Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/8 p. 12-15
  • Isang Músikó ay Pumipili ng Tunay na Pagkakaisa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Músikó ay Pumipili ng Tunay na Pagkakaisa
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hans,bakit ka ba naging isang músikó?
  • Anong papel ang ginagampanan ng musika sa iyong buhay sa ngayon?
  • Paano nangyari iyon?
  • Ano ang dati mong palagay tungkol sa relihiyon?
  • Kung gayon, kapaki-pakinabang ang pag-aaral ng Bibliya?
  • Anong mga pagbabago ang ibig mong sabihin?
  • Ano ang gumawa sa mga Saksi ni Jehova na maging kaakit-akit sa iyo?
  • Mula sa iyong sariling karanasan, may masasabi ka ba sa amin tungkol sa impluwensiya ng musika sa mga tao?
  • Ano sa palagay mo ang dapat isaalang-alang kapag pumipili ng musikang pakikinggan?
  • Paano mo nagagawang pagsamahin ang mga pananagutan mo sa iyong propesyon at bilang isang Kristiyano?
  • Paano mo minamalas ang hinaharap?
  • Ginugol Ko ang Aking Buhay sa Musika
    Gumising!—1986
  • Paano Ako Magiging Balanse sa Pakikinig ng Musika?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Upang Masiyahan sa Musika—Ano ang Pinaka-Susi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/8 p. 12-15

Isang Músikó ay Pumipili ng Tunay na Pagkakaisa

Kinapanayam ng “Gumising!” ang isang kilalang músikó sa Pederal na Republika ng Alemanya.

Hans,bakit ka ba naging isang músikó?

Ako’y nahalinang makinig sa musika kahit na noong ako’y bata pa. Sa pagtatapos ng 1950’s, tuwang-tuwa ako sa mga grupo na tumutugtog ng instrumental na musika ng gitara na gaya ng The Shadows at The Ventures. Nagsimula akong mag-aral ng gitara sa gulang na 11 anyos.

Nang malaunan ako’y naging interesado sa musika ng klasikal na gitara at pinag-aralan ko ito noong ako’y 18 anyos. Noong 1971, kumuha ako ng aking pangwakas na eksamen, na nagbigay sa akin ng kuwalipikasyon bilang isang guro sa musika. Sa loob ng tatlong taon ako ay nagturo sa mga bata at nagbigay ng mga leksiyon sa isang konserbatoryo. Noon ko lamang sinimulang propesyonal na tumugtog ng “madaling pakinggang” musika.

Di-sinasadya na ang “Verde,” isang instrumental na tinugtog ko sa gitara, ay naging sikat sa magdamag.

Anong papel ang ginagampanan ng musika sa iyong buhay sa ngayon?

Mahilig pa rin akong tumugtog at makinig sa musika​—at ito ang ikinabubuhay ko. Subalit isang bagay na lubhang kakaiba ang pangunahin ngayon sa aking buhay, gaya ng nalalaman ninyo.

Paano nangyari iyon?

Noong Enero 1977 isang bagong tambulero, si Val, ay sumama sa aming grupo. Nang malaman namin na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova, kami’y nagkaisa na huwag makisangkot sa kaniyang pananampalataya, yamang ang relihiyon ay isang personal na bagay.

Kami’y nagtungo sa isang paglalakbay at agad naming natalos na ang kaniyang mga pangmalas tungkol sa moral, sa paninigarilyo, at sa mga kapistahang relihiyoso ay lubusang naiiba sa amin. Humantong ito sa masiglang pag-uusap halos araw-araw. Ginamit ni Val ang kaniyang Bibliya para sa kaniyang mga kasagutan, at ito ang nagpalago ng aking interes.

Ano ang dati mong palagay tungkol sa relihiyon?

Sa paanuman, sa tuwina’y naniniwala ako sa Diyos, subalit hindi ako kusang nagsisimba. Inaakala ko na mauunawaan mo lamang ang Bibliya kung ikaw ay nag-aral ng teolohiya. Gayunman, ang aking relihiyon ay hindi nagbigay sa akin ng isang matatag na pundasyon sa pananampalataya, at ang mga klerigo nito ay hindi nakasiya sa akin.

Sa kabilang dako, talagang nasagot ni Val ang aking mga katanungan. Halimbawa, ang mga pag-uusap noon sa kung saan ba kinuha ni Cain ang kaniyang asawa ay hindi matagumpay na matapus-tapos. Ang paliwanag na napangasawa ni Cain ang isa sa kaniyang mga kapatid na babae ay nakasiya sa akin.​—Genesis 4:17; 5:4.

Binigyan ako ni Val ng isang Bibliya, at binasa ko ito karaka-raka. Binasa ko rin ang mga publikasyon sa Bibliya na ibinigay niya sa akin, at saka ko siya kinulit ng mga katanungan. Sinabi ko sa aking asawa, si Birgit, ang kahanga-hangang mga bagay na aking natututuhan, at sa malaking katuwaan ko, siya ay nakibahagi sa aming regular na pag-aaral sa Bibliya. Iyan ay sa pagtatapos ng 1977.

Kung gayon, kapaki-pakinabang ang pag-aaral ng Bibliya?

Tunay nga. Binuksan nito ang aking mga mata sa kasagutan sa isang mahalagang tanong na malimit kong ipinakikipag-usap sa aking mga kaibigan. Hindi namin kailanman naabot ang isang kasiya-siyang kasagutan. Isinasagawa ng bawat isa sa amin ang kaniyang sariling pilosopya sa buhay.

Pangunahin sa aking isipan ang bagay na ikaw ay isinilang, ikaw ay nagtatrabaho, mayroon kang natatamo, at pagkatapos ikaw ay namamatay. Subalit iyon lang ba? Ano ba ang layunin sa buhay? Ang ilang kabataan, halimbawa, at nagkakasakit maaga sa buhay bago pa man mabuhay nang ganap. Mangyari pa, inaalalayan ng maraming tao ang kanilang sarili ng malabong pag-asa tungkol sa isang bagay na nagpapatuloy pagkamatay. Subalit iyan ay isang malamig na kaaliwan. Bukod dito, napansin ko na ang mga tao ay walang paraan upang lutasin ang mga pagkakapootang umiiral sa pagitan ng mga superpower gayundin sa mga indibiduwal.

Labis akong napakilos nang matuklasan ko kung gaano ang matututuhan ng isang tao buhat sa Salita ng Diyos, na isinulat para sa ating pakinabang. Ito’y nagbibigay, hindi ng malabong pag-asa, kundi ng isang matatag at matibay na pag-asa. Ang pag-aaral ng Bibliya ay nakatulong sa akin na huwag mawalan ng pag-asa sa mga problema sa daigdig. Sa katunayan, ipinakita nito sa akin kung paano haharapin ang mga ito.

Yamang malayo ang tinitirhan ni Val, isinaayos niya nang malaunan na kami ay dalawin ng isang mag-asawa, si Gerhard at si Barbara, na nakatira malapit sa amin. Si Gerhard ay isang músikó na katulad ko. Paminsan-minsan ay nakikita ko si Gerhard nang ako’y nagtatrabaho sa isang istudyo, subalit ngayon ako ay namangha na makita ang laki ng ipinagbago niya.

Anong mga pagbabago ang ibig mong sabihin?

Natatandaan ko si Gerhard bilang isang músikóng pop na may mahabang buhok, hapis ang mukha, nagdudroga paminsan-minsan, at sa ibang paraan ay namumuhay ng halaghag na buhay. Ganap na siyang nagbago ngayon, halos hindi ko makilala. Mukha siyang mahinahon, timbang, at ang kaniyang hitsura ay malinis at maayos. Ito ay labis-labis na nagkabisa sa akin.

Karaka-raka pinag-aralan namin ang Bibliya sa loob ng tatlo o apat na oras sa isang linggo, ginagamit ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Yamang hindi ako naninigarilyo, hindi ako gumagamit ng mga droga, hindi ako namumuhay ng imoral na buhay, inaakala ko na hindi ko na gaanong kailangang baguhin ang aking buhay. Gayunman, habang nakikilala ko ang Diyos, naunawaan ko na ang mga Kristiyano ay hindi bahagi ng sanlibutang hiwalay sa kaniya, at pinatalas nito ang aking budhi.

Ano ang gumawa sa mga Saksi ni Jehova na maging kaakit-akit sa iyo?

Nagugunita ko pa ang unang pagdalaw namin sa isang Kingdom Hall. Ang mga tao roon ay ibang-iba sa karaniwang nakikita ko. Malugod nilang tinatanggap ang isa’t isa at nagpapabanaag ng pag-ibig at palakaibigan​—at pagkakaisa.

Lalo ko pang nasaksihan ito sa “Matagumpay na Pananampalatayang” Internasyonal na Kombensiyon na ginanap sa Munich noong 1978. Dito man ang mga dumalo ay makonsiderasyon at matamang nakinig sa programa. Pagkatapos na pagkatapos ng kombensiyon, kailangan kong magtanghal sa propesyonal na paraan sa harap ng isang “normal” na mga tagapakinig na taga-Bavaria. Noong gabing iyon ang ilan sa mga naroroon, samantalang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, ay nag-away na gumagamit ng mga patalim.

Mayroon pang isang bagay na kaiba sa mga Saksi ni Jehova. Ang sanlibutan ay gumagawa ng maraming kuskos-balungos sa mga tanyag na tao. Dati saanman ako magtanghal, mabilis na kumakalat ang balita, “Iyan si Ricky King!” Subalit hindi ganiyan ang kalagayan dito. Siyanga pala, malaking bagay para sa akin na ako’y tawagin sa aking tunay na pangalan. Ginagamit ko ang aking pangalan sa tanghalan, na nakarehistro sa aking pasaporte at na siya kong ginagamit sa aking transaksiyon, may kaugnayan lamang sa aking propesyon.

Nang malaunan napag-unawa ko na higit pang pagbabago ang kailangan. Ang musika ay naging buhay ko. Lahat ay umiikot dito, at ibinagay ng aking asawa ang kaniyang sarili sa istilong ito ng buhay. Subalit natutuhan ko ngayon na huwag lubusang maging buhos ang isip sa musika, na hindi ito ang pinakamahalagang bagay sa buhay. Gumawa pa kami ng higit na pagsulong at kami’y nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong 1979.

Mula sa iyong sariling karanasan, may masasabi ka ba sa amin tungkol sa impluwensiya ng musika sa mga tao?

Oo. Ang musika ay nakalulugod sa mga damdamin at mga hilig at maaaring patindihin ito. Ang ilang uri ng musika ay mayroong nakarirepresko, nakagiginhawang epekto sa mga tao at inilalagay sila sa isang tiwasay na kalagayan. Idiniriin ng uring ito ng musika ang himig at armoniya, hindi ang kumpas o indayog.

At nakita ko rin ang nagagawa ng matinding musikang rock na agresibo at marahas na kalagayan sa mga tagapakinig, na nauuwi sa isang bakbakan sa harap ng entablado. Ang nakayayanig na indayog ng gayong musika ay gumaganyak sa mga tao na padala sa kanilang mga damdamin.

Ano sa palagay mo ang dapat isaalang-alang kapag pumipili ng musikang pakikinggan?

Itinapon ko na sa basura ang mga plaka nang malaman ko na ang mga ito ay nagtataguyod ng espiritismo at ng pagsamba sa diyablo. Karaniwang makikilala mo ang gayong mga plaka sa pamamagitan ng pabalat o ng kanilang mga liriko.

Isang pagkakamali na maliitin ang impluwensiya ng mga liriko ng awit. Para bang ang mga manunulat ay mayroong isang bagay na angkop sa bawat panlasa. Ang mga grupo ng kabataang músikó ay kadalasang gumagawa ng mga awit na batay sa kanila mismong personal na mga problema. Ito ay lubhang kaakit-akit sa mga kabataan, na kalimita’y kabisado ang mga salita ng awit. Ang mga liriko ay maaaring humikayat sa kanila na tikman ang “kalayaan” ng pag-abuso sa droga, magpakalabis sa alak, o imoralidad. Ang maluwag sa disiplinang hilig na ito ay nawalan ng lakas nito sa ngayon, yamang ang pagtatamasa ng ganap na “kalayaan” ay maliwanag na nagdala ng sarili nitong mga problema.

Ang musika para sa paglilibang at sa pagsasayaw ay maaari ring pumukaw ng maling nasà. Ang nagtatanghal ay umaawit tungkol sa kaligayahan at pagmamahal na maaaring akalain ng maraming tagapakinig na wala sa kanilang mga kabiyak. Ang mga artista ay kadalasang nakikilala sa kung ano ang kaniyang inaawit. Mayroon akong nakikilalang mga propesyonal na sa kadahilanang ito ay mga paborito ng mga babae.

Minsang ang isa’y malulong sa daigdig na ito ng pantasiya, maaari itong umakay sa kaniyang pag-idolo sa nagtatanghal. Maaari itong magsimula sa pamamagitan ng paghingi ng isang tao ng isang autograp bilang isang alaala. Subalit minamalas ng iba ang artista bilang kanilang huwaran, at sa paglalagay sa kaniya sa isang pedestal, ginagawa nila siyang isang idolo. Maaaring isabit nila ang larawan ng artista sa dingding at magsimulang manamit o ayusin ang kanilang sarili na katulad niya, sa gayo’y tinatalikdan ang kanilang sariling personalidad. At dapat isaisip ng mga Kristiyano na ang pagsamba ay nauukol lamang sa Diyos.

Paano mo nagagawang pagsamahin ang mga pananagutan mo sa iyong propesyon at bilang isang Kristiyano?

Kung kinakailangan ko pang kumita sa pamamagitan ng paglalakbay na kasama ng isang grupo, ayaw ko nang magpatuloy bilang isang propesyonal na músikó. Dati kung kailangan kong maglakbay ng mga ilang linggo, napapansin ko na ang panggigipit mula sanlibutan ay lumalakas, at ako ay humihina. Natanto ko kung gaano lubhang kailangan ko ang lingguhang mga pulong Kristiyano at pakikisama sa aking mga kapuwa Kristiyano! Ngayon na nagbago na ang aking kalagayan, nagagawa kong pangasiwaan ang karagdagang mga pananagutan bilang isang elder sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ako ngayon ay kumakatha at sumusulat ng musika sa bahay. Ang pagsasaplaka ay saka isinasagawa sa istudyo. Kung minsan ako ay nagtatanghal sa entablado para sa mga kasayahan, na nangangahulugan na ako’y malayo sa bahay sa loob lamang ng maikling panahon. Natural, kung Pasko at Bagong Taon, gayundin kung panahon ng Karnibal, hindi ako lumalabas sa entablado, bagaman pinakamalaki ang kita ng mga músikó sa mga panahong iyon. Ang malimit na pag-alis, pagtugtog halos gabi-gabi, ay makapipinsala sa aking napakahalagang pananampalataya.

Ako’y labis na nagagalak na nasumpungan ko ang pag-asa ng Bibliya tungkol sa isang matuwid na bagong sistema, at nais kong ipasa ito sa hangga’t maaari’y pinakamaraming tao. Regular akong nagbabahay-bahay sa aming pook, na dinadala ang mensahe ng Kaharian. Yamang naisasaayos ko ang aking sariling panahon, karaniwang idinaraos ko ang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado sa katanghalian. Kaming mag-asawa ay labis na natutuwang makatulong sa isang pamilya na binubuo ng apat na masumpungan ang katotohanan ng Bibliya.

Paano mo minamalas ang hinaharap?

Kailanma’t naiisip ko ang tungkol sa paligsahan sa armas, gutom, polusyon ng kapaligiran, at iba pang problema sa daigdig​—at inaakala ko na wala nang tunay na pag-asa para sa isang pagbabago​—tinatanong ko ang aking sarili kung ang buhay bagay ay may anumang layunin. Ako ngayon ay mayroong naiibang pangmalas sa mga bagay, nalalaman ko na ang lahat ng bagay ay nasa kapangyarihan ng Diyos. Gaya ng ipinakikita ng Awit 37:37, 38, ang hinaharap niyaong mga nasa panig ng Diyos ay “magiging mapayapa,” ngunit “ang kinabukasan ng mga balakyot ay mahihiwalay.

Ang mga salita ng Apocalipsis 21:4 ay labis na nagpapatuwa pa rin sa akin: “At papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Mangangahulugan ito ng wakas ng sakit at kamatayan, oo, ng lahat ng masasamang “dating bagay.” Pagkatapos, ang lupa ay magiging isang mapayapang paraiso.

Kung paanong ang pag-aaral ng Bibliya ay nagdulot ng pagkakaisa sa aking buhay, sa gayunding paraan dadalhin ng Diyos ang lahat ng nilalang sa isang pansansinukob na mapayapang pagkakaisa.​—Isang pakikipag-usap kay Hans Lingenfelder.

[Larawan sa pahina 13]

Ang aking buhay bilang isang músikó ay nagbago noong 1977

[Larawan sa pahina 15]

Si Hans (manunugtog ng gitara sa gitnang kaliwa)​—katabi ng kaniyang asawa, na nasisiyahan sa pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share