Kabanata 22—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Huwag Asam-asamin ang mga Bagay na Tinalikdan!
1. (a) Anong mga pagpapala ang naghihintay sa tapat na mga lingkod ng Diyos? (b) Gayunman, ano ang ginawa ng ilang mga tao?
WALANG pagsalang ipinakikita ng katuparan ng hula ng Bibliya na tayo ngayon ay nasa pintuan na ng maluwalhating bagong sistema ng mga bagay ng Diyos. Hindi na magtatagal mawawala na ang balakyot na sanlibutan, at pati na ang sama ng loob, ang kabiguan at dalamhati na dala nito. Ang lupa ay magiging isang Paraiso na doon tatamasahin ng mga mananamba sa tunay na Diyos ang sakdal na buhay ng tao magpakailanman. Tungkol sa katiyakan ng kaniyang mga pangako tungkol sa mga bagay na ito, ganito ang sabi ni Jehova kay apostol Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.” (Apocalipsis 21:1-5) Gayunman, para bang kataka-taka, ang ibang tao na nalalaman ang mga katotohanang ito ay nagbabalik sa paraan ng pamumuhay ng sanlibutan na sinasabi ng Diyos na kaniyang pupuksain. Anong lungkot nga! Bakit nila ginagawa ito?
2. (a) Upang maiwasan ang gayong resulta, ano ang dapat gawin ng isang tao pagkatapos na unang malaman ang katotohanan? (b) Kung hindi niya gagawin ito, ano ang maaaring mangibabaw sa kaniyang pag-iisip, at ano ang resulta?
2 Nang una nilang marinig ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang gagawin nito, buong kagalakang tinanggap nila ito. Subalit mahalaga rin na sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang, pinalalalim ang pagkaunawa sa Salita ng Diyos at humahanap ng mga paraan upang ikapit ito nang lubusan sa kaniya mismong buhay. (Hebreo 6:1, 11, 12) Kung ang kakulangan ng pagpapahalaga ay magpangyari sa sinuman na pabayaan ang paggawa nito, hindi niya patuloy na ituturing na mahalaga ang pribilehiyo ng paglilingkod sa Diyos. Ang gayong tao ay maaaring mainip sa pisikal na mga pagpapalang ipinangako ng Diyos, samantalang hindi pinahahalagahan ang kaniyang pangangailangan para sa espirituwal na paglaki at ang kahalagahan ng pakikibahagi nang lubusan hangga’t maaari sa gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad na ibinigay sa atin ng Diyos na gawin natin ngayon. Ang pagbibigay-kasiyahan sa mga nasâ para sa materyal na mga pag-aari at sa kung ano ang sa malas ay nakatutuwa ay maaaring kumuha ng higit at higit ng kaniyang panahon. Inilalagay niya sa pangalawang dako ang espirituwal na mga kapakanan. Hindi naman karakaraka, kundi unti-unti, siya ay nahuhulog pabalik sa sanlibutan.—1 Timoteo 6:9, 10.
3. (a) Bakit mapanganib na piliin bilang mga kaibigan ang mga taong hindi sumasamba kay Jehova? (b) Kailan maaaring masumpungan ng isang tao ang kaniyang sarili na malayang nakikisama sa gayong mga tao?
3 Maaaring sabihin ng isang tao na nais niyang makaligtas tungo sa “bagong lupa,” upang mabuhay sa isang daigdig kung saan tumatahan ang katuwiran. Subalit ang kaniya bang pinipiling mga kasama ay nagpapatunay sa kaniyang sinasabi? Mangyari pa, araw-araw hindi natin maiiwasan na makisama sa mga tao na hindi naglilingkod kay Jehova—sa trabaho, sa paaralan, kapag namimili, at maging sa bahay. Subalit kung panahon ng mga pahinga sa trabaho, bago at pagkatapos ng eskuwela, kapag tumatawag sa telepono o dumadalaw sa mga kaibigan, sa mga panahon ng paglilibang, sino ang pinipili niyang kasama? Mahalaga ba ito? Ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Subalit ano ba ang “masasamang kasama”? Ano bang halaga na ang ilang mga tao ay hindi sumasamba kay Jehova, at ginagawa lamang nila kung ano ang inaakala nilang matuwid sa kanilang sariling paningin? Batay sa kung ano ang natutuhan na natin, alam natin na ang gayong uri ng mga tao ay hindi makaliligtas tungo sa “bagong lupa.” Hindi magtatagal masusumpungan ng sinuman na minamaliit ang mga pamantayan ni Jehova sa pagpili ng mga kaibigan ang kanilang mga sarili na bumabalik sa sanlibutan na dati’y inaakala nila na kanilang tinatalikdan. Subalit ang nagbababalang mga halimbawa na nakatala sa Kasulatan ay maaaring mag-ingat sa atin laban sa gayong landasin kung ating isasa-puso ito.—1 Corinto 10:11.
“Nasulat Upang Maging Babala sa Atin”
4. (a) Anong uri ng buhay ang dinanas ng Israel sa Ehipto pagkamatay ni Jose? (b) Bakit nakisama sa Israel ang “isang haluang karamihan” nang sila ay iligtas mula sa Ehipto? (c) Paano natutupad ang makahulang dramang iyon sa ating panahon?
4 Nang iligtas ni Jehova ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto, anong laking ginhawa nga iyon para sa kanila! Ang malupit na pang-aapi na naranasan nila pagkamatay ni Jose ay gumawa sa Ehipto na parang isang malaking hurno na doon sila napatapon. (Exodo 1:13, 14; Deuteronomio 4:20) Subalit si Jehova ay nagpadala ng sampung matinding dagok, o mga salot, sa Ehipto. Ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay na Diyos at ng mga diyos ng Ehipto ay naging maliwanag. Kaya, nang lisanin ng Israel ang lupain, “isang haluang karamihan” na mga hindi Israelita ang sumama sa kanila, kung paanong sa ngayon inihihiwalay ng “malaking pulutong” ang sarili nito sa sanlibutan at nakikisama sa nalabi ng espirituwal na Israel. (Exodo 12:38) Subalit ano ang nangyari sa kampo pagkatapos ng Exodus nila?
5. (a) Hindi pa natatagalan pagkatapos ng kanilang kaligtasan, paano sila ‘nagbalik sa Ehipto’? (b) Bakit ito nangyari?
5 Ang Kristiyanong alagad na si Esteban ay nagpaliwanag: “Sa kanilang mga puso’y nagsibalik sila sa Ehipto.” Mga ilang buwan lamang ito pagkatapos ng pagliligtas sa kanila. (Gawa 7:39, 40) Ano ang nagpatunay nito? Gumawa sila ng isang ginintuang guya—ang uri ng bagay na kinagawian nila sa Ehipto—at nagpahayag na sila ay magkakaroon ng “isang kapistahan kay Jehova.” Subalit tinutularan nila ang mga Ehipsiyo. (Exodo 32:1-6) Si Jehova ay lubhang hindi nalugod sa kanila. Ang kanilang paggawi ay tuwirang labag sa Batas na ibinigay sa Bundok Sinai. Libu-libo ang namatay. Bakit ito nangyari? Bagaman alam nila ang mga kautusan ni Jehova, maliwanag na hindi nila nilinang sa kanilang puso ang pagpapahalaga sa mga ito at sa bagay na ang tunay na Diyos ang siyang umaakay sa kanila.
6. (a) Anong mga paglalaan ang ginawa para sa kanila ni Jehova sa ilang? (1 Corinto 10:3, 4) (b) Bakit inasam-asam ng ilan kung ano ang taglay nila noon sa Ehipto?
6 Nang umalis sila sa Ehipto, nalalaman kapuwa ng Israel at ng “haluang karamihan” na sumama sa kanila na ito ang tamang bagay na dapat gawin. Subalit pagkalipas ng isang taon ay wala pa rin sila sa Lupang Pangako; wala pa rin silang mga tahanan sa “lupain na binubukalan ng gatas at pulot.” Lahat sila ay may sapat na makakain sa pisikal na paraan, at totoong may espirituwal na kasaganaan. Ang haligi ng ulap at ng apoy ay nagpapatunay sa tuwina na si Jehova ang umaakay sa kanila. Sa Dagat na Pula at sa Bundok ng Sinai nakita nila ang kasindak-sindak na katibayan ng kapangyarihan ni Jehova. Ang tipang Batas ay nagbigay sa kanila ng espirituwal na pagkain at pamparepresko. Marami rin itong inilaan para sa kanila na personal nilang gagawin, ipinakikita sa kanila kung ano ang kinakailangan nilang baguhin sa kanilang paggawi, sa kanilang pag-iisip, sa kanilang mga motibo, upang ito ay maging kalugud-lugod kay Jehova. Subalit sa halip na pahalagahan ang lahat ng ginagawa para sa kanila ni Jehova, inasam-asam nila ang pisikal na mga bagay na taglay nila noon sa Ehipto. Ang masakim na pag-asam ay humantong sa pagkapahamak ng marami.—Bilang 11:4-6, 31-34.
7. (a) Nang sabihin ng mga espiya ang kanilang ulat, bakit nagsalita ang bayan tungkol sa pagbabalik sa Ehipto? (b) Ano ang resulta? (Hebreo 3:17, 19)
7 Di nagtagal pagkatapos nito, si Moises ay nagsugo ng mga lalaki upang tiktikan ang Lupang Pangako. Nang sila’y bumalik lahat sila ay sumang-ayon na ito nga ay “binubukalan ng gatas at pulot.” Subalit sampu sa mga espiya o tiktik ay natakot sa mga tao roon at natakot sa kanilang nakukutaang mga lunsod. Hindi sila nagtiwala kay Jehova nang buong-puso nila at pinangyari nila na ang puso ng iba ay matakot. Minsan pa ang kanilang mga isipan ay nagbalik sa Ehipto, at binanggit nila ang tungkol sa mga plano na magbalik doon. Dahilan sa kanilang kakulangan ng pananampalataya, ang buong salinlahi na 20 taóng gulang at patanda ay sa wakas namatay sa ilang, hinding-hindi nakapasok sa Lupang Pangako.—Bilang 13:27-33; 14:1-4, 29.
8. (a) Upang si Lot at ang kaniyang pamilya ay mailigtas kapag pinuksa ang Sodoma, ano ang kailangan nilang gawin? (b) Bakit naging haliging asin ang asawa ni Lot? (c) Anong nagbababalang mensahe ang nilalaman niyan para sa atin?
8 Mahigit na 400 taon na mas maaga, ang leksiyon o aral ding iyan ay itinampok sa isang naiibang tagpo. Ang pamangkin ni Abraham na si Lot ay nanirahan sa Sodoma, isang lunsod na bulok sa moral subalit masagana sa materyal. Gayon na lamang kasamâ ang imoralidad sa Sodoma at sa mga purok nito anupa’t disidido si Jehova na lipulin ito, hindi na muling itatayo pa. Ang mga anghel ay sinugo upang iligtas si Lot at ang kaniyang sambahayan. Nang babalaan ni Lot ang kaniyang mga mamanugangin, sa kanilang paningin “siya ay parang isang taong nagbibiro.” Subalit ito ay hindi isang biro. Nang madaling-araw inapura ng mga anghel si Lot at ang kaniyang sambahayan sa labas ng lunsod at sinabihan sila na tumakas at huwag lilingon. Ang kanilang mga buhay ay nakasalalay sa pagsunod. Ginawa ni Lot at ng kaniyang dalawang anak na babae kung ano ang sinabi sa kanila at nakaligtas. Subalit maliwanag na ang asawa ni Lot ay nag-aatubili na iwanan ang materyal na mga bagay na naiwan. Lumilingon sa likuran, naiwala niya ang kaniyang buhay, siya’y naging isang haliging asin. Personal na isina-puso na ba natin ang kahulugan niyan? Upang huwag nating makaligtaan ang punto, isinama ito ni Jesus sa isang babala tungkol sa pagkaapurahan ng pagtakas mula sa matandang sistema sa ating kaarawan. Nang nagbababala laban sa pagiging labis-labis na pagkabalisa sa materyal na mga bagay mariin niyang sinabi: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.” (Genesis 19:12-26; Lucas 17:31, 32) Ano ang mag-iingat sa atin laban sa mga patibong na sumilo sa mga Israelita at sa asawa ni Lot?
“Nagnanasa ng Lalong Magaling na Dako”
9. Ano ang pananampalataya, at paano natin malilinang ito?
9 Upang maiwasan na maimpluwensiyahang lumingon, kailangan nating linangin ang higit na pananampalataya sa kung ano ang nasa unahan. Ang Hebreo 11:1 ay binibigyan-kahulugan ang pananampalataya na “ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.” Isa itong katiyakan o garantiya, gaya ng isang titulo, na aariin natin kung ano ang ipinangako ng Diyos. Ang pananampalataya ay salig sa malakas na katibayan, at bunga nito tayo ay nagkakaroon ng matibay na dahilan na maniwala sa mga bagay na hindi nakikita ng ating pisikal na mata. Hindi ito pagiging mapaniwalain, o handang maniwala dahil lamang sa ang isang bagay ay tila mabuti. Upang magkaroon ng tunay na pananampalataya, personal na dapat na maging pamilyar tayo sa katibayan na pinagsasaligan nito. Kailangan ding maingat na isaalang-alang natin kung papaanong ang mga natututuhan natin ay kumakapit sa atin mismong buhay at linangin ang tunay na taos-pusong pagpapahalaga rito.
10. (a) Paano pinatunayan ni Abraham ang kaniyang pananampalataya, at gaano katagal? (b) Paano natin nalalaman na tama ang kaniyang ginawa?
10 Taglay ni Abraham ang gayong pananampalataya. Bunga nito, sa patnubay ni Jehova nilisan ni Abraham ang masaganang lunsod ng Ur sa Caldea at lumipat sa malayong Canaan, isang lupain na hindi niya kailanman nakita pa. Doon siya ay namuhay na isang dayuhan, hindi iniugnay ang kaniyang sarili sa anumang kahariang-lunsod para sa seguridad. “Siya’y naghihintay ng lunsod na may tunay na pundasyon [ang Mesianikong Kaharian ni Jehova], na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.” Kung patuloy niyang inasam-asam ang buhay sa Caldea, malamang na siya’y nagbalik. Sa halip, siya ay “nagnasa ng lalong magaling na dako, samakatuwid baga, ang pag-aari ng langit.” (Hebreo 11:8-16) Hindi lamang sa loob ng mga ilang taon, o kaya’y sampu o dalawampung taon, na ninasa ni Abraham ang “lalong magaling na dako” na iyon. Patuloy niyang ginawa ito hanggang sa kaniyang kamatayan, 100 taon o mahigit pa pagkatapos niyang lisanin ang Ur. Hindi niya basta sinabi na mayroon siyang pananampalataya; ipinakita niya ito sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa. Bunga nito ang kaniyang gantimpala ay tiniyak. Gayon na lamang katiyak ang pag-asa tungkol sa isang pagkabuhay na muli para sa kaniya anupa’t, gaya ng sinabi ni Jesus, ‘sa Diyos, si Abraham ay nabubuhay.’—Lucas 20:37, 38; Santiago 2:18.
11. Paano ipinakita ni Isaac at ni Jacob na sila man, ay may pananampalataya?
11 Subalit kumusta naman ang anak ni Abraham na si Isaac, at ang anak ni Isaac na si Jacob? Hindi nila kailanman naranasan ang paraan ng pamumuhay ng mga Caldeo. Subalit hindi nila ito minalas na isang dahilan upang alamin para sa kanilang sarili kung ano ang katulad nito. Nang malaman nila mula sa kanilang mga magulang ang tungkol sa pangako ni Jehova ay isina-puso nila ito. Nilinang nila ang pananampalatayang katulad ng kay Abraham. Sila man, ay “nagnasa ng lalong magaling na dako.” Hindi sila ikinahiya ng Diyos.—Hebreo 11:9, 16, 20, 21; Genesis 26:24, 25; 28:20-22.
12. Ano ang umakay kay Esau at kay Dina tungo sa malubhang problema?
12 Sa kabilang dako, ang kapatid ni Jacob na si Esau ay hindi nagpahalaga sa espirituwal na mga bagay. Siya’y nag-asawa ng mga babaing hindi mga mananamba kay Jehova. Sa halip na mahalagahin ang banal na mga bagay, ipinagbili niya ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay na kapalit ng isang pagkain. (Genesis 25:29-34; 26:34, 35; Hebreo 12:14-17) Siya’y isang tao na nagnanais ng pisikal na kasiyahan ngayon. Ang anak na babae ni Jacob, si Dina, ay napasangkot din sa malubhang suliranin. Bakit? Sapagkat pinili niyang makisama sa paganong “mga anak na babae ng lupain.”—Genesis 34:1, 2.
13. (a) Ano nga ba ang buhay ng mga tao na bahagi ng sanlibutan sa ngayon? (b) Ano ang mag-iingat sa atin upang huwag mahilang pabalik dito?
13 Kung, tulad ni Abraham, Isaac at Jacob, ikaw ay talagang “nagnanasa ng lalong magaling na dako,” para sa buhay sa ilalim ng Mesianikong Kaharian ni Jehova, huwag mong hayaan ang iyong sarili na mahila pabalik sa sanlibutan. Alalahanin, ang iniaalok ng sanlibutan ay isang kinabukasan na hindi magtatagal. “Datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magkailanman.” At anong kasiya-siyang buhay nga iyan!—1 Juan 2:17.