Ang Bughaw na Hiyas ng Oregon sa Isang Bulkan
ANG aming inaasahan ay sumidhi habang inaakyat namin ang mga kabundukan sa timog-kanluran ng Oregon sa may gawing kanluran ng baybay-dagat ng Estados Unidos. Kami’y sinabihan na ang Crater Lake ay walang katulad. Taglamig pa noon, at ang niyebe ay nakatambak sa gilid ng haywey, mataas pa sa antas ng mata. Bunga nito, nang kami’y dumating sa aming patutunguhan, hindi pa rin namin makita ang bantog na lawa. Subalit may isang puwang sa pader ng niyebe na binutas ng isang buldoser na nagpangyari sa amin na makita ang isang tanawin sa gilid ng bangin. At anong gandang tanawin!
Naroon, sa ibaba namin, ang Crater Lake, talagang isang matingkad na bughaw na hiyas sa gitna ng bulkan. Tinitingnan namin ang isang lawa na 589 metro ang lalim na punô ng tubig mula sa ulan at niyebe. Ang magandang panganganinag sa tahimik at animo’y salamin na tubig ay gumagawa ritong mahirap paniwalaan na ang lawa ay mga sampung kilometro ang lawak. Isang 32-kilometrong bilog ng natatakpan-ng-niyebeng matatarik na mga dalisdis ang nakapalibot sa hiyas na ito.
Nasa gilid kami ng isang pagkalaki-laking bunganga ng bulkan na naging gayon dahil sa pagguho ng isang bulkanikong bundok na pinanganlang Bundok Mazama noong 1896. Ang mga heologo ay gumagawa ng mga teoriya kung kailan ito nag-anyo at kung paano. Wala kaming magawa kundi tumayo sa pagkamangha sa gayong pambihirang tanawin at magpasalamat sa Maylikha sa mga pandamdam na nagpapangyari sa amin na makita at mapahalagahan ang gayong kagandahan.—Isinulat.