang nuklear na pagsalakay na asintado sa target na 1,500 milya (2,400 km) ang layo. Ang pinakahuling kalahok, ang kilala sa tawag na Star Wars, ay idinaragdag ang panlabas na kalawakan sa larangan ng digmaan.
Mga Pagsisikap sa Pagkontrol ng mga Armas
Bagaman maaaring ipahiwatig ng kasaysayan ng pag-unlad ng mga sandata na ang paligsahan sa mga armas nuklear ay lubusang nagpatuloy nang walang tigil, maraming mga kasunduan ang narating. Ang ilan sa mga ito ay nagtatakda sa pagsubok o nagtatatag ng mga hangganan sa ilang mga sistema ng sandata, samantalang ang iba naman ay hinahadlangan ang pagkalat ng mga sandatang nuklear sa mga estadong walang nuklear na sandata.
Ang mga kasunduang ito ay narating lamang sa pamamagitan ng mahirap, umuubos-panahon na mga pagsisikap. At walang kasunduan ang lubhang nakabawas sa umiiral na mga sandata.
Ito ang nasa pinakabuod ng problema: Ang mga superpower ay lubhang hindi nagtitiwala at natatakot sa isa’t isa. Balintuna, ang resultang kawalan ng katiwasayan ay lumilikha lamang ng isang pangangailangan para sa higit pang mga sandata. At, ang higit pang mga sandata ay gumagawa lamang sa bawat panig na magtinging higit na masama at mapanganib sa isa; kaya, higit kailanman ang mga tao ay hindi nakadarama ng katiwasayan.
[Blurb sa pahina 5]
“Kapag nag-away ang mga elepante, napipinsala rin ang damo”
[Dayagram sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang isang MX missile ay may lakas ng 300 mga bombang ginamit sa Hiroshima, sapat upang wasakin ang isang lugar na 240 milya kuwadrado
MANHATTAN
Pagsabog sa Hiroshima
Pagsabog ng MX missile