Pagmamasid sa Daigdig
Pinakamataas na Bilang ng Pagpapatiwakal
Ang dami ng pagpapatiwakal sa Hungary ay pinakamataas sa daigdig, at ang pamahalaan ng Hungary ay nababahala, ulat ng The New York Times. Sang-ayon sa saykayatris na si Dr. Bella Buda, isang mananaliksik sa Hungarian Academy of Sciences, ang mga biktima ng pagpapatiwakal sa Hungary ay itinuturing na ‘matatapang na tao’ na tinanggap ang kamatayan upang maiwasan ang higit na paghihirap. Taun-taon “halos 5,000 katao ang nagpapakamatay sa Hungary,” sabi ni Buda, samantalang “kasindami ng 50,000 ang sumusubok nito.” Dahil sa nakababahalang pagdami ng mga pagpapatiwakal, hinihiling ng gobyerno sa mga mananaliksik na humanap ng mas mabuting mga paraan ng pag-iwas. Binanggit na mga salik sa mga kaso ng pagpapatiwakal ang hindi pag-unlad ng kabuhayan, implasyon, at alkoholismo na udyok ng “isang balisang-balisang paghahangad” ng isang materyalistikong istilo-ng-buhay.
Kung Paano Nagpepreserba ang Asin
Pinipreserba ng asin ang karne—ngunit paano? Ang mikrobiyologong si Robert Buchanan ng Kagawaran ng Agrikultura ng E.U. ay nagsasabi na natuklasan na niya kung paano ginagawa ito ng asin. “Hindi nito pinapatay ang sumisira-sa-pagkain na baktirya sa pagmamagitan ng pagtuyo sa mga ito,” ulat ng magasing Hippocrates. “Sa halip, pinupuwersa ng asin ang baktirya na gumamit ng napakaraming enerhiya upang alisin ang sodyum anupa’t wala na itong natitirang lakas upang kumain at magparami.” Marahil ang balitang ito ay tutulong sa mga nagpa-process ng karne kung paano babawasan ang paggamit ng asin sa kanilang mga produkto.
“Isang Malungkot na Larawan”
Ipinakikita ng mga estadistika noong 1986 na ang mga membro ng pinakamalaking denominasyong Protestante sa Canada, ang United Church of Canada, ay bumaba na naman ng mahigit na 9,000. Noong 1985 ang ibinaba ay 10,000. Inilarawan ng The Toronto Star ang mga bilang noong 1986 na “isang malungkot na larawan para sa isang denominasyon na kung minsan ay napaliligiran ng pagtatalo.” Kabilang sa mga sanhi ng “panlahat na kaguluhan” na umakay sa pagkawala ng mga membro na itinala ay “ang binabalak na ordinasyon ng nagpahayag-sa-sarili na mga homoseksuwal at ang paggamit ng wikang walang kinikilingang-sekso sa literatura ng simbahan.” Inamin ng isang dating tagapamagitan ng simbahan na ang ilan ay naniniwala na “ang liderato ng simbahan ay walang komunikasyon sa lokal na mga tao.”
Bagong Teoriya sa Piramide
Kung paano binuhat ng sinaunang mga Ehipsiyo ang pagkalalaking mga bato na ginawang mga piramide ay malaon nang nakaintriga sa mga iskolar. Ngayon si Joseph Davidovits, isang kímiko sa Barry University sa Florida, ay nagsasabi na ang mga ito ay hindi binuhat kundi bagkus ay minolde roon. Ibinatay niya ang kaniyang teoriya sa pagsusuri sa mga sampol na mga bloke ng piramide na nakuha niya noong 1982. Ang mga bloke, sabi niya, ay naglalaman ng mga mineral na hindi likas na makikita sa batong-apog (limestone) at na kakaiba sa mga bato sa mga tibagan ng bato sa Ehipto. Sinasabi niya na minumolde ng mga Ehipsiyo ang mga bato sa pamamagitan ng pagdidikit sa batong-apog at batong iskombro ng isang likas na semento, ginagamit ang isang natapos na bato na bahagi ng molde para sa susunod. Hinamon ng pamahalaang Ehipsiyo ang kaniyang teoriya.
Ikinalakal ang Dalaw ng Papa
Mga ilang buwan pa bago ang siyam-na-araw na paglalakbay ng papa sa Estados Unidos noong Setyembre, ang mga negosyante ay nagsimula nang magbenta ng mga memorabilya. “Ang mga opisyal ng Vaticano at ng Iglesya Katolika Romana sa E.U. ay tumangging sang-ayunan ang alinman sa kanilang komersiyal na pakikipagsapalaran,” sabi ng Newsweek. “Gayunman, ang halaga ng mga kagamitan ng papa ay dumarami na parang mga tinapay at mga isda.” Kabilang sa mga iniaalok ay mga T-shirt: Iniulat na ang T-shirt na paborito ng mga pari at mga madre ay nagtatampok ng isang “larawan ng aso na may nakaanunsiyong beer . . . na nakasuot ng sombrero at damit ng papa.” Mga sombrero, mga maskara, at mga singsing: Isang plastik na gintong imitasyon ng singsing ng papa na may nakakabit na pulang labi. “Kapag hinalikan mo ito,” sabi ng maygawa nito, “hahalikan ka rin nito.” Mga poster at mga litrato: Maaari kang magpalitrato na kasama ng kasinlaki-ng-buháy, ginupit na larawan ng papa. Mga video at mga komiks: Kapuwa nagsasaysay sa kuwento ng buhay ng papa. Mga pandilig sa damo: Ang tubig ay lumalabas “mula sa nakalahad na palad ng papa na yari sa plywood.” Ang mga ito ay ibinenta sa ilalim ng sawikaing: “Tayo’y mag-isprey.” Para sa pagkain at inumin, isang ice kendi sa anyo ng papa—na tinawag na Popesicle—ay iminungkahi.
Pansansinukob na Tinanggihan
Nagsimula ito bilang isang mabuting ideya: Kumuha ng paldu-paldong siniksik na mainam na basura; ilagay ito sa maliit, kontroladong mga panambak na lupa; at gumawa ng enerhiya mula sa nagiging gas na methane samantalang nabubulok ang basura. Upang simulan ang proyekto, ang kontratistang si Lowell Harrelson ay mayroong 3,100 tonelada ng komersiyal na basura mula sa Islip, New York, na isinakay sa isang lantsa de deskarga at ibababa sa North Carolina, kung saan siya ay nakipagkasundo sa mga ilang magsasaka na gamitin ang kanilang lupa. Subalit nang ito ay dumating, ang mga protesta ay nagpangyari sa mga opisyal na ipag-utos na paalisin ang lantsa de deskarga. Sapagkat ito’y nagkaroon ng masamang pangalan, ito ay tinanggihan din sa mga estado ng Alabama, Mississippi, Louisiana, Texas, at Florida. Ang Belize at ang iba pang mga bansa sa Carribbean ay tumanggi rin, at ipinadala ng Mexico ang bantay sa baybay-dagat nito at ang hukbong panghimpapawid nito upang huwag itong dumaong doon. Sa wakas, pagkalipas ng 60 mga araw at 9,700 kilometro—sa halagang $6,000 isang araw para sa lantsa de deskarga at trabaho—ito ay bumalik sa New York. Subalit ayaw rin itong padaungin ng mga opisyal, binabanggit ang mga problema sa kalusugan at kaligtasan. Pagkaraan na ang basura ay nakatambak doon sa Gravesend Bay sa loob ng tatlong buwan noong nakaraang tag-araw na para bang isang pang-akit sa mga turista, sa wakas ay nagkaroon ng kasunduan na ito ay sunugin sa Brooklyn at ang abo ay ibabaon na muli sa Islip. “Kung minsan,” sabi ni Harrelson, “nag-iisip tuloy ako kung paano ako naging gayon kamangmang, paano ko nagawa ang pinagmulan ng matinding galit na gaya nito.”
Mabigat na Pananagutan
Ang bagay na halos lahat ng mga babaing dumanas ng isang aborsiyon ay dumaranas pagkatapos niyaon ng matinding kaguluhan ng isipan ay kadalasang inililihim sa publiko, sabi ni Propesor P. Peterson ng Hannover, Alemanya, ospital sa gynecology. Kabilang sa mga epekto pagkatapos ng aborsiyon ay ang “matinding mga pagkadama ng pagkakasala; panlulumo; kawalang-damdamin o pagkainis; pagkamuhi sa kabiyak, doktor, o sa mga lalaki sa pangkalahatan; panlalamig; [at] nakatatakot na masasamang panaginip.” Sang-ayon sa pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung, binanggit ni Peterson na ang mga doktor na nagpapangyari ng mga aborsiyon ay dapat ding magdala ng “bahagi ng pananagutan sa pagpatay ng mga tao.” Ito ay nagbunga na ng maraming sakit sa isipan ng maraming doktor.
Pamatid ng Uhaw?
Ano ang iniinom mo kapag ikaw ay nauuhaw? “Balintuna, ang pinakapopular na pinipili—ang matamis at may karbonatong inuming de bote—ay hindi pumapawi ng uhaw,” sabi ng The New York Times. “Sa halip, ang maraming asukal na nilalaman nito ay maaaring mag-iwan sa iyo na lalong nauuhaw, pinasisimulan ang isang siklo ng pagkauhaw na nagpapalakas sa pag-inom ng inuming de bote.” Ang karaniwang 340 gramong soda ay naglalaman ng siyam na kutsaritang asukal at “walang ibinibigay kundi matamis na mga calories.” Maaari rin itong maglaman ng kalahati ng dami ng caffeine na masusumpungan sa isang tasang kape. At nariyan din ang pagkaasido—sa mga cola, halos kasindami ng asido ng suka—na sumasalakay sa enamel ng ngipin. Ang pangdiyeta, walang-caffeine, at “natural” na mga soda ay napakikitunguhan ang ilang mga problema subalit iniiwan ang iba at karaniwan nang hindi nakadaragdag sa nutrisyunal na halaga ng soda.
Mga Damdamin ng Ipinagbubuntis na Sanggol?
Ang mga ipinagbubuntis at mga bagong silang na sanggol ba ay nakadarama ng mga kirot at takot? Ang propesor sa Düsseldorf na si H. G. Lenard ay may palagay na ang katanungan ay dapat na sagutin nang lubusan. Gaya ng iniulat sa pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung, binanggit niya na ang mga ipinagbubuntis na sanggol, “kapag tinusok ng isang karayom, ay depensibong kumikilos, nababalisa, at bumibilis ang tibok ng dibdib.” Yamang ang isang hindi pa isinisilang na sanggol na may tubig sa utak ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng mga karayom na pambutas na ipinadaraan sa ibabaw ng bungo, iminumungkahi niya ang “paghahanap ng isang praktikal na paraan ng pagbibigay ng anestisya sa mga ipinagbubuntis na mga sanggol.” Ang suliranin tungkol sa kirot, sabi niya, ay dapat ding isaalang-alang kapag ginagamit ang mga porsep at mga aparatung sumisipsip sa panahon ng isang mahirap na panganganak.