Ikaw Ba ang Pumipili—O Hinahayaan Mo Ba ang Iba ang Pumili Para sa Iyo?
HANGGANG siya ay sumapit sa gulang na walong taon, si Pedro ay sumamba kay Maleiwa, ipinalalagay na maylikha ng tao at maygawa ng lupa. Takot siya kay Yolujá, sinasabing ang tagapagbalita ng lahat ng kasamaan at sakit, at sinikap niyang iwasan ang masamang mga pakana ni Pulowi, sinasabing ang diyosa ng kabilang daigdig.
Si Pedro ay isang Guajiro, isa sa maraming tribong Indian sa Venezuela. Sinusunod niya ang tradisyunal na relihiyon ng kaniyang mga ninuno hanggang isang araw isinaayos ng guro sa paaralan doon na siya ay binyagan—bilang isang Katoliko.
“Walang sinuman ang kumunsulta sa akin, at wala akong nalalaman tungkol sa aking bagong relihiyon,” sabi ni Pedro. “Subalit natalos ko na hindi mahirap makibagay sa bagong pananampalatayang ito, na hindi humiling ng malaking pagbabago sa aking pang-araw-araw na paggawi. Tapat ako sa aking bagong relihiyon, yamang lagi akong nagtutungo sa Misa kung Disyembre.”
Sa kabila ng pagiging kaanib sa dalawang magkaibang relihiyon, si Pedro ay hindi gumawa ng pagpili sa alinmang relihiyon. Ang pagpili ay ginawa ng iba para sa kaniya. Ang kaniyang karanasan ay inuulit nang maraming beses sa mga dantaon. Sa katunayan, iilan lamang sa limang bilyong mga tao na nabubuhay ngayon ang kusang pumili kung tungkol sa relihiyon. Ang kanilang relihiyon ay karaniwang isang bagay na namana nila, katulad ng kanilang hitsura, mga ugali, o tahanang kanilang tinitirhan.
Ginawa Nila ang Kanila Mismong Pagpili
Datapuwat hindi ba ang namamana natin ay laging siyang pinakamabuti? Maaaring sikapin nating pagandahin ang ating hitsura sa pinakamahusay na magagawa natin. Maaaring pagsumikapan natin pagandahin ang tahanan na iniwan sa atin ng ating mga magulang. Maaari pa nga nating pagsumikapang mapagtagumpayan ang di-kanais-nais na mga ugali na namana natin.
Sa kadahilanang ito, sa buong lupa mayroong ilan na nagbago ng opinyon pagkatapos ng higit pang pag-aaral tungkol sa relihiyon na namana nila mula sa kanilang mga ninuno. Sa halip na ituring ito na pagtatakwil sa tradisyon ng pamilya na dapat na walang pag-aalinlangang mahalin, ang kanilang espirituwal na pananabik ang nagpakilos sa kanila na humanap ng mas mabuting bagay. Ito ang kaso ni Hiroko, na ang ama ay isang paring Budista sa Templo ng Myokyo, Hapón.
“Nang ako ay bata pa, sa panahon ng pinakamalamig na gabi ng taglamig, paroo’t parito ako sa mga lansangan sa aming nayon na natatabunan ng niyebe na dala-dala ang isang parol,” sabi ni Hiroko. “Si Itay ay lalakad sa unahan, hinahampas ang isang tambol at inuorasyon ang mga sutra. Mula sa maagang gulang, ang mga seremonya na pagpipinitensiya-sa-sarili at mga ritwal na Budista ay bahagi ng aking buhay.”
Gayumpaman, si Hiroko ay hindi maligaya sa kaniyang minanang relihiyon. “Hindi man lamang ako makasumpong ng isang kasiya-siyang sagot sa marami kong katanungan. Ang pagpapalit ng pangalan ng mga patay pagkamatay nila, ang mga lapida na itinuturing na parang mga buhay na tao pagkatapos na pagkatapos orasyunan ito ng mga sutra, ang anting-anting na mga papel na ipinalalagay na mahiwagang nag-iingat sa isang sumasampalataya, at maraming iba pang mga seremonya sa templo ang nakalito sa akin.
“Ako’y sinabihan na kami’y kaanib sa pinakanaliwanagang sekta ng Budismo. Gayunman, lahat ng mga katanungang ko ay hindi pa rin nasasagot. Kumbinsido ako na tiyak na mayroong isang bagay, sa isang dako. Ang aking pag-asa ay malayang suriin ang isang relihiyon na magbibigay sa akin ng lahat ng mga kasagutan.” Si Hiroko ay nagpalipat-lipat mula sa isang relihiyon ng oryente tungo sa isa pang relihiyon nang hindi nakasusumpong ng kasiyahan. Sa wakas, sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, natutuhan niya buhat sa Bibliya ang tungkol sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na lumikha ng langit at ng lupa, at natuklasan din niya ang mga sagot sa kaniyang mga katanungan noong kaniyang kabataan.
Sa kaniyang kaso, ang mga salita ni propeta Jeremias ay literal na natupad: “Kung inyong hahanapin ako, ako’y inyong masusumpungan; kung hahanapin ninyo ako nang buong puso, ako’y matatagpuan ninyo, sabi ng PANGINOON.”—Jeremias 29:13, 14, The New English Bible.
Inaakala ni Hiroko na kapaki-pakinabang na gumawa ng kaniyang sariling pagpili, kahit na ito ay kakaiba roon sa kaniyang mga magulang. “Tuwang-tuwa ako na makasumpong ng kaliwanagan, at ngayon wala na akong paulit-ulit na mga katanungan at mga pagkabalisa na nagpapahirap sa akin sa loob ng maraming taon,” sabi niya. Subalit kung ikaw man ay maligaya sa iyong kasalukuyang relihiyon o hindi, ikaw ay marapat pa ring gumawa ng pagpili.
Kung Bakit Dapat Gumawa ng Pagpili
Karamihan sa atin, kung pag-iisipan natin ito, ay sasang-ayon na ang relihiyon ay isang bagay na napakahalaga upang ipaubaya sa pagkakataon. Aba, kahit na sa araw-araw na mga bagay, sinisikap nating supilin hangga’t maaari ang ating sariling buhay. Sino ba ang nagnanais na maging biktima lamang ng pagkakataon?
Kung masakit na masakit ang ulo mo, agad ka bang iinom ng dalawang tabletang masumpungan mo sa isang bunton ng sarisaring gamot nang hindi muna maingat na binabasa ang etiketa?
Kung ikaw ay pumipili ng bagong damit, susunggaban mo ba ang unang damit na makita mo sa tindahan, ipinalalagay na ito ay tiyak na kasiyang-kasiya sa iyo?
Kung ikaw ay bumibili ng isang segundamanong kotse, basta mo ba paaandarin ito nang hindi muna sinusuri ang makina?
‘Mangmang lamang ang gagawa niyan,’ maaaring isipin mo. Ang gayong mga bagay ay hindi dapat tratuhin nang gayon na lamang. Gayunman, para sa marami sa atin ang isa sa pinakamahalagang pasiya sa buhay—aling relihiyon ang dapat nating paniwalaan?—ay napagpasiyahan na para sa atin ng pagkakataon, ng malaon nang limot na mga pagbabago sa kasaysayan, at ng dakong sinilangan.
Hindi ba’t matalinong tanungin ang iyong sarili: ‘Sa ano ko utang ang aking relihiyon? Ito ba’y ipinasa sa akin na hindi ko kailanman pinag-alinlanganan? O ako ba ay gumawa ng kusa, makatuwirang pagpili?’ Ang pagtatanong ng gayong mga katanungan ang siya mismong bagay na hinihimok tayo ng Bibliya na gawin. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto na ‘patuloy na subukin ninyo kung kayo baga’y nasa pananampalataya, patuloy na suriin ninyo ang inyong sarili.’—2 Corinto 13:5.
Binabanggit ng Bibliya ang isang binatang nagngangalang Timoteo na ang ina at lola ay nagpalaki sa kaniya na kasuwato ng Kasulatan. Subalit, maliwanag, hindi niya may kabulagang tinanggap ang kanilang pananampalataya. Pagkalipas ng mga ilang taon ipinaalaala sa kaniya ni Pablo na kaniyang ‘napag-aralan at nahikayat na paniwalaan.’ (2 Timoteo 3:14) Si Timoteo ay nahikayat na manatili sa pananampalataya na tinanggap niya—pagkatapos lamang na siya mismo ay gumawa ng isang masusing pagsusuri.
Sa kabilang panig, ang iba ay pinakilos na muling isaalang-alang ang kanilang kinalakhang relihiyon. Si Sergius Paulus ay isang Romanong gobernador sa lalawigan ng Cyprus na walang pagsalang sumasamba sa ilang Romanong mga diyos. Gayunman, pagkatapos makinig sa pangangaral ni Pablo, “siya’y naging mananampalataya, na nanggilalas sa natutuhan niya tungkol sa Panginoon.”—Gawa 13:12, NE.
Sa dalawang kalagayan isang kusang pagpili ay ginawa pagkatapos ng masusing pagsusuri batay sa Salita ng Diyos. Bakit hindi tularan ang landasin nina Sergius Paulus at Timoteo? Ang isa ay nagpalit ng kaniyang relihiyon, ang isa naman ay hindi; subalit silang dalawa ay personal na nakinabang sa pagkasumpong ng katotohanan. Gayumpaman, dahil sa tradisyon, takot, o di-matuwid na opinyon, ang iba ay maaaring magsawalang-kibo sa pagkuha ng gayong hakbang.
Ang Hamon ng Paggawa ng Pagpili
Ang mga tradisyon ng relihiyon ay mahirap makalimutan, at marami ang nakasusumpong ng kaaliwan sa matandang mga kaugalian at mga kredo. “Minsang Katoliko, laging Katoliko,” maaaring sabihin ng iba. Marahil ay gayundin ang nadarama mo tungkol sa iyong pananampalataya, mas pinipili mo ang tradisyunal kaysa di-kilala. Tiyak, na isang kamangmangan na iwaksi kaagad ang alinmang tradisyon bago suriin ang halaga nito. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Tesalonica na ‘manghawakang mahigpit sa mga tradisyon na kanilang natutuhan.’ (2 Tesalonica 2:15, NE) Sa kabilang dako, si Jesus ay nagbabala na ang mga tradisyon ng mga relihiyon ay maaaring maglayo sa atin sa Diyos, winawalang-kabuluhan ang kaniyang Salita, ang Bibliya. (Mateo 15:6) Ang tradisyon ay hindi laging maaasahan.
Habang lumalago ang kaalaman, ang tradisyunal na mga paraan sa mga larangan na gaya ng medisina, siyensiya, at teknolohiya ay kalimitang nababago o hinahalinhan pa nga. Sa mga larangang ito ang karamihan ng mga tao ay mayroong bukás na isipan, na nakatutulong sa ikabubuti. Kahit na kung isipin natin na ang ating relihiyosong tradisyon ay galing sa Diyos, ang Bibliya ay nagbababala sa ating “huwag kayong maniwala sa bawat kinasihang pananalita” kundi, bagkus, “subukin ninyo ang mga kinasihang pananalita upang mapatunayan kung ang mga ito’y nanggaling sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Iminumungkahi nito na ating “tiyakin ang lahat ng bagay; manghawakang mahigpit sa mabuti.” (1 Tesalonica 5:21) Ang kapaki-pakinabang na mga tradisyon ay laging mananatili sa ilalim ng gayong masusing pagsusuri.
Isa pang hadlang sa paggawa ng pagpili kung tungkol sa relihiyon ay ang takot. “Hinding-hindi ko ipinakikipag-usap ang relihiyon o pulitika!” ang karaniwang sinasabi. Ang takot na matuklasan na tayo ay nailigaw o takot sa kung ano ang maaaring isipin ng iba ay malakas na mga dahilan sa hindi pagkilos. Noong kaarawan ni Jesus marami ang nakakilala sa halaga ng kaniyang turo subalit pinigil ang kanilang sarili na kilalanin siya bilang ang Mesiyas “sa takot na sila’y palayasin sa sinagoga. Sapagkat pinahalagahan nila ng higit ang kanilang reputasyon sa mga tao kaysa kaluwalhatiang nagmumula sa Diyos.”—Juan 12:42, 43, NE.
Naiwala ng mga taong iyon noong kaarawan ni Jesus ang natatanging pagkakataon na maging mga alagad ni Kristo dahil sa sila’y sumuko sa mga panggigipit ng makikitid-ang-isip na pamayanang relihiyoso. Totoo, nangangailangan ng tibay-loob upang lumangoy na pasalungat sa agos. Hindi madali ang maging naiiba. Subalit kung ipagpapaliban mo ang pagpili, walang sala na ang iba ang pipili para sa iyo.
Ang di-matuwid na opinyon laban sa anumang bagay na “banyaga” ay maaari ring makahadlang doon sa mga nagnanais gumawa ng walang kinikilingang pagsusuri. Noong kaarawan ni Jesus ang Mesiyas ay minamaliit dahil sa pagiging isang Nazareno at hinahamak dahil sa pagiging isang taga-Galilea. Gayundin ang di-matuwid na opinyon sa ikadalawampung-siglo.—Juan 1:46; 7:52.
“Isa lamang iyan sa mga bagong relihiyong Amerikano!” Ito ang unang reaksiyon ni Ricardo nang siya ay anyayahan ng isa sa mga Saksi ni Jehova na suriin ang kaniyang mga paniniwala. Ang kaniyang pagiging isang taga-Latin Amerika ay nagpangyari sa kaniya na maging maingat sa anumang bagay na may bakás ng Estados Unidos. Gayumpaman, ang kaniyang di-matuwid na opinyon ay nawala nang iharap sa kaniya ang mga katibayan. Higit sa lahat, kumbinsido siya ng praktikal na kapahayagan ng Kristiyanismo na nakikita niya sa mga Saksi. Ang kanilang tunay na pag-ibig at pananampalataya ay nakaakit sa kaniya.—Tingnan ang kahon sa pahina 10.
Pagkatapos isaisang tabi ang kaniyang di-matuwid na opinyon noong una, si Ricardo ay sumang-ayon sa isa pang tagapagmasid, na sumulat na ang mga Saksi ni Jehova “ay halos nakakahawig ng sinaunang pamayanang Kristiyano kaysa alinmang grupo . . . sa kanilang organisasyon at gawaing pagpapatotoo.” Inaakala niya ngayon na ang isang bukás na isip ay mahalaga sa paggawa ng hangga’t maaari’y pinakamabuting pagpili.
Ano ang Pipiliin Mo?
Napagtagumpayan ni Pedro, na binanggit sa simula ng artikulong ito, ang tradisyon, takot, at di-matuwid na opinyon upang pag-aralan ang Kasulatan sa ganang sarili. Sa simula siya’y may agam-agam sapagkat siya’y nawalan ng tiwala sa relihiyon sa pangkalahatan. Sabi niya: “Ang aking paniniwala sa Maleiwa ni ang aking paniniwala sa diyos ng mga Katoliko, na ang pangalan ay hindi ko nga alam, ay hindi nagbigay sa akin ng kaligayahan.” Subalit sa wakas pinili niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova at siya’y nabautismuhan sa gulang na 36 anyos. “Ang pag-ibig at pagtitiyaga niyaong mga tumulong sa akin at ang kasiya-siyang mga kasagutang tinanggap ko mula sa Bibliya ang mga salik na nakatulong sa aking pagpapasiya,” sabi niya.
Magkakaroon ka kaya ng tibay-loob na tularan ang halimbawa ni Pedro? Anuman ang iyong relihiyon, huwag mo itong ipaubaya sa pagkakataon. Patunayan mo ang iyong sarili, ginagamit ang Salita ng Diyos, kung ano ang katotohanan, ang natatangi at mahalagang katotohanan na itinuro ni Jesus. Ang mga Saksi ni Jehova ay maliligayahang tumulong sa inyo. Taimtim na inaanyayahan nila kayo na sundin ang mga salita ni Josue: ‘Piliin ninyo kung sino ang inyong paglilingkuran.”—Josue 24:15.
[Kahon sa pahina 10]
Mga Saksi ni Jehova—Isang “Relihiyong Amerikano”?
MARAMING makabayang mga tao ang may hinala o takot sa anumang bagay na ipinalalagay na banyaga o dayuhan. Naaapektuhan nga nito pati na ang kanilang pangmalas sa ibang mga relihiyon.
Ang mga Saksi ni Jehova ay kadalasang mga biktima ng kaisipang ito, pinagbibintangan ng pagiging isang relihiyong Amerikano, “Gawa sa E.U.A.,” at sa gayo’y marapat tanggihan batay riyan. Iyan ba ay isang makatuwirang reaksiyon?
Ano ang mga Katotohanan?
1. Mas marami ang katumbasan ng mga Saksi sa Canada, Costa Rica, Finland, Jamaica, Puerto Rico, at Zambia, gayundin sa iba pang mga lupain, kaysa mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos.
2. Ang mga Saksi ni Jehova ay higit pa kaysa isang internasyonal na relihiyon. Ito ay supranasyonal, ibig sabihin, hindi nahahadlangan ng makitid na mga hangganang pambansa ng mga kapakanang panlahi. Kapansin-pansin ang malaking tagumpay na naisagawa ng mga Saksi ni Jehova upang mapagtagumpayan ang di-matuwid na opinyon dahil sa lahi, tribo, at bansa. Gayon ang kalagayan sa Timog Aprika, Israel, Lebanon, Hilagang Ireland, at iba pang mga bansa na nililigalig ng relihiyosong kaguluhan. Ang mga itim at mga puti, ang mga Judio at mga Arabo, dating mga Katoliko at mga Protestante, lahat ngayon ay mga Saksi ni Jehova, ay sama-samang gumagawa at sumasamba sa kanilang mga kombensiyon at mga Kingdom Hall.
3. Inililimbag nila ang kanilang mga literatura sa Bibliya sa mga 200 wika. Halimbawa, “Ang Bantayan” ay inilalathala sa 103 mga wika at ang “Gumising!” sa 54 na wika, na may kabuuang pinagsamang buwanang paglilimbag na mahigit na 48 milyong kopya.
4. Bagaman ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay nasa New York, 23 porsiyento lamang ng kanilang bilang ang nasa Estados Unidos.
5. Kung paanong ang Jerusalem ay isang kombinyenteng “luksuhan” para sa sinaunang Kristiyanismo, gayundin sa panahong ito ng mga digmaan at alitang pandaigdig, ang Estados Unidos ang pinakakombinyenteng luksuhan para sa pangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig. Ipinakikita ng karanasan na kung saan mang ibang lugar ang gawain ay nasugpo ng di-matuwid na opinyon, mga pagbabawal, o kakulangan ng hilaw na mga materyales. Subalit hindi komo ang kanilang punong-tanggapan ay nasa New York ay nangangahulugan na ang mga Saksi ay isang “relihiyong Amerikano,” ni ang sinaunang Kristiyano man ay isang relihiyong Judio, bagaman ito ay binansagan ng gayon.
Di-makatarungang Pag-uusig
Isang bagay ang malinaw na nagpapakita sa kanilang supranasyonal na pangmalas ay ang paraan ng pagbansag sa kanila ng iba’t ibang pulitikal na mga rehimen. Noon, sila ay pinararatangan ng pagiging mga komunista sa Estados Unidos at mga ahente ng CIA sa mga bansang komunista!
Halimbawa, noong 1950’s, isang artikulo sa pahayagan sa E.U. ay kababasahan: “Suportado ng mga Komunistang Polako ang mga Ahenteng ‘Jehova.’ ” Isa pang report buhat sa isang istasyon ng radyo sa E.U. ay nagsabi: “Itinataguyod at pinansiyal na tinutulungan ng pamahalaang [Polako] na kontrolado ng mga Sobyet ang mga Saksi.” Sa Ireland, nakakaharap ng mga Saksi ang mga panunuya ng marahas na mga mang-uumog: “Mga komunista!” “Lumayas kayo rito!”
Samantala, ang mga Saksi ay ipinagbabawal sa Poland at sa iba pang bansang komunista, at marami ang ibinilanggo dahil sa kanilang paniniwala. Ang iba ay pinaratangan pa nga na kabilang sa isang pangkat ng mga espiya na itinataguyod ng CIA. Ang kanilang kalagayan sa Unyong Sobyet ay gaya ng inilalarawan ni Vladimir Bukovsky, na nandayuhan sa Kanluran noong 1976: “Isang gabi sa London, napansin ko ang isang plake sa isang gusali na kababasahan: MGA SAKSI NI JEHOVA. . . . Natuliro ako, halos mataranta ako. Paano nangyari iyon? nasabi ko sa aking sarili. Sa U.S.S.R., nakikita mo lamang ang laman-at-dugong ‘mga Saksi’ sa mga piitan at mga kampong piitan. Ang isa kaya ay maaaring pumasok at makiinom ng isang tasang kape na kasama nila? Ang aking paghahambing ay maaaring maging medyo wala sa lugar, subalit gunigunihin mong sandali na nakita mo ang isang gusali na may karatulang nagsasabing COSA NOSTRA LTD., MAFIA GENERAL STAFF. Ang ‘mga Saksi’ ay tinutugis sa aming bansa na may matinding galit na gaya ng pagtugis sa Mafia sa kanilang bansa.”
Ang maiikling halimbawang ito ay nagpapakita kung ano ang kinikilala ng walang kinikilingang mga tagamasid—yaon ay, na inihihiwalay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sarili buhat sa anumang makabayan o pulitikal na pagkiling. Ang kanilang pananampalataya ay supranasyonal sapagkat ninanais nilang tularan ang kanilang Diyos na hindi nagtatangi.—Gawa 10:34.
[Larawan sa pahina 8]
Iinumin mo ba ang unang gamot na maabot mo, nang hindi binabasa ang etiketa?
[Larawan sa pahina 9]
Ikaw ba ay ipinanganak sa iyong relihiyon, o pinili mo ba ito?