Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/22 p. 7-10
  • Ang Iyong Pagkain—Mapapatay Ka ba Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Iyong Pagkain—Mapapatay Ka ba Nito?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iyong Pagkain at Sakit sa Puso
  • Ang Papel ng Kolesterol
  • Kolesterol sa Dugo at Pagkain
  • Mga Taba at Kolesterol
  • Kung Bakit Dapat Bawasan ang mga Taba at Kolesterol
  • Kanser at Pagkain
  • Paano Mababawasan ang Panganib?
    Gumising!—1996
  • Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?
    Gumising!—1989
  • Pagpili ng Nakapagpapalusog na Pagkain
    Gumising!—1997
  • Pinatataas ba ng Kape ang Antas ng Iyong Kolesterol?
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/22 p. 7-10

Ang Iyong Pagkain​—Mapapatay Ka ba Nito?

“Mayroon kang malaking ugat sa puso na lubhang barado, halos 95% barado . . . Malamang na magkaroon ka ng atake sa puso sa malapit na hinaharap.”

HINDI halos makapaniwala ang 32-anyos na si Joe sa mga salitang ito ng isang dalubhasa sa puso na sumuri sa kaniya upang matiyak ang sanhi ng kirot sa kaniyang dibdib. Halos kalahati niyaong namamatay sa sakit sa puso ay wala man lamang kabatiran na mayroon sila nito.

Subalit ano ang pinagmulan ng kalagayan ni Joe? ‘Sa loob ng 32 taon ay kumain ako ng karaniwang pagkaing Amerikano na “karne at gatas,”’ ang malungkot na sabi ni Joe. ‘Sa paano man ay hindi ko pinansin ang bagay na ang pagkaing Amerikano ay mapanganib sa aking kalusugan.’

Ang Iyong Pagkain at Sakit sa Puso

Ano ang mali sa pagkain ni Joe? Pangunahin na, ito’y nagtataglay ng napakaraming kolesterol at taba, lalo na ang saturated fat. Mula sa kaniyang pagkabata, isinapanganib ni Joe ang kaniyang sarili sa sakit sa puso sa bawat subo ng pagkain. Sa katunayan, ang pagkaing maraming-taba ay nauugnay sa lima sa sampung pangunahing sanhi ng sakit sa Estados Unidos. Una sa listahan ang sakit sa puso.

Ang kaugnayan sa pagitan ng pagkain at sakit sa puso ay makikita sa isang pagsusuring isinagawa sa pitong bansa sa mga 12,000 lalaki na ang edad ay 40 hanggang 49. Ang sukdulang mga pagkakaiba ay lalo nang makikita. Ipinakita ng pagsusuri na ang mga lalaking taga-Finland​—na kumakain ng 20 porsiyento ng kanilang calorie mula sa saturated fat​—ay nagkaroon ng mataas na antas ng kolesterol sa dugo, samantalang ang mga lalaking Hapones​—na kumakain ng 5 porsiyento lamang ng kanilang calorie mula sa saturated fat​—ay nagkaroon ng mababang antas ng kolesterol sa dugo. At ang mga lalaking taga-Finland ay anim na ulit ang kahigitan na atakihin sa puso kaysa mga lalaking Hapones!

Subalit, karaniwan na rin ang sakit sa puso sa Hapon. Sa nakalipas na mga taon, habang nagiging popular dito ang istilong-Kanluran na mga fast food, ang pagkain ng mga taba ng hayop ay tumaas ng hanggang 800 porsiyento. Ngayon, ang mga batang Hapones ay mayroon pa ngang mas mataas na mga antas ng kolesterol sa dugo kaysa mga batang Amerikano na kaedad nila! Maliwanag, ang pagkaing maraming taba at kolesterol ay nasasangkot sa mga kalagayang nagsasapanganib sa buhay, lalo na ang sakit sa puso.

Ang Papel ng Kolesterol

Ang kolesterol ay isang maputi, masebong bagay na mahalaga sa buhay. Masusumpungan ito sa mga selula ng lahat ng tao at mga hayop. Ang ating atay ay gumagawa ng kolesterol, at masusumpungan din ito sa iba’t ibang pagkaing ating kinakain. Dinadala ng dugo ang kolesterol sa mga selula sa loob ng mga molekula na tinatawag na mga lipoprotein, na binubuo ng kolesterol, taba, at protina. Ang dalawang uri ng lipoprotein na nagdadala ng karamihan ng kolesterol sa dugo ay ang low-density lipoprotein (LDL) at ang high-density lipoprotein (HDL).

Ang mga LDL ay sagana sa kolesterol. Habang umiikot ito sa daluyan ng dugo, ang mga ito’y pumapasok sa mga selula sa pamamagitan ng mga tagatanggap ng LDL sa mga dingding ng selula at inihihiwalay para gamitin ng selula. Karamihan ng mga selula sa katawan ay may gayong mga tagatanggap, at kinukuha nito ang ilang LDL. Subalit ang atay ay dinisenyo upang doon maganap ang 70 porsiyentong pag-alis ng LDL mula sa daluyan ng dugo sa pamamagitan ng mga tagatanggap ng LDL.

Sa kabilang dako naman, ang mga HDL ay mga molekulang uhaw sa kolesterol. Kapag naglalakbay sa daluyan ng dugo, sinisipsip nito ang sobrang kolesterol at inihahatid ito sa atay. Inihihiwalay ng atay ang kolesterol at inaalis ito sa katawan. Kaya nga ang katawan ay kamangha-manghang dinisenyo upang gamitin ang kolesterol na kailangan nito at itapon ang iba pa.

Nangyayari ang problema kapag may sobrang LDL sa dugo. Dinaragdagan nito ang posibilidad ng pagdami ng depositong taba sa mga dingding ng arteri o malaking ugat sa puso. Kapag dumami ang depositong taba sa arteri, kumikipot ang mga arteri at ang dami ng dugong nagdadala ng oksiheno na nagdaraan dito ay nababawasan. Ang kalagayang ito ay tinatawag na atherosclerosis. Ang proseso ay nagpapatuloy nang dahan-dahan at tahimik, gumugugol ng mga dekada bago mapansin ang nakikitang mga sintoma. Ang isang sintoma ay ang angina pectoris, o kirot sa dibdib, gaya ng naranasan ni Joe.

Kapag lubusang nabarahan ang isang arteri sa puso, kadalasan sa pamamagitan ng pamumuo ng dugo, ang bahagi ng puso na tumatanggap ng dugo mula sa arteri na iyon ay namamatay. Ang resulta ay isang biglaan, kadalasa’y nakamamatay, na myocardial infarction​—mas kilala bilang atake sa puso. Kahit na ang bahagyang bara sa isang arteri sa puso ay maaaring humantong sa pagkamatay ng himaymay ng puso, na maaaring hindi mahalata dahil sa hindi naman nahihirapan ang katawan. Ang pagkabara ng mga arteri sa iba pang bahagi ng katawan ay maaaring pagmulan ng atake serebral, ganggrena sa binti, at pagkasira pa nga ng bato.

Hindi kataka-taka, ang LDL ay tinatawag na masamang kolesterol, at ang HDL ay mabuting kolesterol. Kung ipinakikita ng pagsusuri na mataas ang antas ng LDL sa dugo o mababa ang antas ng HDL, malaki rin ang panganib sa sakit sa puso.a Ang isang payak na pagsusuri sa dugo ay kadalasang magpapahiwatig ng nalalapit na panganib bago pa maranasan ng isang tao ang kapansin-pansing mga sintoma, gaya ng angina. Mahalaga, kung gayon, na panatilihing kontrolado ang antas ng iyong kolesterol sa dugo. Tingnan natin kung paanong naaapektuhan ng iyong pagkain ang antas na ito.

Kolesterol sa Dugo at Pagkain

Ang kolesterol ay isang likas na bahagi ng mga pagkain na nakukuha sa mga hayop. Ang karne, itlog, isda, manok, at mga produktong galing sa gatas ay pawang naglalaman ng kolesterol. Sa kabilang dako naman, ang mga pagkaing mula sa halaman ay walang kolesterol.

Ang katawan ay gumagawa ng lahat ng kolesterol na kailangan nito, kaya kalabisan na ang kolesterol na nakukuha sa pagkain. Karamihan ng kinakain nating kolesterol ay napupunta sa atay. Karaniwan na, habang pumapasok sa atay ang kinain na kolesterol, pinoproseso ito ng atay at binabawasan ang paggawa nito ng kolesterol. Pinananatili nitong maayos ang kabuuang dami ng kolesterol sa dugo.

Subalit, ano ang nangyayari kapag ang pagkain ay totoong sagana sa kolesterol anupat hindi ito agad napoproseso ng atay? Malamang na tuwirang pumasok ang kolesterol sa mga selula ng dingding ng arteri. Kapag nangyari ito, nangyayari ang proseso ng atherosclerosis. Ang kalagayan ay lalo nang mapanganib kung ang katawan ay patuloy na gumagawa ng gayunding dami ng kolesterol kahit na gaano pa ang dami ng kolesterol na nakukuha sa pagkain. Sa Estados Unidos, 1 sa 5 katao ang may ganitong problema.

Ang pagbabawas ng iyong kinakaing kolesterol sa pagkain, kung gayon, ay isang matalinong landasin. Subalit ang isa pang elemento ng ating pagkain ay may higit pang epekto sa antas ng kolesterol sa dugo​—ang mga saturated fat.

Mga Taba at Kolesterol

Ang mga taba ay nahahati sa dalawang kategorya: ang saturated at unsaturated. Ang mga unsaturated fat ay maaaring alin sa monounsaturated o polyunsaturated. Ang mga unsaturated fat ay mas mabuti sa iyo kaysa kanilang katumbas na mga saturated fat, yamang ang pagkain ng mga saturated fat ay nagtataas sa antas ng kolesterol sa dugo. Ginagawa ito ng mga saturated fat sa dalawang paraan: Tumutulong sila sa paglikha ng higit pang kolesterol sa atay, at hinahadlangan nila ang mga tagatanggap ng LDL sa mga selula sa atay, anupat binabawasan ang pag-alis ng LDL sa dugo.

Ang mga saturated fat ay pangunahin nang masusumpungan sa mga pagkaing mula sa hayop, gaya ng mantikilya, mga pula ng itlog, mantika, gatas, sorbetes, karne, at manok. Marami rin ito sa tsokolate, niyog at sa langis nito, mantikang galing sa gulay, at langis ng palma. Ang mga saturated fat ay namumuo sa katamtamang lamig.

Sa kabilang dako naman, ang mga unsaturated fat ay hindi namumuo sa katamtamang lamig. Ang mga pagkaing naglalaman ng monounsaturated fat at polyunsaturated fat ay makatutulong upang bawasan ang iyong antas ng kolesterol sa dugo kung ihahalili sa mga pagkaing naglalaman ng mga saturated fat.b Bagaman ang mga polyunsaturated fat, na karaniwan sa langis ng mais at langis mula sa buto ng sunflower, ay bumabawas kapuwa ng mabuti at masamang kolesterol, ang mga monounsaturated fat, na marami sa langis ng olibo at langis ng kanola, ay bumabawas lamang ng masamang kolesterol nang hindi naaapektuhan ang mabuting kolesterol.

Mangyari pa, ang mga taba ay mahalagang bahagi ng ating pagkain. Halimbawa, kung wala nito, hindi masisipsip ang mga bitamina A, D, E, at K. Gayunman, napakaliit ng kailangang taba ng katawan. Madali itong natutugunan sa pamamagitan ng pagkain ng mga gulay, balatong, butil, at prutas. Kaya ang pagbawas sa pagkain ng mga saturated fat ay hindi nagkakait sa katawan ng kinakailangang mga nutriyente.

Kung Bakit Dapat Bawasan ang mga Taba at Kolesterol

Ang pagkain bang sagana sa mga taba at kolesterol ay laging nagdaragdag ng kolesterol sa dugo? Hindi naman. Si Thomas, na nabanggit sa panimulang artikulo, ay nagpasiyang magpasuri sa dugo pagkatapos ng panayam sa kaniya ng Gumising! Isiniwalat ng mga resulta na ang kaniyang mga antas ng kolesterol ay nasa tamang hangganan. Maliwanag na napananatiling maayos ng kaniyang atay ang antas ng kolesterol.

Subalit, hindi ito nangangahulugan na ligtas na sa panganib si Thomas. Ipinakikita ng mga pagsusuri kamakailan na maaaring maapektuhan ng mga pagkaing may kolesterol ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso na walang kaugnayan sa epekto nito sa kolesterol sa dugo. “Ang mga pagkaing sagana sa kolesterol ay pinagmumulan ng sakit sa puso kahit sa mga taong may mababang kolesterol sa dugo,” sabi ni Dr. Jeremiah Stamler, ng Northwestern University. “At iyan ang dahilan kung bakit ang pagkain ng kaunting kolesterol ay dapat na isaalang-alang ng lahat ng tao, anuman ang antas ng kanilang kolesterol sa dugo.”

Nariyan din ang bagay tungkol sa taba sa pagkain. Ang napakaraming taba sa dugo, ito man ay mula sa saturated o unsaturated fat sa pagkain, ay nagpapangyari sa mga pulang selula ng dugo na magkumpul-kumpol. Ang gayong malapot na dugo ay hindi makaraan sa makipot na maliliit na ugat, anupat ang mga himaymay ay napagkakaitan ng kinakailangang mga nutriyente. Ang nagkumpol na mga selula sa kahabaan ng mga arteri ay humahadlang din sa pagtakbo ng oksiheno sa mga dingding ng arteri, na pinagmumulan ng pinsala sa ibabaw, kung saan madaling magdeposito ang taba. Ngunit may isa pang panganib sa pagkain ng labis-labis na taba.

Kanser at Pagkain

“Lahat ng taba​—saturated at unsaturated​—ay sangkot sa paglaki ng ilang uri ng mga selula ng kanser,” sabi ni Dr. John A. McDougall. Ipinakita ng isang surbey tungkol sa paglitaw ng kanser sa kolon at tumbong at kanser sa suso sa buong daigdig ang nakababahalang pagkakaiba sa pagitan ng mga bansa sa Kanluran, kung saan ang mga pagkain ay sagana sa taba, at sa nagpapaunlad na bansa. Sa Estados Unidos, halimbawa, ang kanser sa kolon at tumbong ay ikalawa sa pinakakaraniwang kanser sa mga lalaki at babae na pinagsama, samantalang ang kanser sa suso ay pinakakaraniwan sa kababaihan.

Ayon sa American Cancer Society, ang mga grupo ng tao na lumilipat sa isang bansa na maraming nagkakaroon ng kanser sa dakong huli’y napabilang sa mga nagkakaroon ng kanser sa bansang iyon, depende sa haba ng panahon na sila’y nakababagay sa bagong istilo ng buhay at pagkain. “Ang mga Hapones na nandayuhan sa Hawaii,” sabi ng aklat sa pagluluto ng samahan sa kanser, “ay nagkakakanser na gaya ng karaniwang nangyayari sa Kanluran: marami ang lumilitaw na kanser sa kolon at suso, kaunti ang lumilitaw na kanser sa tiyan​—ang kabaligtaran ng karaniwang nangyayari sa mga Hapones.” Maliwanag, ang kanser ay nauugnay sa pagkain.

Kung ang pagkain mo ay mataas sa kabuuang dami ng taba, saturated fat, kolesterol, at mga calorie, kailangan mong gumawa ng mga pagbabago. Ang mabuting pagkain ay maaaring umakay sa mabuting kalusugan at maaari pa ngang labanan ang maraming masamang epekto ng isang masamang pagkain. Kung isasaalang-alang ang mga mapagpipilian na gaya ng masakit na bypass na operasyon sa puso, na kalimita’y nagkakahalaga ng $40,000 o higit pa, tiyak na ang pagpili ng mabuting pagkain ay kanais-nais.

Sa pamamagitan ng makatuwirang pagpili sa iyong kinakain, papayat ka, bubuti ang iyong pakiramdam, at tutulong sa iyo na iwasan o labanan ang ilang karamdaman. Ang mga mungkahi tungkol dito ay tinatalakay sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Ang kolesterol ay sinusukat sa miligramo sa bawat desilitro. Ang isang kanais-nais na antas ng kabuuang kolesterol​—ang bilang ng LDL, HDL, at kolesterol sa iba pang mga lipoprotein sa dugo​—ay wala pang 200 miligramo sa bawat desilitro. Ang antas ng HDL na 45 miligramo sa bawat desilitro o mas mataas pa ay itinuturing na mabuti.

b Ang 1995 mga Tuntunin sa Pagkain Para sa mga Amerikano ay nagrerekomenda ng kabuuang pagkain ng taba na hindi hihigit sa 30 porsiyento ng pang-araw-araw na calorie at nagrerekomenda na bawasan ang saturated fat hanggang sa wala pang 10 porsiyento ng mga calorie. Ang 1-porsiyentong pagbabawas sa kinakaing calorie ng mga saturated fat ay karaniwang humahantong sa pagbaba ng 3 miligramo sa bawat decilitro sa antas ng kolesterol sa dugo.

[Dayagram sa pahina 8]

Cross section ng malalaking ugat sa puso: (1) bukas na bukas, (2) bahagyang barado, (3) halos lubusang barado

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share