Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 5/22 p. 6-7
  • Mga Baril—Hindi Lamang Para sa Lalaki

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Baril—Hindi Lamang Para sa Lalaki
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumarami ang Bilang
  • Mga Baril—Mitsa ng Buhay
    Gumising!—1990
  • Mga Baril—Bahagi Na ng Buhay
    Gumising!—1990
  • “Ang Susi sa Kapahamakan”
    Gumising!—1989
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 5/22 p. 6-7

Mga Baril​—Hindi Lamang Para sa Lalaki

SA DAIGDIG ng pag-aanunsiyo, ang larawan ng isang macho at matipunong lalaking may kilik na riple ay matagal nang ginagamit sa pagbebenta ng maraming produkto. Nariyan na lahat​—tabako, kotse, damit, baril, at marami pang iba, depende sa guniguni ng tagapag-anunsiyo.

Sa Estados Unidos lalo na, ang mga lalaki ay inilalarawan na wari’y kakambal na ng kanilang baril. Sa mga liwasang bayan, ay may mga estatwa ng magigiting na bayani na may hawak na baril o nasa tabi nila. Kahit walang pamagat, ang larawan ng mga cowboy ay agad makikilala sa anim-na-balang rebolber na nakasukbit sa baywang ng isang lalaki. Napakaraming pelikula ang may salitang “baril” sa pamagat nito. Ang mga palabas sa telebisyon at sine ay buhay-na-buhay sa tunog ng de-rapidong putukan​—mga bida at kontrabida na nagbabarilan sa bawat situwasyon at dako na kayang gunigunihin ng tao. Mahihinang lalaki na nagmumukhang macho dahil sa hawak nilang pistola o riple, at pati na ang animo’y tunay na eksena ng mga patay na nakahandusay sa kanilang paanan.

Pero, mas maraming babae ang nasasangkot ngayon sa mga baril. Sa nakalipas na dalawampung taon, ang telebisyon ay napasok na ng mga babaing detektib at espiya na nakikipagbarilan sa mga kontrabida na daig nila sa pag-asinta at sa taas ng kalibre ng baril.

Dumadagsa sila sa mga shooting range, at walang-humpay na pinapuputukan ang mga larawan ng lalaki na sinlaki-ng-tao at pinatatamaan ang mga ito sa pagitan ng mga mata.

Kaya huwag kayong mabibigla kung mababalitaan ninyo na ngayon ay may tinda nang mga baril na sadyang dinisenyo para sa mga babae at na ang mga ito ay mabiling-mabili. “Mga babae, hindi kayo gagamit ng deodorant na panlalaki,” sulat ng isang babaeng reporter, “kaya bakit kayo gagamit ng rebolber na panlalaki? Gusto ninyo ng isang rebolber na magaang, yaong hindi sasabit sa kuko, isang magandang rebolber na matindi kung tumama. Baka gusto ninyo ng isang kalibre .38 na LadySmith . . . sa makintab na asul, o pilak, na may iba’t-ibang haba ng kanyon ng baril.” Isang eksperto ang nagpahayag ng kaniyang opinyon sa kung ano ang hinahanap ng mga babae sa isang baril: “Gusto ng babae ang baril na maganda. Gusto niya na ito ay isang marikit na bagay na inilalagay niya sa pitaka niya. Gusto niyang bumagay ito sa kaniyang compact at salamin . . . Maraming babae ang mahilig sa mga kulay na magkabagay at magkaterno. Ayaw nilang ito’y magmukhang masama o nakakatakot . . . Bumibili siya nito bilang proteksiyon ngunit, kasabay nito, ayaw niya kung ito’y pangit.”

Ang ilang rebolber na sadyang dinisenyo para sa eleganteng babae ay ang kalibre .38 na may limang bala at makapipili ng dalawang haba ng kanyon ng baril​—limang centimetro at walong centimetro–​tamang-tama ang laki sa kaniyang pitaka. Ang iba ay may makinis, kurbadong hawakan na yari sa kahoy, samantalang ang iba ay may murang mga kulay. “Ang gaganda nito,” sabi ng isang babae, “at, sa tingin ko, magaang gamitin.” At saka marami na ring bagong-modelong mga pitaka na may sadyang lalagyan para sa baril. “Ang isang babae na walang pantanging pitaka para sa baril ay naghahanap lamang ng problema,” sabi ng isang babae. “Ang kanyon ng baril ay papasukin ng mumò ng biskuwit at kendi, o tabako, kung ikaw ay naninigarilyo, o ng anomang naiiwan sa ilalim ng handbag ng babae.” Nakikini-kinita ng iba ang panahon kapag ang babaing may dalang baril ay magiging karaniwan na gaya ng babaing may dalang payong.

Dumarami ang Bilang

Ipinakita ng isang sensus kamakailan na sa pagitan ng 1983 at 1986, ang mga babaing nagmamay-ari ng baril sa Estados Unidos ay “sumulong ng 53 porsiyento tungo sa mahigit na 12 milyon.” Ipinakita rin ng ulat na sa tatlong taóng yaon, “mga 2 milyong karagdagang babae ang nagbalak bumili ng baril.” Sa ilang magasing pambabae, ang pangangailangan ng proteksiyon ay may-katusuhang inaakay sa larawan ng isang babae na umuuwi ng bahay at nakitang basag ang salamin sa pinto. Nag-iisa ba siya sa bahay? May baril ba siya para ipagsanggalang ang sarili sakaling may nakapasok na masamang-loob? Ang numero ng telepono ng gumagawa ng baril ay nasa ibaba ng anunsiyo, na nag-aalok ng bagong modelo ng eleganteng mga baril para sa mga babae.

“Ang mga anunsiyong ito ay parang asin na ibinubudbod sa sugat,” sabi ng isang babae. Ang dahilan ay yamang napakaraming babae ang namumuhay na mag-isa o kaya’y mga nagsosolong magulang, lalo nilang nadarama na sila’y napakadaling mabiktima ng marahas na krimen, at may sapat ngang dahilan. Sa karamihan ng malalaking lungsod, dumarami ang ginagahasa. Ang mga babae ay inaagawan ng kanilang pitaka​—marami ay inuumangan ng patalim. Pinagsasamantalahan ang mga babae sa kalye, sa mga parking lot, at sa mga gusaling pinagtatrabahuhan kahit araw-na-araw pa. Pinapasok ang mga apartment at bahay, mga tirahan ng mga babaing nag-iisa, samantalang sila’y natutulog. “Dapat tayong matuto na magsanggalang sa sarili,” sabi ng isang babae, “sapagkat lagi tayong paroo’t parito sa isang lipunan na lalong nagiging marahas, at kakailanganin nating ipagtanggol ang ating sarili.”

“Ako’y naglalakad pauwi mula sa trabaho,” sabi ng isang babae na kinapanayam sa telebisyon sa E.U. “Bigla na lamang akong sinunggaban mula sa likod. May patalim siya at itinulak ako at inagaw ang aking pitaka. Noon din, nasabi kong dapat akong kumilos.” Matapos makakuha ng permiso upang makapagdala ng baril at makapagsanay sa isang shooting range, ano ang naging pangmalas niya? “Nawala sa isip ko ang pagiging mahina. Nasabi ko sa sarili, may baril ako, papuputukin ko ito at napakalakas nito, hindi ako natatakot. Sa pamamagitan ng hawak kong kapirasong bakal na ito, talagang maipagsasanggalang ko ang aking sarili.”

Maliwanag na ganito ang kaisipan ng mahigit na 12 milyong babae sa Estados Unidos, at sino ang makapagsasabi kung ilan pa ang may di-lisensiyadong baril? Nakalilito ang bilang sa buong daigdig. Gayunman, ang kaisipan bang ito ay bunga ng masusing pagsasaliksik sa mga katibayan? Bago bumili ng baril na pananggalang-sa-sarili, isaalang-alang ang sinasabi ng mga opisyal at ulat ng pulisya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share