Mga Tradisyon Kung Pasko—Ano ang Kanilang Pinagmulan?
KAPUWA sa Hilaga at Timog na mga Hemispero, ang mga pagdiriwang ng Pasko ay isa sa mga pinakatanyag, sa mga naniniwala at hindi naniniwala. Sa Hapon, sa nakararaming di-Kristiyanong Shinto nito, ang Pasko ay kabilang sa ibang mga pagdiriwang at naging isang panahon ng walang-patumanggang pagsasaya at pangangalakal. Pero ang mga kapistahan ba kung Pasko ay dati nang sekular? Paano nagsimula ang pana-panahong kapistahang ito?
Isang pagmamasid sa kung paano ipinagdiwang ang Pasko noong unang milenyo ng Karaniwang Panahon ay tumutulong upang matunton ang pinagmulan nito noon pang bago ang panahong Kristiyano. Sumusulat sa magasing History Today, iginigiit ni Alexander Murray ng Oxford University na ang Edad Medyang tao “ay pinaghalo ang umiiral na elemento ng mga paganong ritwal ng gitnang-taglamig sa lumalagong teolohiya ng Pasko.” Paano at bakit ito ginawa?
Mga Pinagmulan Bago ang Panahong Kristiyano
Napansin ng mga tao ng sinaunang sibilisasyong Europeo kung paano ang araw ay tila hindi nakikilos kung gitnang-taglamig malapit sa timog na abot-tanaw bago unti-unting tumataas sa kalangitan. Ang winter solstice na ito (isang salitang halaw sa mga salitang Latin para sa “araw” at “di-pagkilos”) ay, ayon sa kalendaryong Julian, orihinal na may petsang Disyembre 25. Ang mga tao ring ito ang madaling nakasumpong ng pagkakahawig sa pagitan ng araw at ng Diyos bilang Pinagmulan at Tagapagtustos ng buhay. Noong 274 C.E., idineklara ng Romanong emperador ang Sol invictus (di-magaping araw) na pangunahing patron ng imperyo, at ito ay noong Disyembre 25, sa gayo’y pinararangalan si Mithras, ang diyos ng liwanag.
Tungkol sa paglitaw ng Sangkakristiyanuhan bilang ang bagong relihiyon ng imperyo, sinulat ni Murray: “Pagkatapos ng maraming di-katiyakan, ang tagumpay ay tutungo sa pangunahing kalaban (ng Mitraismo), ang Kristiyanismo. Subalit noong mga taóng 300 ang kalabang ito ay dapat pa ring maging diplomatiko. Noon nagpasiya ang simbahan na gumawa ng isang kapistahan para sa pagsilang ni Kristo (Latin: nativitas). (Walang gayong kapistahan na kasama sa talaan ng mga kapistahan mula sa ikatlong siglo, at ang bagong kapistahan ay unang iniulat sa isang dokumentong 336.)” Anong petsa ang pinili para sa pagdiriwang na ito? Disyembre 25, bunga ng “isang maingat at praktikal na pasiya sa bahagi ng mga sinaunang ama ng iglesiya,” ayon sa aklat na Discovering Christmas Customs and Folklore. Bakit gayon?
Ang gitnang-taglamig ay dati nang tatag-na-panahon ng pagsasaya na may pitong-araw na kapistahang agrikultural ng apoy at liwanag ng mga Romano, ang Saturnalia. At nariyan din ang Calends, isang tatlong-araw na kapistahan upang ipagdiwang ang pagkatalaga sa mga pinunong tagapangasiwang Romano na naglingkod ng isang taon mula sa unang araw, o calends, ng Enero. Kung gayon, dahil sa ang Saturnalia, Calends, at ang kaarawang Mitraiko ng di-magaping araw na tumatapat sa maikling panahong iyon taun-taon, ang Disyembre 25 ang napiling petsa para sa pagdiriwang ng “Christ’s Mass” bilang panawagan sa mga paganong tao na makumberte sa bagong relihiyon ng estado ng Imperyong Romano.
Sa paglipas ng panahon, pinagtibay ng paganong Alemang kapistahan ng gitnang taglamig, ang Yule, ang mga kaugalian ng paghahanda at pagsasaya, gayundin ang pagbibigay ng mga regalo. Ang mga tapers (o kandila), mga kahoy, mga dekorasyong evergreen, at mga puno ay napatanyag sa mga pagdiriwang ng Pasko. Ngunit, katwiran ng iba, ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo ay tiyak na napatanyag sa mga sinaunang Kristiyano bago pa man ang anumang kaugnayan nito sa mga tradisyong pagano. Ganito nga ba?
Hindi Ipinagdiwang ng Sinaunang mga Kristiyano
Hindi isinisiwalat ng Bibliya ang eksaktong petsa ng kapanganakan ni Jesus. Higit pa riyan, “hindi ipinagdiwang ng mga sinaunang Kristiyano ang Kaniyang kapanganakan,” komento ng The World Book Encyclopedia. At bakit hindi? “Sapagkat itinuturing nila ang pagdiriwang ng kapanganakan ng sinuman na isang kaugaliang pagano.” Si Augustus Neander, sa The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries, ay sumasang-ayon: “Ang kuru-kuro tungkol sa isang kapistahan ng kaarawan ay malayo sa mga ideya ng mga Kristiyano noong panahong ito sa pangkalahatan.”
Mula sa pagsusuring ito, makikita mo na ang mga pagdiriwang kung Pasko ay mula sa mga kaugaliang pagano. Gaya ng paliwanag ng The Economist, noon lamang bandang huli na ang relihiyosong “mga tagapaglathala ay itinugma ng ‘kapistahang ito ng liwanag [ang kaarawan ng di-magaping araw], dahil si Kristo ang liwanag ng sanlibutan’, at nagkunwa (taglay ang kakulangan ng patotoo na hindi aaprubahan ng mga mangangampaniya ng Katotohanan sa Pag-aanunsiyo) na ang sanggol na si Jesus ay isinilang ng Disyembre. Iyan ang dahilan kung bakit matagal nang hinamak ng mga Presbiteriano sa Scotland ang Pasko, gaya rin ng ginawa ng malaon nang mga puritano sa Amerika hanggang sa muli itong likhain ng mga interes sa pangangalakal.”
Muling Pinasigla ang mga Tradisyon Kung Pasko
Sa pasimula ng panunungkulan ni Reyna Victoria (1837-1901), ayon kina Gavin Weightman at Steve Humphries, mga may-akda ng Christmas Past, “walang mga batang Britano ang nagsasabit ng kanilang mga medyas sa tabi ng tsiminea kung Bisperas ng Pasko; walang nakakakilala tungkol kay Santa Klaus; walang paputok kung Pasko; bihira ang mga taong kumakain ng pabo kung Araw ng Pasko; hindi karaniwan ang pagbibigay ng mga regalo; at ang napapalamutian at naiilawang Krismas tri ay halos hindi kilala sa labas ng maharlikang korte. Sa katunayan, ang Araw ng Pasko ay hindi isang napakahalagang petsa sa kalendaryo para sa anumang uri ng ritwal na sosyal.” Ano ang nangyari, kung gayon, upang muling pasiglahin ang katanyagan ng mga kapistahan kung Pasko?
“Ang pagbabagong ito ng dating mga kapistahan tungo sa isang maikli, kagalang-galang na pangyayaring pampamilya ay nagsimula noong mga taon ng 1830 . . . at humigit-kumulang nakompleto noong mga taon ng 1870, kung kailan unang lumitaw ang larawan ni Santa Klaus sa Britaniya,” sabi ng Christmas Past. Kasabay nito, ang paglalathala ng A Christmas Carol ni Charles Dickens, isang kuwento tungkol sa pagbabago ng kuripot na si Scrooge tungo sa espiritu ng Pasko, ang nag-udyok sa pagkakawanggawa sa mga mahihirap. Ang kalunos-lunos na mga kalagayan at mga kahirapang pangkabuhayan sa mga bayan bunga ng Rebolusyong Industriyal ang nagtulak sa mga tao noong panahon ni Reyna Victoria na itaguyod ang isang uri ng krusadang moral na, sa huling bahagi ng panahong Edwardian, ay binago upang magkawanggawa lamang sa “kagalang-galang” na mahihirap.
Puna ng isang manunulat sa Catholic Herald ng Britaniya: “Unti-unti, dahil sa lumalagong kasaganaan ng karamihan, maraming aspekto ng kapus-palad na gitnang-klaseng mga ritwal kung Pasko ang lumaganap. Ang pagiging simple at pagkabukas-palad ay hinalinhan ng pakikipagkumpitensiya at panlalamang sa kapuwa. Ang paghahanda sa bahay na dati-rati’y isang tunay na pagsasalu-salo ay hinalinhan ng walang-habas na sobra-sobrang pagkain. Ang mga mag-anak ay napipilitan dahil sa bagong tradisyong ito na magsama-sama ng mga ilang araw ibig man man nila ito o hindi, sa paglalaro ng mga larong hinahamak ng ilan sa kanila, panonood ng palabas sa telebisyong kinaiinisan ng ilan sa kanila, pinuputol ang ugnayan sa mga kapitbahay at sa mga tagalabas sa isang panahon kung kailan ang kabutihang-loob at panlahat na pakikipagkaibigan ay dapat sanang maghari.
“At kung sasabihin ito ng isa, kung ang isa’y mangangahas na pintasan ang alinman sa komersiyalismo o ang basta sosyal na mga kaugalian ng lahat ng ito, ang isa ay tinataguriang isang Scrooge. Sa aking isip ang Pasko ay lubhang nagkamali nitong nakalipas na mga taon.”
Sumasang-ayon ka man o hindi sa pagtayang ito, ano ang maaaring mangyari sa inyong pook sa Kapaskuhan?
Pasko—Isang Mapanganib na Panahon
Nasusumpungan mo ba na ginagamit ng ilang mga tao ang okasyong ito upang magpakalabis sa pagkain at pag-inom? Ang lasing, magulong asal ba ay sumisira sa kapayapaan ng inyong pamayanan? Bagama’t maraming taimtim na mga tao ang nagpapakita ng bukod-tanging kabaitan at konsiderasyon kung Pasko, ang kanilang mga pagsisikap ay hindi nakahahadlang sa pagkapinsala ng mga ugnayang-pampamilya na karaniwan sa panahong ito.
Marahil ay itatanong mo kung gayon, ‘Bakit ang Pasko ay gumagawa ng gayong mga pagmamalabis?’ Pangunahin na dahil ito ay di maka-Kristiyano, ito’y pagano. Maguguni-guni mo ba na nalulugod si Kristo sa ganiyan? Malayung-malayo. Sa katunayan, sa tahasang pananalita, nangangatuwiran ang Bibliya: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial [Satanas]?”—2 Corinto 6:14, 15.
Isang Kakaibang Pangmalas
Sa panahong ito ng Kapaskuhan, marahil ay mayroong Saksi ni Jehova na dadalaw sa iyo. Mapapansin mo na hindi sila nakikibahagi sa mga pagdiriwang ng Pasko. Marahil nababahala ka kung tungkol sa kanilang mga anak, sa paniwalang sila, higit kaninuman, ay hindi nakikinabang sa mga pagdiriwang. Subalit sa isang panayam na inilathala sa Southern Evening Echo ng Southampton (Inglatiyera), isang amang Saksi ang nagbigay ng ganitong pampatibay-loob: “‘Ang totoo’y hindi nila nadarama na sila’y hindi nakikinabang ipinapangako ko iyan sa iyo,’ wika ni John. ‘Ang mga Saksi ni Jehova ay masigasig sa pagtataguyod ng isang maligayang buhay pampamilya. Kaya bukod sa pagbibigay ng maraming mga kaloob sa aming mga anak sa buong taon, may ibinibigay kaming mas mahalaga [, yaon nga’y,] ang aming panahon at pag-ibig.’”
Tunay, ang gayong dalisay na pag-ibig at interes ang tumutulong ng malaki sa pagkakaroon ng maligayang buhay pampamilya. Kaya sa halip na sundin ang mga tradisyon sa Pasko na may paganong pinagmulan, hindi ba’t mas mainam kung lahat ay magpaparangal kay Kristo sa pamamagitan ng isang tunay na tulad-Kristong espiritu ng pakikitungo sa mga kamag-anak, mga kaibigan, at kakilala, oo, at maging sa mga di-kilala, sa buong taon?
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
“FATHER CHRISTMAS,” ALYAS SANTA KLAUS
Si “Father Christmas” ay inilarawan bilang “ang pinakamatagumpay na kuwentong pampromosyon sapol pa kay Jesu-Kristo.” Subalit sino ba siya? Ayon sa The Customs and Ceremonies of Britain, siya ay “nakilala bilang isang malabong pagkatawan ng kapanahunan [Pasko] sapol marahil noong ika-15 siglo . . . at lumilitaw sa kaniyang makabagong kasuotan sa isang kahoy ng 1653: subalit ‘ang mga pagdalaw ni Santa kung Bisperas ng Pasko, ang kaniyang ugaling pagbaba sa mga pausukan upang lagyan ng laman ang mga medyas (o, mas ambisyoso, mga punda ng unan) at ang kaniyang sasakyang hila-hila ng mga reindeer ay galing lahat sa gayong pinagsibulan ng mga tradisyon, ang EUA. Ang kaniyang pagkatao ay nabuo mula sa mga alamat Europeo noong ika-4 na siglo, tungkol sa isang San Nicolas ng Myra (na nagligtas ng tatlong mga binibini mula sa pagpapatutot sa pamamagitan ng palihim na pagkakaloob ng salaping dote isang hatinggabi, at bilang Sinte Klaas ay pinunô ang mga sapatos ng mga batang Olandes-Amerikano sa araw ng Disyembre 6, ang kaniyang araw ng kapistahan); ang Aleman-Amerikanong Krisskringle (na nagpabuya sa mabubuti at nagparusa sa masasamang mga bata); ang mga kuwentong Scandinavian o Ruso tungkol sa mga salamangkerong nakatira sa Polo Norte. . . . Ang kabuuang Amerikanong Santa na ito ay tahimik na muling tumawid sa Atlantiko noong mga 1870: kung kailan, ang kaniyang kabantugan ay maliwanag na hindi napinsala ng maraming bilang ng komersyal na pagpapanggap, siya ay may-pagsulong na naglaan ng isang pinong sekular na pokus para sa ‘Pasko ng mga bata’.”
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
“CHRISTMAS EVERGREENS”
Tanyag sa mga palamuti kung Pasko ay ang holly, ivy, at ang mistletoe, na inilarawan bilang “mga kahima-himalang mga halamang namumunga sa isang patay na kapanahunan.” Subalit bakit ang ginagamit ay ang natatanging mga evergreen na ito? Bagama’t may ilang naniniwala na ang mga pulang berries ng holly ay kumakatawan sa dugo ni Kristo at na ang tusuk-tusok na mga dahon nito’y sumasagisag sa “putong ng tinik” na may-pagkutyang inilagay ng mga sundalo ni Poncio Pilato sa ulo ni Jesus, ang makikislap na mga dahon at berries ng holly ay minalas ng mga pagano bilang isang panlalaking sagisag ng buhay na walang hanggan. (Mateo 27:29) Minalas nila ang ivy bilang isang pambabaeng sagisag ng buhay na may kawalang-kamatayan. Ang magkasamang holly at ivy ay kanilang naging sagisag ng pagkapalaanakin. Napakalakas pa rin ng paganong kaugnayan ng mistletoe anupa’t ang aklat na The Customs and Ceremonies of Britain ay nagsasabi: “Walang nagpapalamuti ng simbahan ang magpapahintulot nito—maliban sa York Minster.” Pinakatanyag sa lahat ng mga evergreen ay ang Christmas tree, na matagal nang itinampok sa mga tradisyong Aleman at pinasikat sa Britaniya ng konsorte ni Reyna Victoria, si Prinsipe Albert, at siyang nagsilbing sentro ng mga pampamilyang pagdiriwang ng Pasko. Mula noong 1947, ang kabisera ng Norway, ang Oslo, ay nagpapadala ng isang regalong Christmas tree para sa pagtatanghal sa Trafalgar Square ng London.
[Larawan sa pahina 16]
Ang taunang Christmas tree ng Norway kaloob sa Britaniya