Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 4/22 p. 25-27
  • Walang Usok na Tabako—Ito ba’y Hindi Nakapipinsala?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Walang Usok na Tabako—Ito ba’y Hindi Nakapipinsala?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakukuha ang Mensahe
  • Ang Masamang Balita
  • Nakasusugapa!
  • Magpakatalino
  • Nagbunsod ng Puro-Hanging Pangangatuwiran ang mga Tagatangkilik ng Sigarilyo
    Gumising!—1995
  • Tabako at Sensura
    Gumising!—1989
  • Paghandaan ang mga Balakid
    Gumising!—2010
  • Moralidad sa Tabako?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 4/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Walang Usok na Tabako​—Ito ba’y Hindi Nakapipinsala?

‘NANG lumipat ang 13-taóng-gulang na si Cord sa gitnang-kanluran ng Estados Unidos, agad niyang natuklasan na hindi niya nadala ang isang katamtamang piraso ng ikawalong-gradong kagamitang panlalaki: isang lata ng snuff (pinulbos na tabako), isang uri ng walang usok na tabako. Ang karamihan sa bago niyang mga kaibigan ay mga “dipper,” o gumagamit ng snuff, at ibig ni Cord na mapabilang sa kanila. Kaya nang alukin siya ng isa sa kasama niya ng maliit na pakete ng snuff, kinuha niya ito at inilagay ang snuff sa pagitan ng kaniyang ibabang labi at gilagid na para bang siya’y bihasang-bihasa.’​—Magasing Listen.

Ang kabataang si Cord ay hindi na naiiba. Sinabi ni Dr. Christopher A. Squier, propesor ng oral pathology, na dumaraming tin-edyer na lalaki ang tumitikim. Bagaman bumaba ang benta ng walang usok na tabako noong dakong huli ng dekada ng 1980, “ang paggamit ng mamasa-masang snuff,” sabi ni Dr. Squier, “ay dumaraming muli.”a Halimbawa, iniuulat ng mga mananaliksik na 1 sa bawat 5 lalaking mag-aaral sa haiskul sa Estados Unidos at 1 sa bawat 3 kabataang lalaki sa Sweden​—milyun-milyong kabataan​—ang gumagamit sa ngayon ng walang usok na tabako. Bakit ito nangyayari?

“Mas ligtas ito kaysa paninigarilyo.” “Walang katibayan na ito’y mapanganib.” “Ginagamit ito ng aking mga kaibigan. Hindi ito nakasasamâ sa kanila.” “Ang pakonti-konti ay hindi naman makasasamâ sa akin.” “Wala namang namatay dahil dito.” Ayon sa American Cancer Society, ito ang ilan sa kalimitang ibinibigay na dahilan ng mga kabataan kung bakit sila bumabaling sa walang usok na tabako.

Ano ang nagpangyaring isipin ng mga kabataan na ang “dipping” ay mas ligtas kaysa paninigarilyo? Iyan nga ba ang kalagayan?

Nakukuha ang Mensahe

Sa loob ng mga taon inulan ng anunsiyo ng maimpluwensiyang industriya ng tabako ang mga kabataan na nagpapahiwatig na ang walang usok na tabako ay di-nakapipinsala na gaya ng chewing gum at kasinghalaga ng isang tamang marka ng gomang sapatos. Ang mga sawikaing gaya ng “Mas mabuti ang isang pakete kaysa humitit ng sigarilyo,” “Talagang nasisiyahan ako sa sigarilyo nang hindi nagsisindi ng sigarilyo,” at “Isang karampot lamang ang kailangan” ay may katusuhang nagpapahiwatig ng mas nakatataas na kalagayan.

Pagkatapos na ipagbawal ang gayong mga sawikain sa TV at radyo sa Estados Unidos, ang industriya ng tabako ay patuloy na masidhing naghatid ng mensahe nito sa mga anunsiyo sa magasin. Ang makikintab na larawan ng matitipunong tao na masayang nangangaso, umaakyat ng bundok, at nagbabalsa sa mabilis na agos ng tubig​—isang lata ng tabako ang kitang-kitang nakasuksok sa bulsang nasa likod​—ay nagpapahayag ng lantaran at maliwanag na mensahe: “Ang walang usok na tabako ay maganda, natural, at isang daan sa pagiging tunay na lalaki!”

Sinasabi ng ulat ng panlahat na siruhano sa Estados Unidos noong 1994, pinamagatang Preventing Tobacco Use Among Young People, na maraming kabataan ngayon ang naniniwala na “ang mga produkto ng walang usok na tabako ay ligtas at tinatanggap sa lipunan.” Ipinakita ng isang pagsusuri sa gitna ng mga estudyante sa haiskul na “halos 60 porsiyento ng nasa ikatlong taon ng haiskul ang gumagamit at ipinalalagay ng 40 porsiyento ng mga gumagamit na nasa huling taon ng haiskul na walang panganib o kakaunti lamang ang panganib sa regular na paggamit ng walang usok na tabako.” At maging ang mga gumagamit sa haiskul na nakababatid na maaaring mapanganib ang walang usok na tabako ay “hindi nag-iisip na gayong kalaki ang panganib.” Matagumpay na naihahatid ng mga anunsiyo ang mensahe nito. Subalit totoo ba ang mga anunsiyong ito?

Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang bawat salita, ngunit ang matalinong tao ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.” O gaya ng sabi ng isa pang kawikaan, “ang bawat matalinong tao ay gagawang may kaalaman.” (Kawikaan 13:16; 14:15) Kung gayon, ano ang ipinakikita ng tunay na pangyayari tungkol sa walang usok na tabako?

Ang Masamang Balita

Bagaman maaaring ipahiwatig ng mga anunsiyo na mapabubuti ng walang usok na tabako ang iyong katauhan at na ito’y ligtas sa iyong katawan, ipinakikita ng tunay na pangyayari ang kabaligtaran. Isang bagay ang tiyak, ang paggamit ng walang usok na tabako ay hindi makapagpapabuti ng iyong hitsura. Kung hindi ka naniniwala, basta iusli mo ang iyong dila sa iyong pisngi at tumingin ka sa salamin. “Ok lang”? Hinding-hindi. At hindi lamang iyan ang ginagawa nito sa iyo sa panlabas na hitsura! Ang ginagawa nito sa iyo sa loob mo ay mas malala pa.

Halimbawa, ang laging ngumunguya o naglalagay ng karampot na pinulbos na tabako ay maaaring magkaroon ng bitak na mga labi, maruming ngipin, mabahong hininga, at sugát na gilagid​—di-nakasisiyang bagay para ingiti. Karagdagan pa, ang kanilang kakayahan na makalasa at makaamoy ay nababawasan samantalang bumibilis ang tibok ng puso at tumataas ang presyon ng dugo​—talagang masamang balita nga. Subalit, ang talagang masamang balita ay na ipinakikita ng mga pagsusuring isinagawa sa Europa, India, at Estados Unidos na ang walang usok na tabako ay sanhi ng kanser sa pisngi, gilagid, at lalamunan. Hindi na nakagugulat ang mga natuklasang ito ng mga dalubhasa. Ganito ang sabi ng isang pagsusuri: “Ang snuff ang may pinakamataas na antas ng sangkap na nagdudulot ng kanser kaysa anumang produkto na ipinapasok sa katawan.” Hindi kataka-taka na “ang matagal nang gumagamit ng snuff ay 50% ang kahigitan na manganib na magkaroon ng kanser sa bibig kaysa mga hindi gumagamit.”

Kapag nagsimula na ang kanser sa bibig, napakalubha ng mga kahihinatnan. Hindi lamang kalusugan ng gumagamit ang nasisira kundi umiikli rin ang kaniyang buhay. Ganito ang paglalahad ng isang publikasyon mula sa American Cancer Society tungkol sa isang malungkot na salaysay: ‘Nagsimulang gumamit ng walang usok na tabako si Sean sa edad na 13. Inisip niya na mas ligtas ito kaysa paninigarilyo. Pagkalipas ng limang taon ng paglalagay na kasindami ng isang lata o mahigit pa sa isang araw, nagkaroon siya ng sugat sa dila. Kanser iyon sa bibig. Inalis ng doktor ang bahagi ng kaniyang dila, subalit ang kanser ay kumalat sa kaniyang leeg. Higit pang nakasisira ng hitsurang operasyon ang isinagawa subalit hindi naging matagumpay​—sa edad na 19, siya’y namatay. Bago namatay si Sean, ganito ang simpleng mensaheng isinulat niya sa isang pilas ng papel: “Huwag maglagay ng snuff.” ’

Nakasusugapa!

Pagkatapos na mabasa ng kabataang si Cord, binanggit sa pasimula, ang nakapanghihilakbot na salaysay na ito tungkol kay Sean, sa wakas ay naunawaan niyang mabuti ang mensahe. Ipinasiya niyang tumigil. Gayunman, ang sikaping tumigil ay mahirap. “Nararamdaman ko na para bang kailangan kong magkaroon niyaon,” sabi ni Cord sa magasing Listen. “Maging sa ngayon, ilang buwan pagkatapos kong lubusang huminto, nasusumpungan ko ang aking sarili na nangangapa ng pakete sa aking bulsa. Ngumunguya ako ng napakaraming gum. Nakatutulong iyan, pero hindi niyan naaalis ang paghahangad.”

Ganito ang pagtitiyak ng Ca-A Cancer Journal for Clinicians: “Sa mga pagsusuri sa mga kabataan na nagtatangkang tumigil sa paggamit ng walang usok na tabako, napakaliit na porsiyento lamang ang nakagagawa niyaon.” Kung gayon, ano ang nagpapangyari na maging mahirap ang pagtigil sa paggamit ng walang usok na tabako? Ang iisa ring droga na nagpapahirap sa paghinto sa paninigarilyo: nikotina.

Ang nikotina, ang droga na nasusumpungan sa mga sigarilyo gayundin sa walang usok na tabako, ay matapang na lason na nagpapangyaring maging ‘high’ ang gumagamit. Tuwing 30 minuto o higit pa, kailangan na namang maglagay ng gumagamit para maihinto ang paghahangad na iyan. Nakasusugapa ang nikotina. Gayon na lamang ang pagkasugapa ng ilang gumagamit anupat patuloy silang naglalagay ng karampot na snuff sa kanilang bibig araw at gabi​—maging sa pagtulog.

Kabaligtaran ng maaaring isipin ng mga kabataan, hindi nababawasan ng “dipping” ang pagpasok ng nikotina. Ang isang lata ng walang usok na tabako sa isang araw ay nakapagpapasok ng nikotina na kasindami ng 60 sigarilyo! “Ang gumagamit ng walang usok na tabako,” sabi ng Preventing Tobacco Use Among Young People, ‘ay nakapagpapasok ng halos kasindami ng nikotina na naipapasok ng mga maninigarilyo​—marahil doble pa nga ang dami.’ (Amin ang italiko.) Bukod pa sa nikotina, ang walang usok na tabako ay nagtataglay ng mahigit na sampung ulit ng mga nitrosamine (napakatapang na sangkap na sanhi ng kanser) kaysa sigarilyo.

Magpakatalino

“Walang alinlangan na ito’y mga nakapipinsalang produkto,” sabi ni Dr. Roy Sessions, isang siruhano sa ulo at leeg. “Ang mga ito’y nagdudulot ng kalagayang pagkadumidepende anupat ipinalalagay ng maraming tao na mas mahirap itong ihinto kaysa paninigarilyo.” Ganito ang paghinuha ng espesyalista sa kanser sa bibig na si Dr. Oscar Guerra: “Hindi basta nagugustuhan ng katawan ang snuff.” Ang mga dalubhasa sa buong daigdig ay sumasang-ayon: Hindi lamang ito nakasasamâ. Maaari rin itong makamatay!

Ang mga kabataang Kristiyano ay may higit na dahilang maobliga na umiwas sa mga produkto ng tabako kaysa mga pagkabahala lamang sa kalusugan​—ang kanilang pagnanais na mapaluguran ang Diyos na Jehova. Ang kaniyang Salita ay nag-uutos: “Linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.”​—2 Corinto 7:1.

Ganito ang mahusay na pagkakabuod ng magasing Aviation, Space, and Environmental Medicine: “Ang tabako ay isang nakaduduwal na halaman na ginagamit ng dalawa lamang nilalang​—ang maliit na berdeng uod at ang tao. Wala namang kaalam-alam ang maliit na berdeng uod.”

Subalit may nalalaman ka. Kaya magpakatalino ka​—huwag nang magsimulang gumamit nito.

[Talababa]

a Dalawang uri ng walang usok na tabako ang karaniwang ginagamit: ang snuff at nginunguyang tabako. Mayroong tuyo at mamasa-masang snuff. Para sa mga kabataan, ang mamasa-masang snuff​—pinung-pinong tabako na nilagyan ng matamis, pampalasa, at bango, na nasa lata o gaya ng nasa mga pakete ng tsaa​—ang pinakakilalang anyo ng walang usok na tabako. Ang “dipping” ay tumutukoy sa paglalagay ng isang kurot ng pinulbos na tabako​—ang dami ng tabako na inilalagay sa hinlalaki at hintuturo​—sa pagitan ng labi o ng pisngi at ng gilagid.

[Blurb sa pahina 27]

‘Bago namatay si Sean, ganito ang simpleng mensaheng isinulat niya: “Huwag maglagay ng snuff” ’

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang pagnguya ng tabako ay nauuso sa mga kabataan. Dapat mo bang subukin ito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share