Pagbibili sa Sekso
“SA Pransiya,” sabi ng magasing “Time,” “parami nang paraming mga tagapag-anunsiyo ay bumaling sa seksuwal na parunggit.” Sumisipi buhat sa isang tagapag-anunsiyo sa London, ang artikulo ay nagpapatuloy: “Ang eroticismo sa tuwina’y bahagi ng sandata ng tagapag-anunsiyo, subalit sa Pransiya ang mga ito ay labis-labis na.” Sa Brazil, nang ang hubo’t hubad ay itampok sa telebisyon upang ianunsiyo ang jeans, may pagtitiwalang inihula na magkakaroon ng 30-porsiyentong pagdami ng benta. Kabaligtaran naman, sinang-ayunan ng batasan ng India ang isang panukalang-batas na nagbabawal sa paggamit sa mga babae bilang mga simbolo sa sekso sa anumang anyo ng pag-aanunsiyo. Sa Estados Unidos wari bang isang hangin ng pagbabago ang umiihip—sa paano man sa mga komersiyal sa telebisyon. “Nais tayong kilitiin ng mga tagapag-anunsiyo kaysa pukawin ang ating pita,” ulat ng “Daily News,” sinisipi bilang suporta ang isang surbey sa mga mamimili na nagsisiwalat na sa sampung paboritong anunsiyo sa telebisyon, ang lima ay nakakatawa at walang isa man ang naglalaman ng paksa tungkol sa sekso.