Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/22 p. 4-7
  • Ano Ba ang Pribadong Buhay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano Ba ang Pribadong Buhay?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Saloobin Tungkol sa Pribadong Buhay
  • Mga Suliraning Dapat Pagtagumpayan
  • Isang Mas Malaking Halagang Dapat Bayaran?
  • Isang Timbang na Pangmalas sa Pribadong Buhay
    Gumising!—1988
  • Bakit Hindi Ako Magkaroon ng Higit na Pribadong Buhay?
    Gumising!—1988
  • Ang Iyo Bang Pribadong Buhay ay Naisasapanganib?
    Gumising!—1988
  • Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Pribadong Buhay?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/22 p. 4-7

Ano Ba ang Pribadong Buhay?

“ANG karapatan sa pribadong buhay ay hindi madaling unawain,” paliwanag ng The Guide to American Law, “sapagkat ito’y hindi mailarawan nang husto.” Ganito pa ang susog ni David F. Linowes, propesor sa ekonomiyang pampulitika at patakarang pampubliko: “Walang sinang-ayunang kahulugan para sa pribadong buhay (privacy).”

Sa legal na usapan, ang karapatan sa pribadong buhay ay isang bagong kaisipan, na nag-uugat sa isang artikulo sa repaso sa batas na isinulat nina Louis D. Brandeis at Samuel Warren noong 1890. Ang malaking pagbabagong artikulong ito ay udyok ng kanilang galit laban sa walang prinsipyong sensesyonalismo ng mga pahayagan na tinatawag na “yellow press.”

Sa gayon ang pribadong buhay ay binigyan-kahulugan bilang “ang karapatan na huwag pakialaman.” Gayunman, si Propesor Masanari Sakamoto ng University of Hiroshima ay sumulat na ang kahulugang ito “ay di-nababagay sa pagkakaroon ng karapatan sa dakong huli.” Itinuturing niya ang pribadong buhay bilang isang positibong ideya na naglalakip kapuwa ng paghiwalay sa iba at ang pagkasangkot sa kanila.

Ang mga palagay ni Propesor Sakamoto ay kasuwato ng kahulugan ng pribadong buhay sa The Encyclopedia Americana. Doon ang pribadong buhay ay binigyan-kahulugan bilang “ang pag-aangkin ng mga indibiduwal, mga grupo, o mga institusyon na pabayaang matiyak nila sa kanilang mga sarili kung kailan, papaano, at kung sa anong lawak ang impormasyon tungkol sa kanila ay ipatatalastas sa iba.”

Kaya, kung ano ang maaaring ipalagay ng isa na isang pribadong bagay, ay maaaring hindi ipalagay ng iba na gayon. Ihambing natin ang iba’t ibang palagay.

Mga Saloobin Tungkol sa Pribadong Buhay

“Ang pag-iingat ng pribadong buhay ay wala pa ngang eksaktong salita sa Portuges upang bigyan-kahulugan ito. Hindi itinatala ng mga diksiyunaryo ang salitang ‘privacy’ (privacidade),” ulat ng O Estado de S. Paulo, isang pahayagan sa Brazil. Iyan ay noong 1979. Subalit kamakailan, noong 1986, itinala ng isang diksiyunaryo sa Brazil ang salitang privacidade, na hiniram sa Ingles. Sa wikang Koreano, walang salita na katumbas ng salitang Ingles na “privacy.”

Gayundin ang kalagayan sa Hapón. “Sa katunayan, walang salitang Haponés para sa ‘privacy,’” paliwanag ni Donald Keene, isang Amerikanong Haponologo. “Sa sanay-sa-grupo na Hapón,” sabi ng Kodansha Encyclopedia of Japan, “ang karapatan ng indibiduwal sa pribadong buhay ay tradisyunal na hindi gaanong iginagalang kaysa karapatan ng pamilya, ng pangkat, o ng pamayanan na malaman at makialam sa pamumuhay ng indibiduwal.” Halimbawa, kung nais mo ng isang trabaho sa isang kompaniyang Haponés, kailangang handa kang harapin ang mga tanong na gaya ng: Nakakasundo mo ba ang iyong asawang babae? Saan siya nagtatrabaho? Magkano ang kita niya? Ano ang edad ng iyong mga anak? Saan sila nag-aaral? Kung ikaw ay walang asawa, minsang makuha mo ang trabaho, baka sabihin ng iyong amo: “Panahon na upang ikaw ay mag-asawa at lumagay sa tahimik.”

Ituturing mo ba itong di-mapatatawad na panghihimasok sa pribadong buhay? Maaaring hindi gayon ang palagay ng empleadong Haponés. Nang tanungin kung kailan sila nakadarama ng kapayapaan ng isip, 8 porsiyento lamang ng mga Haponés ang sumagot na “kapag ako’y nag-iisa.” Halos dalawang-katlo ng mga tinanong ang nagsabi na sila ay nakadarama ng kapayapaan ng isip kapag sila ay kasa-kasama ng pamilya o mga kaibigan.

Gayunman, isang nobyang Haponés ang nagulat nang makita niya kung ano ang nangyari sa kaniyang kasal sa Pilipinas. Tinanong niya ang kaniyang asawang Pilipino kung sinu-sino ang mga bisita na nasa salu-salo ng kanilang kasal. “Hindi ko sila kilala,” sagot ng lalaki. “Kami ay naghahanda ng maraming pagkain, at ang lahat ay maaaring pumunta at makisalo sa ating kagalakan.” Sa mga Pilipino, iyan ay pagpapakita ng pagkamapagpatuloy. Anong laking kaibhan sa maraming lipunang Europeo kung saan ikaw ay kailangang tumanggap ng isang pormal na paanyaya bago ka maaaring pumunta o makisalo sa isang handaan!

Bago iwaksi sa isip ang iba’t ibang mga palagay tungkol sa pribadong buhay na hindi kaaya-aya, sikaping tingnan ang positibong panig ng mga palagay ng ibang tao. Maaaring magreklamo ang isang Europeo na walang pribadong buhay sa ibang mga lipunan. Gayunman, sa mga ibang lipunang ito ang mga tao ay naturuan na ibahagi halos ang lahat ng bagay sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Ang isang tao ay inaasahang isakripisyo ang kaniyang pribadong buhay sa halip na ingatan ito.

Mga Suliraning Dapat Pagtagumpayan

Totoo, may mga ilang itinuturing na problema kung saan ang mga tao ay kinaugalian nang may kaunting pribadong buhay. Kung nais ng mga taong namumuhay sa gayong lipunan na mag-aral o gumawa ng ibang personal na gawain, kailangang linangin nila ang isang mataas na antas ng kakayahang magtuon ng isip. Ganito ang sabi ni Donald Keene sa kaniyang aklat na Living Japan: “Ang tanging tunay na pribadong buhay ay nagmumula sa espirituwal na pagbubukod ng iyong sarili mula sa ibang tao na marahil ay mga ilang metro lamang ang layo, at ang uring ito ng pribadong buhay ay mahalaga sa Hapón.”

Ang pagtira nang malapit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ay maaaring lumikha ng iba pang problema. Ang ilang mag-asawang Haponés, halimbawa, ay nakadarama ng pangangailangan na magtungo sa “mga otel ng pagsinta” para sa kanilang matalik na mga panahon ng pagsasama. Sa gayunding paraan, ang pribadong buhay sa Brazil ay limitado sa isang tahanan kung saan isang manipis na kurtina lamang sa halip na mga pinto ang naghihiwalay sa mga silid. Ang pag-uusap at iba pang mga ingay ay naririnig sa iba pang mga silid.

Subalit ang gayong mga kalagayan sa pabahay ay hindi lamang maaaring lumikha ng kung ano ang ipinalalagay ng iba na mga problema; gayundin ang pagiging palakaibigan ng mga tao. Ito ay maaaring makayamot sa mga taong sanay sa pribadong buhay. Halimbawa, kung wala kang anak, maaaring paulanan ka ng personal na mga katanungan na gaya ng, ‘Wala kayong anak? Bakit wala kayong anak?’

Isang Mas Malaking Halagang Dapat Bayaran?

Gayunman, ang pagiging sobrang mausisa tungkol sa pamumuhay ng isang kapitbahay ay ipinalalagay na masama sa Denmark. Gayundin, sa Britaniya, pinahahalagahan ng maraming tao na nasa kalagitnaang-gulang ang pribadong buhay kahit na mula sa kanilang sariling mga anak. Sa isang lipunan na palaisip-sa-klase, sinisikap ng bawat sosyal na grupo na mamuhay sa loob ng pag-iingat ng pribadong buhay.

Subalit, sa mga bansa kung saan inaasahan ang mataas na antas ng pribadong buhay, ito ay pinagbabayaran. Halimbawa, nang masarhan ng isang 80-anyos na lalaki ang kaniyang sarili sa labas ng kaniyang bahay sa Denmark, hindi niya magawang tumimbre sa kaniyang kapitbahay. Naglakad-lakad siya sa loob ng isang oras at kalahati sa malamig na panahon hanggang sa tulungan siya ng isang pulis na magtungo sa isang magsususi.

Mga problemang tulad nito ay nagpangyari sa mga Danes na simulan ang isang bahay-bahay na kampaniya noong 1970’s. Ang layunin ng kampaniya? Upang himukin ang mga taong nag-iisa na dumalaw nang madalas sa kanilang mga kapitbahay at makipag-usap sa kanila. Sa paglipas ng mga ilang buwan, mga 50,000 Danes ang nakibahagi sa kampaniyang ito. Ang gayong di pangkaraniwang bagay sa bahagi ng isang lipunan na sanay sa pribadong buhay ay nagpapakita ng pangangailangan na mabahala sa iba.

Gayunman, sa Alemanya itinuring ng 62 porsiyento ng mga tinanong ng Allensbacher Institute na ang kanilang sariling pribadong kaligayahan ang kanilang pangunahing layunin sa buhay. Subalit gaya ng konklusyon ng suriang ito: “Kung inaakala nating kamangmangan ang magbigay sa iba at ang nakikita lamang natin ay ang ating sariling pribadong kaligayahan at yaong sa ating pamilya, maaaring narating na natin ang panahon ng yelong lipunan.” Oo, ang kakulangan ng pagkabahala sa iba ay kaagapay ng kasakiman.

Sa Hapón isang hilig tungo sa kasakiman lalo na sa pribadong buhay ay napapansin. “Kabilang sa maraming pagbabago sa lipunang Haponés na dala ng mabilis na pagsulong ng ekonomiya ng bansa,” sulat ni Tetsuya Chikushi, isang kilalang peryudistang Haponés, “ay ang palatandaan ng mga batang lumalaki na may kani-kaniyang sariling mga silid, isang pambihirang bagay na itinuturing ng marami na kumakatawan sa pinakamalaking makasaysayang pagbabago sa lipunang Haponés.”

Ang pagbabago ay may positibo at negatibong panig. Ang pribadong buhay ay maaaring tumulong sa bata na makadama ng pananagutan at maglaan sa kaniya ng isang kanlungan para sa pag-aaral at pagbubulay-bulay. Gayunman, maaari rin nitong gawin ang mga bata na maging mga taong namumuhay nang ligpit sa kanilang sariling silid, tinatalikuran ang pakikipagtalastasan sa pamilya. Binabanggit ang gayong negatibong mga aspekto, si Hiroshi Nakamura ng Children’s Culture Institute sa Hapón ay nagsabi: “Mientras mas maaga ang pagsasarili mas mabuti, mientras mas marami mas mabuti, mientras mas ganap ang pribadong buhay mas maigi​—ang mga kaisipang ito mismo ang sanhi ng sikolohikal na agwat sa pamilya.”

Ang lumalagong masakim na saloobin sa lipunan nito ay nakababahala sa maraming Haponés. Ang problema ay tumutulong sa atin na makita ang pangangailangan ng pagkakatimbang.

[Blurb sa pahina 6]

Ang ilang mag-asawa ay nagtutungo sa “mga otel ng pagsinta” para sa kanilang matalik na mga panahon ng pagsasama

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share