Ang Sinaunang Kristiyanismo ay Hindi Nagkataon Lamang
NOONG unang siglo, napakaraming diyos at mga diyos na bawat maibigan. Mula sa duyan hanggang sa libingan, ang mga mamamayan ng Imperyo ng Roma ay umasa sa mga diyos at mga diyosa upang saklolohan at ingatan sila.
Si Cuba ang nag-aalaga sa bagong silang na sanggol, at si Ossipago naman ang nagpapalakas sa mga buto ng lumalakad-lakad na bata. Si Adeona ang gumagabay sa kaniyang unang mga hakbang, at si Fabulinus naman ang nagtuturo sa kaniya na magsalita. Sa digmaan siya ay iingatan ni Mars. Kapag siya’y nagkasakit, aalagaan siya ni Aesculapius. Kung siya’y mamatay, babantayan siya ni Orcus, ang diyos sa kabilang daigdig.
Maipagmamalaki ng bawat kilalang lunsod at tribo ang diyos na patron nito, at araw-araw ay naghahandog ng insenso sa Romanong emperador, na itinuturing na isang diyos na nagkatawang-tao. Uso rin ang mga diyos mula sa Oryente, at nagtayo ng mga templo sa karangalan ni Mithras, Isis, at Osiris. Kahit na ang mga Judio, na nag-aangking sumasamba sa di-nakikitang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ay nahahati rin sa napakaraming sekta ng relihiyon.
Noong panahong iyon sa kasaysayan, sa gitna ng lahat ng kalituhang iyon sa relihiyon, lumitaw si Jesu-Kristo. Nagturo siya ng isang bagong bagay: isang pansansinukob na relihiyon, hindi nahahadlangan ng mga pagkakaiba ng lahi at bayan; isang relihiyon na batay sa katotohanan tungkol sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang katotohanan na makapagpapalaya sa tao mula sa pagkaalipin sa pamahiin at kasinungalingan. (Juan 8:32) Gaya ng paliwanag niya kay Pilato: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Paano niya naisagawa ang napakalaking atas na ito?
Pangangaral sa “mga Dukha sa Espiritu”
Napansin na mayroong dalawang pangunahing paraan ng malawakang pangungumberte. Ang isa ay ihayag ang mabuting balita sa mga tao sa pangkalahatan at saka gumawa pataas mula sa karaniwang mga tao. Ang isa pa ay abutin ang mga taong mahal, o kahit na ang mga indibiduwal na namumuno sa mga mahal na tao, at saka gumawa pababa sa pamamagitan ng awtoridad o nang lakas. Ang huling banggit na paraan, na lubhang pinaburan ng mga simbahang Katoliko, Protestante, at Orthodoxo, ay hindi man lamang naisip ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod.
Sa simula ng kaniyang pangmadlang ministeryo, ipinaliwanag ni Jesus na kaniyang itutuon ang kaniyang pansin sa mga “dukha sa espiritu” o, sa literal na paraan, sa “mga nanlilimos sa espiritu.” Ito’y mga taong mapakumbaba na nagugutom sa katuwiran, na “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3, King James Version; New World Translation Reference Bible, talababa.
Kaya, nang magbalik ang mga apostol ni Jesus mula sa isang kampaniya ng pangangaral, sinabi ni Kristo: “Ako’y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, sapagkat iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino at ipinahayag mo sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Ang karamihan ng kaniyang gawaing pangangaral ay ginawa sa Galilea, ang lupang tinubuan ng mapagpakumbabang mga mangingisda at mga magsasaka, sa halip na sa Judea, kung saan malakas ang mga Fariseo at ang mga aristokratang Judio.
Si Jesus mismo ay nanggaling sa Nazaret, isang kubling nayon na hindi kailanman nakagawa ng sinumang importanteng tao. “Mangyayari bagang lumitaw ang anumang magaling na bagay sa Nazaret?” tanong ni Natanael. (Juan 1:46) Subalit ang narinig at nakita niya ay napangyari na mapagtagumpayan niya ang di-matuwid na opinyong ito na panrehiyon sapagkat mayroon siyang bukás na isip. Sa kabilang panig, ang palalong mga Fariseo ay nagmalaki: “Sumampalataya baga sa kaniya ang sinuman sa mga pinuno o ang sinuman sa mga Fariseo?”—Juan 7:48.
Ang Pananampalatayang Kristiyano ay Hindi Ipinaubaya sa Pagkakataon
Ang tunguhin ni Jesus ay abutin ang puso at kumbinsihin ang isipan. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na hanapin ang karapat-dapat na mga tao at manatili sa tahanan ng mga ito hanggang sa ang mga ito ay maging taimtim na mga mananampalataya—kung iyon ang nais nila. Ang ilan sa isang nayong Samaritano na nakinig sa turo ni Kristo ay nagsabi: “Aming narinig mismo at nalalaman naming ito nga ang tagapagligtas ng sanlibutan.”—Juan 4:42.
Ang bawat nakumberte sa Kristiyanismo ay kailangang gumawa ng isang makatuwirang pagpili pagkatapos makinig at bulaybulayin ang napakinggan niya. Kailangang magkaroon siya ng matibay na paniniwala sapagkat kailangang harapin ang pagsalansang. Ang lahat ng sinaunang mga alagad ay pinaalis sa sinagoga, na nangangahulugang sila’y itinakwil ng pamayanan doon.
Higit pa riyan, ang bawat alagad ay naging obligadong ipagtanggol ang kaniyang bagong tuklas na paniniwala at ibahagi ito sa iba. Si Celsus, isang kritiko ng Kristiyanismo noong ikalawang-siglo, ay ginawa itong isang katatawanan na “ang mga manggagawa, mga sapatero, mga magsasaka, ang pinakawalang-alam at katawa-tawang mga tao, ay mga masigasig na tagapangaral ng Ebanghelyo.”—Ihambing ang Juan 9:24-34.
Ang paraan na ito ng pagkumberte, pati na ang sigasig ng mga komberte sa pangungumberte, ay nagbunga ng mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo. Hindi nagtagal ito ay naging isang pandaigdig na relihiyon sa halip na isang panrehiyon na relihiyon. Espisipikong sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na mangaral “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Totoo, ang unang mga alagad ay mga Judio, at ang pagkumberte ay sinimulan sa gitna ng mga Judio, ayon sa layunin ng Diyos. Ang Jerusalem ang naging sentro kung saan nagtitipun-tipon ang mga apostol upang pangasiwaan ang bagong kongregasyon. Dahil dito, ang mga Kristiyano ay malimit na may kamaliang sinisiraan bilang mga Judio ng mga tao noong unang siglo, bagaman ang mga Judio ang pinakamasigasig na mga mang-uusig ng mga Kristiyano. At isang mananalaysay na Romano ang sumulat na ang Kristiyanismo ay isang mapagbirong pamahiin.
Si Pedro, bago bautismuhan ang unang di-Judio, ay nagsabi: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Kaya, ang sigasig Kristiyano, udyok ng isang di-natitinag na pananampalataya, ang nagdala ng mensahe ni Kristo sa buong Imperyo ng Roma. Hindi mapatigil ng pag-uusig ang mga Kristiyanong ito, at marami ang namatay sapagkat ayaw nilang itakwil ang relihiyong ito na kanilang pinili. Ang kanilang sigla at debosyon ay malayung-malayo sa kawalang-interes sa ika-20-siglong Sangkakristiyanuhan.
Maaari kayang ang espiritung ito ay nawala sapagkat iilan lamang ang gumawa ng pagpili kung tungkol sa pananampalataya? Kung mahalaga pa rin sa iyo ang relihiyon, bakit hindi seryosong isaalang-alang ang susunod na artikulo?
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang sinaunang Roma ay sumamba sa maraming diyos, gaya ni Mars, ang diyos ng digmaan; ni Jupiter, ang pangunahing diyos ng Roma; at ni Aesculapius, ang diyos ng medisina
Mars
[Credit Line]
Drowing batay sa koleksiyon ni Mansell
Jupiter
[Credit Line]
Drowing batay sa isang display, British Museum
Aesculapius
[Credit Line]
Drowing batay sa isang display, National Archaeological Museum, Athens