Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 12/8 p. 3-4
  • Gaano ba Tayo Kalusog?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano ba Tayo Kalusog?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Larawan Ngayon
  • Tumitingin sa Unahan
  • Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?
    Gumising!—1989
  • Sumulong Na ang Kalusugan sa Buong Globo—Ngunit Hindi Para sa Lahat
    Gumising!—1999
  • Kung Ano ang Tumitiyak sa Iyong Kalusugan—Kung Ano ang Magagawa Mo
    Gumising!—1995
  • Ano ang Kalusugan?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 12/8 p. 3-4

Gaano ba Tayo Kalusog?

ISANG libong milyong dolyar isang araw! Ganiyan kalaki ang ginugugol ng mga tao sa Estados Unidos sa pangangalaga ng kalusugan. Ang mga naninirahan sa Pederal na Republika ng Alemanya ay gumugugol ng mahigit sa ikalimang bahagi ng kanilang kabuuang pambansang produkto, o mahigit 340 libong milyong deutsche marks isang taon, upang pangalagaan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan. Ang kalagayan ay nahahawig sa nakararaming mga industriyalisado o maunlad na mga bansa.

Walang duda na ang pangkaraniwang mamamayan sa mga bansang ito ay nagiging higit na palaisip sa kalusugan. Lagi nang nangunguna ang mga aklat at video tungkol sa diyeta at ehersisyo sa listahan ng mga pinakamabili. Ang mga pagkaing pangkalusugan, mga bitamina, kasuotang pang-gymn at pang-ehersisyo ay naging multimilyong-dolyar na negosyo. At sa ngayon ang larawan ng isang matagumpay na tao ay hindi na ang ngumunguya-ng-sigarilyong mangangalakal kundi ang maayos, malinis, palaisip-sa-kalusugang tao.

Taglay ang lahat ng pansin at interes na ito na ibinibigay sa kalusugan at mabuting pangangatawan, tayo ba’y tunay na mas malusog ngayon kaysa mga tao ng nakaraang mga salinlahi? Ang pagkalaki-laking halaga bang ginugugol sa bayaring pangmedisina at pangangalaga sa kalusugan ay nagbunga ng mabuting pangangatawan para sa ating lahat? Totoo, gaano ba tayo kalusog?

Ang Larawan Ngayon

Kabaligtaran ng maaari nating asahan, ipinakikita ng mga ulat kapuwa buhat sa mayayaman at mahihirap na bansa sa palibot ng daigdig na ang mga tao sa ngayon ay malayo sa larawan ng kalusugan. Nagsasalita tungkol sa magkakaibang kalagayang pangkalusugan sa buong daigdig, isang ulat na inihanda ng Worldwatch Institute ang nagsasabi: “Bagama’t lubhang nagkakaiba-iba ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan, ang mayayaman at ang mahihirap ay may isang bagay na magkatulad: kapuwa sila namamatay nang hindi kinakailangan. Ang mayayaman ay namamatay sa sakit sa puso at kanser, ang mahihirap ay namamatay sa diarrhea, pulmonya at tigdas.”

Sa kabila ng mga pagsulong sa pananaliksik sa medisina, ang sakit sa puso at kanser ay patuloy na nagiging parusa ng mayayamang bansa. Sa katunayan, isang ulat sa The New England Journal of Medicine ang nagsasabi: “Wala kaming nakikitang dahilan upang asahan ang panlahat na pagsulong nito lamang nakalipas na mga taon. Walang dahilan upang isipin na, sa kabuuan, ang kanser ay nagiging di pangkaraniwan.” Kung tungkol sa ‘fitness boom,’ ang kalagayan ay mahusay na binuod ni Dr. Michael McGinnis ng U.S. Department of Health and Human Services: “Ang lubhang nakararami ay nakababatid ng kahalagahan ng mabuting pangangatawan. Subalit hindi sila mismo gagawa ng pagkilos. Ang mga Amerikano ay hindi mabuti ang pangangatawan gaya ng kanilang inaakala.”

Sa kabilang dako ng timbangan, “sangkapat sa mga tao ng daigdig ang kulang sa malinis na tubig na maiinom at malinis na pagliligpit ng dumi ng tao,” sabi ng ulat ng Worldwatch. “Bilang resulta, laganap ang mga sakit na diarrhea sa Third World o mahihirap na bansa at siyang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga sanggol.” Ang diarrhea, pulmonya, tigdas, dipterya, tuberkulosis, at iba pang mga sakit, ang pumapatay ng mga 15 milyong bata na wala pang limang taon bawat taon at sumusugpo sa normal na paglaki ng milyun-milyon pa. Subalit, ang tunay na kabalintunaan ay na nadarama ng mga dalubhasa na karamihan sa mga ito ay madaling maiwasan.

Habang ang mga bata sa mauunlad na bansa ay ligtas sa ganitong mga trahedya, may mga nakagagambalang palatandaan na ang panlahat na kalusugan ng kabataan sa ngayon ay bumababa sa halip na sumulong. Halimbawa, iniuulat ng The Guardian ng London, sa ilalim ng ulong balita na “Mga Batang ‘Mas Malusog 35 Taong Nakalipas,’” na natuklasan ng isang surbey ng Medical Research Council na “totoong dumami ang mga batang hanggang apat na taong gulang na tinatanggap sa ospital, tatlong ulit na pagdami ng mga kalagayan ng hika, at anim na ulit na pagdami ng eczema sa bagong salinlahi.” Nasumpungan din ang biglang pagdami ng diabetes sa bata, labis na pagtaba, kaigtingan, at mga karamdamang emosyonal.

Isinisiwalat din ng pambansang mga pag-aaral sa Estados Unidos na ang pisikal na kalagayan ng mga batang mag-aaral sa ngayon ay di-tulad ng nararapat dito. “Ito ang pinakatatagong lihim sa Amerika ngayon​—ang kakulangan ng mabuting pangangatawan ng mga kabataan,” wika ni George Allen, tagapangulo ng President’s Council on Physical Fitness and Sports. Ang pinakahuling mga bilang na inilabas ng konseho ay nagpapakita na 40 porsiyento ng mga batang lalaki at 70 porsiyento ng mga batang babae na edad 6 hanggang 17 ay hindi makagawa ng higit sa isang chin-up. Ang ibang mga pag-aaral ay nakasumpong na ang mga tin-edyer ngayon ay mas mataas na presyon ng dugo, di-malusog na antas ng kolesterol sa dugo at taba ng katawan, huwag nang banggitin ang malubhang emosyonal na mga suliranin, gayundin ang suliranin sa pag-abuso sa droga at alkohol.

Tumitingin sa Unahan

Karamihan sa atin ang nakakaunawa na ang ating kalagayang pangkalusugan sa buong buhay ay tinitiyak, sa isang tiyak na lawak, ng kalagayan ng kalusugan noong ating kabataan. Hindi kataka-taka, kung gayon, nang sabihin ni George Allen: “Ang aking ikinababahala ay na kung hindi tuturuan ang mga kabataan tungkol sa mabuting pangangatawan ngayon, hindi na nila ito matututuhan bilang mga adulto.” Totoo rin ito sa papaunlad na mga bansa, liban na lamang na doon maraming bata ang hindi nabibigyan ng pagkakataong sumulong bilang malulusog na adulto.

Nakababalisa sa ganang sarili, ang mga suliranin ay maaaring lutasin. Bilang mga indibiduwal, saan ka man nakatira, mayroon kang magagawa sa iyong kalusugan at sa kalusugan ng iyong pamilya. Karamihan sa mga ito, gayumpaman, ay nakasalalay sa iyong pangmalas ng iyong kalusugan at ng iyong sarili. Tunay, ang mga tanong ay maaaring ibangon: Ano ang kalusugan? Ano ang magagawa mo upang panatilihin ang mabuting kalusugan? Ang mga katanungang ito ay tatalakayin sa mga sumusunod na artikulo.

Bagaman ang mga tao’y tila mas palaisip sa kalusugan, sila ay malayo sa larawan ng kalusugan

“Maraming mga mag-aaral ang ayaw mag-ehersisyo dahil ito’y masyadong nakakapagod. Wala silang lakas.”​—magasing Time

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share