Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 2/22 p. 12-16
  • Nasumpungan Ko ang ‘Isa sa Isang Milyon’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nasumpungan Ko ang ‘Isa sa Isang Milyon’
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagiging Isang Musikero
  • Isang Pagbabago sa Aking Buhay
  • Isang Ganap na Pagbabago ng Buhay
  • Pagtulong sa Iba
  • Ginagawang Simple ang Aming Istilo ng Buhay
  • Ginugol Ko ang Aking Buhay sa Musika
    Gumising!—1986
  • Ang Tao ay Hindi Nabubuhay sa Tinapay Lamang—Kung Paano Ako Nakaligtas sa mga Kampong Piitan ng Nazi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Isang Jazz Drummer ay Nakasumpong ng Kaligayahan
    Gumising!—1988
  • Isang Músikó ay Pumipili ng Tunay na Pagkakaisa
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 2/22 p. 12-16

Nasumpungan Ko ang ‘Isa sa Isang Milyon’

ANG New York Woodstock Music Festival noong 1969 ang kapana-panabik na sandali sa aking karera sa musika. Napakaraming tao hanggang sa maaabot ng iyong paningin. Kasindak-sindak!

Ako ang bahista at mang-aawit na kasama ng Sly and the Family Stone, isa sa pinakasikát na grupo ng mang-aawit noong panahong iyon. Katakut-takot na ingay ng pagsang-ayon ang maririnig mula sa kalahating milyong mga tao habang isinisigaw nila ang pagpapabalik sa aming pagtatanghal.

Iyon nga ay isang kapana-panabik na sandali, subalit ito ngayon ay malayo na sa di-malilimot na pangyayari sa aking buhay. Ako’y nakasumpong ng isang pambihirang kayamanan, ‘isa sa isang milyon’ na tuklas. Gayunman, bago ko ilarawan ito, hayaan mong ipaliwanag ko muna ang mga bagay na humubog sa aking buhay.

Pagiging Isang Musikero

Noong 1946 ako’y isinilang sa isang pamilya na mahilig sa musika sa Beaumont, Texas, ang nag-iisang anak na lalaki ng aking ina. Siya ay isang piyanista sa koro ng simbahan, at ang aking ama ay isang gitarista na tumutugtog ng jazz. Hindi nagtagal ang aming pamilya ay lumipat sa Oakland, California, kung saan ako ay nagsimulang mag-tap dance sa gulang na lima. Pagkalipas ng dalawang taon, ako ay natutong tumugtog ng piyano sa ilalim ng patnubay ng aking lola, na nag-alaga sa akin noong maagang mga taon na iyon.

Nang ako ay 11 anyos, ibinigay sa akin ng tatay ko ang kaniyang gitara at amplipayer, at sabik na sabik na pinag-aralan ko ang bagong instrumentong ito. Nang maglaon, natuto akong magtambol, tumugtog ng clarinet, at ng saxophone. Nang ako ay 13 anyos, mayroon na akong sarili kong propesyonal na banda ng rock ’n’ roll na kung tawagi’y The Five Riffs. Sa gulang na 15 anyos, nagsimula akong tumugtog sa mga nightclub bilang bahagi ng Dell Graham Trio, na binubuo ng aking ina sa piyano, ako sa lead guitar, at isang drummer.

Nang maglaon kami ng nanay ko ay bumuo ng isang duweto. Upang punan ang kakulangan ng isang drummer, kinakalampag at kinakalbit ko ang mga kuwerdas de bajo ng aking gitara upang idiin ang indayog. Sa ganitong paraan nakagawa ako ng sarili kong istilo ng pagkalampag-at-pagkalbit sa pagtugtog ng bajo. Isang regular na tagapagtaguyod ay lubhang humanga anupa’t tinawagan niya sa telepono ang isang disc jockey, si Sly Stone, at hinimok siya na makinig sa akin. Ang resulta ay na, noong 1966, ako ay inalok ng papel na bahista sa isang grupo ng pito-katao na kilala bilang Sly and the Family Stone.

Ang aming plaka na “Dance to the Music” ay naging isang internasyonal na tagumpay, at kami ang naging pinakasikat na grupo ng itim noong panahong iyon. Iba pang mga tagumpay ang mabilis na sumunod, kasali na ang “Hot Fun in the Summertime,” “Everyday People,” at “Thank You for Letting Me Be Myself Again.” Pagkatapos ay dumating ang Woodstock Music Festival, kung saan kami tumugtog na kasama ng iba pang internasyonal na kilalang mga musikero. Nang maglaon, kami ay tumugtog para sa 300,000 katao sa Isle of Wight sa Britanya at para sa 350,000 sa isang kapistahan sa musika sa Kanlurang Alemanya.

Noong 1971 ako ay tumanggap ng isang banta sa aking buhay. Ako ay sinabihan na sa panahon ng isang pagtatanghal sa Los Angeles Coliseum, ako ay babarilin habang ang tunog ng musika at ang ingay ng maraming tao ay umabot sa sukdulang lakas. Ako’y nasindak. Gayunman, ang kagamitang elektroniko ay ayaw umandar, kaya lumabas ang tagapagtaguyod ng konsiyerto at kinansela ang pagtatanghal. Nadama ko na sa paanuman ay nakialam ang Diyos upang iligtas ang buhay ko. Nininerbiyos na tumakbo ako mula sa istadyum pabalik sa aking silid sa otel, kung saan dali-daling nag-impake ako at nilisan ko ang lungsod.

Ang nakasisindak na karanasang ito ang pumuno sa isip ko, kahit na nang itatag ko ang aking sariling grupo na kung tawagin ay Graham Central Station. Ang ikalawang album ko ng plaka na kasama ng grupong ito ay may nakatatak sa pabalat nito na mga salitang “Produced by God.” Hindi ko layon na maging lapastangan sa Diyos, subalit ipinababanaag ng mga salita ang nadarama ko na ako ay iniligtas ng Diyos.

Isang Pagbabago sa Aking Buhay

Noong 1973 nakilala ko si Tina, isang international airline na stewardess. Samantalang itinitirintas niya ang buhok ko bilang paghahanda para sa pagtatanghal, kadalasa’y nakikipag-usap ako sa kaniya tungkol sa aking paniwala sa Diyos. Nang panahong ito, ang nanay ni Tina ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.

Isang araw nasumpungan ni Tina ang kaniyang nanay na umiiyak. Siya ay umiiyak sapagkat walang sinuman sa kaniyang mga anak ang sasaksi sa kaniyang bautismo sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Oakland Coliseum. Si Tina ay nangako na kung gayon kahalaga sa nanay niya ang pagkanaroon ng kaniyang pamilya, siya ay dadalo sa bautismo sa Biyernes.

Hangang-hanga si Tina sa nakita at narinig niya nang araw na iyon ng Hulyo ng 1974 anupa’t pagkatapos ay tinawagan niya ako sa telepono at hinikayat akong dumalo sa sesyon noong Sabado. Subalit pagod na pagod ako mula sa rekording noong Biyernes ng gabi. Noong Linggo, tumawag muli si Tina at hinimok ako na dumalo. Nag-usyoso ako upang tingnan kung ano ang nagkabisà kay Tina, kaya ako ay nagpunta.

Isang pulis ang nagsabi na yamang wala akong tiket sa pagparada sa kombensiyon, hindi ako maaaring magtungo sa paradahan. Sabi pa niya: “Tutal ayaw mong makinig sa ganiyang bagay!” Ako ay pansamantalang nawalan ng gana at ako ay umalis. Subalit nang maglaon pinag-isipan ko ito, umikot ako, at bumalik. Nang dumating ako sa Coliseum, ilang minuto na lamang ang natitira sa pangwakas na pahayag.

Palibhasa sa kalakhang bahagi ng aking buhay ako ay isang tagapagtanghal, may damdamin ako sa maraming tao. Nakapunta na ako sa Oakland Coliseum ng maraming beses sa ibang mga pangyayari, subalit ito ay walang katulad sa anumang bagay na nakita ko noon​—60,000 mga tao ng iba’t ibang lahi at pinagmulan sa lipunan na pawang mapayapang nagsasama-sama. Ang basta “pakiramdam” ko sa maraming tao ay nakakumbinse sa akin na ito ay isang bagay na mahalaga, oo, ‘isa sa isang milyon’ na tuklas!

Habang ako ay papaalis sa Coliseum, isang tin-edyer na babae, dala marahil ng aking hitsura ay nahalata na ako ay hindi Saksi, ang lumapit at iniabot ang isang kopya ng aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? sa aking kamay. Ito ang kailangan ko! Pagdating ko sa aking kotse, nabuksan ko ang pahina 24 at nakita ko ang isang larawan ng isang sisne, pawikan, puno, at ilang tao. Napapansin na ang isang sisne ay maaaring mabuhay ng 80 taon, ang pawikan ay 150 taon, at ang isang puno ay libu-libong taon, ang aklat ay nagtanong: “Makatuwiran ba ang maikling buhay ng tao?” Ang mensahe ng larawang ito ay nagkaroon ng kagyat na epekto sa akin.

Nang maglaon, tinanong ko si Tina ng maraming tanong, subalit wala rin siyang nalalaman sa Bibliya na gaya ko. Kaya kami’y nagpasiya na dalawin ang babaing nakikipag-aral sa nanay ni Tina. Pag-alis namin ng bahay niya, bumaling ako kay Tina at sabi ko: “Ang babaing iyon ay nagbabalatkayo! Walang maaaring maging gayon kabait! Tingnan mo, sa susunod na linggo iba na siya!” Subalit lumipas ang mga linggo, hindi siya nagbago, sinasagot ang lahat ng aming katanungan sa pamamagitan ng mahinahong pagbaling sa Bibliya.

Sinimulan namin ni Tina ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Gayunman, hindi nagtagal dumating ang panahon upang ako ay maglakbay na kasama ng aking grupo. Ako ay pinatibay-loob na tawagan sa telepono ang lokal na mga kongregasyon sa bawat lungsod na pupuntahan namin sa ibayo ng Estados Unidos at hilingin ang isa na makipag-aral sa akin sa sumusunod na mga kabanata ng aklat na Katotohanan.

Dinalaw ko ang mga kongregasyon mula sa kanlurang baybayin hanggang sa silangang baybayin at mula sa hilaga at gitnang-kanluran hanggang sa Texas at sa mga estado sa gawing timog. Yaong nagdaos sa akin ng pag-aaral sa Bibliya ay mula sa sarisaring lahi at pinagmulan sa lipunan at buhay. Subalit saanman ako magtungo, ang mensahe ay iisa. Ito ay lubhang nakaapekto sa akin na hindi lamang isang lokal na di-pangkaraniwang bagay ang nasumpungan ko sa lugar ng Oakland Bay kundi isang pambuong bansang organisasyon na talagang nagkakaisa sa espirituwal na pagkakaisa.

Isang Ganap na Pagbabago ng Buhay

Nang maglakbay ako sa Europa pagkatapos ng aming paglalakbay sa E.U., ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral na kasama ng mga Saksi roon. Pagdating ko sa Paris, tinawagan ko si Tina sa telepono at inalok ko siyang kami’y pakasal. Pagkalipas ng ilang linggo, noong Pebrero 1975, kami ay ikinasal sa Nevada. Pagkaraan lamang ng limang araw na kami’y makasal, sinimulan ko na naman ang isa pang paglalakbay sa Estados Unidos, subalit ngayon sumama sa akin si Tina.

Sa Brooklyn, New York, dinalaw namin ang internasyonal na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Kakatwa ang aming pananamit, itim ang suot namin na may kumikinang na pula at pilak na dragon sa paa ng aming pantalon at sa likod ng aming mga dyaket, na hanggang sa ngayon ay nahihiya kami kung iisipin namin ang tungkol dito. Subalit kami ay may kabaitang pinakitunguhan, at walang isa man ang nagkomento tungkol sa aming kasuotan.

Kami ni Tina ay nabautismuhan sa pandistritong kombensiyon sa Oakland noong Hulyo 1975, eksaktong isang taon mula nang kami ay magtungo sa aming unang kombensiyon sa lugar ding iyon. Ang nakaragdag pa ng kasayahan sa okasyong iyon ay ang bagay na ang dalawang kapatid na babae ni Tina, sina Denise at Shelia, at ang akin mismong ina, na pawang nagsimulang mag-aral ng Bibliya pagkatapos naming mag-aral, ay sabay-sabay na nabautismuhan. Pagkalipas ng ilang taon, ang aking lola, sa gulang na 82, ay nabautismuhan din.

Ang mga bagay na aking natututuhan ay mahahalata sa mga pabalat ng plaka ng ilan sa mga album na ginagawa ng grupo ko. Ang album noong 1976 na pinamagatang Mirror ay nagpakita sa pabalat ng mga larawan ko at ng iba pang miyembro ng banda. Sa isang panig kami ay may mahabang buhok, naka-sunglass, at usong kasuotan, samantalang sa kabilang larawan-sa-salamin kami ay inilalarawan na maayos at malinis, na may maikling buhok, at mahinhing mga istilo ng damit.

Kabilang sa mga awit ang isa na pinamagatang “Forever.” Ito ay inialay sa pag-asang makita ang aking ama sa pagkabuhay-muli, kapag ang walang-hanggang buhay ay nasa harap natin. Ang mga salita ng isang awit ay nagpapabanaag ng mga damdamin ko bilang isang bagong bautismadong Saksi.

Pagtulong sa Iba

Nagkaroon kami ng maraming pagkakataon na ibahagi ang aming pananampalataya. Isang tumutugtog ng organ at isang drummer ang tumugon at inialay ang kanilang buhay kay Jehova. Ang drummer na iyon ay isa nang hinirang na matanda ngayon at isang regular payunir sa West Hollywood Congregation.

Noong paglalakbay namin ng 1975, isinama ko ang tagatugtog namin ng organ sa pagpapatotoo sa kaniyang kauna-unahang pagkakataon sa isang mayaman, puro-puting dako sa Atlanta, Georgia. Habang kami ay nagbabahay-bahay, biglang nagsulputan ang mga kotse ng pulis, at naglabasan ang mga pulis upang alamin kung ano ang ginagawa namin doon. Kasabay nito, isang helikopter ng pulisya ang umaaligid mga ilang talampakan lamang sa itaas namin. Maliwanag na ang pulisya ay nakatanggap ng mga report tungkol sa “kahina-hinalang mga tao” sa pook, subalit nang ang aming misyon bilang mga saksi ni Jehova ay naipaliwanag, kami ay iniwan ng mga pulis. Pambihirang panimula ito sa gawaing pagpapatotoo para sa aming tagatugtog ng organ!

Sa paglalakbay na ito, pagkatapos ng aming bautismo, gumawa kami ng isang dambuhalang audiovisual display ng 4.6 metrong mga telon. Ito ang tampok ng palabas. Kinailangang gumamit kami ng dalawang malalaking semitreyler na mga trak at dalawang tour bus. Ipinakita ng palabas ang mga kakilabutan ng mga kalagayan sa daigdig at pagkatapos ay itinuturo ang lunas sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. Kabilang sa slides ang mga larawan ng kombensiyon sa Oakland Coliseum at ang aming bautismo. Ito ay nilapatan ng musika, at ako ay nagbigay ng komentaryo sa pagitan ng mga awit.

Sa isa sa aming paglalakbay, ako ay lumabas sa larangan sa Hollywood, Florida, at kami’y inatasang gumawa sa bahay-bahay ng isa na nangangasiwa sa grupo. Walang anu-ano, narinig ko ang isa sa mga plaka ko na pinatutugtog sa isang bahay sa malapit. Kumatok ako sa pinto, at ang tatlong kabataang lalaki na naroroon at nagpapakalango sa droga ay natulala nang biglang makita nila sa kanilang pinto ang mang-aawit ng kantang pinakikinggan nila! Nalaman ko na ang dalawa sa mga lalaking ito ay naging mga Saksi.

Noong 1979 kami ay lumipat sa Los Angeles sa isang malaking bahay na may swimming pool at maayos na hardin na nakatunghay sa lungsod. Itinayo ko ang aking sariling 24-track na rekording studio sa tabi nito. Ang unang plaka na inirekord ko roon ay pinamagatang “One in a Million You,” na nagbili ng mahigit na isang milyong kopya. Di-nagtagal ako ay nagkapribilehiyo na maglingkod bilang isang ministeryal na lingkod, at noong 1982, isang linggo lamang pagkaraang ang aming anak na babaing si Latia, ay isilang, ako ay nahirang bilang isang matanda.

Isang Linggo samantalang idinaraos ko ang Pag-aaral sa Bantayan isang kabataang taga-Hawaii ay pumasok sa Kingdom Hall at tumitig sa akin nang buong pagtataka. Nakita niya ako sa Hawaii noong 1975 nang ako ay isang mahaba-buhok na tagapagtanghal, kaya gulat na gulat siyang makitang ako ay nakadamit nang maayos at nagdaraos ng Pag-aaral sa Bantayan. Bagaman siya ay lumipat sa Los Angeles taglay ang balak na magkaroon ng malaking pangalan sa larangan ng musika, siya ay sumang-ayon na makipag-aral sa akin. Siya ngayon ay naglilingkod sa aming kongregasyon bilang isang regular payunir.

Ginagawang Simple ang Aming Istilo ng Buhay

Tapatang masasabi namin ni Tina na napakaligaya namin sapol nang pumasok kami sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir noong 1982. Isa pang pagdalisay sa aming espirituwal na pagsulong ay ang paggawang simple sa aming istilo ng buhay. Ginugugol namin ang 90 porsiyento ng aming panahon sa bahay sa dalawa lamang silid ng isang malaking bahay na nangangailangan ng paglilingkod ng mga hardinero at mga katulong upang maging maayos. Hindi namin lubusang magamit ang Lincoln Town Car, ang 1955 na Thunderbird, ang Cord, ang Mercedes-Benz, at 7.6 metrong motor home, isang van, at ilang motorsiklo. Kaya pagkatapos ng pandistritong kombensiyon noong 1985, ipinagbili namin ang aming bahay at ang karamihan ng mga sasakyan.

Kami ngayon ay nakatira sa isang kainamang townhouse, na nasusumpungan ni Tina na mas madaling linisin samantalang siya ay nagpapayunir. Bagaman ako ay gumagawa pa rin ng limitadong gawa bilang isang musikero, ang tunay na kaligayahan ko ngayon ay nagmumula sa paglilingkod bilang isang payunir at makitang ang aming munting anak na babaing sumulong sa espirituwal. Siya ay naglagay ng matatag na mga tunguhin sa kabila ng kaniyang murang gulang at lagi niyang sinasabi ang tungkol sa panahon kapag kaniyang sasagisagan ang kaniyang pag-aalay kay Jehova.

Ang isa pang pagpapala na inaasam-asam ko ay ang muling makita ang aking ina sa pagkabuhay-muli at sabihin sa kaniya ang tungkol sa mga pangyayari na naganap mula nang mamatay siyang tapat bilang isang regular payunir noong Abril 1987. Oo, sa halip na labis-labis na matuwa sa paglibang sa daan-daang libong mga tagahanga sa musika, ako ngayon ay nagtatamo ng tunay na kasiyahan sa paggawa ng aking pinakamabuti sa pagsunod sa mga salita ng salmista: “Purihin si Jah, ninyong mga tao! Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, ng kaniyang kapurihan sa kapisanan ng mga banal.” (Awit 149:1)​—Gaya ng inilahad ni Larry Graham.

[Larawan sa pahina 13]

Dito sa kapistahan ng Woodstock, ako’y tumugtog sa harap ng kalahating milyong mga tao

[Credit Line]

John Dominis, LIFE MAGAZINE © Time Inc.

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ng aking asawa at anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share