Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/22 p. 10-12
  • Pag-ihi sa Higaan—Pagtulong sa Inyong Anak na Madaig Ito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-ihi sa Higaan—Pagtulong sa Inyong Anak na Madaig Ito
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Posibleng mga Sanhi
  • Kung Paano Ito Lulutasin
  • Kung Ano ang Makakatulong
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1988
  • Kapag Inaabuso ang Inyong Anak
    Gumising!—1993
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
  • Ang Day Care—Pagpili ng Pinakamainam Para sa Inyong Anak!
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/22 p. 10-12

Pag-ihi sa Higaan​—Pagtulong sa Inyong Anak na Madaig Ito

Kung apektado ka o ang isang mahal sa buhay ng karamdamang ito, magiginhawahan kang malaman na hindi ka nag-iisa at na ito ay maaaring gamutin

“SINIRA nito ang aking adolesensiya!” ‘Walang katapusang paglalaba ng naihiang sapin sa kama at mga padyama!’ Isang “batik sa pangalan” at isang “kahihiyan!”

Ito ang makabagbag-pusong mga panangis mula sa mga magulang at mga bata na mga biktima ng nakababalisang problema ng pag-ihi sa higaan. Isa itong nakalilitong karamdaman na, sa mga nasasangkot, ay hindi madaling ipakipag-usap nang hayagan.

Gayunman, ang pag-ihi sa higaan ay malaganap. Apektado nito ang tinatayang limang milyong mga bata sa Estados Unidos lamang, kaya ito ay isang paksa na labis na binibigyang-pansin at sinisiyasat. Ano ang nagpapangyari nito?

“Nocturnal enuresis” ang medikal na tawag sa pag-ihi sa higaan. Ito’y nangangahulugan ng isang di-sinasadyang pag-ihi sa gabi sa gulang kung kailan, normal, na ang pagkontrol sa pag-ihi ay inaasahan. Sa anong gulang ba ang karamihan ng mga bata ay nagkakaroon ng pagkontrol na ito? May ilang kultural na pagkakaiba, ngunit 1 bata sa 5 ang umiihi nang higit sa minsan isang linggo sa gulang na 3, 1 sa 10 sa gulang na 5, subalit 1 sa 35 sa gulang na 14.

Ipinakikita ng mga bilang na ito na ang suliranin ng pag-ihi sa higaan ay sa wakas nasusugpo sa paglipas ng panahon. Sa katunayan, nasumpungan ng isang mananaliksik na 75 porsiyento niyaong nasa isang pag-aaral ang napagaling sa isang yugto ng limang-taon. Mas apektado ang mga batang lalaki kaysa mga batang babae, at wari bang ang problema ay nasa pamilya, kung saan ang isang magulang, isang kapatid na lalaki, o isang kapatid na babae ay apektado rin nito.

Posibleng mga Sanhi

Kung minsan, bagaman bihira, ang enuresis ay dahil sa isang karamdaman, gaya ng impeksiyon sa palaihian, diabetes, alerdyi sa pagkain, o isang pisikal na abnormalidad ng pantog, mga bató, o sistema nerbiyosa. Isang karamdaman ay malamang na siyang dahilan kung wala ring kontrol kahit na sa araw. Kung ang pag-ihi sa higaan ay nagpapatuloy kahit na pagkalipas ng gulang na lima o anim, maaaring medikal na ipasuri ang bata upang makita kung mayroong karamdaman kung naiihi rin sa araw at kung ang pag-ihi sa higaan ay muling nangyayari pagkatapos ng isang panahon ng hindi pag-ihi.

Bagaman noong una ipinalalagay ng ilan ang enuresis na palatandaan ng isang diperensiya sa isip, ang mga dalubhasa sa medisina ay sumasang-ayon ngayon na ito ay hindi sinasadya at hindi isang sintomas ng sikolohikal na pagkabalisa. Ang sanhi ng pag-ihi sa higaan ay sa ibang paraan hindi pa alam, bagaman maraming teoriya ang iminumungkahi, gaya ng maliit na kapasidad ng pantog, mahinang paggulang ng pagkontrol ng pantog, gawi ng pamilya, at dipirensiya sa mga huwaran sa pagtulog. Mahigit sa isa ng mga kalagayang ito ay maaaring umiiral sa isang partikular na bata.

Kung ang isang bata ay nagkaroon ng kontrol sa pag-ihi sa gabi sa loob ng anim na buwan o higit pa at pagkatapos ay muli na namang umiihi sa higaan, isang pisikal na karamdaman o emosyonal na pagkabalisa ay malamang na siyang dahilan. Ang mga bagay na gaya ng pagdating ng isang bagong sanggol, isang bagong tiyahin, paglipat sa isang bagong bahay, o iba pang mga pagkakabuwag sa pamilya ay maaaring pagmulan na muli ng pag-ihi sa higaan. Gayunman, kamakailan lamang ang emosyonal na mga pagkabalisa na gaya ng pagkadama ng pagkakasala, di-kasapatan, kawalan ng pagpapahalaga-sa-sarili, at pagkabalisa ay lumitaw dahil sa pag-ihi sa higaan.

Kung Paano Ito Lulutasin

“Ang pinakamasamang bagay na magagawa mo ay bantaan sila. Ito ay lumalala kung ikaw ay magbabanta; hindi ito bubuti,” sabi ni Lorraine, isa na umihi sa higaan hanggang sa gulang na 19. “Walang dahilan na magalit sa bata,” sabi ng isang ina na ang walong-taóng-gulang na anak na lalaki, si Julien, ay apektado.

Ang pagparusa, paghiya, at paghamak ay di-mabisang mga paggamot sapagkat hindi makontrol ng bata ang pag-ihi sa higaan. Ang mga reaksiyong ito ay lalo lamang nakadaragdag sa pagkadama ng pagkakasala at pagkapahiya subalit ito ay walang kapaki-pakinabang na epekto sa problema. Bagkus, dapat na sikapin ng mga magulang na bawasan ang emosyonal na tamà sa bata. “Sikapin na bawasan ang pagkapahiya at maging maunawain,” sabi ni Lorraine. “Sikaping huwag lagyan ito ng anumang batik sa pangalan​—ang bata ay nakadarama na ng pagkakasala.”

Maraming umiiral na terapeutikong paraan, subalit wala rito ang masasabing mahalaga sa isang bata. Kaya, maaaring makaharap ng pamilya ang pagsubok sa iba’t ibang paraan ayon sa pagkakasunud-sunod. Ang edad ng batang nasasangkot ay maaari ring tumiyak sa paggamot na gagamitin. Yamang ang enuresis ay waring humihinto nang kusa, pinipili ng ibang magulang na maghintay. Sa kawalan ng anumang pisikal na problema o emosyonal na pagkabalisa sa bata, baka pinakamabuting maghintay. Ang totoo ay, ang bata ay maaaring mabalisa sa mga paraan ng pagsubok at paggamot.

Gayunman, ang pag-ihi sa higaan ay talagang nagdudulot ng mas maraming trabaho, emosyonal na kaigtingan, at pagkapahiya sa lahat ng nasasangkot. Ang mga gawain na gaya ng mga pagdalaw sa mga kaibigan at mga kamag-anak na nagpapalipas ng gabi ay maaaring putulin. “Nagkakaroon ka ng maraming sosyal na problema,” sabi ni Lorraine, “na nag-iiwan ito ng tanda sa iyo.”

Samakatuwid, hindi matalino ang walang-hanggang pag-aantala sa pagpapagamot. Himok ni Lorraine: “Huwag mo itong pabayaan. Samantala, maaari kang pahirapan nito. Magtakda ka ng isang huwaran.” “Ito’y nakakaugalian,” sabi ng ina ni Julien.

Kung Ano ang Makakatulong

Bago simulan ang isang paggagamot, dapat pakaingat na ang paggagamot ay hindi lilikha ng higit na pinsala kaysa dating problema. Inaakala ng ilang awtoridad na ang paggagamot ay hindi dapat simulan hanggang sa ang bata ay anim hanggang walong taóng gulang. Ang pag-ihi sa higaan ay hindi naman karaniwang nakababalisa sa bata bago sa gulang na ito. Isa pa, ang mas matandang mga bata ay tumutugon nang mas mainam sa paggamot.

Ang ilang mga estratehiya upang tulungan ang mga magulang na malutas ito ay kinabibilangan ng paggamit ng plastik na mga sapin sa kama o madaling sumipsip na mga sapin upang ingatan ang kutson at patulungin ang bata sa paglilinis. Ang pagsusuot ng mas makapal na salawál na karagdagan sa mga padyama ay hahadlang sa ihi na tumagos sa mga sapin ng kama. Ang mas matatandang bata ay maaaring magtakda ng isang alarma upang sila ay bumangon at magtungo sa banyo bago pa maihi. Ang pagpapayo at pagbibigay-katiyakan lamang ay maaaring makabuti. Ang pagtulong sa bata na maunawaan ang problema at pagsangkot sa kaniya sa paraan ng paggagamot ay malaki ang nagagawa sa ikapagtatagumpay.

Ang payak na mga paraan na gaya ng pagbabawal ng mga likido pagkatapos ng hapunan (lalo na ng mga inuming may caffeine, pati na ang mga inuming cola), pagtiyak na ang bata ay umiihi bago matulog, at paggising sa kaniya sa gabi upang umihi, gayundin ang pagpuri kapag hindi siya umihi sa gabi, ay maaaring makabawas o pumawi sa pag-ihi sa higaan. Kung ang bata ay nag-iingat ng isang talaan ng mga gabing hindi siya umihi sa higaan, ito mismo ay maaaring maging isang pampatibay-loob at maaaring magbunga ng pagbuti. Isa pa, ang pagsasanay sa bata na unti-unting magpigil ng ihi sa araw ay nakatulong.

Isang mas masalimuot na paraan ay ang paggamit ng isang sistema ng alarma sa ihi. Ang ilang patak ng ihi sa isang sensitibo-sa-ihi na sapin na isinapin sa bata sa gabi ay magpapakilos sa alarma na gisingin ang bata. Ang tagumpay sa paglutas sa enuresis sa ganitong paraan ay iniulat na kasintaas ng 60 hanggang 90 porsiyento, bagaman ang pagbabalik sa dati ay iniulat sa 10 hanggang 45 porsiyento niyaong mga ginamot. Ang muling paggagamot ay maaaring magbunga ng paggaling.

Isang kombinasyon ng mga paraang ito, na tinatawag na “Dry Bed Training,” ay nagbunga ng paghinto ng pag-ihi sa higaan ng halos lahat ng mga batang ginamot. Sa kasamaang palad, 20 hanggang 30 porsiyento ng mga batang ginamot ay bumabalik sa dati minsang ang paggamot ay inihinto, subalit ang pag-ulit sa paggamot ng mga batang ito ay maaaring magbunga ng permanenteng paggaling.

Isang gamot na tinatawag na imipramine ay nakabawas din ng pag-ihi sa higaan, subalit karaniwan nang may masamang epekto at marami ang nagbabalik sa dati. Iniulat din ang di-sinasadyang paglabis sa dosis at kamatayan na dala ng imipramine, kaya ipinapayo ang pag-iingat kapag ginagamit ang paraang ito. Ang patuloy na medikal na superbisyon ay iminumungkahi samantalang ginagamit ang gamot na ito.

Ang iba ay gumamit ng iba pang anyo ng paggamot. “Iminumungkahi ko ang pagtungo sa isang chiropractor. Nakikita ko ang pagbuti sa aking anak na lalaki sa loob lamang ng dalawa at kalahating buwan,” sabi ng ina ni Julien. Ang mga pag-aaral sa paggagamot sa pamamagitan ng acupuncture para sa enuresis ay nagpapakita ng 40-porsiyento tagumpay. At binabalangkas naman ng mga herbalista ang iba’t ibang mga tanim at mga damong-gamot na sinasabing nakakabawas ng pag-ihi sa higaan. Sa ibang dako, may mga klinika na nagdadalubhasa sa problemang ito.

Para sa marami, ang problema ay basta nawawala, o ito ay nalulunasan pagkatapos ng paggamot. At gaya ng sabi ni Lorraine: “Ang mga tao ay lubhang nagiginhawahan na malaman na mayroon ding iba na dumaranas ng gayunding bagay.” Ang katiyakang ito kasama ng ilang makukuhang paggamot ay maaaring siyang susi upang tulungan ang inyong anak na madaig ang problema ng pag-ihi sa higaan.​—Isinulat ng isang medikal na doktor.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share