Dapat Bang Maapektuhan ang Iyong Relihiyon ng Iyong Dakong Sinilangan?
ANG paraan ng iyong pagsasalita at ang paraan ng iyong pagkain; ang paraan ng iyong pananamit at ang paraan ng iyong pagtulog—lahat ng iyan, at marami pang iba, ay depende sa kung saan ka isinilang. Bagaman wala tayong kamalayan dito, ang ating mga pinagmulan ay nakakaapekto sa atin sa buong buhay natin, hinuhubog ang ating mga kaugalian, ang ating pag-iisip, at ang ating mga paniwala.
Si María, isang Kastila, ay isang Katoliko sapagkat siya ay ipinanganak sa Katolikong Espanya. Si Martin ay Protestanteng Lutherano sapagkat siya ay isinilang sa Lübeck sa hilagang Alemanya. Si Abdullam ay isinilang sa Kanluraning Beirut, kaya siya ay isang Muslim.
Ngayon, sila, kasama ng angaw-angaw na iba pa na katulad nila, ay kaanib sa kani-kanilang relihiyon. Ang katotohanan ay na karaniwan nang utang ng mga tao ang kanilang relihiyon dahilan lamang sa heograpiya at biglang mga pagbabago sa kasaysayan. Lingid sa kanila, ang kanilang relihiyon ay maaaring napagpasiyahan dahil sa kapritso ng isang pulitikal na pinuno mga dantaon na ang lumipas.
Ito ang kalagayan ni Lisette, isinilang sa isang nayon sa Black Forest sa Pederal na Republika ng Alemanya. Siya ay nabautismuhan bilang isang Lutherano sapagkat sa loob ng mga salinlahi ang lahat sa bahaging iyon ng kaniyang nayon ay tapat na mga sakop ng duke ng Württemberg, isang Protestante. Kung siya ay ipinanganak sa gawi pa roon ng kalye, siya sana ay naging isang matapat na Katoliko sapagkat sa bahaging iyon ng nayon ang tirahan ng isang pinunong Katoliko.
Ang artipisyal na relihiyosong mga balakid na ito ay mula pa noong panahon ng Repormasyon noong ika-16 na siglo. Pagkatapos ng isang mahaba at marahas na panahon ng relihiyosong kaguluhan, napagkasunduan na ang bawat prinsipe ang dapat magpasiya sa relihiyon na isasagawa sa kaniyang nasasakupan. Ang argumento ay, Yamang hindi magkasundo ang mga tao, ang monarka ang dapat magpasiya.
Nasumpungan ng ilang sawing-palad na mga taganayon ang kanilang mga sarili sa isang relihiyosong tiyubibo habang ang sunud-sunod na mga pinuno ay nagpalit ng relihiyosong mga kabayo. Ang ibang bayan ay di-makatuwirang nahahati sa relihiyon sapagkat ang hangganang pangrehiyon ay bumabagtas sa bayan.
Hindi lahat ng pinuno ay nakisama sa pangkat ng mga Protestante sa relihiyosong mga kadahilanan. Si Henry VIII ng Inglatera, isang dating kilalang tagapagtanggol ng pananampalatayang Katoliko, ay nayamot nang hindi ipagkaloob sa kaniya ng papa ang isang diborsiyo mula sa kaniyang unang asawa. Ang kaniyang solusyon ay simple. Kumalas siya sa Roma at ginawa niya ang kaniyang sarili na pinuno ng Church of England, inaasahang ang kaniyang mga sakop ay susunod sa kaniya, na siya namang ginawa ng karamihan nang bandang huli.
Kung minsan, ang buong mga bansa ay “nakukumberte” ng mga misyonero na lumitaw kasunod ng banyagang mga mananalakay. Sa Mexico dumating ang unang mga paring Franciscano mga ilang taon lamang pagkatapos ng pananakop ng Kastila. Sinasabi nilang nabinyagan nila ang mahigit na limang milyong mga katutubo sa loob lamang ng 30 taon, kahit na sa simula’y hindi nila sinasalita ang katutubong mga wika. Ang pambansang kombersiyon na ito ay inilarawan ng isang mananalaysay bilang “isang pambihirang pagsasama ng lakas, kalupitan, kamangmangan at kasakiman, tinutubos paminsan-minsan ng guniguni at pagkakawanggawa.” Sa gayon ay hinati ng mga kapangyarihang Europeo noong panahong iyon ang daigdig sa relihiyoso gayundin sa pulitikal na paraan.
Mga dantaon na maaga, ang mga pananakop ng mga Muslim sa Hilagang Aprika, sa Gitnang Silangan, at sa kalakhang bahagi ng Asia ang nagpangyari sa karamihan ng mga tao sa mga lupaing ito na maging mga Muslim.
Ngayon, ang makasaysayang mga dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng mga relihiyon ng sangkatauhan ay nakalimutan na; gayumpaman, ang karamihan ng mga tao ay nananatili sa relihiyon ng kanilang dakong sinilangan. Subalit ang relihiyon ba na ating “pinipili” ay dapat na ipaubaya sa pagkakataon? Ang relihiyon ba ay dapat na isa na ipinasa lamang sa atin? O ito kaya ay dapat na bunga ng isang kusa, makatuwirang pasiya? Ang pagtingin sa Kristiyanismo noong unang siglo ay tutulong upang sagutin ang mga tanong na ito.
[Larawan sa pahina 4]
Si Henry VIII ang nagpasiya sa relihiyon ng angaw-angaw