Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 4/08 p. 10-12
  • Isang Aralin sa Pag-awit ng Opera

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Aralin sa Pag-awit ng Opera
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Boses​—Isang Instrumento sa Musika
  • Pamamaraan at Pangangatawan
  • Pagbabago sa Pag-awit ng Opera
  • Kalabisang Ginawa sa Ngalan ng Opera
  • Isang Gabi sa Opera
    Gumising!—1994
  • Ang Dako ng Musika sa Makabagong Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Opera sa Gubat
    Gumising!—1997
  • Nasusulat na Makikita Ko Siya
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2008
g 4/08 p. 10-12

Isang Aralin sa Pag-awit ng Opera

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

NAKATAYO nang tuwid ang mang-aawit. Nakataas ang kaniyang ulo at dibdib, at nakarelaks ang kaniyang noo, labi, at bibig. Pagkatapos na tugtugin ng orkestra ang maikling panimulang musika, sinimulang awitin ng tenor ang pinakaaabangang awit. Walang kahirap-hirap na umawit ang tenor, na para bang kung saan nanggagaling ang boses niya. Nagkaroon ng masigabong palakpakan pagkatapos ng kaniyang awit.

Ang opera ay isang dulang itinatanghal sa teatro kung saan ang mga artista ay umaawit sa saliw ng musika ng orkestra. Mahilig ka bang manood ng opera? Nakapanood ka na ba ng opera sa teatro? Ano sa palagay mo ang sekreto ng magandang boses ng isang mang-aawit ng opera?

Boses​—Isang Instrumento sa Musika

Ang boses ay isang kamangha-manghang kaloob mula sa Diyos, at angkop na maituturing ito na isang instrumento sa musika. Para sa marami, karaniwan lamang ang pag-awit gaya ng pagkain o pagtulog. Pero iilan lamang ang nakaaawit gaya ng isang mang-aawit ng opera. Magaling ka mang umawit o hindi, tiyak na magiging interesado kang malaman kung paano gumagana ang “instrumento” na ito.

Ang totoo, ang babagtingan, o larynx, na masusumpungan sa gitna ng iyong lalamunan, ang sangkap na siyang nakalilikha ng tunog. Ito ay binubuo ng murang buto at sa loob nito makikita ang dalawang maninipis na kalamnan​—ang iyong kuwerdas bokales. Paano ba ito nakalilikha ng tunog? Sa normal na paghinga, nakarelaks ang mga kuwerdas bokales at nakabuka ito na parang tatsulok sa daanan ng hangin. Tinatawag na glottis ang espasyong nalilikha ng pagbukang ito. Kapag umaawit ka, lumalakas ang puwersa ng hangin sa babagtingan, lumiliit ang glottis, at nanginginig ang kuwerdas bokales, at sa gayo’y nalilikha ang tunog. Kapag higit na nababanat ang kuwerdas, mas mabilis ang panginginig at nagiging mas mataas ang tono ng boses. Sa kabilang panig naman, kapag binawasan ang puwersa ng hangin at hindi gaanong nabanat ang kuwerdas bokales, lalo namang lumuluwang ang glottis, anupat bumabagal ang panginginig ng kuwerdas at nagiging mas mababa ang tono ng boses.

Pamamaraan at Pangangatawan

Maganda ang boses ni Enrico Caruso kahit noong kabataan pa siya; pero wala itong gaanong puwersa. Napahusay ng pagsasanay ang kaniyang boses. Likas sa iba ang pagkakaroon ng magandang boses, pero sa pag-awit ng opera, mahalaga rin ang pamamaraan. Kailangang matutuhan ng mang-aawit ang tamang paghinga para magkaroon siya ng sapat na suplay ng hangin. Pagkatapos, dapat niyang matutuhan kung paano kokontrolin ito. Ipinapalagay na ang tanyag na mang-aawit noong ika-18 siglo na si Carlo Broschi, na kilala bilang si Farinelli, ay nakaaawit ng 150 nota sa isang hingahan lamang dahil nakokontrol niya ang suplay ng hangin sa kaniyang baga.

Sa katulad na paraan, dapat matutuhan ng mga mang-aawit ng opera kung paano palalakasin ang kanilang boses gamit ang kanilang buong katawan. Ayon sa ilang eksperto, ang mga buto sa dibdib ang nakatutulong para mapalakas ang boses sa pag-awit ng mas mabababang nota, samantalang ang panga at mga buto sa mukha ay nakatutulong sa pag-awit ng mas matataas na nota.

Inaakala ng marami na ang pag-awit ay nakadepende lamang sa lalamunan. Pero wastong sabihin na ang buong katawan ang umaawit, sa diwa na ang buong lakas ng isang tao ang nasasangkot dito. Dapat na balanseng-balanse ang pagkontrol sa lahat ng kalamnan ng buong katawan. Kaya para makaawit ng opera kailangan ng puwersa at lakas, at ito marahil ang dahilan kung bakit matataba ang ilang mang-aawit ng opera. Si Maria Callas ay isa sa mga pinakatanyag na mang-aawit ng opera noong ika-20 siglo, pero marami ang naniniwalang nasira ang kaniyang boses nang biglang bumaba ang kaniyang timbang dahil sa kaniyang labis na pagdidiyeta.

Pagbabago sa Pag-awit ng Opera

Sa paglipas ng panahon, nagbago ang istilo at pamamaraan ng pag-awit ng opera. Tingnan natin ang dalawang halimbawa. Nang idaos na ang mga opera sa mga teatro sa halip na sa mga kapilya o iba pang kulob na dako, ang marahan at walang-gaanong puwersang pag-awit ay napalitan ng malakas at mapuwersang pag-awit gamit ang buong katawan. Higit na napansin ang pagbabagong ito nang ang maliliit na orkestra na ginamit ni Mozart ay mapalitan ng mas malalaking orkestra, gaya ng mga ginamit nina Verdi at Wagner. Noong ika-17 at ika-18 siglo, gayundin sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, mas binibigyang-pansin sa opera ang kahusayan ng mang-aawit kaysa sa musika. Subalit lubhang nagbago ito noong ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo at noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Sa panahong ito, bagaman mahalaga pa rin ang boses ng mang-aawit ng opera, binibigyang-pansin na rin ang musikang ginagamit sa pagtatanghal.

Sa kalaunan, dumami at gumanda ang musikang kinatha para sa mga opera. Ang ilang pinakatanyag na kompositor, gaya nina Paisiello, Cimarosa, Gluck, Mozart, Donizetti, Rossini, Bellini, Wagner, Verdi, Puccini, Bizet, Meyerbeer, at Mascagni, ay kumatha ng di-malilimutang mga komposisyon na talaga namang nakaaantig ng damdamin.

Kalabisang Ginawa sa Ngalan ng Opera

Mayroon ding malalagim na panahon sa kasaysayan ng pag-awit ng opera. Nariyan ang castrati, na sa loob ng mahigit isang siglo ay may pangunahing papel sa opera ng Italya.a Kinakapon noon ang mga batang lalaki bago sila magbinata upang mapanatili ang kanilang matinis at mapuwersang boses. Ayon kay Guido Tartoni, ‘ang pagbabawal ng Simbahan sa mga babae na umawit sa mga kapilya’ ang isang dahilan kung bakit lumaganap ang ganitong gawain.

Ang mga sikat na mang-aawit ng opera ay sinamba ng ilan sa kanilang mga tagahanga. Ang libing ni Luciano Pavarotti ay isang halimbawa nito. Si Maria Callas ay tinawag na La Divina (ang Diyosa), at si Joan Sutherland naman ay tinawag na La Stupenda (ang Kahanga-hanga). Gayunman, naging popular ang opera dahil nagagawa nitong antigin ang damdamin ng mga manonood.

Marahil, sa hinaharap, makaririnig ka ng isang sopranong umaawit ng isang kilalang awitin ng opera. Kung gayon, alalahanin ang pagsasanay at disiplinang ginawa niya upang magkaroon siya ng gayon kagandang boses. Baka sa kalaunan, maisip mong ang pag-awit ng opera ay katulad ng sinabi ng isang manunulat: ‘Ang pagsasama ng liriko at musika, ang pagbibigay ng himig sa tula.’

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa castrati, tingnan ang Pebrero 8, 1996 ng Gumising!, pahina 11-14.

[Kahon/​Larawan sa pahina 12]

ILANG KLASIPIKASYON NG BOSES

Coloratura soprano: Boses ng babae na nakaaawit ng mabibilis at matataas na nota. Kadalasan nang ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses ang papel ng isang masigla at masayahing tauhan.

Lyric soprano: Boses ng babae na mas mababa sa Coloratura soprano. Ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses ang isang madamdamin o romantikong tauhan.

Dramatic soprano: Boses ng babae na mas mababa sa naunang dalawang nabanggit. Karaniwan nang makabagbag-damdamin ang papel na ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses.

Mezzo-soprano: Boses ng babae na mas mababa sa dramatic soprano. Kadalasan nang ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses ang papel ng isang may-edad nang babae o kalaban ng soprano.

Contralto: Hindi karaniwang uri ng boses ng babae. Ang papel na ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses ay katulad ng papel na ginagampanan ng mezzo-soprano.

Tenor: Boses ng lalaki na may mga katangiang gaya ng sa soprano​—mataas, romantiko, at madamdamin. Kadalasan nang mangingibig o bida ang papel na ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses.

Baritone: Ang timbre ng boses na ito ay nasa pagitan ng tenor at basso. Kapatid, ama, o karibal ang papel na ginagampanan ng mang-aawit na may ganitong boses.

Basso: Ito ang pinakamababang boses sa mga lalaking mang-aawit at hinahati ito sa tatlong kategorya: brilliant, cantante, at profundo. Ang una ay nababagay sa masigla at masayahing mga tauhan; ang ikalawa ay para sa mga madamdaming tauhan; at ang ikatlo ay para sa mga tauhang nagpapahayag ng matinding emosyon.

[Larawan sa pahina 10]

Entablado

[Larawan sa pahina 10]

Teatro

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Entablado: Philip Groshong for The Cincinnati Opera; teatro: Courtesy of Tourism Office of Budapest

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share