Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?
“BILANG bahagyang bunga ng ilang kagila-gilalas na tagumpay ng modernong medisina, isang saloobin ang kumalat sa maraming bahagi ng daigdig na ang kalusugan ay isang bagay na inilalaan ng mga manggagamot sa mga tao, sa halip na isang bagay na natatamasa ng mga pamayanan at indibiduwal para sa kanilang mga sarili.” Ganiyan ang isinulat ni Dr. Halfdan Mahler sa World Health, ang opisyal na babasahin ng World Health Organization.
Siyempre pa, ang mga doktor at pagamutan ay tumutulong ng malaki sa ating kalusugan at mabuting kalagayan. Gayumpaman, sila ay gumaganap ng pangunahin na’y bahaging panggagamot. Ating sinasangguni ang kanilang mga paglilingkod kapag mayroong di-mabuti, subalit bihira natin silang maisip kapag mabuti ang ating pakiramdam. Ano, kung gayon, ang ating maaaring gawin upang magtamasa ng mabuting kalusugan para sa ating sarili?
Mga Tagubilin para sa Malusog na Pamumuhay
Sa pangkalahatan, ang mga dalubhasa ay sumang-ayon na ang mabuting kalusugan ay nasasalalay sa tatlong pangunahing mga salik: timbang na pagkain, palagiang ehersisyo, at pamumuhay na responsable. Tiyak na walang kakulangan ng impormasyon sa mga paksang ito, at karamihan sa mga ito ay praktikal at nakatutulong. Ilang may kinalaman at napapanahong mga ideya tungkol sa kung paano ang diyeta at ehersisyo ay kaugnay ng ating kalusugan ay inihaharap sa mga kahong “Ang Iyong Pagkain at ang Iyong Kalusugan” at “Ehersisyo, Mabuting Pangangatawan, at Kalusugan.”
Bagama’t maraming impormasyon ang makukuha, ipinakikita ng katotohanan, nakapanghihinayang, na ang pagtatamasa ng mabuting kalusugan ay hindi nangunguna sa talaan ng mga prayoridad ng mga tao. Kabilang sa iba pang bagay, “alam ng lahat kung ano ang kailangan upang magbawas ng timbang,” wika ni Dr. Marion Nestle ng Office of Disease Prevention and Health Promotion sa Washington, “ngunit ang paglaganap ng labis na timbang ay tila hindi gaanong nagbabago.” Ayon sa kaniyang tanggapan, halos 1 sa 4 na tao sa Estados Unidos ay mahigit na 20 porsiyento ang labis na timbang.
Kahawig nito, isang pag-aaral ng U.S. National Center for Health Statistics ang naghahayag: “Sa pangkalahatan, sa pagitan ng 1977 at 1983 may lumilitaw na pagsulong sa di-kanais-nais na mga kaugaliang pangkalusugan.” Ano ang mga “di-kanais-nais na mga kaugaliang pangkalusugan” na ito? Ang mga ito ay hindi mga suliranin na hindi kayang pigilin ng indibiduwal, tulad baga ng malnutrisyon, mga epidemya, o polusyon. Sa halip, ang mga ito ay mga salik na sa kalahatan ay pananagutan ng indibiduwal—mga gawaing tulad ng paninigarilyo, labis na pagkain, labis na pag-inom, at pag-abuso sa droga.
Malinaw, higit kaysa medikal o siyentipikong impormasyon sa kung ano ang gagawin upang magtamasa ng mabuting kalusugan ang ating kailangan. Higit na pangganyak ang kailangan upang gawin ang ating indibiduwal na mga pananagutan. Tayo’y dapat na maganyak na gawin hindi lamang ang mga bagay na tumutulong sa mabuting kalusugan kundi ang pag-iwas rin naman sa mga bagay na sisira dito. Saan tayo makakasumpong ng gayong pampasigla at pangganyak na tutulong sa ating mamuhay ng malusog?
Bagama’t ang karamihan ng mga tao ay hindi nakababatid nito, isang doktor-autor, si S. I. McMillen, ay nagkomento sa paunang-salita ng kaniyang aklat na None of These Diseases: “Ako’y nananalig na matatawag ang pansin ng mambabasa na alamin na ang mga tagubilin ng Bibliya ay makapagliligtas sa kaniya mula sa tiyak na mga nakahahawang sakit, sa maraming nakamamatay na mga kanser, at mula sa mahabang pagpapahirap ng mga sakit saykosomatiko na lumalago sa kabila ng lahat ng mga pagsisikap ng modernong medisina. . . . Ang kapayapaan ay hindi dumarating sa mga kapsula.”
Makikita natin mula sa mga pahayag na ito na bagama’t ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa medisina o isang manwal sa kalusugan, ito ay naglalaan ng mga simulain at tagubilin na magbubunga ng kanais-nais na paggawi at mabuting kalusugan. Ano ang ilan sa mga simulaing ito?
Mga Damdamin at Pangmalas sa Buhay
Bilang halimbawa, “kinikilala ng siyensiyang pangmedisina na ang mga damdamin gaya ng takot, kalungkutan, inggit, sama-ng-loob at pagkapoot ay may pananagutan sa karamihan ng ating mga karamdaman,” sabi ng sinipi-sa-itaas na si Dr. McMillen. “Ang mga kalkulasyon ay nagkakaiba-iba mula sa 60 porsiyento hanggang sa halos 100 porsiyento.”
Ano ang maaaring gawin upang malunasan ito? Kawili-wili, mga 3,000 taon nakararaan, itinuturo ng Bibliya: “Ang pusong matiwasay ang buhay ng katawan, ngunit ang pananaghili ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) Ngunit paano ba nagkakaroon ang isa ng “isang pusong matiwasay”? Ang payo ng Bibliya ay: “At lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Sa ibang salita, upang tamasahin ang mabuting pisikal na kalusugan, dapat nating pag-aralang supilin ang ating mga damdamin
Ito, siyempre pa, ay kabaligtaran ng payo ng ilang makabagong mga sikayatrista at sikologo. Madalas nilang irekomenda na ilabas natin ang ating mga damdamin sa halip sa supilin ang mga ito. Ang paglalabas at pagbubulalas ng galit ng isa ay maaaring magdala ng pansamantalang ginhawa sa isa na nakadaramang nakukulong at nababalisa. Subalit ano ang nagagawa nito sa kaniyang ugnayan sa mga nakapalibot sa kaniya, at ano naman ang maaaring maging reaksiyon nila? Hindi mahirap gunigunihin ang tensiyon at bagbag na kalooban, huwag nang banggitin ang posibleng pisikal na pinsala, na maaaring ibunga kung ang bawat isa’y maglalabas ng kaniyang damdamin sa halip na pagsikapang supilin ang mga ito. Ito ay gumagawa lamang na isang masamang siklo na hindi magwawakas.
Mangyari pa, hindi madaling supilin ang mapaminsalang mga damdaming ito, lalo na kung ang isa ay madaling bumigay sa pagkagalit at pagkapoot. Kaya naman nagpapatuloy ang Bibliya sa pagsasabing: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa.” (Efeso 4:32) Sa ibang salita, sinasabi nito na dapat nating halinhan ang mga nakapipinsalang negatibong mga damdamin ng positibong mga damdamin.
Ano ang nagagawa sa atin ng gayong positibong mga damdamin sa iba? “Ang pagmamahal ay biolohiko,” sulat ni Dr. James Lynch sa kaniyang aklat na The Broken Heart. “Ang utos na ‘mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili’ ay hindi lamang isang kautusang moral—isa rin itong utos pisyolohiko.” May kinalaman sa mga kabutihang dulot ng gayong positibong mga kaugnayan, si Robert Taylor, isang sikayatrista, ay nagdaragdag: “Ang pagkakaalam na may mga taong maari mong takbuhan sa mga panahon ng pangangailangan ay nakapaglalaan ng mahahalagang damdamin ng katiwasayan, optimismo at pag-asa—lahat ng ito ay maaaring maging dakilang lunas sa kaigtingan.” Samakatuwid, samantalang ang makabagong medisina ay maaaring makagawa ng mga panlunas sa ilan sa mga tinatawag na sakit saykosomatiko, ang payak na mga tagubilin ng Bibliya ay makatutulong upang maiwasan maging ang kanila mismong paglitaw. Sinumang nagnanais na ikapit ang mga tagubilin ng Bibliya ay makikinabang sa emosyonal at pisikal.
Mga Bisyo at Pagkasugapa
Isa pang bagay na nakaaapekto sa ating emosyonal at pisikal na pangangatawan ay ang ating pakikitungo sa ating katawan. Taglay ang makatuwirang pagsisikap sa ating bahagi—wastong pagkain, pagkuha ng kinakailangang ehersisyo at pamamahinga, pananatiling malinis, at iba pa—ang ating katawan ay mangangalaga sa kaniyang sarili. Subalit, kung ating patuluyang pagmamalabisan ito, sa malao’t madali ito ay masisira, at mararanasan natin ang mga pinsala.
Ang payo ng Bibliya ay: “Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu.” (2 Corinto 7:1) Paano natin maikakapit ang ganiyang payo, at ano ang mga pakinabang? Isaalang-alang ang sumusunod na ulat ng Worldwatch Institute na nasa Washington: “Ang paninigarilyo ay isang epidemyang sumusulong ng 2.1 porsiyento sa isang taon, mas mabilis kaysa pandaigdig na populasyon. . . . Ang pagsulong sa paggamit ng tabako ay saglit na bumagal sa mga unang bahagi ng dekada otsenta, pangunahin na dahil sa mga dahilang pangkabuhayan, subalit bumabalik sa dati nitong mabilis na pagsulong. Higit sa isang bilyong katao ang naninigarilyo ngayon, kumukunsumo ng halos 5 trilyong sigarilyo bawat taon, sa katamtaman ay higit sa kalahati ng isang kaha isang araw.”
Ano ang naging epekto ng ganitong ‘lumalagong epidemya’? Ang sumusunod na kahon ay nagbibigay ng isang bagay na dapat pag-isipan. Ang talaaan ay hindi naman nakahahapo, subalit ang mensahe ay maliwanag: Ang pagkasugapa sa tabako ay kapuwa malakas at magastos. Ito ay isang maruming bisyo na nakapipinsala sa kalusugan ng sugapa at ng mga nakapalibot sa kaniya.
Kumusta naman ang mga pagsisikap na itigil ang bisyong ito? Sa kabila ng lahat ng mga kampanya laban sa paninigarilyo, kaunti lamang ang tagumpay sa pandaigdig na proporsiyon. Ito ay dahil sa ang pananagumpay sa bisyo ng pananabako ay isang mahigpit na pakikipagbaka. Ipinakikita ng pananaliksik na 1 lamang sa 4 na naninigarilyo ang nagtatagumpay sa pagtigil sa bisyong ito. Maliwanag na ang lahat ng mga babala na ang paninigarilyo ay isang pinsalang pangkalusugan ay hindi sapat na pangganyak.
Subalit, ang payo ng Bibliya na sinipi sa itaas, kasama ang utos sa mga Kristiyano na ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang mga sarili, ang nagpakilos sa libu-libo na ngayo’y mga Saksi ni Jehova na tumigil sa paninigarilyo. Maging sa kanilang mga Kingdom Hall, kung saan sila nagtitipon mga ilang oras bawat linggo, o maging sa kanilang mga kombensiyon, kung saan libu-libo sa kanila ang nagtitipon ng ilang mga araw, wala kang makikitang ilan man sa kanila na may sigarilyo. Ang kanilang kusang-loob na pagtanggap at pagkakapit ng mga utos ng Bibliya ay nagbigay sa kanila ng kinakailangang tibay-loob na gawin ang hindi nagawa ng iba.
Ang ilan pang nakapipinsalang mga bisyo ay labis na pag-inom ng inuming nakalalasing, pag-abuso sa droga, handalapak na sekso taglay ang posibleng nakamamatay na mga sakit na bunga nito, at marami pang nakagagambalang suliraning pangkalusugan at panlipunan. Bagama’t ang mga autoridad sa kalusugan ay hirap na hirap sa pakikitungo sa ganitong mga suliranin, masusumpungan mo na ang Bibliya ay naglalaan ng payo na kapuwa makatuwiran at praktikal.a—Kawikaan 20:1; Gawa 15:20, 29; 1 Corinto 6:13, 18.
Kung Kailan Magwawakas ang Lahat ng Sakit
Gaano man ang ating pagsisikap na panatilihin ang mabuting kalusugan, nananatili pa rin ang masakit na katotohanan, sa ngayon, tayo’y nagkakasakit at namamatay. Subalit, ang Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, ay hindi lamang nagsasabi sa atin kung bakit nagkakasakit ang tao at namamatay kundi sinasabi rin niya sa atin ang tungkol sa panahong malapit nang dumating kung saan ang sakit at maging kamatayan mismo ay mapagtatagumpayan.—Roma 5:12.
Isang hula sa Bibliya sa Isaias 33:24 ang nangangako: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” Ipinapangako rin ng Apocalipsis 21:4: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” Oo, ang pangako ng Maylikha ay isang bagong sanlibutan dito mismo sa lupa kung saan ang sangkatauhan ay itataas sa kasakdalan ng tao, taglay ang mahusay na kalusugan at buhay na walang hanggan ang magiging kalagayan ng sambahayan ng tao!—Isaias 65:17-25.
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, pakisuyong tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Kaligayahan—Paano Masusumpungan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 8, 9]
Ang Iyong Pagkain at ang Iyong Kalusugan
“Kung ikaw . . . ay hindi naninigarilyo o labis na umiinom, ang iyong pagpili ng pagkain ay makakaimpluwensiya sa iyong pangmatagalang pag-asa sa kalusugan higit kaysa alinmang pagkilos na maaari mong gawin.”—Dr. C. Everett Koop, dating siruhano heneral ng E.U.
Hindi pa natatagalan, ang mga dalubhasa sa kalusugan ay nagsalita tungkol sa mapaminsalang mga epekto ng ilang aspekto ng pagkain ng mga industriyalisadong bansa sa kalusugan ng mga tao. Bukod sa pagtawag-pansin sa mga bagay na gaya ng tabako, alkohol, asin, at asukal, ang pantanging pagdiriin ay ibinigay sa katotohanang ang pagkain ng maraming tao ay napakataas sa taba at kolesterol at napakababa sa mahiblang pagkain.
“Nakababahala sa lahat,” pagpapatuloy ni Dr. Koop, “ay ang ating labis na pagkain ng taba at ang kaugnayan nito sa panganib ng talamak na mga sakit gaya ng koronaryong sakit sa puso, ilang uri ng kanser, diabetes, alta-presyon, atake-serebral at labis na pagtaba.” Kahawig nito, itinawag-pansin ng Britanong siruhano na si Dr. Denis Burkitt at ng iba pa ang kaugnayan sa pagitan ng kakulangan ng mahiblang pagkain at ng koronaryong sakit sa puso, kanser sa pagdumi, mga diperensiya sa sikmura at bituka, diabetes, at iba pang mga karamdaman.
Hindi nauunawaan ang lahat ng mga detalye kung paanong ang ating pagkain ay nakakaapekto sa ating kalusugan, at wala ring lubusang pagkakasundo sa gitna ng lahat ng mga dalubhasa sa kalusugan. Ngunit, may mga katunayang medikal na karapat-dapat nating bigyang-pansin.
Bawasan ang Taba
Isang mataas na antas ng kolesterol, isang tabang alkohol, sa dugo ay tuwirang kaugnay ng isang mataas na panganib ng sakit sa puso. Yaong mga may sakit sa puso o isang kasaysayan nito sa pamilya, at yaong mga nagnanais bawasan ang panganib nito, ay makabubuting panatilihin ang kanilang kolesterol sa dugo sa isang ligtas na antas. Ano ang maaaring gawin?
Ang unang hakbang ng depensa na kadalasang ipinapayo ay ang pagsunod sa isang diyeta na mababa sa kolesterol, na masusumpungan sa lahat ng mga pagkaing hayop, tulad baga ng mga karne, itlog, at mga produktong gawa sa gatas, subalit hindi sa mga pagkaing halaman. Nasumpungan ng mga pag-aaral kamakailan, gayumpaman, na ang pagkain ng mga pagkaing sagana sa kolesterol lamang ay may katamtamang epekto sa antas ng kolesterol sa dugo ng isa. Subalit kung ang pagkain ay sagana rin sa mahirap-tunawing taba (gaya baga ng mga taba sa hayop, mantikang galing sa gulay, at langis ng palma at niyog), ang pagtaas ng kolesterol sa dugo ay kapansin-pansin sa karamihang mga tao. Samakatuwid, ang pagdiriin sa ngayon ay ‘bawasan ang taba.’ Kumain nang kaunti at walang-taba na karne, alisin ang mga tabang nakikita, alisin ang balat sa mga manok, at takdaan ang pagkain ng pula-ng-itlog, whole milk, matitigas na mga keso, at prinosesong mga pagkain na naglalaman ng mga langis ng palma at ng niyog.
Samantalang ang mga saturated fats ay may kagawiang itaas ang antas ng kolesterol sa dugo, ang mga madaling-tunawing liquid oils (olibo, soybean, safflower, mais, at iba pang mga langis mula sa gulay), matatabang isda, at mga iba’t-ibang uri ng kabibe ay kabaligtaran naman ang ginagawa. Ang ilan sa mga ito ay maaari pa ngang tumulong upang itaas ang relatibong dami ng isang tinatawag na mabuting kolesterol, ang HDL (high-density lipoprotein), sa dugo o ibaba ang antas ng nakapipinsalang uri ng kolesterol, ang LDL (low-density lipoprotein).
Kumain ng Mas Maraming Mahiblang Pagkain
Ang pagbawas ng taba ay isa lamang bahagi ng kuwento. Ang mga pinung-pino at prinosesong mga pagkain—na naglalaman ng puting harina, asukal, mga pandagdag-kemikal, at iba pa—ay walang kahibla-hibla. Ang bunga ay ang tinatawag na mga sakit sibilisado: hindi mapadumi, almoranas, hernia, diverticulosis, colorectal cancer, diabetes, sakit sa puso, at iba pa. “Ang mga lalaking hindi gaanong kumakain ng mahiblang pagkain ay tatlong ulit na nanganganib mamatay mula sa lahat ng sanhi kaysa mga lalaking malakas kumain ng mahiblang pagkain,” sabi ng ulat sa Lancet.
Ang mahiblang pagkain ay gumaganap ng bahagi nito sa dalawang paraan. Sinisipsip nito ang tubig habang ito ay kumikilos sa ating sistema ng panunaw, at ito’y mabilis na dumaraan sa ating daanang panunaw. Nadarama ng mga dalubhasa sa kalusugan na tinatangay nito ang marami sa mga nakapipinsalang ahente at pinabibilis ang kanilang paglabas mula sa katawan. Ang ilang fiber na maaaring matunaw ay nasumpungang nagpapababa ng antas ng asukal at kolesterol LDL—isang pagpapala para sa mga diabetiko at mga pasyente ng sakit sa puso.
Paano ka makikinabang mula sa kaalamang ito tungkol sa fiber? Kung maaari, dagdagan ang proporsiyon ng mga prutas, gulay, at whole-grain products sa iyong pagkain. Palitan ng purong-trigong tinapay ang puti at idagdag ang whole-grain cereal sa hapag-almusalan. Ang mga balatong ay mahuhusay ring pinagmumulan ng fiber. At ang gawgaw—patatas at kanin—ay maaaring may mga katangiang panlaban sa kanser.
Mayroon, siyempre pa, maraming iba pang mga aspekto ng iyong pagkain na nakakaapekto sa iyong kalusugan. Gayumpaman, ang pagbabawas ng taba at pagdaragdag ng fiber ay ang dalawang dako sa diyeta ng karamihan na nangangailangan ng madaliang pansin.
[Kahon sa pahina 10, 11]
Ehersisyo, Mabuting Pangangatawan, at Kalusugan
Isang 40-taóng pag-aaral ng mga 17,000 lalaki ang nakasumpong na yaong mga nag-ehersisyo nang bahagya ng isa o dalawang oras sa isang linggo (na nagsusunog ng mga 500 kálori) ay may antas ng kamatayan na 15 hanggang 20 porsiyentong mas mababa kaysa roon sa mga hindi nag-ehersisyo. Yaong mga nag-ehersisyo nang puspusan (na sumusunog ng 2,000 kálori isang linggo) ay may antas ng kamatayan na mas mababa ng sangkatlo. Ang iba pang mga pag-aaral ay nakaaabot rin sa gayong paghihinuha: Ang palagiang ehersisyo ay nagbabawas sa panganib ng alta-presyon, koronaryong sakit sa puso, at marahil maging kanser. Ang palagiang pag-eehersisyo ay nakatutulong din sa pakikibaka laban sa sobrang timbang, mababang pagpapahalaga-sa-sarili, kaigtingan, pagkabalisa, at panlulumo.
Ang dahilan kung bakit tila nagagawa ng palagiang pag-eehersisyo ang lahat ng ito ay dahil sa itinataas nito ang pisikal na kakayahan at katatagan ng isang tao. Sa ibang salita, ang palagiang pag-eehersisyo ay gumagawa sa isang mas malakas ang pangangatawan. Samantalang ang mabuting pangangatawan ay hindi gumagarantiya ng mabuting kalusugan, ang isang mabuting pangangatawan ay mas malamang na hindi magkasakit. Mas madali rin itong makapanumbalik sa kalusugan kapag ito’y nagkasakit. Ang mabuting pangangatawan ay tumutulong din sa mental at emosyonal na mabuting kalagayan ng isa at nagpapabagal rin sa mga epekto ng pagtanda.
Ano at Gaano Karami?
Ang mga karaniwang tanong tungkol sa ehersisyo ay, Anong uri ng ehersisyo, at gaano karami? Iyan nga ay talagang nakasalalay sa kung ano ang nais tamasahin ng isa. Ang isang manlalaro sa Olimpik ay dapat magsanay nang matagal at puspusan upang manatiling malakas ang pangangatawan. Para sa karamihan, ang tunguhin ay maaaring upang magbawas ng timbang, upang magkaroon ng hugis, magtamasa ng mas mabuting kalusugan, o para lamang bumuti ang pakiramdam. Para sa kanila, karamihan ng mga dalubhasa sa kalusugan ay sumasang-ayon, ang 20 hanggang 30 minutong ehersisyo tatlong beses isang linggo ay kailangan upang manatiling mahusay ang pangangatawan. Subalit anong uri ng ehersisyo?
Kasangkot sa mabuting pangangatawan ang kakayahan, edad, at katatagan ng isa, kaya ang ehersisyo ay dapat na may layuning itaas ang antas ng tibok ng puso at paghinga ng isa habang nag-eehersisyo. Ito ay karaniwang tinatawag na aerobic exercise. Ang pagtakbo, mabilis na paglakad, pagsasayaw ng aerobics, pagluluksong-lubid, paglangoy, at pagbibisikleta ay karaniwang mga anyo ng mga ehersisyong aerobik, na may kani-kaniyang bentaha at disbentaha kung tungkol sa kaginhawahan, halaga ng mga pasilidad at kagamitan, tsansa ng pinsala, at iba pa.
Ang ilang anyo ng ehersisyo ay nagpapatibay sa mga kalamnan at humuhugis sa katawan. Kalakip dito ang mga pag-eehersisyo na ginagamitan ng mga makinang pang-ehersisyo at mga pabigat. Ang gayong mga ehersisyo ay nakadaragdag sa pisikal na kalakasan at katatagan ng isa at maaaring pasulungin din ang tindig at hitsura ng isa—pawang nakadaragdag sa paghahangad ng isang mahusay na pangangatawan.
Kumusta naman ang kalisteniks na ehersisyo na naaalala ng karamihan sa atin noong tayo’y nag-aaral pa? Totoong nakabuti ito, pinahalagahan man natin ito noon o hindi. Ang pag-unat, pag-ikot, at pagpihit ay nagpapasigla sa katawan. Ang paglukso at pagsipa ay nagpapabilis sa tibok ng puso. Ang mga sit-ups, push-ups, at chin-ups ay nagpapatibay sa mga kalamnan. Ang gayong mga ehersisyo ng pag-unat ay isang malaking bentaha habang ang isa ay nagkakaedad upang manatiling mas masigla at patuloy na maging aktibo nang mas mahabang panahon.
Katapus-tapusan, may mga panlibangang sports—tenis, racquetball, softball, skating, at marami pang ibang aktibidad. Ang kabutihan ng gayong mga aktibidad ay na ito’y mas nakalilibang kaysa mga paulit-ulit na anyo ng ehersisyo at marahil ang siyang elementong kinakailangan upang ang isa ay regular na mag-ehersisyo. Depende sa kung gaano kahusay at kung gaano katindi isinasagawa ang mga ito, ang gayong mga aktibidad ay maaaring maglaan o hindi ng kinakailangang kilos ng katawan na gaya ng ibang mga uri ng ehersisyo. Gayumpaman, tumutulong ito upang ikondisyon ang katawan, pinasusulong ang koordinasyon, at pinahuhusay ang pagkilos at kaliksihan.
Taglay ang napakaraming uri ng ehersisyo na mapagpipilian, ang lihim ng tagumpay ay nakasalalay sa pagpili ng isa, o isang kombinasyon ng mga ito, na masisiyahan ka. Ito ang tutulong sa iyo na manatili sa iyong mga intensiyon, sapagkat ipinakikita ng mga pag-aaral na mula 60 hanggang 70 porsiyento ng mga adulto na nagsimulang mag-ehersisyo ang tumitigil sa loob ng isang buwan o higit pa. Tandaan, ang pagkapalagian, hindi lamang ang dami, ng ehersisyo ang mahalaga. Sa pakikibahagi sa iba’t ibang uri ng ehersisyo sa iba’t ibang panahon, binibigyan mo rin ang iyong katawan ng isang ganap na pagsulong, lumalakas ang pangangatawan sa isang timbang na paraan.
Ang iyong pagpili ng aktibidad ay dapat na maimpluwensiyahan ng iyong edad at ng iyong kabuuang kalagayan ng kalusugan sa pasimula. Siyempre pa, yaong may mga suliranin sa kalusugan ay dapat kumunsulta sa kanilang manggagamot bago simulan ang isang programa ng ehersisyo. Sa anumang kalagayan, magsimula nang mabagal, at dagdagan habang ikaw ay gumagawa ng pagsulong. Pag-aralan ang mga anyo ng ehersisyo na iyong pinipili—napakaraming aklat at mga tagubilin tungkol dito—at ikaw ay masisiyahan at makikinabang sa iyong mga pagsisikap.
[Kahon sa pahina 12]
Ang Halaga ng Paninigarilyo
◻ Ang tabako ay nagdudulot ng mas maraming pagdurusa at kamatayan sa mga adulto kaysa alinmang nakalalasong bagay sa kapaligiran.
◻ Ang pandaigdig na halaga sa buhay ay umaabot na sa 2.5 milyon sa bawat taon, halos 5 porsiyento ng lahat ng kamatayan.
◻ Ang mga gastusing pangkalusugan at mga kalugihang pangkabuhayan sa [Estados Unidos] ay mula sa $38 libong milyon hanggang sa $95 libong milyon, o mula sa $1.25 hanggang $3.15 bawat kaha. Hindi pa kasali sa mga kabuuang ito ang halaga ng tabako mismo—halos $30 libong milyon bawat taon.
◻ Ang mga walang tutol na maninigarilyo ay tatlong ulit na malamang na mamatay sa kanser sa baga kaysa kung sila ay hindi hantad sa usok.
◻ Binabawasan ng paninigarilyo ng mga ina ang pisikal at mental na kakayahan ng kanilang mga anak, at sa maraming mga bansa mahigit sa ikalimang bahagi ng mga bata ang nakahantad sa usok sa ganitong paraan.