Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 6/8 p. 7-10
  • ‘Ang Inyong mga Kamay ay Punô ng Dugo’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Ang Inyong mga Kamay ay Punô ng Dugo’
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makikinig ba ang mga Lider at mga Tao?
  • Hindi Isang Puwersa ukol sa Kapayapaan
  • Naghahanap ng Kapayapaan ang mga Relihiyong Nagtipon sa Assisi
    Gumising!—2002
  • Mga Panalangin Ukol sa Kapayapaan—Sino ang Nakikinig sa mga Ito?
    Gumising!—1987
  • Isang Modernong Tore ng Babel?
    Gumising!—1987
  • Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 6/8 p. 7-10

‘Ang Inyong mga Kamay ay Punô ng Dugo’

“KAHIT na kayo’y manalangin nang marami, hindi ko kayo pakikinggan; ang inyong mga kamay ay punô ng dugo.” Gayon ang sabi ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat doon sa mga nagsasabing naglilingkod sa kaniya subalit nasasangkot sa pagbububô ng walang-salang dugo.​—Isaias 1:15.

Ang mga relihiyon ba ng daigdig na ito ay may pagkakasala sa pagbububô ng walang-salang dugo? Mayroon, tiyak na may pagkakasala sila. Sa bawat digmaan sa ating ika-20 siglo, itinaguyod ng mga relihiyon ng daigdig na ito at ng kanilang mga klero ang pagbububô ng dugo. Umakay pa nga ito sa mga membro ng iisang relihiyon na lansakang magpatayan sa isa’t isa.

Gayunman, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘isauli ang kanilang tabak sa kaniyang lalagyan.’ (Mateo 26:52) Si apostol Pablo ay nagsabi: “Ang mga sandata ng aming pakikipagbaka ay hindi ukol sa laman.” (2 Corinto 10:4) Ang makapangyarihang mensahe ng Salita ng Diyos ay na yaong nagsasagawa ng tunay na relihiyon ay dapat na mag-ibigan sa isa’t isa at hindi magbubô ng dugo: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang pasabing inyong narinig buhat sa pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t isa; hindi gaya ni Cain, na nagmula sa balakyot at pinatay niya ang kaniyang kapatid.”​—1 Juan 3:10-12.

Kung hindi isinasagawa ng isang relihiyon ang uring ito ng pag-ibig, ang mga panalangin nito ay hindi diringgin ng Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Anumang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakalulugod sa kaniyang paningin.” (1 Juan 3:22) Subalit hindi tinutupad ng mga relihiyon ng daigdig na ito ang mga utos ng Diyos. Sa halip, sila ay nakisama sa pagpatay sa mga isang daang milyon katao sa mga digmaan ng dantaon lamang na ito!

Makikinig ba ang mga Lider at mga Tao?

Sa kaniyang pansarang talumpati sa Assisi, sinabi ni John Paul II: “Inaanyayahan namin ang mga pinuno ng daigdig na pansinin ang aming mapagpakumbabang pagsamò sa Diyos ukol sa kapayapaan.” Makikinig kaya ang pulitikal na mga pinuno at ang kanilang bayan sa pangkalahatan sa panawagang ito? Upang malaman ating tingnan ang kasaysayan.

Isinisiwalat ng kasaysayan na ang mga kasunduan at mga panalangin ukol sa kapayapaan ay hindi bago. Noong mga Edad Medya, ang mga kasunduan ukol sa kapayapaan ay karaniwang tinatawag na mga pansamantalang kapayapaan ng Diyos o banal na mga pansamantalang kapayapaan. Ito ay ipinahahayag sa relihiyosong mga kapistahan ng Sangkakristiyanuhan, kung kailan ang lahat ng mga paglalaban ay humihinto. Subalit kahit na ang banta ng ekskomunikasyon para sa mga lumalabag ay hindi sapat upang igalang ito ng mga tao.

Noong taóng 1915, ibinunsod ni Papa Benedict XV ang isang panawagan sa mga bansa na wakasan ang “kakila-kilabot na pagpapatayan” ng unang digmaang pandaigdig. Nanalangin siya sa Diyos para sa “pagtigil ng balakyot na pagpapahirap.” Ngunit hindi nakinig ang mga pinuno ng bansa ni nakinig man ang kanilang bayan. At, makatuwiran naman, hindi nakinig ang Diyos sapagkat ang mga mandirigma sa magkabilang panig ay binubuo ng mga membro ng magkaparehong relihiyon. Sa gayon, pinatay ng mga Katoliko ang mga Katoliko, at pinatay ng mga Protestante ang mga Protestante, na totoong salungat sa utos ng Diyos.

Noong tagsibol ng 1939, nang ang mga ulap ng bagyo ng ikalawang digmaang pandaigdig ay nagtitipon, si Pius XII ay nag-organisa ng “isang kampanya ng mga panalanging pangmadla ukol sa kapayapaan.” Nang sumunod na Agosto, bago sumiklab ang digmaan, ibinunsod niya ang isang panawagan sa mga pinuno ng bansa at sa kanilang bayan na tigilan na ang “mga pagpaparatang, mga pagbabanta, mga sanhi ng kawalan ng tiwala sa isa’t isa” upang maiwasan ang pinakamasamang pangyayari.

Datapuwat ang lahat ng mga panalangin at mga panawagang iyon ay hindi nagpatigil sa pagdidigmaan ng mga Katoliko at Protestante sa Alemanya; ni ipinakita nila ang daan ng kapayapaan sa Katolikong Italya o ipinakita man ito sa Shintoistang Hapón. At walang anumang banta ng ekskomunikasyon laban sa mga membro ng anumang relihiyon sa pagpatay sa iba pa ng relihiyon ding iyon. Kaya ang pagpapatayan ng kapatid sa kapatid ay nagpatuloy sa loob ng anim na taon, na itinaguyod ng mga klero ng bawat bansa.

Bilang tugon sa panawagan ng papa sa Assisi, sa ilang mga dako ang labanan ay huminto noong Oktubre 27, 1986. Subalit sa iba pang bansa ito ay nagpatuloy. Sa maraming pagkakataon ito ay sa mga lupain na ang relihiyon ay kinakatawan sa Assisi. Halimbawa, ang Katolikong gerilyang mga mandirigma ng IRA ay naglunsad ng isang pagsalakay ng bomba sa Ireland. Ang mga Sikh ay nakipagbaka sa India. Sa Afghanistan, Ethiopia, Lebanon, Iran, at Iraq, gayundin sa iba pang dako, ang pagbububô ng dugo ay nagpapatuloy rin. At kahit na sa lugar na roon ay mayroong pansamantalang pagtigil sa labanan nang isang araw na iyon, ang kamatayan at kakilabutan ay muling inihasik kinabukasan. Isang kakatwang kapayapaan nga!

Maaari kayang pagpalain ng “Diyos ng kapayapaan” ang gayong mga pangunguna na di-tuwirang sumasang-ayon doon sa humihinto sa pagpatay ngayon upang magsimula lamang muli kinabukasan? Sinang-ayunan ba ng Diyos si Cain pagkatapos niyang patayin si Abel? Tiyak na hindi!​—Hebreo 13:20.

Hindi Isang Puwersa ukol sa Kapayapaan

Ipinakikita ng mga surbey na isinagawa sa iba’t ibang mga bansa kamakailan na ipinalalagay ng maraming tao na ang mga relihiyon ng daigdig ang mga tagasulsol ng digmaan sa halip na mga tagapagtaguyod ng kapayapaan. Iyan ang palagay ng 47 porsiyento ng mga Pranses at 48 porsiyento ng mga Israeli.

Si John Taylor, kalihim-panlahat ng World Conference of Religions for Peace, ay nagsabi sa buwanang Pranses na babasahing Katolikong L’Actualité Religieuse dans le Monde: “Dinadaya natin ang ating mga sarili sa pag-aakala na ang relihiyon ay maaari at magdadala ng liwanag at pag-ibig sa mga labanan, at na tayo ay lubhang makikinabang sa pagkakaisa ng mga puwersa laban sa digmaan, laban sa mga armamento. Subalit kapag sinusuri natin ang mga suliraning ito, unti-unti nating natatalos na ang mga digmaan ay hindi dala ng mga armamento, kundi ng pagkakapootan at pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga tao . . . At dito minsan pa ang relihiyon ay gumanap ng bahagi nito.”

Ganito pa nga ang mas tahasang sinabi ng mananalaysay na si Ernesto Galli Della Loggia, sa pahayagang Katoliko na Avvenire: “Wari ngang ang relihiyon ay hindi nakapagtayo ng isang tagapagkaisang balangkas sa gitna ng mga tao at sa gitna ng mga bayan, bagkus ang ganap na kabaligtaran. Ganiyan na ang nangyari sa loob ng mga dantaon. Ang pinakamalaking monoteistikong mga relihiyon ay hindi lamang nakipaglaban sa isa’t isa sa isang digmaan na walang awa kundi ang ilan sa mga ito​—pangunahin na ang Sangkakristiyanuhan at ang Islam​—ay itinalaga ang kanilang lakas sa paglipol sa mga relihiyong animista ng tinatawag na mga saunahing tao. Nangyari ito sapagkat ang relihiyon at ang kapangyarihan ng pulitika ay dalawang mukha ng iisang barya.”

Dahil dito at sa iba pang mga dahilan, alin sa winawalang-bahala ng mga pamahalaan ang mga lider ng relihiyon o pinababayaan sila na para bang sila ay isang kinakailangang panggulo. At ang makasanlibutang relihiyon mismo ay isa lamang pagkukunwari na may kaunti o walang kapaki-pakinabang na epekto sa tao o sa mga kalagayan sa daigdig.

Sa pagtatapos ng araw ng panalangin, inamin mismo ng papa ang pananagutan ng Katolisismo sa lahat ng pagbububong ito ng dugo. Sabi niya: “Handa kong kilalanin na ang mga Katoliko ay hindi laging naging tapat sa pagpapahayag na ito ng pananampalataya.” At pagkatapos ay isinusog niya: “Sa tuwina’y hindi tayo naging ‘tagapagpayapa.’ Samakatuwid, sa atin at marahil, sa isang diwa, para sa lahat, ang pagtitipon na ito sa Assisi ay isang akto ng penitensiya.”

Subalit ipinakita ba ng modernong-panahong relihiyon sa pamamagitan ng mga pagkilos nito na ito ay nagbago na ng saloobin tungkol sa digmaan? Ito ba ay talagang nagsisisi sa kahiya-hiyang nakalipas nito? Kung tungkol sa kasalukuyang mga digmaan, ganito ang sabi ni Ernesto Galli Della Loggia: “Siyam na beses sa sampu ang mga digmaang ito ay relihiyosong mga digmaan din.”

Ang mga panalangin ukol sa kapayapaan sa gayon ay naging walang kabuluhan. Ang mga lider ng pulitika at ang mga tao ay hindi nakikinig sa mga ito at hindi kumikilos na kasuwato nito; ni nakikinig man ang Diyos, sapagkat siya ay nagsabi: “Kahit na kayo manalangin nang marami, hindi ko kayo pakikinggan; ang inyong mga kamay ay punô ng dugo.” (Isaias 1:15) Iyan ang dahilan kung bakit ang 1986 Internasyonal na Taon ng Kapayapaan na itinaguyod ng United Nations at tinulungan ng mga panalangin ng mga relihiyon ng daigdig na ito ay naging isang kabiguan.

[Kahon sa pahina 10]

Isang Surbey sa Italya

ANG magasing Gumising! ay nagsagawa ng isang surbey sa iba’t ibang lunsod sa Italya, kung saan daan-daang mga tao ang kinapanayam, ang karamihan ay Katoliko. Nang tanungin kung baga ang gayong mga pangunguna na gaya ng araw ng panalangin sa Assisi ukol sa kapayapaan at mga cease-fire ay tutulong upang mawala ang mga digmaan at mga armamento, 70 porsiyento ang nagsabi ng hindi, 17 porsiyento ang nagsabi na unang hakbang pa lamang ito, at 10 porsiyento ang may akala na ito ay isang positibong bagay na dapat gawin.

Isang pari mula sa hilagang bahagi ng Italyanong lunsod ng Bergamo ang nagsabi: “Sa palagay ko ang pangunguna ay magiging kapaki-pakinabang kung ang mensahe nito ay ipagpapatuloy. Isa itong mabuting pasimula na hindi dapat ihinto.”

Subalit isang dalagang Katoliko mula sa dako ring iyon ang nagsabi: “Hindi maiiwasan ng isa ang mabigla sa pagpapaimbabaw ng mga tao na nakipagdigma sa loob ng maraming taon, sa relihiyosong mga kadahilanan din, at na naglalapag ng kanilang mga sandata at nananalangin ukol sa kapayapaang pandaigdig, nalalamang mabuti na sa kinabukasan sila ay muling makikipaglaban.” At isang kabataan mula sa Brescia ang nagsabi: “Ang mga pagtitipong gaya nito ay hindi nakakatulong sa pagsugpo sa relihiyosong pagwawalang-bahala. Ang mga simbahan ay dapat na hindi gaanong interesado sa pulitika kung nais nilang pakinggan sila ng Diyos.”

Bilang tugon sa katanungang, “Ano ang dapat gawin ng relihiyon upang mas mabisang makatulong sa kapayapaan?” isang Katoliko mula sa Turin ang nagsabi na “dapat silang humiwalay sa lahat ng makamundong pakikipagsabwatan at turuan ang mga tao na mamuhay nang walang mga sandata.” Isang dalagang Katoliko mula sa Cremona ay nagsabi: “Ang simbahan ay dapat na magpakita ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng hindi pakikisangkot sa mga digmaan at pulitika. Subalit huli na ang lahat ngayon.”

Nang tanungin, “Ano ang palagay ninyo sa pangunguna ng papa ukol sa kapayapaan?” isang abugado mula sa lalawigan ng Pesaro ang sumagot: “Ginagamit ng simbahan ang suliranin ukol sa kapayapaan sa sariling bentaha nito upang palaganapin ang Katolisismo sa daigdig.” Isang 84-anyos na babaing Katoliko ang nagsabi: “Ito ay walang silbi. Kung nais nila ng digmaan, sa paanuman ay sisimulan nila ang isang digmaan.”

Kung tungkol sa “pulitikal na mga balak” ng relihiyon, ang publikasyon sa Milan na Il Corriere della Sera ay nagkomento: “Sinasamantala ng Simbahan ang pasipismo at itinataguyod ang mga pangunguna na nagpapahintulot sa kaniya na pamahalaan, sa halip na pasakop, ang mga pagtatalo ng opinyon ng madla o publiko tungkol sa kasalukuyang pangunahing pulitikal na mga suliranin.”

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Mga panalangin ay inihandog ng mga tao mula sa buong daigdig

Maraming kabataan ang interesado sa kapayapaang pandaigdig

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share