Mga Panalangin Ukol sa Kapayapaan—Sino ang Nakikinig sa mga Ito?
ANO ang ginagawa ng isang Amerikanong Indian, na kontodong nagagayakan ng palamuting mga balahibo sa ulo, sa iisang plataporma na gaya ng isang paring Griego Ortodoxo? Bakit ang Budhistang Dalai Lama ay nakaupong kasama ng Arsobispo ng Canterbury? Anong pagkakatulad mayroon ang Judiong rabbi sa isang obispo ng Russian Orthodox Church? At bakit pamumunuan ni Papa John Paul II ng Iglesya Katolika ang gayong pagtitipon?
Hindi pa natatagalan hindi maiisip na ang papa ay makikibahagi sa isang plataporma ng panalangin na kasama ng mga lider ng iba pang pangunahing mga relihiyon. Gayunman, noong dakong huli ng 1986, sa Italyanong lunsod ng Assisi, siya ay nakisama sa lahat ng iba pang mga relihiyong ito sa pagdiriwang ng “Pandaigdig na Araw ng Pananalangin ukol sa Kapayapaan.” Ang pagtitipon ay itinaguyod ng papa kasuwato ng panawag ng United Nations sa 1986 bilang ang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan.
Sa Assisi, may sarisaring panalangin ukol sa kapayapaan. Subalit sino ang nakikinig sa mga ito? Ang Trinitaryong Diyos ng Sangkakristiyanuhan? O ang Diyos ng mga Judio? Si Allah ng mga Muslim? Ang Dakilang Hinlalaki at Umuugong na Kulog ng mga animista? Mayroon bang sinuman sa mga diyos na ito ang nakikinig sa mga panalanging ito? Ngayong lumipas na ang ilang panahon sapol noong pangyayari sa Assisi, ang mga kasagutan ay maliwanag.
Kung Ano ang Nangyari
Ang mga panalangin ng mga lider ng relihiyon na iyon ang tugatog ng internasyonal na araw ng panalangin na ginanap sa Assisi sa kalagitnaang Italya noong Oktubre 27. Isang malaking plataporma ang itinayo, na may salitang “KAPAYAPAAN” sa 14 na mga wika sa may likuran. Nakaayos sa isang malawak na kalahating-bilog, nasa gitna ang papa, mahigit na 60 mga lider ng pangunahing mga relihiyon ang naghali-halinhinan sa pananalangin sa entablado. Ipinalabas sa telebisyon ang seremonya na sinasabing napanood ng 500 milyon katao sa buong daigdig.
Ang unang nanalangin ay ang mga Budhista, na humiling ng “isang karagatan ng kaligayahan at kagalakan.” Pagkatapos ang mga Hindu ay humingi sa Diyos ng “kapayapaan sa lahat ng tao.” Ang mga Muslim ay nanalangin: “Purihin nawa ang Diyos, Panginoon ng Sansinukob.”
“Pagkalooban mo po kami ng kapayapaan,” ang pagsamò ng mga animistang Aprikano habang namamanhik sila sa kanilang mga diyos. “Inihahandog namin ang Pipa sa Dakilang Espiritu, sa Inang Lupa,” sabi ng mga Amerikanong Indian habang hinihitit ang pipang pangkapayapaan. “Bigyan mo po ng kapayapaan ang lupa,” ang dalangin ng mga Judio.
“Sa kapayapaan at pagkakaisa tayo’y magsumamò sa ating Panginoong Diyos,” ang dasal ng mga kinatawan ng Katoliko, Anglicano, Luterano, at Griego Ortodoxo. Ang mga Sikh, Zoroastriano, Shintoista, at mga Jain ay nanalangin din ukol sa pansansinukob na kapayapaan.
Ang Okasyon ay Binigyan ng Kabantugan
Ito ang kauna-unahang pagkakataon, sabi ng pahayagan, na ang gayong matataas na klero ng mga relihiyon ng daigdig ay nagkatipun-tipon sa isang dako upang manalangin. Sa kadahilanang ito ang pagtitipon ay tinawag na isang “makasaysayang okasyon.”
Ang ilan ay naniniwala na natupad doon ang hula ng Bibliya. Yamang ang Assisi ay nasa isang burol, ipinalalagay nilang ito ang simbolikong bundok na binabanggit ng Mikas kabanata 4, talatang 2. Isang report ang nagsabi na ang pagtitipon sa Assisi ay “isang pagtitipon na inihula ni propeta Mikas 2,700 taon na ang nakalipas: ‘Sa [panahon ng] kawakasan ang bundok kung saan nakatayo ang templo ng Panginoon ay siyang magiging pinakamataas . . . Lahat ng bayan ay magtitipon sa paanan nito at magsasabi: Tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon. Tuturuan niya tayo ng kung ano ang dapat nating gawin.’”—Voce delle Contrade.
Ang babasahing Il Sabato ay masiglang nagsabi: “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang anumang gaya nito ay nangyari mula noong pangyayari sa Tore ng Babel. Noon, dahil sa kanilang pagnanais na marating ang mga langit, ang mga tao ay nagkabaha-bahagi. Ngayon, sa ngalan ng mga damdaming relihiyoso na nagbukas sa kanila ng daan sa kaloob ng Diyos, na kapayapaan, ang mga tao ay nagkaisa.”
Mahalagang mga Katanungan na Ibinangon
Ang pangyayari ay walang alinlangang kahanga-hanga. Gayunman, ito ay nagbangon ng matuwid na mga katanungan. Ang pahayagang La Nazione ay nagtanong: “Ang mensahe bang iyan ay nagsilbi sa layunin nito? Narating kaya nito ang mga puso ng kalahating bilyong mga manonood? Magtalusirâ kaya ito sa matatag na mga katayuan niyaong, tuwiran o di-tuwirang, nagtatakda at namamahala sa mga pangyayari at kahihinatnan ng daigdig?”
Ang nag-iisip na mga tao ay nagtatanong ng iba pang matalinong mga katanungan: Tinatanggap ba ng Diyos ang lahat ng panalangin anumang uri ng pagsamba ang isinasagawa? Sapat na ba ang manalangin ukol sa isang bagay nang hindi tinitiyak ang pangmalas ng Diyos tungkol sa bagay na ito? Ang mga tao ba ay naudyukan ng pagtitipong ito na gumawa ukol sa kapayapaan? Ano ang itinuturo sa atin ng kahapon? At higit sa lahat, ano ang sinasabi ng mga Kasulatan tungkol sa kung paano matatamo ang kapayapaang pandaigdig?
Dapat din nating itanong: Ang pagtitipon bang ito ng mga relihiyon ng daigdig sa Assisi ay siya ngang modernong-panahong Tore ng Babel?