Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/22 p. 15-18
  • Tigre! Tigre!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tigre! Tigre!
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Buhay ng Pamilyang Tigre
  • Lumalaki Bilang Isang Tigre
  • Ang Bahaging Ginagampanan ng Ama
  • Kumakain ng Tao?
  • Ang Kinabukasan ng Malaking Pusa
  • Ang Siberian Tiger—Mauubos Na Nga Kaya Ito?
    Gumising!—2008
  • Isang Sulyap sa Natatanging mga Hayop ng Nepal
    Gumising!—1988
  • Tunay na Katiwasayan—Isang Tunguhing Mahirap Abutin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/22 p. 15-18

Tigre! Tigre!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDIA

‘MINSAN ay naglalakad ako sa kahabaan ng makipot na tagaytay,’ ang gunita ni Dr. Charles McDougal, na gumugol ng maraming taon sa pag-aaral ng tigre sa Royal Chitwan National Park sa Nepal. ‘Habang ako’y naglalakad, sadarating naman ang isang tigre sa kabilang direksiyon. Para bang nagtagpo kami sa gitna, at medyo may pagitan sa aming dalawa​—halos 15 hakbang.’ Si Dr. McDougal ay huminto. Sa halip na titigan ang tigre sa mata nito, na itinuturing ng tigre na isang hamon, pinagala niya ang kaniyang tingin sa balikat ng tigre. Nanatiling nakayukyok ang tigre subalit hindi naman sumalakay. Pagkalipas ng ilang mahabang minuto, si Dr. McDougal ay umatras. ‘Pagkatapos,’ aniya, ‘basta tumalikod ako at naglakad palayo kung saan ako nanggaling.’

Sa pagpapasimula ng siglo, may 100,000 tigre sa kanilang likas na tirahan sa Asia, kasali na ang halos 40,000 sa India. Subalit noong 1973 ang bilang ng kahanga-hangang nilalang na ito sa daigdig ay nabawasan hanggang sa wala pang 4,000 na lamang, pangunahin nang dahil sa pangangaso. Ang tigre, na pinakamalaki sa lahing pusa sa lupa, ay nanganib na malipol dahil sa tao. Subalit panganib nga ba ang tigre sa mga tao? Ano ba talaga ang malaking pusang ito? Naging matagumpay ba ang mga pagsisikap na iligtas ito mula sa pagkalipol?

Buhay ng Pamilyang Tigre

Ang mga taon ng matiyagang pagmamasid ay nagbigay sa mga nagsusuri ng kalikasan ng mas maliwanag na ideya tungkol sa buhay ng tigre. Gunigunihin natin na ating tinitingnan ang isang karaniwang pamilya ng tigre sa isang magandang kagubatan ng Ranthambhore, sa hilagang India. Ang lalaki ay may halos 3 metro ang haba mula sa ilong hanggang sa dulo ng buntot nito at tumitimbang ng halos 200 kilo. Ang kapareha nito ay humigit-kumulang 2.7 metro ang haba at tumitimbang ng halos 140 kilo.a Mayroon itong tatlong kuting, isang lalaki at dalawang babae.

Ang temperatura sa mga kagubatang ito ay maaaring humigit sa 45°C., subalit ang pamilya ng tigre ay sumisilong sa ilalim ng madahong mga puno. At lagi silang nasisiyahan sa paglublob sa malamig na tubig ng kalapit na lawa. Mga pusang lumalangoy? Oo, gustung-gusto ng mga tigre ang tubig! Sa katunayan, kilala ang mga ito na nakalalangoy sa mahigit na limang kilometro nang hindi humihinto.

Lumalagos ang sinag ng araw sa mga puno patungo sa makintab na kulay kahel na balat ng tigre, anupat wari bang ang mga ito’y kumikinang. Ang itim na mga guhit ay kumikinang, at ang puting mga patse sa itaas ng kanilang mga mata na kulay magulang na kahel na manilaw-nilaw ay kumikinang-kinang. Pagkatapos na ating pagmasdan sumandali ang tatlong tigreng kuting, madali na para sa atin na makilala ang bawat isa sa pamamagitan ng kanilang iba’t ibang guhit at mga tanda sa mukha.

Lumalaki Bilang Isang Tigre

Kapag ang inang tigre ay magsisilang, pinipili niya ang angkop na lungga, na tagung-tago sa makapal na pananim. Mula roon, masaya ngayong pagmamasdan ng pamilya ang kapatagan na may hukay ng tubig na umaakit sa ibang mga hayop. Pinili ng babaing tigre ang lugar na ito upang makapaghanap ng pagkain nang hindi nalalayo sa kaniyang mga kuting.

Mula sa pagsilang, binubuhusan ng saganang atensiyon ang mga tigreng kuting. Sa buong panahon ng pagiging kuting nito ang mga ito’y niyayapos ng kanilang ina sa pagitan ng kaniyang mga paa, dinudunggul-dunggol ang mga ito, at hinihimuran ang mga ito, habang ang ina’y marahang umuungal. Kapag lumaki-laki na ang mga tigreng kuting, maglalaro ang mga ito ng taguan at kunwa’y nag-aaway-away. Bagaman ang mga tigreng kuting ay hindi maaaring umungol, pasimula lamang kapag ito’y mag-iisang taon na, ang mga ito ay humihinga nang malalim at malakas kapag ang kanilang ina ay nagbalik pagkatapos na mawalay.

Gustung-gusto ng mga tigreng kuting ang lumangoy at maglaro sa tubig, kasama ng kanilang ina. Ilarawan mo sa isip ang babaing tigre na nakaupo sa gilid ng lawa na ang buntot niya’y nasa tubig. Paminsan-minsan, iwinawasiwas nito ang kaniyang buntot upang basain ng malamig na tubig ang maiinit niyang katawan. At kung buntot naman ang pag-uusapan, ang mga tigreng kuting ay hindi kailanman napapagod sa kahahabol ng buntot ng kanilang ina habang iwinawasiwas niya ito sa magkabi-kabila. Sa paggawa ng ganito, hindi lamang nakikipaglaro ang babaing tigre sa kaniyang mga kuting; tinuturuan din naman niya ang mga ito ng kasanayang sumunggab, na kanilang gagamitin sa kalaunan, kapag nagsimula na silang manila. Gustung-gusto rin ng mga tigreng kuting na umakyat sa mga puno. Subalit pagsapit ng mga 15 buwan, nagiging napakalaki at napakabigat na nito para makaakyat pa nang madali.

Ang Bahaging Ginagampanan ng Ama

Hanggang sa kasalukuyan, inaakala ng marami na ang inang tigre ang nag-iisang nagpapalaki ng kaniyang mga anak at na papatayin ng lalaki ang mga tigreng kuting kung mabigyan ng pagkakataon. Gayunman, para sa karamihan ng mga tigre, hindi ito ang kalagayan. Totoong nawawala ang amang tigre sa kagubatan sa loob ng mahabang panahon, gumagala-gala sa teritoryo nito na mahigit na 50 kilometro kudrado. Subalit dumadalaw rin naman siya sa kaniyang pamilya. Kapag siya’y dumalaw, sumasama siya sa babaing tigre at sa mga tigreng kuting sa paninila, anupat nakikibahagi pa ngang kasama nila sa nasila. Ang mas agresibong lalaking kuting ay mauunang kumain. Kaya, kapag may kasakimang ipinagtatabuyan niya nang matagal ang kaniyang mga kapatid na babae, pinatatabi siya ng kaniyang ina o hinahampas pa nga ito ng paa ng ina upang makakain ng kanilang bahagi ang mga babaing kuting.

Natutuwang makipaglaro ang mga tigreng kuting sa kanilang malaking ama. Ang paborito nilang lugar para dito ay sa kalapit na hukay ng tubig. Ang amang tigre ay patalikod na nagpapasarap sa tubig hanggang sa siya’y lumubog hanggang sa kaniyang ulo. (Ayaw ng mga tigre na masabuyan ng tubig ang kanilang mga mata!) Pagkatapos ay pababayaan niya ang kaniyang mga kuting na siya’y dunggul-dunggulin habang kaniyang hinihimuran ang kanilang mga mukha. Maliwanag nga, may isang matibay na buklod sa pamilya.

Kumakain ng Tao?

Kalimitang inilalarawan ng mga aklat at pelikula ang mga tigre bilang mabangis, mabalasik na mga nilalang, na palihim na nanunubok at sumasalakay sa mga tao, pagkatapos ay sumusunggab at kumakain sa kanila. Hinding-hindi ito totoo. Hindi naman talaga kumakain ng tao ang mga tigre. Karaniwan na, kapag nakakita ng tao ang isang tigre sa kagubatan, mas gugustuhin nitong umalis na lamang nang tahimik. Kapuna-puna, waring walang anumang epekto ang amoy ng tao sa tigre.

Gayunman, sa ilalim ng ilang kalagayan talagang maaaring maging mapanganib ang isang gutom na tigre. Kapag nabungian ito ng mga ngipin dahil sa katandaan o napinsala ng mga tao, hindi na ito makapaninila nang normal. Gayundin naman, kapag pinanghimasukan ng paninirahan ng tao ang tirahan ng mga tigre, ang likas na nasisila ng mga tigre ay umuunti. Sa mga kadahilanang gaya nito, halos 50 tao sa isang taon ang napapatay ng mga tigre sa India, bagaman ilang daang ulit na mas kakaunti ito kaysa dami ng napapatay ng mga ahas. Ang mga pagsalakay ng tigre ay kalimitang nagaganap pangunahin na sa mga latian sa wawa ng Ganges.

Ayon kay Dr. McDougal, ang mga tigre ay hindi kasimpanganib na gaya ng iniisip ng karamihan ng mga tao. Bagaman maaaring mapukaw na sumalakay ang isang tigre kapag nagulat sa malapitan, “ang tigre ay talagang kalmado, mahinahon, at hindi natitinag na hayop,” aniya. “Karaniwan na, kung makaharap mo ang isang tigre​—maging sa malapit na malapit​—hindi ito sumasalakay.”

Sa gitna ng mga tigre ay bihirang mangyari ang pagsalakay. Halimbawa, isang bata pang tigre ang maaaring magpagala-gala sa teritoryo ng ibang tigre at makakabungguan pa nga ang isang naninirahan doon na lalaking tigre. Ang napakababang pag-ungol, nakapanghihilakbot na ungal, at mabalasik na pagsisinghalan ng ilong-sa-ilong ay maaaring maganap. Subalit kapag ipinakita ng nakatatandang lalaking tigre ang kaniyang pangingibabaw, ang mas nakababata ay karaniwang magpapagulung-gulong na nakataas ang mga paa bilang tanda ng pagpapasakop, at tapos na ang sagupaan.

Ang Kinabukasan ng Malaking Pusa

Sa halip na manganib sa tigre, napatunayang ang tao ang tanging panganib sa tigre. Sa kasalukuyan, gumagawa ng mga pagsisikap na iligtas ang tigre mula sa pagkalipol. Itinatag ng ilang bansa sa Asia ang mga reserbadong lugar para sa tigre. Noong 1973, isang pantanging pagsisikap na tinaguriang Project Tiger ang inilunsad sa Corbett National Park, sa hilagang India. Ang mga pondo at kagamitan ay humugos sa Project Tiger mula sa lahat ng panig ng daigdig. Sa wakas, 18 reserbadong dako para sa tigre ang naibukod sa India, na may kabuuang mahigit na 28,000 kilometro kudrado. Noong 1978, itinala rin ang mga tigre bilang nanganganib na uri ng hayop. Napakaraming nakagugulat na mga resulta! Bago pa man ipinagbawal ang pangangaso ng tigre, naging mailap na ang mga tigre at naging panggabing hayop na lamang dahil sa takot sa tao. Subalit pagkalipas ng mga taon na ito’y ingatan, nagsimulang gumala-gala ang mga tigre sa reserbadong mga dako at naninila ito sa araw!

Sa kabila nito, patuloy na nanganganib ang tigre: ang pangangailangan sa buong daigdig para sa tradisyunal na mga gamot sa Asia na gawa sa mga bahagi ng katawan ng tigre. Halimbawa, ang isang bag ng mga buto ng tigre ay pinagkakakitaan ng mahigit na $500 sa India, at kapag naproseso na ang mga buto at nakarating sa mga pamilihan sa Dulong Silangan, ang halaga ay tumaas na ng mahigit $25,000. Dahil sa laki ng kitang ito, nabubuyo ang mahihirap na taganayon na makipagtulungan sa ilegal na mga mangangaso ng tigre sa paglinlang sa mga tanod sa kagubatan. Sa simula, ipinalagay na matagumpay ang mga pagsisikap na iligtas ang tigre. Subalit sapol noong 1988, lumala ang mga kalagayan. Sa ngayon, halos 27 tigre na lamang ang gumagala-gala sa Ranthambhore, kung ihahambing sa 40 na naroroon sa nakalipas na 20 taon. At ang bilang ng tigre sa daigdig ay kasimbaba ng 5,000!

Hanggang sa pagtatapos ng mga dekada noong nakaraang siglo, hindi lubusang nagkakasundo ang mga tigre at mga tao sa kanilang paninirahan sa India. Magagawa kaya nilang muling magkasundo? Sa ngayon, ang nakatutuwang pagtawag na “Tigre! Tigre!” ay nangangahulugan pa rin na pagkakita ng pinakamalaking pusa sa daigdig. Kung matitiyak man ng mga programa na nag-iingat ang kaligtasan ng tigre sa hinaharap ay hindi pa alam. Subalit tinitiyak sa atin ng Bibliya na balang araw ang buong lupa ay magiging paraisong gaya ng Hardin ng Eden. Pagkatapos ang tao at ang mailap na mga nilalang gaya ng tigre ay magkakasamang titira sa lupa sa kapayapaan.​—Isaias 11:6-9.

[Talababa]

a Ang mga siberian tiger, ang pinakamalaking uri, ay maaaring tumimbang ng mahigit na 320 kilo at umaabot ng 4 na metro ang haba.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

Ang Puting Tigre

Isang pambansang kayamanan sa India, ang pambihirang puting tigre ay resulta ng mutation ng mahinang gene. Noong 1951 isang puti na lalaking tigreng kuting ang nahuli sa Rewa Forest sa India. Ito’y pinalahian sa isang babaing tigre na may pangkaraniwang kulay, na nagsilang ng normal na mga kuting. Gayunman, nang isang babaing tigre mula sa mga kuting na ito ang pinalahian sa puting tigre, siya’y nagsilang ng apat na puting tigreng kuting. Ang maingat na pagpapalahi ang nagpangyaring maging posible na makita ng maraming tao mula sa maraming lugar ang pambihirang kagandahang ito sa kanilang mga zoo.

[Larawan sa pahina 16]

Mga pusang lumalangoy? Oo!

[Larawan sa pahina 17]

Ang mga tigre ay hindi kasimpanganib na gaya ng iniisip ng karamihan ng mga tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share