Hunyo
Linggo, Hunyo 1
Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.—Gawa 14:22.
Pinagpala ni Jehova ang unang siglo mga Kristiyano dahil nag-adjust sila sa nagbagong kalagayan. Madalas silang pag-usigin, minsan, sa paraang hindi nila inaasahan. Pag-isipan ang nangyari kina Bernabe at apostol Pablo noong nangangaral sila sa Listra. Noong una, tinanggap sila ng mga tao. Pero may dumating na mga Judio at “inimpluwensiyahan ang mga tao” na pagbabatuhin si Pablo hanggang sa halos mamatay na ito. (Gawa 14:19) Pero patuloy na nangaral sina Bernabe at Pablo sa ibang lugar. Ano ang resulta? ‘Marami silang natulungan na maging alagad.’ Napatibay rin ng mga salita at halimbawa nila ang mga kapatid. (Gawa 14:21, 22) Marami ang napatibay dahil hindi sumuko sina Bernabe at Pablo kahit na pinag-usig sila. Hangga’t hindi tayo sumusuko sa mga ipinapagawa sa atin ni Jehova, pagpapalain din niya tayo. w23.04 16-17 ¶13-14
Lunes, Hunyo 2
Dinggin mo, O Jehova, ang panalangin ko; at pakinggan mo ang paghingi ko ng tulong. Tatawag ako sa iyo sa araw ng pagdurusa ko, dahil sasagutin mo ako.—Awit 86:6, 7.
Maraming beses na nanganib ang buhay ni Haring David dahil sa mga kaaway, at lagi siyang humihingi ng tulong kay Jehova. Kumbinsido si David na sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya. Makakasigurado ka rin diyan, gaya niya! Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kaya tayong bigyan ni Jehova ng karunungan at ng lakas na kailangan natin para makapagtiis. Puwede rin niyang gamitin ang mga kapatid o kahit ang mga hindi naglilingkod sa kaniya para tulungan tayo. Hindi man laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin, alam nating sinasagot niya ang mga iyon. Ibibigay niya kung ano ang kailangan natin sa tamang panahon. Kaya patuloy na manalangin nang may pananampalataya. Magtiwala na tutulungan ka ni Jehova ngayon at ibibigay niya ang “inaasam ng bawat bagay na may buhay” sa darating na bagong sanlibutan.—Awit 145:16. w23.05 8 ¶4; 13 ¶17-18
Martes, Hunyo 3
Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin?—Awit 116:12.
Makabubuting magpokus sa magagandang resulta. Kaya ano ang mga puwede mong isipin? Kung tungkol sa pagbabasa ng Bibliya o pananalangin ang goal mo, puwede mong isipin kung paano nito mapapatibay ang kaugnayan mo kay Jehova. (Awit 145:18, 19) Kung goal mo naman na mapasulong ang isang katangiang Kristiyano, isipin kung paano ito makakatulong para maging mas malapít ka sa iba. (Col. 3:14) Subukan mong isulat ang lahat ng dahilan kung bakit gusto mong maabot ang goal mo, at lagi mong tingnan iyon. Makipagkaibigan din sa mga susuporta sa goal mo. (Kaw. 13:20) Ang totoo, may mga pagkakataon talaga na nawawalan tayo ng determinasyon na abutin ang goal natin. Susuko na ba tayo? Hindi. Puwede pa rin tayong magsikap na abutin ang goal natin kahit hindi tayo ganoon kapursigido. Kailangan diyan ng disiplina. w23.05 27-28 ¶5-8
Miyerkules, Hunyo 4
Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.—Gal. 6:7.
Dahil alam nating may pananagutan tayo sa mga desisyon natin, mapapakilos tayo nito na aminin ang mga kasalanan natin, ituwid iyon, at iwasan nang maulit iyon. Makakatulong iyan para manatili tayo sa takbuhan para sa buhay. Kung hindi mo na mababawi ang isang maling desisyon, tanggapin mo ito. Huwag sayangin ang panahon at lakas mo sa pagdadahilan o paninisi sa sarili o sa iba. Tanggapin na nagkamali ka at gawin ang magagawa mo sa ngayon. Kung nakokonsensiya ka, mapagpakumbabang manalangin kay Jehova, ipagtapat ang pagkakamali mo, at humingi ng kapatawaran. (Awit 25:11; 51:3, 4) Mag-sorry sa mga nasaktan mo, at kung kailangan, humingi ng tulong sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) Matuto sa mga pagkakamali mo, at sikaping huwag nang maulit iyon. Kung gagawin mo iyan, siguradong pagpapakitaan ka ni Jehova ng awa at aalalayan ka niya.—Awit 103:8-13. w23.08 28-29 ¶8-9
Huwebes, Hunyo 5
Patuloy na ginawa ni Jehoas ang tama sa paningin ni Jehova sa buong panahon na tinuturuan siya ng saserdoteng si Jehoiada.—2 Hari 12:2.
Naging magandang impluwensiya si Jehoiada kay Haring Jehoas. Kaya kahit bata pa lang siya, gusto na niyang mapasaya si Jehova. Pero nang mamatay si Jehoiada, nakinig si Jehoas sa mga apostatang mataas na opisyal. (2 Cro. 24:4, 17, 18) Kahit nasaktan nila si Jehova, “paulit-ulit siyang nagsugo sa kanila ng mga propeta para manumbalik sila . . . , pero hindi sila nakinig.” Hindi rin sila nakinig kahit sa anak ni Jehoiada na si Zacarias, na isang propeta at saserdote ni Jehova. At ang totoo, pinsan din siya ni Jehoas. Ipinapatay ni Haring Jehoas si Zacarias. (2 Cro. 22:11; 24:19-22) Naiwala ni Jehoas ang takot niya kay Jehova. Sinabi na noon ni Jehova: “Ang mga humahamak sa akin ay hahamakin.” (1 Sam. 2:30) Tinalo ng maliit na hukbo ng Sirya ang “napakalaking hukbo” ni Jehoas, at “iniwan nila siyang sugatán.” (2 Cro. 24:24, 25) Pagkatapos, pinatay siya ng sarili niyang mga lingkod dahil sa pagpatay niya kay Zacarias. w23.06 18-19 ¶16-17
Biyernes, Hunyo 6
Nasa kadiliman kayo noon, pero nasa liwanag na kayo ngayon.—Efe. 5:8.
Matagal ding tumira si apostol Pablo sa Efeso para mangaral at magturo ng mabuting balita. (Gawa 19:1, 8-10; 20:20, 21) Mahal na mahal niya ang mga kapatid, at gusto niya silang tulungan na manatiling tapat kay Jehova. Mapamahiin ang mga taga-Efeso at mali ang mga paniniwala nila. Napakaimoral nila, at gumagawi sila nang may kapangahasan. Normal lang ang malaswang pananalita sa mga teatro sa lunsod, pati nga sa mga relihiyosong kapistahan nila. (Efe. 5:3) Marami sa mga taga-Efeso ang ‘hindi na nakokonsensiya,’ ibig sabihin, manhid na sila. (Efe. 4:17-19) Bago nila natutuhan ang tama, hindi sila nakokonsensiya kapag nakakagawa sila ng mali. Kaya sinabi ni Pablo na “nasa dilim ang isip nila at malayo sila sa buhay na nagmumula sa Diyos.” Pero may mga taga-Efeso na umalis sa kadiliman. w24.03 20 ¶2; 21 ¶4-6
Sabado, Hunyo 7
Ang mga umaasa kay Jehova ay muling lalakas. . . . Hindi [sila] mapapagod.—Isa. 40:31.
Nagsikap nang husto si Gideon para magawa ang atas niya bilang hukom. Noong gabing makipagdigma sila sa mga Midianita, hinabol nina Gideon ang mga ito mula Lambak ng Jezreel hanggang sa Ilog Jordan. (Huk. 7:22) Huminto ba si Gideon at ang 300 mandirigma sa Jordan? Kahit pagod na pagod na sila, hindi sila tumigil. Bandang huli, naabutan nila ang mga Midianita at tinalo ang mga ito. (Huk. 8:4-12) Nagtiwala si Gideon na papalakasin siya ni Jehova, at iyon nga ang nangyari. (Huk. 6:14, 34) May pagkakataon na hinabol ni Gideon at ng mga kasama niya ang dalawang hari ng Midian. Tumatakbo lang sila habang nakasakay sa mga kamelyo ang mga hari. (Huk. 8:12, 21) Tinulungan sila ng Diyos na mahuli ang mga ito at manalo sa labanan. Makakaasa rin ang mga elder kay Jehova, dahil “hindi siya napapagod o nanlulupaypay.” Bibigyan niya sila ng lakas na kailangan nila.—Isa. 40:28, 29. w23.06 6 ¶14; 7 ¶16
Linggo, Hunyo 8
Hindi . . . kayo iiwan o pababayaan [ni Jehova].—Deut. 31:6.
Puwedeng maging matatag ang puso natin anumang problema ang maranasan natin. Kaya magtiwala kay Jehova. Tingnan kung paano nagtagumpay si Barak dahil nagtiwala siya kay Jehova. Walang kalasag o sibat ang mga Israelita. Pero inutusan ni Jehova si Barak na makipaglaban sa hukbo ng Canaan, na maraming sandata, at sa pinuno nito, si Sisera. (Huk. 5:8) Sinabi ng propetisang si Debora kay Barak na pumunta sa kapatagan para labanan si Sisera at ang hukbo nito na may 900 karwahe. Mukhang makakalamang dito ang mga Canaanitang nakakarwahe. Pero sumunod pa rin si Barak. Nang pababa na ang mga Israelita mula sa Bundok Tabor, nagpaulan nang malakas si Jehova. Kaya lumubog sa putik ang mga karwahe ni Sisera, at nanalo si Barak. (Huk. 4:1-7, 10, 13-16) Magtatagumpay rin tayo kung magtitiwala tayo kay Jehova at sa tagubilin ng organisasyon niya. w23.07 19 ¶17-18
Lunes, Hunyo 9
Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.—Mat. 24:13.
Kailangan nating maging matiisin para maligtas. Gaya ng tapat na mga lingkod noon, kailangan din nating maghintay na tuparin ng Diyos ang mga pangako niya. (Heb. 6:11, 12) Ikinumpara iyan ng Bibliya sa isang magsasaka. (Sant. 5:7, 8) Nagsisikap ang isang magsasaka na magtanim at magdilig kahit hindi niya alam kung kailan tutubo ang mga itinanim niya. Kaya matiyagang naghihintay ang magsasaka at nagtitiwalang mag-aani siya. Ganiyan din tayo. Abala tayo sa espirituwal na mga gawain kahit “hindi [natin] alam kung anong araw darating ang [ating] Panginoon.” (Mat. 24:42) Matiyaga tayong naghihintay at nagtitiwala na sa itinakdang panahon ni Jehova, tutuparin niya ang lahat ng ipinangako niya. Kung maiinip tayo, baka unti-unti na tayong mapalayo kay Jehova. Baka magpokus na lang din tayo sa mga bagay na makakapagpasaya sa atin ngayon. Pero kung matiisin tayo, makakapaghintay tayo hanggang sa wakas at makakaligtas.—Mik. 7:7. w23.08 22 ¶7
Martes, Hunyo 10
Ang mga daliri sa paa ay may bahaging bakal at may bahaging putik.—Dan. 2:42.
Kung ihahambing natin ang hula sa Daniel 2:41-43 sa ibang hula na nasa aklat ng Daniel at Apocalipsis, masasabi natin na ang mga paa ay lumalarawan sa alyansa ng Britain at United States (Anglo-Amerika), ang kapangyarihang pandaigdig ngayon. Tungkol dito, sinabi ni Daniel na “ang kaharian ay may bahaging malakas at may bahaging mahina.” Bakit may bahaging mahina? Dahil pinapahina ng karaniwang mga tao, na tinutukoy ng malambot na putik, ang tulad-bakal na lakas nito. May matututuhan tayo sa panaginip na ipinaliwanag ni Daniel. Una, masasabing makapangyarihan din naman ang Anglo-Amerika. Halimbawa, kasama ito sa mga bansang nanalo sa Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II. Pero dahil di-nagkakasundo ang sariling mga mamamayan nito at kinakalaban pa nga ng ilan ang gobyerno, humina at tuloy-tuloy ang paghina ng kapangyarihang pandaigdig na ito. Ikalawa, ang tambalang ito ang huling kapangyarihang pandaigdig na mamamahala bago wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kaharian ng tao. w23.08 10-11 ¶12-13
Miyerkules, Hunyo 11
Sa kagipitan ay tumawag ako kay Jehova, patuloy akong humihingi ng tulong sa aking Diyos. Mula sa kaniyang templo ay narinig niya ang tinig ko.—Awit 18:6.
May mga pagkakataon na sobrang nag-alala si David dahil sa lahat ng problema na pinagdadaanan niya. (Awit 18:4, 5) Pero pinaginhawa siya ng pag-ibig at pangangalaga ni Jehova. Inakay siya ni Jehova sa “madamong mga pastulan” at “mga pahingahan na may saganang tubig.” Kaya lumakas ulit si David at patuloy na nakapaglingkod nang masaya kay Jehova. (Awit 18:28-32; 23:2) Sa ngayon, nakakaranas din tayo ng mga problema. Pero “dahil sa tapat na pag-ibig ni Jehova,” natitiis natin ang mga iyon. (Panag. 3:22; Col. 1:11) Maraming beses na nanganib ang buhay ni David, at malakas ang mga kaaway niya. Pero dahil sa pag-ibig ni Jehova, alam niyang ligtas siya. Ramdam ni David na lagi niyang kasama si Jehova, kaya panatag siya. Inawit niya: ‘Iniligtas ako ni Jehova sa lahat ng kinatatakutan ko.’ (Awit 34:4) Ang totoo, natatakot din si David. Pero nadadaig niya iyon dahil alam niyang mahal siya ni Jehova. w24.01 30 ¶15-17
Huwebes, Hunyo 12
Kung hikayatin ka ng mga makasalanan, tanggihan mo sila.—Kaw. 1:10.
Matuto sa maling mga desisyon ni Jehoas. Pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Jehoiada, masasamang kasama ang pinili ni Jehoas. (2 Cro. 24:17, 18) Nakinig siya sa matataas na opisyal ng Juda na walang pag-ibig kay Jehova. Dapat sana, iniwasan niya sila kasi masama ang ginagawa nila. Pero nakinig siya sa mga payo nila. At nang ituwid siya ng pinsan niyang si Zacarias, ipinapatay niya ito. (2 Cro. 24:20, 21; Mat. 23:35) Napakasama ng ginawa niya! Maganda ang simula ni Jehoas. Pero nakakalungkot, naging apostata at mamamatay-tao siya. Nang bandang huli, pinatay siya ng sarili niyang mga lingkod. (2 Cro. 24:22-25) Hindi sana nangyari iyon kung patuloy siyang nakinig kay Jehova at sa mga nagmamahal sa Kaniya! w23.09 9 ¶6
Biyernes, Hunyo 13
Huwag ka nang matakot.—Luc. 5:10.
Alam ni Jesus na kayang manatiling tapat ni apostol Pedro. Kaya mabait na sinabi ni Jesus sa kaniya na ‘huwag matakot.’ Dahil sa sinabing ito ni Jesus, nagbago ang buhay ni Pedro. Dumating ang panahon na iniwan niya at ng kapatid niyang si Andres ang negosyo nilang pangingisda para sumama kay Jesus sa ministeryo. Dahil diyan, talagang pinagpala sila ni Jehova. (Mar. 1:16-18) Maraming magagandang karanasan si Pedro bilang tagasunod ni Kristo. Nakita niya na nagpagaling si Jesus ng mga maysakit, nagpalayas ng demonyo, at bumuhay pa nga ng patay. (Mat. 8:14-17; Mar. 5:37, 41, 42) Nakita rin ni Pedro sa pangitain ang magiging papel ni Jesus sa Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Siguradong hindi niya iyon nakalimutan. (Mar. 9:1-8; 2 Ped. 1:16-18) Hindi niya makikita ang mga iyon kung hindi siya sumunod kay Jesus. Siguradong napakasaya ni Pedro na hindi siya nagpadala sa negatibong tingin niya sa sarili niya at na naranasan niya ang lahat ng pagpapalang ito! w23.09 21 ¶4-5
Sabado, Hunyo 14
Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Sinasabi ko sa iyo, hindi hanggang sa pitong ulit, kundi hanggang sa 77 ulit.”—Mat. 18:22.
Sa unang liham ni apostol Pedro, sinabi niya na tutulong ang “masidhing pag-ibig” para mapatawad natin ang “maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) Baka naalala ni Pedro ang aral tungkol sa pagpapatawad na itinuro sa kaniya ni Jesus mga ilang taon bago nito. Baka iniisip ni Pedro noon na mabait na siya kasi handa siyang magpatawad nang “hanggang sa pitong ulit.” Pero itinuro sa kaniya ni Jesus—pati na sa atin—na magpatawad nang “hanggang sa 77 ulit,” ibig sabihin, kahit ilang beses. (Mat. 18:21) Kung nahihirapan kang sundin ito, huwag masiraan ng loob. Lahat ng di-perpektong lingkod ni Jehova, nahihirapang magpatawad kung minsan. Ang mahalaga ngayon, gawin mo ang magagawa mo para mapatawad ang kapatid at makipagpayapaan ka sa kaniya. w23.09 29 ¶12
Linggo, Hunyo 15
Tumawag ako kay Jehova . . . , at sinagot niya ako.—Jon. 2:2.
Nang nasa tiyan ng isda si Jonas, nagtiwala siyang papakinggan ni Jehova ang panalangin niya at na tutulungan siya ni Jehova. Di-nagtagal, iniligtas ni Jehova si Jonas at handa na siyang gawin ang iniatas sa kaniya ni Jehova. (Jon. 2:10–3:4) Kapag may problema ka, masyado ka bang nag-aalala kaya hindi mo masabi nang malinaw ang gusto mong sabihin sa panalangin? O pakiramdam mo ba, masyado ka nang pagod para mag-aral? Tandaan na naiintindihan ni Jehova ang sitwasyon mo. Kaya kahit simple lang ang panalangin mo, makakapagtiwala ka na ibibigay niya kung ano ang kailangan mo. (Efe. 3:20) Kung nahihirapan kang magbasa at mag-aral dahil may sakit ka, pagod, o sobrang nag-aalala, puwede kang makinig sa audio recording ng Bibliya o ng mga publikasyon natin. Puwede ka ring makinig ng kanta o manood ng video na nasa jw.org. Gusto kang mapalakas ni Jehova, at magagawa niya iyon kung mananalangin ka sa kaniya at hahanapin mo ang mga sagot sa Bibliya at sa iba pang inilalaan niya. w23.10 13 ¶6; 14 ¶9
Lunes, Hunyo 16
Nililinaw ng banal na espiritu na ang daan papunta sa banal na lugar ay hindi pa naihahayag habang nakatayo pa ang unang tolda.—Heb. 9:8.
May dalawang silid ang tabernakulo at ang mga templong itinayo noon sa Jerusalem. Ito ang “Banal na Lugar” at ang “Kabanal-banalan.” Isang burdadong kurtina ang nagsisilbing dibisyon ng mga ito. (Heb. 9:2-5; Ex. 26:31-33) Sa loob ng Banal, mayroong gintong kandelero, altar para sa pagsusunog ng insenso, at mesa ng tinapay na pantanghal. Mga “saserdoteng pinahiran” lang ang puwedeng pumasok sa loob ng Banal para maglingkod. (Bil. 3:3, 7, 10) Sa Kabanal-banalan naman, naroon ang gintong kaban ng tipan na lumalarawan sa presensiya ni Jehova. (Ex. 25:21, 22) Mataas na saserdote lang ang puwedeng pumasok sa kurtina papunta sa Kabanal-banalan tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev. 16:2, 17) Pumapasok siya na may dalang dugo ng mga hayop bilang handog para sa mga kasalanan niya at ng buong bayan. Nang bandang huli, nilinaw ni Jehova ang kahulugan ng mga silid sa tabernakulo.—Heb. 9:6, 7. w23.10 27 ¶12
Martes, Hunyo 17
[Magpakita] kayo ng pag-ibig sa isa’t isa.—Juan 15:17.
Sa Salita ng Diyos, paulit-ulit nating makikita ang utos na ibigin ang isa’t isa. (Juan 15:12; Roma 13:8; 1 Tes. 4:9; 1 Ped. 1:22; 1 Juan 4:11) Pero ang pag-ibig ay isang damdamin na nasa puso, at hindi naman kayang basahin ng mga kapatid ang puso natin. Kaya paano nila malalaman na mahal natin sila? Makikita nila iyon sa sinasabi at ginagawa natin. Maraming paraan para maipakita natin sa mga kapatid na mahal natin sila. Ito ang ilang halimbawa: “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zac. 8:16) “Panatilihin ninyo ang kapayapaan sa isa’t isa.” (Mar. 9:50) “Mauna kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.” (Roma 12:10) “Malugod ninyong tanggapin ang isa’t isa.” (Roma 15:7) “Patuloy ninyong . . . patawarin ang isa’t isa.” (Col. 3:13) “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa.” (Gal. 6:2) “Patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa.” (1 Tes. 4:18) “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa.” (1 Tes. 5:11, tlb.) “Ipanalangin ninyo ang isa’t isa.”—Sant. 5:16. w23.11 9 ¶7-8
Miyerkules, Hunyo 18
Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo.—Roma 12:12.
Araw-araw tayong gumagawa ng mga desisyon na kailangan ang matibay na pananampalataya. Halimbawa, nagdedesisyon tayo tungkol sa ating libangan, edukasyon, trabaho, pamilya, at kaibigan. Tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa mga desisyon ko na sigurado akong malapit nang mawala ang sistemang ito at darating na ang bagong sanlibutan? O naiimpluwensiyahan ako ng mga taong hindi naniniwala sa pangako ng Diyos?’ (Mat. 6:19, 20; Luc. 12:16-21) Makakapagdesisyon tayo nang tama kung papatibayin natin ang pananampalataya natin na napakalapit nang dumating ng bagong sanlibutan. Nagkakaroon din tayo ng mga problema na kailangan ang matibay na pananampalataya. Puwede tayong pag-usigin, magkaroon ng malubhang sakit, o makaranas ng iba pang problema na makakasira ng loob natin. Baka sa una, pakiramdam natin, matitiis natin iyon. Pero madalas, nagtatagal ang ganitong mga problema. Kaya kailangan natin ang matibay na pananampalataya para makapagtiis at patuloy na makapaglingkod kay Jehova nang masaya.—1 Ped. 1:6, 7. w23.04 27 ¶4-5
Huwebes, Hunyo 19
Lagi kayong manalangin.—1 Tes. 5:17.
Inaasahan ni Jehova na kikilos tayo ayon sa mga panalangin natin. Halimbawa, baka ipanalangin ng isang brother kay Jehova na tulungan siyang makapagbakasyon sa trabaho para makadalo sa panrehiyong kombensiyon. Paano iyon posibleng sagutin ni Jehova? Baka bigyan niya ang brother ng lakas ng loob na magpaalam sa boss nito. Pero may kailangan pa ring gawin ang brother. Kailangan niyang pumunta sa boss niya para magpaalam. Baka kailangan niyang paulit-ulit na gawin ito. Baka puwede rin siyang makipagpalitan ng iskedyul sa katrabaho niya o baka puwede niyang sabihin na okey lang sa kaniya kung hindi siya susuwelduhan sa bakasyon niya. Inaasahan ni Jehova na paulit-ulit nating ipapanalangin ang mga ipinag-aalala natin. Ipinahiwatig ni Jesus na hindi agad sasagutin ang ilan sa mga ipinapanalangin natin. (Luc. 11:9) Kaya huwag sumuko! Manalangin nang marubdob at paulit-ulit. (Luc. 18:1-7) Kapag ginawa natin iyan, ipinapakita natin kay Jehova na talagang mahalaga sa atin ang ipinapanalangin natin at na nagtitiwala tayong kaya niya tayong tulungan. w23.11 22-23 ¶10-11
Biyernes, Hunyo 20
Hindi mabibigo ang pag-asa natin.—Roma 5:5.
Ipinangako ni Jehova sa kaibigan niyang si Abraham na pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa sa pamamagitan ng supling niya. (Gen. 15:5; 22:18) Dahil matibay ang pananampalataya ni Abraham, kumbinsido siya na matutupad ang pangako ng Diyos. Pero kahit 100 na si Abraham at 90 naman ang asawa niya, wala pa rin silang anak. (Gen. 21:1-7) Sa kabila nito, sinasabi sa Bibliya: “Umasa pa rin [si Abraham] at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa, gaya ng sinabi.” (Roma 4:18) Alam nating nagkatotoo ang inasahan ni Abraham. Matapos ang matagal na paghihintay, naging anak niya si Isaac. Bakit malaki ang tiwala ni Abraham kay Jehova? Dahil malapít si Abraham kay Jehova, “lubusan siyang kumbinsido na kaya Niyang gawin ang ipinangako Niya.” (Roma 4:21) Sinang-ayunan ni Jehova si Abraham at itinuring siyang matuwid dahil sa pananampalataya niya.—Sant. 2:23. w23.12 8 ¶1-2
Sabado, Hunyo 21
Ang taong tapat sa pinakamaliit na bagay ay tapat din sa maraming bagay, at ang taong di-matuwid sa pinakamaliit na bagay ay hindi rin matuwid sa maraming bagay.—Luc. 16:10.
Ginagampanang mabuti ng isang maaasahang brother ang lahat ng responsibilidad niya. Pag-isipan ang perpektong halimbawa ni Jesus. Kahit kailan, hindi siya naging iresponsable. Ginampanan niya ang lahat ng atas na ibinigay ni Jehova sa kaniya, kahit mahirap ito. Mahal niya ang mga tao—lalo na ang mga alagad niya—at handa pa nga niyang ibigay ang buhay niya para sa kanila. (Juan 13:1) Gaya ni Jesus, sikapin mong gampanan ang lahat ng atas na ibinigay sa iyo. Kung hindi ka sigurado kung paano gagampanan iyon, maging mapagpakumbaba at humingi ng tulong sa mga may-gulang na brother. Huwag makontento na basta masabing may nagagawa ka kahit paano. (Roma 12:11) Tapusin mo ang atas mo. ‘Gawin mo ito para kay Jehova, at hindi sa mga tao.’ (Col. 3:23) Siyempre, hindi ka perpekto, kaya maging mapagpakumbaba at tanggapin ang mga pagkakamali mo.—Kaw. 11:2. w23.12 26 ¶8
Linggo, Hunyo 22
Pinagpala ang taong kay Jehova nagtitiwala.—Jer. 17:7.
Masaya tayo nang mabautismuhan tayo at maging bahagi ng pamilya ni Jehova. Isang karangalan sa atin na maging malapít sa kaniya. Sang-ayon tayo sa sinabi ng salmistang si David kay Jehova: “Maligaya ang pinipili at pinalalapit mo para tumira sa iyong mga looban.” (Awit 65:4) Sino ang mga pinapalapit ni Jehova sa looban niya? Lumalapit siya sa mga lumalapit sa kaniya. (Sant. 4:8) Kapag nag-alay ka kay Jehova at nagpabautismo, siguradong ‘ibubuhos niya sa iyo ang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ (Mal. 3:10; Jer. 17:8) Simula pa lang ang bautismo. Gusto mong gawin ang buong makakaya mo para matupad ang panata mo sa pag-aalay, kahit pa mapaharap ka sa mga tukso o problema. (Ecles. 5:4, 5) Dahil alagad ka ni Jesus, gusto mo ring sundan ang halimbawa niya at sundin ang mga utos niya.—Mat. 28:19, 20; 1 Ped. 2:21. w24.03 8 ¶1-3
Lunes, Hunyo 23
Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae.—Gen. 2:24.
Paano kung hindi kayo nag-e-enjoy kapag magkasama kayo? Ano ang puwede ninyong gawin? Isipin ang bonfire. Nagsisimula ito sa maliit na apoy. Sa umpisa, maliliit na piraso lang ng kahoy ang ipinanggagatong natin dito. Pagkatapos, unti-unti nating nilalakihan ang panggatong para lumaki rin ang apoy. Kaya subukan muna ninyong maglaan ng kahit kaunting panahon sa isa’t isa araw-araw. Siguraduhing pareho kayong mag-e-enjoy. (Sant. 3:18) Kahit sa simpleng paraan lang, maibabalik ninyo ang saya sa inyong pagsasama. Mahalagang igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. Ang paggalang ay gaya ng oxygen. Kung wala nito, mamamatay ang apoy ng bonfire. Kung wala ring paggalang ang mag-asawa sa isa’t isa, posibleng manlamig ang pag-ibig nila. Pero kung may paggalang sila, mananatiling buháy ang pag-ibig nila. Baka iniisip mo na iginagalang mo naman ang asawa mo. Pero nararamdaman ba niya iyon? w23.05 22 ¶9; 23-24 ¶14-15
Martes, Hunyo 24
Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.—Awit 94:19.
Sa Bibliya, may mga pagkakataong natakot din ang tapat na mga lingkod ng Diyos dahil sa mga kaaway o iba pang problema. (Awit 18:4; 55:1, 5) Baka sinasalansang tayo ng mga kaeskuwela, katrabaho, o kapamilya natin o ng mga nasa gobyerno. Kung may malubha tayong sakit, baka natatakot din tayong mamatay. Sa ganiyang mga sitwasyon, baka para tayong maliit na bata na takot na takot. Paano tayo tinutulungan ni Jehova? Pinapalakas niya ang loob natin—pinapayapa niya ang kalooban natin at pinapaginhawa tayo. Kaya regular na makipag-usap kay Jehova—manalangin at basahin ang Salita niya. (Awit 77:1, 12-14) Kung gagawin mo iyan, ang una mong maiisip kapag nai-stress ka ay lumapit sa iyong Ama sa langit. Sabihin mo kay Jehova ang mga ikinakatakot at problema mo. Pakinggan mo ang mga pampatibay-loob niya sa iyo mula sa Kasulatan.—Awit 119:28. w24.01 24-25 ¶14-16
Miyerkules, Hunyo 25
Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo.—Fil. 2:13.
Mahalaga na pursigido kang abutin ang goal mo, kasi tutulong iyon para talagang magsikap ka. Kapag talagang pursigido tayo, malamang na mas maabot natin ang mga goal natin. Kaya ano ang puwede mong gawin para maging mas pursigido kang abutin ang goal mo? Manalangin. Puwede kang tulungan ng espiritu ni Jehova na magkaroon ng kagustuhang maabot ang goal mo. Kung minsan, nagtatakda tayo ng goal kasi alam nating kailangan, at maganda naman iyon. Pero baka hindi naman talaga tayo pursigidong abutin iyon. Pag-isipan ang mga ginawa ni Jehova para sa iyo. (Awit 143:5) Pinag-isipan ni apostol Pablo ang walang-kapantay na kabaitan ni Jehova sa kaniya. Nakatulong ito para lalo niyang gawin ang lahat para kay Jehova. (1 Cor. 15:9, 10; 1 Tim. 1:12-14) Kaya kung lagi mo ring pag-iisipan ang mga ginawa ni Jehova para sa iyo, magiging mas pursigido ka ring abutin ang goal mo.—Awit 116:12. w23.05 27 ¶3-5
Huwebes, Hunyo 26
Purihin ang pangalan ni Jehova.—Awit 113:1.
Napapasaya natin ang ating Ama sa langit kapag pinupuri natin ang pangalan niya. (Awit 119:108) Ibig bang sabihin nito, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay gaya ng di-perpektong mga tao na gustong-gustong mapuri para maramdaman nilang mahalaga sila? Hindi. Kapag pinupuri natin ang ating Ama sa langit, nakakatulong tayo para mapatunayang mali ang kasinungalingang sinabi ni Satanas tungkol sa atin. Sinabi niya na walang tao ang makakapanatiling tapat sa Diyos kapag nakaranas ng pagsubok. Sinabi rin niya na susuwayin natin ang Diyos kung sa tingin natin, mas makikinabang tayo doon. (Job 1:9-11; 2:4) Pero nakapanatiling tapat si Job at pinatunayan niyang sinungaling si Satanas. Matutularan mo ba si Job? May pribilehiyo ang bawat isa sa atin na ipagtanggol ang ating Ama at pasayahin siya sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa kaniya. (Kaw. 27:11) Napakagandang pribilehiyo niyan! w24.02 8-9 ¶3-5
Biyernes, Hunyo 27
Manampalataya kayo sa mga propeta niya, at magtatagumpay kayo.—2 Cro. 20:20.
Pagkatapos nina Moises at Josue, nag-atas si Jehova ng mga hukom na papatnubay sa bayan niya. Noong panahon naman ng mga hari, inatasan ni Jehova ang mga propeta para patnubayan ang bayan niya. Sumunod ang tapat na mga hari sa payo ng mga propetang ito. Halimbawa, tinanggap ni Haring David ang pagtutuwid ni propeta Natan. (2 Sam. 12:7, 13; 1 Cro. 17:3, 4) Sumunod si Haring Jehosapat sa patnubay ni propeta Jahaziel, at sinabi niya sa mga taga-Juda na ‘manampalataya sila sa mga propeta ng Diyos.’ (2 Cro. 20:14, 15) Nang magkaroon ng problema si Haring Hezekias, nagpatulong siya kay propeta Isaias. (Isa. 37:1-6) Kapag sinusunod ng mga hari ang patnubay ni Jehova, pinagpapala at pinoprotektahan ni Jehova ang bayan niya. (2 Cro. 20:29, 30; 32:22) Malinaw na ginagamit ni Jehova ang mga propeta niya para patnubayan ang kaniyang bayan. w24.02 21 ¶8
Sabado, Hunyo 28
Huwag kayong makisali sa kanila.—Efe. 5:7.
Gusto ni Satanas na lagi tayong sumama sa mga taong hindi sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova para magaya natin sila. Tandaan na hindi lang ito tumutukoy sa mga nakakasama natin nang personal. Kasama rin dito ang mga nakaka-interact natin sa social media. Kahit katanggap-tanggap ngayon sa mundo ang imoral na mga paggawi, dapat nating labanan ang ganitong kaisipan kasi alam nating mali ito. (Efe. 4:19, 20) Tanungin ang sarili: ‘Iniiwasan ko ba ang di-kinakailangang pakikisama sa mga katrabaho, kaklase, o iba pa na hindi gumagalang sa pamantayan ni Jehova? Sinusunod ko pa rin ba ang pamantayan niya kahit hinuhusgahan ako ng iba?’ Dapat din tayong mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan sa loob ng kongregasyon, gaya ng ipinapahiwatig sa 2 Timoteo 2:20-22. Tandaan na baka may ilan na hindi makakatulong sa atin na makapanatiling tapat kay Jehova. w24.03 22-23 ¶11-12
Linggo, Hunyo 29
Si Jehova ay napakamapagmahal.—Sant. 5:11.
Ano ang nai-imagine mo kay Jehova? Hindi natin nakikita si Jehova, pero inilalarawan siya ng Bibliya sa iba’t ibang paraan. Tinawag si Jehova na “araw at kalasag” at “isang apoy na tumutupok.” (Awit 84:11; Heb. 12:29) Itinulad ang presensiya niya sa isang batong safiro at sa isang nagniningning na metal at bahaghari. (Ezek. 1:26-28) Dahil hindi natin nakikita si Jehova, baka mahirapan tayong maniwala na mahal niya tayo. Baka iniisip natin na hindi tayo kayang mahalin ni Jehova dahil sa di-magagandang nangyari sa buhay natin. Naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman natin at ang epekto nito sa atin. Para makilala natin siya, ginamit niya ang Bibliya para ipaalam sa atin na napakamapagmahal niya. Paano mo ilalarawan si Jehova sa isang salita? Pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay dahil sa pag-ibig. Napakamapagmahal niya kaya nagpapakita siya ng pag-ibig kahit sa mga hindi nagmamahal sa kaniya.—Mat. 5:44, 45. w24.01 26 ¶1-3
Lunes, Hunyo 30
Nagsasalita siya sa kanila mula sa haliging ulap.—Awit 99:7.
Inatasan ni Jehova si Moises na ilabas ang mga Israelita sa Ehipto, at para patunayan ito gumamit Siya ng haliging ulap kapag araw at haliging apoy kapag gabi. (Ex. 13:21) Sinundan ni Moises ang haliging ito, at dinala sila nito sa Dagat na Pula. Pero nang malapit na silang maabutan ng mga sundalong Ehipsiyo, akala nila, mamamatay na sila. Talagang natakot sila! Pero sinadya talaga ni Jehova na dalhin sila doon ni Moises. (Ex. 14:2) At iniligtas ni Jehova ang mga Israelita sa kamangha-manghang paraan. (Ex. 14:26-28) Sa loob ng 40 taon, patuloy na sinundan ni Moises ang haliging ulap para patnubayan ang bayan ng Diyos sa ilang. (Ex. 33:7, 9, 10) Mula sa haliging ito, kinakausap ni Jehova si Moises, at sinasabi naman ni Moises sa bayan ang mga tagubilin ni Jehova. Kitang-kita ng mga Israelita na ginagamit ni Jehova si Moises para patnubayan sila. w24.02 21 ¶4-5