Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 11/22 p. 24-27
  • Natutuhan Kong Pahalagahan ang Tunay na Karunungan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natutuhan Kong Pahalagahan ang Tunay na Karunungan
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglaki sa Thailand
  • Maagang Impluwensiya ng Relihiyon
  • Binago ng Isang Aksidente ang Aking Buhay
  • Pagkaalam sa Tunay na Karunungan
  • Mga Pagpapala Mula sa Tunay na Karunungan
  • Budhismo—Paghahanap ng Kaliwanagan Nang Hiwalay sa Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Bahagi 8—c. 563 B.C.E. patuloy—Isang Kaliwanagan na Nangako ng Pagpapalaya
    Gumising!—1989
  • Bangkok—Halu-halong Nakalipas at Kasalukuyan
    Gumising!—1988
  • Tinakasan Ko ang Masaker sa Cambodia at Nasumpungan Ko ang Buhay
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 11/22 p. 24-27

Natutuhan Kong Pahalagahan ang Tunay na Karunungan

NANG ako ay isang munting bata, isang mongheng Budista ang nakapansin sa akin at iminungkahi na ang aking pangalan ay dapat na maging Panya, ibig sabihin ay “talino,” o “karunungan,” sa wikang Thai. Palibhasa’y debotadong mga Budista, may kagalakang pinalitan ng aking mga magulang ang aking pangalan alinsunod dito.

Ang Thailand, kung saan ako ay isinilang 60 taon na ang nakalipas, ay isang bansa kung saan mahigit na 90 porsiyento ng mga tao ay naniniwala sa Budismo. Ang Budismo ay itinatag mga 2,500 taon na ang nakalipas sa India at pagkatapos ito ay kumalat sa maraming bahagi ng Asia. Ang Budismo ay nagbibigay ng pag-asa para sa isang bagay na mas mabuti​—kalayaan buhat sa paghihirap​—na ipinalalagay na matatamo sa pamamagitan ng pagsisikap ng indibiduwal.

Sang-ayon sa Budismo, ang kasalukuyang kalagayan sa buhay ng isa ay ipinalalagay na bunga ng mga pagkilos (Karma) na ginagawa sa kasalukuyang buhay at sa naunang buhay. Ang pita ay inaakalang siyang sanhi ng lahat ng paghihirap, kaya ang tunguhin ay alisin ang lahat ng pita. Upang matamo ito baka kailanganin ang maraming pag-iral, o mga reinkarnasyon, hanggang sa malampasan ng isa ang siklo ng mga muling-pagsilang tungo sa isang kalagayan na tinatawag na nirvana, na para sa marami ay nangangahulugan ng hindi pag-iral.

Sinasabing nasumpungan ni Gautama Buddha ang katotohanan sa pamamagitan ng kaniyang “paliwanag,” at ang mga Budista ay naniniwala na ang pagsunod sa kaniyang mga turo ang landas ng karunungan.

Paglaki sa Thailand

Ako’y isinilang sa Bangkok, ang kabisera ng Thailand. Mga sampung taon bago ang Digmaang Pandaigdig II, ang buhay sa lunsod ay mas tahimik kaysa nagmamadaling metropolis sa Bangkok ngayon. Mga ricksha, mga kalesa, at mga tricycle na pinipedal ng tao ang karaniwang mga sasakyan, bagaman mayroon ding mga trambia at mga bus. Sa mga kanal, o klongs, mga bangka ang nagsisilbing transportasyon.

Sa loob ng mga ilang taon ang aking pamilya ay nanirahan sa isang bahay na itinaas ng mga tayakad sa tabi ng kanal. Sa mga lugar na iyon ng lunsod, ang karamihan ng buhay ng tao ay nakasentro sa paligid ng tubig. Ang klong ay ginagamit na paliguan at upang maghugas ng pinagkanan at maglaba ng mga damit. Ang mga bangka ay dumarating doon mismo sa pinto na nagbibili ng lahat ng uri ng pagkain at paninda. Kahit na ang sulat ay inihahatid sa pamamagitan ng bangka. Sa mainit at maalinsangang klima, kaming mga bata ay nasisiyahang lumangoy, sumisid, at maglaro.

Sa gulang na anim na taon, ako’y nagsimulang mag-aral. Ang edukasyong primarya ay sapilitan, kaya ang karamihan ng mga batang katulad ko ay pumapasok sa eskuwela. Ang mga batang lalaki at mga batang babae ay tinuturuan sa magkahiwalay na mga silid aralan, kaya walang gaanong pakikisama ang mga lalaki sa mga babae. Hindi mo maririnig ang tungkol sa pakikipag-date.

Mahilig ako sa isports, pati na sa soccer at boksing na istilong-Thai, na isang natatanging martial art na umunlad daan-daang taong na ang nakalipas. Ang magkatunggali ay pinahihintulutang gamitin hindi lamang ang kanilang nakaglab na kamao kundi ang kanila rin namang mga paa, binti, tuhod, at siko upang suntukin at sipain ang isa’t isa. Nang malaman ng nanay ko ang pagkahilig ko sa mapanganib na isport na ito, ako ay pinagbawalan niyang ipagpatuloy pa ito. Kaya ako ay bumaling sa pagpapalaki ng katawan.

Nang ako ay nasa kabataan, ang mga perya sa templo ay nagbibigay ng libangan anupa’t ang mga Thai, bata’t matanda, ay tuwang-tuwa rito. Ang mga perya ay nauugnay sa relihiyosong mga kapistahan, at ito ay nangilak ng pondo para sa pangangalaga sa templo. Maingay na pulutong ng mga tao ang dumadalo, pati na ang mga nagtitinda na nagtatayo ng mga puwesto upang magtinda ng lahat ng uri ng pagkain at mirienda sa sular ng templo.

Ang pinakapopular na pagtatanghal sa entablado sa mga perya ay ang likay, isang katutubong teatro na may buháy na musika at kasabay na usapan. Ang mga tauhan ay nadaramtan ng matingkad ang kulay na mga kasuotan at makapal ang kolorete. Pinatatawa nila ang mga manonood hanggang madaling-araw. Sa ngayon, ang live na mga pagtatanghal ay karaniwang hinahalinhan ng mga pelikula.

Maagang Impluwensiya ng Relihiyon

Sa pasimula ng bawat araw sa eskuwela, nariyan ang seremonya ng pagtataas ng watawat at pag-awit ng pambansang awit. Pagkatapos bibigkasin ng klase ang isang panalangin sa Pali, ang relihiyosong wika ng Budismo. Kasali sa aming kurikulum sa paaralan ang Budistang etika at asal; kung hindi ay hindi kami tumanggap ng maraming turo sa relihiyon.

Sa karamihan ng mga tahanang Budista, mayroong isang maliit na altar na may imahen ni Buddha na ginagamit para sa araw-araw na panalangin at pagbubulaybulay. Dito nagsisindi ng mga kandila at nagsusunog ng insenso. Ang mga pamilyang may lahing Intsik ay karaniwang may karagdagang altar para sa pagsamba sa mga ninuno o upang payapain ang iba’t ibang espiritu at mga diyos.

Palibhasa’y naniniwala na mayroong kabutihan sa lahat ng relihiyon, agad na ikinakapit at isinasama ng mga Budista ang mga ideya at mga gawain na inaakala nilang mabuti at makatutulong sa kanila sa paano man. Bunga nito, maraming tao sa Thailand ang sumasamba hindi lamang sa templong Budista kundi rin naman sa isa o higit pa ng maraming dambanang Intsik at Brahman.

Bagaman ang aming pamilya ay hindi partikular na relihiyoso, ang impluwensiya ng relihiyon ay laging naroroon sa aming buhay. Halimbawa, ang mga monghe na ahit ang ulo at nakadamit ng batang manilaw-nilaw na dalandan ay nagsasagawa ng kanilang araw-araw na panlilimos sa madaling-araw. Sila ay naglalakad nang nakapaa sa kahabaan ng kalye o nagsasagwan ng bangka sa klong, humihinto upang ilagay ng mga maybahay ang kanin at iba pang pagkain sa kanilang mga mangkok palimusan.

Mula sa maagang gulang, ako ay tinuruang igalang ang mga mongheng Budista na nagsasagawa ng isang buhay bilang pagtulad kay Buddha. Sila ay dapat ituring na nagtataglay ng dakilang karunungan, at kami ay hinihimok na lubhang pahalagahan ang kanilang opinyon at payo.

Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ang Bangkok ay dumanas ng mga pagsalakay sa himpapawid. Kaya ako’y dinala ng nanay ko sa kaniyang mga kamag-anak sa isa sa mga lalawigan. Yamang ang lokal na wat, o templo, ay malapit lamang, kilalang-kilala ko ang mga monghe. Ang ilan sa kanila ay gumagawa at namamahagi ng Budistang mga agimat. Sa mga dingding ng lumang kapilya, mayroong libu-libong maliliit na imahen ni Buddha na yari sa moldeng tingga. Marami sa aming mga batang lalaki ang tumutulong sa paglilinis nito. Pagkatapos sinusulatan ito ng mga monghe ng ilang titik sa sinaunang sulat Khmer at bibigkas ng orasyon upang gawing mabisa ang mga imahen bilang mga agimat.

Nahalina ako ng ideya na ang pagsusuot ng gayong imahen ni Buddha sa aking leeg ay magbibigay ng proteksiyon mula sa pinsala at tumitiyak ng mabuting kapalaran. Kaya sinimulan kong mangolekta ng mga agimat. Tumira ako na kasama ng mga monghe sa templo sa loob ng mga ilang buwan, at sa loob ng panahong iyon, ako ay ipinakilala sa pagbubulaybulay, panghuhula at iba pang espiritistikong gawain.

Bagaman wala pang 1 porsiyento ng populasyon ng Thailand ay kabilang sa mga simbahang Katoliko at Protestante, narinig ko na ang mga Kristiyano ay naniniwala na isang taong nagngangalang Jesus ay Diyos at na sinasamba ng mga Katoliko ang ‘Ina ng Diyos.’ Gayunman, ang mga paniwalang iyon ay parang hindi makatotohanan sa akin. Paanong ang isa na namatay sa isang krus ay makalilikha sa daigdig? Hindi ko itinuring ito na tunay na karunungan.

Binago ng Isang Aksidente ang Aking Buhay

Pagkatapos ng digmaan, itinuon ko ang aking isip sa pagkuha ng isang mabuting edukasyon at sa paghanap ng isang trabaho na mataas ang sahod. Sa wakas ako’y nagtapos mula sa paaralang komersiyal at nagtrabaho ako sa isang kompaniyang dayuhan sa Bangkok. Isang umaga noong 1959, samantalang ako’y patungo sa trabaho, ako’y nakahilagpos sa hawakan ng bus at ako’y patalikod na bumagsak, ang aking ulo’y tumama sa semento. Sinigawan ng mga pasahero at mga taong naglalakad sa kalye ang tsuper na huminto, subalit nang itinabi niya ang sasakyan sa daan, ang malalaking gulong sa likuran ay sumagasa sa ibabang bahagi ng aking katawan. Nabali ang aking gulugod at ilang tadyang.

Nang lisanin ko ang ospital pagkaraan ng pitong buwan, ako ay nalumpo mula sa baywang pababa. Ang kaisipan na hindi na ako makalakad ay nagpangyari sa akin na maging desperado. Yamang hindi ako binigyan ng mga doktor ng pag-asang gagaling pa, nais kong subukin ang iba pang paraan. Dinala ako ng aking nanay sa mataas na lugar, kung saan dinalaw ko ang maraming monasteryo, “mga klinika,” at iba pang dako kung saan sinasabi ng mga tao na nagsasagawa ng pagpapagaling. Habang nakikilala ko ang iba’t ibang manggagamot, tagapagpagaling, at mga espiritistang medium, pinag-aralan ko ang kanilang mga gawain. Kumuha ako ng mga aklat-aralin tungkol sa sining ng mahiko at panghuhula at sinimulan kong gawin ang mga bagay na ito sa aking sarili.

Pagkaalam sa Tunay na Karunungan

Pagkaraang manirahan ng apat na taon sa mataas na dako, ako’y nagbalik sa Bangkok. Hindi rin bumuti ang aking kalagayan, subalit nakakuha ako ng isang bagong propesyon. Mga tao ng lahat ng edad ay magtutungo at hihiling na sabihin ko sa kanila ang kanilang kapalaran. Gumagawa rin ako ng ilang uri ng agimat, na ang ilan ay ipinagbili ko sa tulong ng isang monghe.

Pagkatapos isang araw noong 1968, isang taga-Canada na misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa akin. Nang banggitin niya ang tungkol kay Jesu-Kristo, napaghinuha ko na ang mga Saksi ay isa lamang sa maraming relihiyong “Kristiyano” na hindi ko nagugustuhan. Pagkalipas lamang ng anim na taon saka ako seryosong nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa isa pang mag-asawang Saksi.

Ang partikular na kumuha ng aking interes ay ang hula ng Bibliya. Nang ipakita sa akin ang mga hula sa aklat ng Bibliya na Daniel, lalo na ang mga Dan kabanatang 7 at 8, gayundin ang detalyadong paglalarawan ni Jesus ng mga pangyayari at mga kalagayan na nakikita natin ngayon, batid ko na walang manghuhula ang makahuhula ng gayong mga bagay. (Mateo, kabanata 24) Pagkatapos ay nalaman ko ang dahilan kung bakit ang kasalukuyang mga kalagayan ay ibang-iba sa orihinal na nilayon ng Maylikha at kung paano siya gumawa ng mga kaayusan upang alisin ang pinsala na dala niyaong mga tumatanggi sa kaniya at sa kaniyang pagkasoberano, para bang isang lambong ang inalis sa aking mga mata.

Ang lahat tungkol sa mensahe ng Bibliya ay lubhang magkakasuwato; ang mga piraso ng “palaisipan” ay nagkatugma-tugma. Ang karunungan ng tao na labis kong pinahalagahan ay nagturo sa akin na ituring ang Diyos na hindi mahalaga sa ating buhay. Subalit dahil sa napakaraming katibayan, maliwanag na hindi maaaring waling-bahala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Bibliya, natutuhan kong pahalagahan na “ang pagkatakot kay Jehova [ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat] ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalang Isa ay kaunawaan.”​—Kawikaan 9:10.

Mga Pagpapala Mula sa Tunay na Karunungan

Nang ako’y makumbinsi na si Jehova ang tunay na Diyos at na ang Bibliya ang kaniyang Salita, lubhang nagbago ang aking pangmalas sa mga bagay. Sinunod ko ang halimbawa ng sinaunang mga Kristiyano at inalis ko ang lahat ng aking mga aklat-aralin tungkol sa mahikong sining gayundin ang daan-daang relihiyosong mga imahen at mga agimat na nakolekta ko sa lumipas na mga taon.​—Gawa 19:18, 19.

Ang pagkatakot sa Diyos at ang tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya ay nagkaroon pa ng isang kapaki-pakinabang na epekto sa akin​—inibig ko si Jehova bilang isang Persona. Ang pagpapahalaga sa kaniyang kabutihan at ang pag-ibig na ipinakita niya sa sangkatauhan ay nagpangyari sa akin na ialay ko ang aking buhay sa kaniya at ako’y nagpabautismo noong 1975. Ang personal na kaugnayan kay Jehova ay nagbigay rin sa akin ng pangganyak upang isagawa ang nalalaman kong tama. At ako’y sabik na sabik na sabihin sa iba ang tungkol sa mabuting balita na nalaman ko.

Kapag tinutulungan ang iba na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng karunungan ng tao at ng maka-Diyos na karunungan, malaki ang naitutulong sa akin ng aking nakaraang karanasan. Ako’y nagkapribilehiyo na tulungan ang ilan na sundin ang tunay na karunungan at manindigan sa panig ni Jehova. Ang isa sa kanila ay ang aking ina, na, sa edad na 94, ay nabautismuhan bilang isang saksi ni Jehova.

Talagang binago ng tunay na karunungan ang aking buhay. Hindi na ako kakapa-kapa sa dilim kung tungkol sa sanhi ng paghihirap at sa tunay na kahulugan ng buhay. Ngayon mayroon akong mga kasagutan sa mga katanungan na dati’y nakalito sa akin. Ang aking buhay, bagaman ako ay may kapansanan, ay may layunin. Mayroon akong pag-asa at pagnanais na mabuhay magpakailanman. Hindi ba’t tunay na karunungan na sundin ang isang landasin na magbibigay ng kaligayahan at makabuluhang buhay ngayon at nagbibigay ng gayong dakilang kinabukasan? Anong ligaya ko na napahalagahan ko ang ganitong uri ng karunungan!​—Gaya ng inilahad ni Panya Chayakul.a

[Talababa]

a Bago maimprenta ang labas na ito ng Gumising!, ang pasabing ito ay tinanggap buhat sa Thailand: “Si Brother Panya Chayakul ay namatay na kamakailan dahil sa isang impeksiyon pagkatapos ng isang operasyon upang putulin ang isa sa kaniyang mga paa. Tapat hanggang sa wakas, siya’y tumanggi sa pagsasalin ng dugo.”

[Larawan sa pahina 25]

Ang mga Budista ay naniniwala na ang pagsuporta sa mga monghe ay nagbibigay ng kagalingan

[Larawan sa pahina 26]

Ibinabahagi ko ang aking pananampalataya sa iba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share