Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 5/22 p. 3-5
  • Mga Baril—Bahagi Na ng Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Baril—Bahagi Na ng Buhay
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagkahumaling sa Baril
  • Mga Baril—Mitsa ng Buhay
    Gumising!—1990
  • Maliliit na Armas, Malalaking Suliranin
    Gumising!—2001
  • Mga Baril—Hindi Lamang Para sa Lalaki
    Gumising!—1990
  • Ano ang Hinaharap ng Pagkontrol sa mga Armas?
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 5/22 p. 3-5

Mga Baril​—Bahagi Na ng Buhay

NAGBALIK na sa normal ang mahabang hanay ng pulang mga apartment na punô ng tao. Ang katahimikan ay hindi na binabasag ng di-mapagkakamalang putok ng mga baril na automatiko at semi-automatiko. Ang mga kislap ng apoy na ibinubuga ng bawat putok ay hindi na lumilikha ng malagim na mga anino kung gabi, hindi na nagbibigay-liwanag sa madidilim na lansangan. Butas-butas ang mga tisà na kung saan malalim na nakabaón ang mga bala mula sa nakaraan at kasalukuyang mga barilan.

Ang mga kalye ay kabisadung-kabisado ng pulisya at ng mga mediko-legal. May nasamsam na arsenal ng mga sandata na ang puwersa ay sapat sa isang maliit na hukbo ng pulisya​—mga labí ng patayan, pagpapatiwakal, di-sinasadyang pagbaril, at nakawan. Ang mga kartero at basurero ay ayaw nang gumalà sa pangambang tamaan ng ligaw na bala. Ang mga bata ay ikinukulong sa bahay, pero may ilan pa ring natatamaan kapag ang bala mula sa mga baril na iniuumang nang sinasadya o di-sinasadya ay tumatagos sa mga bintana at dingding at bumabalandra sa mga kuwarto.

Kung nakatira kayo sa malaking lungsod, malamang na pamilyar kayo sa tagpong inilalarawan dito, bilang mismong nakasaksi, o marahil ay bilang tagapanood ng mga panggabing balita sa TV. Sa maraming lungsod, karaniwan na ang barilan kung kaya hindi na ito ibinabalita sa pahayagan. Malimit, natatabunan ito ng napakaraming mas malalaking patayan na umaagaw ng pansin sa araw-araw na balita sa ibang lunsod o ibang bahagi ng daigdig.

Halimbawa, ang isang lansakang pagpatay sa California ay napabalita sa maraming bahagi ng daigdig nang ang isang lalaki ay isandaang beses na nagpaputok ng ripleng de-rapido sa isang grupo ng mga estudyante sa mababang paaralan, na pumatay ng 5 estudyante at sumugat ng 29 na iba pa at pagkatapos ay nagbaril ito sa sarili sa pamamagitan ng isang pistola. Nabasa rin sa Europa at Estados Unidos ang nakagigitlang balita tungkol sa isang lalaking baliw na pumatay ng 16 na tao sa Inglatera sa pamamagitan ng isang ripleng AK-47. Sa Canada isang lalaki na galít sa mga babae ay pumunta sa Pamantasan ng Montreal at binaril at napatay ang 14 na babae. Gayunman, karamihan ng pamamaril, sinasadya o hindi, ay bihirang mapabalita sa labas ng lungsod na pinangyarihan maliban na kung ang bilang ng napatay ay napakalaki.

Ang Pagkahumaling sa Baril

Nagugulumihanan ang mga lokal, pang-estado, pambansa, at pandaigdig na mga ahensiya ng batas dahil sa tumataas na bilang ng namamatay sanhi ng maliliit na baril at ng mas malalaking armas na automatiko at semi-automatiko na hawak ng mga kriminal at ng mga hindi husto ang isip. Ayon sa U.S.News & World Report, tinatantiya ng Pandaigdig na Samahan ng mga Hepe ng Pulis na 650,000 hanggang 2,000,000 armas na semi-automatiko at automatiko “ang posibleng hawak ng mga kriminal sa buong bansa [E.U.A.]​—isang hukbo ng mga kontrabida na laging makakalamang sa barilan.”

Tinataya na sa Estados Unidos lamang, halos isa sa dalawang sambahayan ay may baril. Bagaman hindi matitiyak ang kabuuang bilang ng mga baril na pag-aari ng mga Amerikano, ipinakikita ng mga huling pagtantiya na 70 milyong Amerikano ang may-ari ng humigit-kumulang 140 milyong riple at 60 milyong pistola. “Gayon kalaki ang pribadong arsenal ng bansa anupa’t kayang paglaanan ng isang baril ang bawat lalaki, babae at bata sa bansa,” sulat ng U.S.News & World Report. Nakasisindak ba ito?

Sa Europa man ang mga mamamayan ay naging gaya ng kampong armado. Ang Inglatera ay nababahala sa suliranin nito sa armas pagkat dumarami ang masasamang-loob na nagiging armado nang todo-todo. Sa Kanlurang Alemanya tinataya na ang ilegal na salansan ng armas ay mahigit na 80 porsiyento ng lahat ng umiiral na sandata. Ayon sa mga ulat, marami rito ay ninakaw sa “mga taguan ng armas ng pulisya ng Alemanya, pulisya sa hangganan, at hukbong sandatahan ng Alemanya at mga tindahan ng NATO.” Ang Switzerland ang iniulat na may pinakamataas na bilang ng pribadong armas sa daigdig. “Sinomang Suiso na masunurin-sa-batas ay puwedeng mag-ari ng baril, at bawat lalaking nasa edad ng pagsusundalo ay dapat mag-ingat sa bahay ng isang riple na mas malakas kaysa roon sa ginamit sa lansakang pagpatay sa Stockton [California],” sabi ng The New York Times noong Pebrero 4, 1989.

Ilang araw bago nito, iniulat ng The New York Times na sa San Salvador, “ang mga baril ay karaniwang nakasukbit sa mga lalaki na gaya lamang ng mga pitaka. Ang mga supermarket, na ang mga pasilyo’y pinapatrolyahan ng mga guwardiyang may baril na de-sabog, ay humihiling sa mga mamimili na ihabilin ang kanilang armas sa mga locker sa may pasukan.” Ayon sa magasing Asiaweek noong Pebrero 1989, ang gobyerno ng Pilipinas ay “umaamin na sila ay binabahâ ng di-kukulangin sa 189,000 baril na walang lisensiya. Ito, bukod pa sa 439,000 na lisensiyado, ay nangangahulugan na ang mga baril na nasa kamay ng mga pribadong indibiduwal ay mas marami pa kaysa sa pag-aari ng hukbong sandatahan, na may 165,000 sundalo. At linggu-linggo ay nakakasamsam ng kontrabandong armas sa pandaigdig na paliparan at daungan ng Maynila.”

Ang mapayapang Canada, na may Kodigo Kriminal na naghihigpit sa pag-aari at paggamit ng baril, ay nakakasaksi sa tumataas na bilang ng nauugnay-sa-baril na mga kaso ng paglabag sa batas. Noong katapusan ng 1986, may 860,000 rehistradong baril sa Canada. Hindi kabilang dito ang pribadong koleksiyon ng automatikong mga armas na nakamit bago ang 1978. Sabi ng isang beteranong opisyal ng pulis sa Canada: “Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit gusto ng mga taga-Canada na magkaroon ng isang pistola, riple o baril na de-sabog.”

Nang kamakailan ay pansamantalang ipagbawal ng gobyerno ng E.U. ang pag-aangkat ng mga baril na semi-automatiko, ang resulta ay hindi inaasahan. Nagtiyagang pumila ang balisang mga tao para lamang mabili ang mga baril na nasa mga tindahan sa buong bansa. “Akala mo’y agawan ng lupa sa Oklahoma,” sabi ng isang mamimili na pumila at nakabili ng isa sa mga kahuli-hulihang baril sa tindahan. Bago ang pagbabawal ito ay mabibili ng $100. Nang araw na yaon ang halaga ay kasintaas ng $1,000 bawat isa. “Bawat araw umaabot sa 30 ang dumarating at naipagbibiling baril,” sabi ng isang masayang may-tindahan. “Inuubos nila, lahat at alinmang madampot nila,” sabi niya. “Ang nagawa nila’y lagyan ng isang baril ang bawat bahay,” sabi ng isa pang may ari ng tindahan.

May batas sa Florida, Estados Unidos, na nagpapahintulot sa mga tao na lumakad sa publiko na may baril na nakasukbit sa kanilang baywang o kaya’y nakatago. Nangangamba ang ilan na baka humantong ito sa barilan sa kalsada, gaya niyaong sa panahon ng mga cowboy. Sinabi ng isang kinatawan ng Estado ng Florida: “Ang mensahe na gusto naming iparating ay na, ‘Hindi na namin kayo maipagsasanggalang, kaya magdala na kayo ng baril at gawin ninyo ang pinakamabuting magagawa ninyo.’ ” At batay sa dami ng naibebentang baril, libu-libo nga ang gumagawa nito.

Bakit ang biglang pagkahumaling na ito sa baril​—ang iba’y napakalakas anupa’t ang bala ay napatatagos sa kongkretong pader at nakapagpapaputok nang 900 beses bawat minuto, na sadyang dinisenyo para lamang sa gera? Sinasabi ng ilang autoridad na ang mga baril ay may “sexy mistique [panghumaling ng sekso]” kung kaya lubhang naaakit dito ang mga lalaki. “Nagiging macho ka sa pagdadala ng pinakamalaki, pinakanakakatakot at pinakamalakas na baril,” sabi ng isang opisyal ng pamahalaan. “Lalo na sa mga lalaki, ang baril ay pumupukaw ng mahiwagang panunumbalik sa kanilang kabataan,” sulat ng isang reporter. Ang pagkahumaling sa baril ay sinasamantala ng ilang mga bangko na nag-aalok ng mga pistola sa halip na magbayad ng interes para sa mga deposito. Ipinakikita ng mga ulat na nagustuhan ito ng maraming nagdedeposito.

Sa buong daigdig, ang pagbebenta ng baril ay biglang lumakas. Saan ito hihinto? Kapag ang bawat lalaki ay mayroon nang isa o higit pang baril? O ang baril ba’y para lamang sa mga lalaki? Isaalang-alang ang ilang kawili-wiling katotohanan sa susunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share