Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/22 p. 12-14
  • Homoseksuwalidad—Talaga Nga Bang Napakasama Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Homoseksuwalidad—Talaga Nga Bang Napakasama Nito?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Sinasabi ng Salita ng Diyos
  • Masamâ o Mabuti?
  • Ang mga Kahihinatnan
  • Puwede Bang Ipagmatuwid ang Homoseksuwalidad?
    Gumising!—2012
  • Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay—Gaano Nga Ba Kasaya Ito?
    Gumising!—1986
  • Mali Ba ang Homoseksuwalidad?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?
    Gumising!—2016
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Homoseksuwalidad​—Talaga Nga Bang Napakasama Nito?

“Simula nang ako’y bata pa, nagkaroon na ako ng homoseksuwal na mga pagnanasa. Dahil sa hindi ko nauunawaan ito, hindi ako nag-ingat. Umakay ito sa akin sa paggawa ng napakasamang bagay sa aking kaibigan. Lubusan kong nadama ang pagkakasala, at inakala ko na hindi na ako mapatatawad ni Jehova.”

“INAAKIT ng TV ang Ating mga Anak sa Homoseksuwalidad.” Iyan ang titulo ng isang artikulo ng isang kolumnista sa pahayagan na sumusulat sa maraming pahayagan. Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Ang mga nanonood ng telebisyon ay naapektuhan ng pagkarami-raming [labis-labis] palabas na sumasang-ayon sa paglalarawan ng istilo ng buhay ng mga homoseksuwal.” Gayunman, ang TV ay isa lamang sa maraming paraan na ginagamit sa ngayon upang palaganapin ang homoseksuwalidad sa mga kabataan. Ang mga propaganda na sumasang-ayon sa homoseksuwalidad ay pinalalaganap din ng mga guro, mga kaedad, pelikula, aklat, at mga magasin.

Ang medikal na propesyon ay nakisali na rin sa pagpapalaganap. Dati-rati, minamalas ng mga doktor ang homoseksuwalidad bilang isang sakit. Subalit noong 1973, ipinahayag ng American Psychiatric Association na ang homoseksuwalidad ay hindi na itinuturing na isang sakit sa isip. Sapol noon, maraming nasa medikal na propesyon ay pawang nagtaguyod at sumang-ayon sa homoseksuwal na istilo ng buhay. Halimbawa, ang psychotherapist na si Albert Ellis ay nagsabi na ang mga ugnayang homoseksuwal “ay hindi naman gayong kasama kundi malusog na paggawi ng tao sa sekso. . . . Masiyahan ka rito kung ito ang iyong pinili, at huwag mong hayaan ang sinuman na mapaniwala kang ito’y ‘mali’ o ‘nakababahala.’ ”

Ang gayong mga pangmalas ay napakapalasak anupat ang magasing Newsweek ay nag-uulat nang ganito: “Palibhasa’y pinasisigla ng mga ipinakikita ng media at ng bagong kalagayan ng pagtanggap, ang mga tin-edyer ay nag-eeksperimento nang mas lantaran sa pagiging bakla at pakikipagrelasyon kapuwa sa kasekso at di-kasekso.” Samantalang noong unang panahon ang mga tin-edyer ay lubusang di-sumasang-ayon sa mga bawal na pag-iibigan ng magkakasekso, hindi kalabisan na sabihin sa ngayon na minamalas ito ng dumaraming bilang ng kabataan bilang isang “kausuhan.” Maging ang mga kabataan na hindi gumagawa ng homoseksuwalidad ay kalimitang nagkikibit-balikat lamang sa mga iba na gumagawa nito. “Sa palagay ko kapag sinabi sa akin ng kaibigan ko na siya’y bakla, magiging kaibigan pa rin niya ako,” sabi ng isang kabataang nagngangalang Darren. Isang kabataang nasa kolehiyo ang nagpahayag pa nga ng pagkabahala na maaaring hindi talaga siya normal yamang “mga babae lamang ang kaniyang nagugustuhan”!

Ang maluwag na kalagayan sa ngayon ang sa gayo’y nakalilito sa Kristiyanong mga kabataan​—lalo na para sa mga tao na sa ilang kadahilanan ay naaakit sa kasekso.a Batid nila na ang homoseksuwalidad ay di-nakalulugod sa Diyos, at talagang sila’y taimtim na nagnanais na umiwas dito. Subalit, kung minsan ang pakikipagpunyagi na supilin ang kanilang damdamin ay totoong nakapapagod anupat maaaring magsimula silang mag-isip kung ang pangmalas ng Bibliya ay walang pagkiling o makatuwiran. ‘Talaga nga bang napakasama ng homoseksuwalidad?’ maaaring itanong nila.

Kung Ano ang Sinasabi ng Salita ng Diyos

Bilang sagot, basahin mo kung ano ang sinabi ni apostol Pablo sa 1 Corinto 6:9, 10: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin [“mga lalaking patutot,” New International Version; “binabae,” King James Version], ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki [“mga sodomita,” Jerusalem Bible; “mga buktot na homoseksuwal,” Today’s English Version], ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Pansinin na pantanging binanggit ni Pablo yaong talagang gumaganap ng di-tumatangging bahagi sa seksuwal o yaong umaangkin ng mas aktibong “lalaking” bahagi sa kanilang imoral na kaugnayan. Kaya naman niliwanag niya na di-sinasang-ayunan ng Diyos ang lahat ng homoseksuwal na mga gawain.

Ito rin ay makikita sa mga salita ni Pablo sa Roma 1:18-27: “Ang poot ng Diyos ay isinisiwalat mula sa langit laban sa lahat ng pagka-di-maka-Diyos at kalikuan ng mga tao na sumasawata sa katotohanan sa di-matuwid na paraan . . . ibinigay sila ng Diyos sa kawalang-kalinisan, kaayon ng mga nasa ng kanilang mga puso, upang ang kanilang mga katawan ay mawalang-dangal sa gitna nila . . . Iyan ang dahilan kung bakit ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang seksuwal na mga pagnanasa, sapagkat kapuwa ang kanilang mga babae ay nagpalit ng likas na gamit ng kanilang mga sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan; at gayundin maging ang mga lalaki ay nag-iwan ng likas na gamit ng babae at nagningas nang matindi sa kanilang kalibugan sa isa’t isa, mga lalaki sa mga lalaki, na ginagawa ang malaswa.” Dito espesipikong hinatulan ni Pablo ang kapuwa lalaki at babaing homoseksuwal. Itinuring niya ang homoseksuwal na mga gawain bilang di-likas at “mahalay.”

Masamâ o Mabuti?

Marahil marami ang tutugon dito sa pagsasabing ang pangmalas ng Bibliya ay basta makaluma, lipas na. Subalit kung pag-iisipan mo ito, sino ang higit na nakaaalam ng ating pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na kayarian kaysa ating Maylikha? Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae at inilagay niya sa kanila ang masidhing pagkaakit para sa isa’t isa. (Genesis 1:27, 28) Hindi niya ginawa sila na magkaroon ng seksuwal na pagkaakit para sa isang kasekso nila. Higit pa, tiniyak ng Diyos na ang seksuwal na mga ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae ay dapat na maganap lamang sa loob ng kaayusang pangmag-asawa.​—Hebreo 13:4.

Hindi ito nagpapahirap sa atin. Sa Isaias 48:17, sinabi ng Diyos na Jehova na siya “ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan.” Oo, alam niya kung ano ang makatutulong sa atin at kung ano ang makasasama sa atin. Bagaman para sa ilan ang turo ng Bibliya ay waring mahirap sundin, ang mga ito’y laging “nakapagpapalusog na turo,” alalaong baga’y, kapaki-pakinabang sa isip at katawan. (Tito 2:1) Sa kabilang dako, ang homoseksuwalidad ay makapipinsala lamang sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na kapakanan ng isa.

Ang panganib ng AIDS ay isang halimbawa ng kung gaano kasamâ ang homoseksuwal na istilo ng buhay. Sa Hilagang Amerika, ang homoseksuwal na mga lalaki di-palak ang mas malamang na mahawahan ng sakit. Subalit ang AIDS ay isa lamang sa pagkarami-raming sakit​—hepatitis, mga impeksiyon sa atay, gonorea, sipilis, at mga parasito sa bituka​—na karaniwang nagpapahirap sa mga homoseksuwal. Ano ang nagpapasigla sa paglaganap na ito ng sakit? Ganito ang paliwanag ni Dr. Joseph Nicolosi: “Ang di-mapigil, nakasusugapang mga salik ng istilo ng buhay ng mga bakla ay dokumentado ng maraming manunulat.” Isiniwalat ng isang masusing pananaliksik na ang “28 porsiyento ng mga lalaking homoseksuwal ay [nagkaroon] ng pakikipagtalik sa isang libo o mahigit pang kapareha. . . . Halos kalahati ng puting mga lalaking homoseksuwal . . . ay nagsabi na sila’y nagkaroon ng di-kukulangin sa 500 iba’t ibang mga katalik.”

Ang aklat na Homosexual Behavior ay nagpapaliwanag na sa gitna ng maraming homoseksuwal ay “may mga pangamba tungkol sa matapat na sumpaan, matalik na pagsasama, o pananagutan . . . Ang pagnanasa para sa di-makataong pakikipagtalik kung minsan ay may napakasidhing di-mapigil na katangian. Ang ilan sa mga indibiduwal na ito ay maaaring nasangkot sa labindalawa o mahigit pang katalik sa isang araw o gabi.” Ang gayon bang di-mapigilang paggawi ay nakabubuti? Hindi ba, sa halip, ito’y nakasasama at nakasisirang-puri? Ang mga taong nagpapakalugmok sa gayong walang patumanggang kasakiman sa sekso ay maliwanag na “mga alipin ng kasiraan.”​—2 Pedro 2:19.

Maliban pa rito, ang karamihan sa homoseksuwal na pakikipagtalik ay karima-rimarim, marahas, at lubusan ang kalupitan. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim ay kahiya-hiyang ilahad man lamang.” (Efeso 5:12) Ipinakikita ng gayong karahasan ang galit at sakit na nakakubli sa ipinalalagay na “masayang” istilo ng buhay. Totoo, sinasabi ng ilang homoseksuwal na sila’y hindi sakim sa sekso. Subalit ang mga homoseksuwal na “may iisang kapareha” ay kakaunti​—at ang kanilang mga relasyon sa pangkalahatan ay hindi nagtatagal. Kahit na kung ang mga pagsasama ng magkakasekso ay magtagal, ito’y hindi maaaring bunga ng pag-ibig na inilarawan sa Bibliya. Ang gayong pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente.”​—1 Corinto 13:4, 5.

Ang mga Kahihinatnan

Si Pablo ay nagsasabi nang ganito sa Roma 1:27: “Ang mga lalaki sa lalaki ay gumagawa ng karima-rimarim na mga bagay, tinatanggap, mangyari pa, sa kanilang sarili mismo ang mga kahihinatnan ng kasakiman sa sekso.” (The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Sa anong mga paraan? Isa sa bagay na ito ang aklat na Homosexual Behavior ay nag-uulat nang ganito: “Ang mga babaing homoseksuwal ay dumaranas nang mas matindi mula sa labis na paggamit at pag-abuso ng alkohol kaysa mga babaing heteroseksuwal.” Sinasabi rin ng ilang mananaliksik na ang mga pagtatangkang magpatiwakal ay karaniwan sa mga kabataang lalaki na homoseksuwal.

Ang pinakanakapipinsala sa lahat ay ang mga kahihinatnan sa espirituwalidad ng isa. Nasusumpungan ng mga homoseksuwal ang kanilang mga sarili na “nasa kadiliman sa kaisipan, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.” (Efeso 4:18) Subalit kumusta naman ang mga kabataang may takot sa Diyos na, sa kabila ng kanilang kaalaman sa mga simulain ng Bibliya, ay nasusumpungan ang kanilang mga sarili na naaakit sa kanilang kasekso? Maliwanag, kailangan nilang makipagpunyagi nang husto. Mangyari pa, ang pagkaalam kung paano minamalas ng Diyos ang homoseksuwalidad ay makatutulong sa gayong mga tao na “kamuhian ang balakyot.” (Roma 12:9) Marami ring praktikal na mga hakbang ang magagawa nila upang makaiwas na mapadala sa maling mga pagnanasa. Ito ang magiging paksa sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ganito ang Nadarama Ko?” sa aming naunang labas.

[Larawan sa pahina 13]

Ang homoseksuwal na istilo ng buhay ay kakikitaan ng kasakiman sa sekso, emosyonal na kaligaligan, at sakit

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share