Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/22 p. 15-17
  • Meteora—Nagtataasang Haliging Bato

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Meteora—Nagtataasang Haliging Bato
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Nahubog ang mga Ito
  • Mga Monasteryo sa Himpapawid
  • Isang Saganang Tanghalang Pangkultura
  • Meteora—Ang Napakalalaking Batong-Bundok na Iyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Bundok Sinai—Isang Hiyas sa Iláng
    Gumising!—1999
  • Kakaibang Uri ng Paghahanap ng Kayamanan
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/22 p. 15-17

Meteora​—Nagtataasang Haliging Bato

“Wala na akong nakitang higit na kakaiba at kahanga-hanga kaysa sa romantikong rehiyon na ito. Sa . . . anumang ibang bulubunduking rehiyon na napuntahan ko, wala nang maihahambing pa sa di-pangkaraniwang mga taluktok na ito.”​—Robert Curzon, manlalakbay na Ingles, 1849.

HINDI namin inaasahan ang kahanga-hangang tanawin na nakita namin habang papalapit kami sa bayan ng Kalabáka at sa kalapit na nayon ng Kastráki sa kapatagan ng Thessaly, Gresya. Matatagpuan dito ang isang batong “kagubatan” ng mahigit sa 20 pagkalaki-laking haliging bato​—napakaraming hiwa-hiwalay na matatarik na bato na umaabot nang daan-daang metro sa kalangitan. Ang mga taluktok nito ay napuputungan ng mga monasteryo na may mga galeryang kahoy at may cornice na mga bubungan.

Ito ang Meteora ng Gresya, kung saan pinagsama ang pambihirang likas na mga bato at ang di-kapani-paniwalang gawa ng tao. Ang “Meteora”​—mula sa salitang Griego na nangangahulugang “umangat sa ibabaw ng lupa”​—ay tumutukoy sa grupong ito ng hiwa-hiwalay na mga haliging bato at sa mahigit na 30 monasteryo na itinayo sa ibabaw nito. Ang katamtamang taas ng mga batong ito ay 300 metro, na ang pinakamataas ay mga 550 metro mula sa lupa.

Habang papalapit kami, ang mga anino ng nagtataasang bato ay humahaba. Ang tanawin ng kakaibang daigdig na ito ay patuloy na nagbabago habang ang araw ay lumilikha ng iba’t ibang anino sa mga bato. Sa taglamig ang pagkalaki-laking mga bato ay litaw na litaw sa puting alpombra ng niyebe.

Kung Paano Nahubog ang mga Ito

Napakaraming haka-haka hinggil sa kung paano nahubog ang Meteora. Naniniwala ang marami na milyun-milyong taon na ang nakalilipas, ang kapatagan na kinatatayuan ng Meteora ay nakalubog sa ilalim ng isang napakalaking lawa sa looban. Ayon sa isang teoriya, sa ilang paraan ay pinangyari ng isang napakalaking pagsabog ng lupa na umusli ang mga batong ito. Ipinaliliwanag ng magasing Experiment na naniniwala ang ilang heologo “na naging ganito ang hugis ng mga batong ito sa pagitan ng mga taóng 2000 at 1000 B.C.E.”

Ganito ang isinulat ni Robert Curzon, na sinipi sa pasimula, tungkol sa Meteora: “Ang dulo ng isang hanay ng mabatong mga burol ay waring pinutol ng isang lindol o tinangay ng Delubyo, anupat nag-iwan lamang ng sunud-sunod na . . . matataas, maninipis, makikinis, tulad-karayom na mga bato.” Kapansin-pansin, ipinalalagay rin ng mitolohiyang Griego na nagkahugis ang mga bundok ng Thessaly dahil sa isang baha, o delubyo, na pinangyari ng mga diyos.​—Genesis 6:1–8:22.

Mga Monasteryo sa Himpapawid

Anuman ang heologikong paliwanag para sa Meteora, mula noong ikasiyam na siglo C.E., nakatawag na ng pansin ang mga batong ito. Ang makabagong mga umaakyat ng bundok, na umaahon sa Meteora taglay ang pantanging mga kagamitan sa pag-akyat, ang marahil siyang lubhang hahanga sa kahusayan ng sinaunang mga relihiyosong ermitanyo na nanirahan sa mga kuweba at mga bitak ng mga bato. Pinagtatalunan pa rin kung paano naitayo ang mga monasteryo sa taluktok ng halos di-marating na mga batong ito.

Paano kaya nag-akyat-manaog ang mga tao noong unang panahon mula sa kanilang matataas na monasteryo? Buweno, gaya ng binanggit ng aklat na Meteora​—The Rock Monasteries of Thessaly, ‘maaaring umakyat sila sa mga ibinabang mga hagdang kahoy mula sa taluktok ng mga dalisdis o nagpapahatak paitaas sa monasteryo sakay ng drum na nasa lambat na ibinaba sa pamamagitan ng lubid. Sa alinmang kalagayan, ang dumadalaw ay kailangang magtiwala nang mabuti sa mga monghe at sa kaduda-dudang inhinyeriya ng mga ito.’ Nang tanungin kung gaano kadalas pinapalitan ang lubid na pinagkakabitan ng lambat, isang dating abad ay iniulat na nagsabi: ‘Kapag nalagot lamang ito.’ Noon lamang 1925 inukit ang mga baitang sa bato upang madaling maakyat ito.

Ang unang mga relihiyosong ermitanyo na umakyat sa mga haligi ay ang mga Varnavas, sa pagitan ng 950 at 965 C.E., at ang mga Andronikos mula sa Creta, noong 1020. Sumunod ang iba pang mga monghe mula sa buong Byzantium, anupat dumami at naging 33 ang bilang ng mga monasteryo sa taluktok ng mga bato. Noong ika-16 at ika-17 mga siglo, narating ng mga pamayanan ang kanilang kasikatan, subalit mula noon ay unti-unti itong naglaho.

“Tingnan ninyo kami ngayon!” bulalas ng abad ng isa sa mga monasteryo. “Ah, . . . hindi na interesado ang mga kabataan sa ganitong istilo ng pamumuhay!” Totoo, anim na lamang sa mga monasteryo ang ginagamit, ang dalawa ay tinitirhan ng mga madre. Ang abandonadong mga monasteryo ay masusumpungan sa iba’t ibang mga bato sa Meteora.

Isang Saganang Tanghalang Pangkultura

Sa ngayon, ang mga monasteryo sa bato ang isa sa pinakakawili-wiling dako may kaugnayan sa kultura ng Gresya. Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, ang mga ito ay isang natatanging kabang-yaman ng pamanang pangkultura. Ang ikinababahala ng Estado ng Gresya kamakailan ay na maingatan ang yamang pangkultura ng Meteora. Binuksan para sa mga dumadalaw ang kinumpuning mga gusali at mga museo. Ano ang nilalaman ng mga ito?

Buweno, bukod sa mga bagay na gaya ng nabibitbit na mga imahen, eklesiastikong mga pananamit, at mga manuskritong aklat ng awit, naglalaman ang mga ito ng bibihirang makasaysayang mga manuskrito ng Bibliya. Kabilang dito ang pergaminong Codex 591, na may petsang 861-62 C.E., na naglalaman ng naglalarawang mga diskurso sa aklat ng Mateo sa Bibliya.

Tunay ngang inukit ng malalakas na puwersa ng kalikasan ang isang pambihirang tanawin. Kung dadalaw ka sa Gresya, bakit hindi isama ang Meteora sa iyong itineraryo? At tiyakin mong magdala ng sapat na suplay ng pilm sapagkat mauudyukan kang gamitin nang madalas ang iyong kamera.​—Ipinadala.

[Mga larawan sa pahina 16]

Monasteryo ng St. Nicholas Anapausas

Monasteryo ng Rousanou

[Credit Line]

M. Thonig/H. Armstrong Roberts

[Mga larawan sa pahina 17]

Monasteryo ng Santisima Trinidad

Monasteryo ng Dakilang Meteoron

[Credit Line]

R. Kord/H. Armstrong Roberts

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Background: Y. Yannelos/Greek National Tourist Organization

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share