Isang Modernong Tore ng Babel?
ANG sinaunang Tore ng Babel ay naging sagisag ng kalituhan at pagkakabaha-bahagi. Doon, mga 4,000 taon na ang lumipas, ginulo ng Diyos ang wika ng mga tao. Bakit? Dahilan sa paghihimagsik nila laban sa kaniya. Tinanggihan nila ang pagsunod sa Diyos at sa halip ay isinentro nila ang kanilang buhay sa mga pakana ng di-sakdal na mga tao. Kaya’t pinangalat sila ng Diyos.—Genesis 11:1-9.
Lubhang kakaiba ba ang nangyari sa Assisi? Ang mga tao ba ay wastong muling nagsama-sama roon? Talaga bang itinaguyod ng mga lider ng relihiyon ng mahigit na dalawang bilyon katao ang kapayapaang pandaigdig?
Mayroon bang Pagkakaisa Roon?
Sa isang pahayag na binigkas mga ilang araw bago nito, idiniin ng papa: “Ang magaganap sa Assisi ay tiyak na hindi ang pagkakaisa ng mga relihiyon.” Sabi pa niya: “Hindi tayo maaaring manalanging sama-sama, yaon ay, magsama-sama sa isang panlahat na panalangin, subalit maaari tayong maging presente samantalang ang iba ay nananalangin.”
Kaya ipinahiwatig ng papa na ang pamantayang susundin sa pananalangin ukol sa kapayapaan ay yaong pagtitipong sama-sama upang manalangin, hindi yaong pananalanging sama-sama. Napansin ng iba na nais niyang iwasan ang pakikibahagi sa isang panlahat na panalangin. Sa ganitong paraan hindi siya mapaparatangan ng mga Katoliko na nakikihalo sa iba’t ibang mga paniwalang relihiyoso.
Pinatunayan ito ng pagtanggap na pahayag ng papa sa mga lider ng relihiyon nang umagang iyon. Mariin niyang sinabi: “Ang bagay na tayo ay nagtungo rito ay hindi nagpapahiwatig ng anumang intensiyon na humanap ng isang relihiyosong kasunduan sa gitna natin o ng pag-aayos ng ating mga paniniwala. Ni nangangahulugan man ito na ang mga relihiyon ay maaaring magkasundo sa antas ng isang panlahat na pangako sa isang makalupang proyekto na makahihigit sa kanilang lahat.”
Tiyak, kung gayon, na walang pagsisikap na pagkasunduin ang maraming pagkakaiba sa mga turo ng relihiyon na kinakatawan niyaong mga nagkakatipon sa Assisi. Samakatuwid magiging imposible ang pagkakaisa ng mga relihiyon. Ang kalituhan ng ‘relihiyosong mga wika’ ay magpapatuloy. Kaya, mayroon ngang malaking pagkakahawig sa sinaunang Tore ng Babel.
Ang pagkakabaha-bahaging ito ng mga relihiyon ay maliwanag kung isasaalang-alang ang mga paniniwala. Halimbawa, hindi tinatanggap ng Budhismo ang pag-iral ng isang personal na Diyos, itinuturo nito na ang pangwakas na tunguhin ng tao ay ang Nirvana, isang kalagayan ng lubos na kaligayahan na natatamo sa pamamagitan ng pagpatay sa makalupa o panlabas na tao. Ang mga Hindu ay naniniwala sa angaw-angaw na mga diyos at sa isang patuloy na siklo ng mga reinkarnasyon na maaaring humantong sa Nirvana. Ang mga relihiyong Katoliko, Ortodoxo, at Protestante ay naniniwala sa isang Trinidad. Subalit ang mga Muslim ay naniniwala na mayroong isang Diyos, si Allah, at na si Muhammad ang kaniyang propeta; gayunman, hindi sila naniniwala na ang Diyos ay may anak. Ang mga Judio ay sumasamba sa isang Diyos subalit hindi nila tinatanggap si Jesus bilang ang Mesiyas. Ang Aprikanong mga relihiyon ay naniniwala na ang mga halaman, mga hayop, at mga bagay na walang buhay ay may espiritu. Ang Amerikanong mga Indian ay sumasamba sa mga puwersa ng kalikasan.
Gayunman, ang tunay na kapayapaan ay nangangahulugan sa paanuman ng isang pangunahing pagsasama-sama, o pagkakaisa, ng iba’t ibang mga bayan. Datapuwat ang mga relihiyon na nagtipon sa Assisi ay lubhang nagkakabaha-bahagi anupa’t hindi nga sila magkasundo sa isang panlahat na panalangin! Tiyak, hindi maaaring sang-ayunan ng Diyos ang lahat ng nagkakasalungatang mga ideyang ito sapagkat, si apostol Pablo ay sumulat, “ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.”—1 Corinto 14:33.
Nakikinig ba ang Diyos?
Paano nga may pagsang-ayong makikinig ang tanging tunay na Diyos, ang Maylikha ng langit at ng lupa, sa mga panalangin ng mga lider ng relihiyon na walang intensiyong gumawa ukol sa tunay na pagkakaisa? Ang mismong kinasihang Salita ng Diyos ay maliwanag na nagsasabi na yaong nagsasagawa ng tunay na pagsamba ay “dapat na lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna [nila], kundi na [sila’y] magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10.
Kung pinakinggan ng Diyos ang nagkakabaha-bahaging mga relihiyong ito, sinasalungat niya ang kaniyang sarili. Ipahihiwatig nito ang pagsang-ayon niya sa kung ano ang hinahatulan niya—ang pagkakabaha-bahagi. Subalit ang Diyos ng katotohanan ay hindi maaaring paratangan ng pagtataguyod ng dobleng pamantayan. Hindi niya sasalungatin ang kaniya mismong Salita, sapagkat ang “Diyos . . . ay hindi maaaring magsinungaling.” (Tito 1:2) Kaya, hindi siya nakikinig nang may pagsang-ayon sa mga panalangin ng gayong nababaha-bahaging pagsamba.
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na sinasang-ayunan lamang ng Diyos ang pagsamba na kasuwato ng kaniyang kalooban. Sabi ni Jesus: “Hindi bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” Sinabi rin niya na “hinahanap” ng Diyos, yaon ay, sinasang-ayunan at pinakikinggan lamang niya yaong sumasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.” Iyan ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtalima sa kaniyang Salita at pagsunod sa kaniyang mga utos. Kaya hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga relihiyon na hindi gumagawa ng kaniyang kalooban, kung paanong hindi niya sinang-ayunan ang mga tagapagtayo ng Tore ng Babel, na hindi rin ginagawa ang kaniyang kalooban. Tinanggihan niya sila. Gaya ng sinabi ni Jesus doon sa mga ginagawa ang kanilang sariling kalooban sa halip na ang kalooban ng Diyos: “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23; Juan 4:23, 24.
Sa gayon, ang espirituwal na kalagayan ng mga relihiyon na nagkatipon sa Assisi ay kabaligtaran ng kung ano ang hinihiling ng Diyos sa tunay na mga mananamba. Sa halip na nagkakaisa sa iisang isip at kaisipan, sila ay lubhang nagkakabaha-bahagi, gaya ng umiral sa Tore ng Babel.
Ang bagay na ang Diyos ay hindi nakikinig nang may pagsang-ayon sa mga panalangin ng tulad-Babel na mga relihiyon ng daigdig na ito ay makikita pa kapag sinuri natin ang patotoo ng kasaysayan. Anong uri ng larawan ang inihaharap ng patotoong iyan?
[Larawan sa pahina 6]
Isang Babilonikong toreng templo