Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 9/22 p. 12-13
  • Anong Pag-asa Para sa mga Bata?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Pag-asa Para sa mga Bata?
  • Gumising!—1988
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagsisikap Upang Iligtas ang mga Bata
    Gumising!—1994
  • Kapaligiran—Ang Epekto Nito sa Iyong Kalusugan
    Gumising!—1999
  • Kung Saan Mas Malala ang Krisis
    Gumising!—1997
  • Kalusugan at ang Kapaligiran
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 9/22 p. 12-13

Anong Pag-asa Para sa mga Bata?

HULI na ang lahat para sa angaw-angaw na mga bata sa tinatawag na Third World. Ang mga pamamaraan na tinalakay rito ay makapagliligtas sa angaw-angaw​—kung ang kanilang mga magulang ay maaabot at makukumbinsi na ikapit ito. Imposible ito, angaw-angaw na mga bata ang basta patuloy na mamamatay​—nang dahan-dahan, tahimik, walang sala.

Ang malawakang mga proyekto ay hindi gaanong nagbibigay ng pag-asa. Halimbawa, itinaguyod ng UN ang International Drinking Water Supply and Sanitation Decade (1981-1990) na may tunguhing maglaan ng “malinis na tubig at sapat na sanitasyon para sa lahat sa 1990.” Taglay ang anong resulta?

“Sa pagitan ng 1980 at 1983,” ulat ng magasing World Health “isang karagdagang 32 milyon katao sa Aprika ang pinaglaanan ng panustos ng tubig, at karagdagan pang 12 milyon katao ang tatanggap ng pinagbuting sanitasyon.” Gayunman, mayroon lamang napakaliit na pagsulong sa porsiyento ng mga taong nagtatamasa ng malinis na tubig at sanitasyon. Pawang pinawi ng mabilis na pagdami ng populasyon ang kahanga-hangang mga pakinabang. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang tunguhing maglaan ng “malinis na tubig at sapat na sanitasyon para sa lahat sa 1990” ay tinawag na “isang halos imposibleng atas.”

Kung minsan, gayunman, ang mga pagsisikap na tumulong ay nahahadlangan, hindi dahil sa kakulangan ng pondo o lakas ng tao, kundi ng kasakiman, hindi mabuting pasiya, at maliliit na labanan. Ang nagpapaunlad na mga bansa ay gumugugol na apat na beses na dami ng pera sa mga sandata at gastusing militar kaysa ginagastos nila sa kalusugan. Sa kaunting salapi na ginugugol sa pangangalaga sa kalusugan, ang kalakhang bahagi ay nagtutungo sa paglalaan ng makabagong-teknolohiyang pangangalaga​—sa kapakinabangan ng ilang nakaririwasa.

Isaalang-alang din ang hindi magastos na Oral Rehydration Therapy. Alam na alam na ito ay makapagliligtas ng angaw-angaw na buhay. Gayunman, sang-ayon sa UN Chronicle, “karamihan ng mga doktor ay patuloy na nagrireseta ng kabuuang $400 milyon na halaga ng gamot laban sa pagtatae taun-taon kahit na ang karamihan ay nalalaman nilang walang silbi, mapanganib o pareho.”

O kunin halimbawa ang kapaha-pahamak na parasitikong sakit na schistosomiasis na ngayo’y nakakaapekto sa 200 milyong mga tao, lalo na sa mga bata. “Nalalaman ng siyensiya ang sanhi ng schistosomiasis, nasubok na nito ang mga lunas sa larangan ng pagsubok, nakagawa na ito ng mabisang estratehiya na lubhang makababawas sa sakit na ito sa darating na mga taon,” sulat ni June Goodfield sa Quest for the Killers. Bakit, kung gayon, nagpapatuloy ang sakit? “Ang problema ngayon ay pulitikal,” sulat ni Goodfield.

Oo, ang mga bata ay namamatay, hindi dahil sa ang tao ay kulang ng kaalaman o ng yaman upang panatilihin silang buháy kundi dahil sa higit nilang pinahahalagahan ang pulitikal at personal na pakinabang kaysa buhay ng tao. Ang mga salita sa Jeremias 10:23 ay napatunayang totoo: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Ang tanging pag-asa para sa mga bata ng daigdig​—tunay para sa buong lahi ng tao​—ay na pamahalaan ng Diyos ang planetang Lupa. Sinasabi sa atin ng Bibliya na gayon nga ang nilalayon niya: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian [o pamahalaan] na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng mga kahariang ito [kapanahong mga pamahalaan], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”​—Daniel 2:44.

Sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos, ang mga bata sa daigdig ay hindi na muling isasapanganib ng sakit o kamatayan. Kaya buong pananabik na hinihintay ng mga Saksi ni Jehova ang pamamahalang ito ng Diyos dito sa lupa. Sila ay nananalangin na gaya ng itinuro sa kanila ni Jesus: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:9, 10) Ang suliranin ng mga bata sa Third World ay nagpapangyari sa gayong mga may takot sa Diyos na lalo pang taimtim na idalangin ito.a

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Sila’y magagalak na magsaayos na kayo ay dalawin ng isa sa mga Saksi ni Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share