Pinag-usig Dahil sa Pagsasabi ng Katotohanan
ANG mga Saksi ni Jehova ay hindi sumusuporta sa mga paniwala at gawain ni Kimbilikiti, sapagkat ang mga ito ay labag sa mga simulain ng Kasulatan. Ang mga Saksi ay pinalaya na ng katotohanan na nasa Salita ng Diyos ang Bibliya. (Juan 8:31, 32) Kung gayon, sila’y tumatanggi na tuliin ang kanilang mga anak ayon sa mga ritwal ni Kimbilikiti. Ang mga Saksi ay tumatanggi ring magbigay ng pagkain, salapi, o mga kalakal na hinihiling kung mga panahon ng ritwal, at ang kanilang mga babae ay hindi sumasali sa sapilitang mga pangingisda na isinaayos ukol sa ganoon ding layunin.
Kapuna-puna, may kaugnayan sa pagpatay sa mga Saksing binanggit na, sa kaniyang rekomendasyon sa hukuman ay sinabi ng tagausig na abogado ng estado: ‘May mga Warenga na noong nakaraa’y nakikibahagi sa mga ritwal ng Kimbilikiti at nakakaalam ng mga lihim nito subalit ngayo’y kasama na ng mga Saksi ni Jehova. Kanilang isiniwalat ang mga lihim, lalo na yaong may kinalaman sa espiritung tinatawag na Kimbilikiti na ayon sa kanila’y hindi naman talagang umiiral. Kaya kanilang ibinunyag ang pandaraya tungkol sa mga handog na sinasabing hinihingi ng nasabing espiritu na, ayon sa mga Saksi ni Jehova, ito raw ay isang panlilinlang lamang na isinaayos ng matatandang lalaki na nangangasiwa sa mga seremonya.’
Pagka tinanggap ng mga taong dating nasa tribo ng Rega ang mga turo ng Bibliya, ang pamahiin at pagkatakot sa kamatayan ay nahahalinhan ng katotohanan at ng pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Ang mga pag-insulto sa mga ina, asawang babae, at mga kapatid na babae ay hinahalinhan ng paggalang sa mga babae.—Efeso 5:21–6:4; 1 Timoteo 5:1, 2.
Totoong ibang-iba naman, ang maraming mga relihiyon at misyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagpapahintulot sa kanilang mga miyembro na sumunod sa relihiyon ng tribo samantalang nagkukunwaring Kristiyano. Sa katunayan, maraming mga saserdote o mga pari at matataas na pari ng Kimbilikiti ang itinuturing na tapat at iginagalang na mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon. Anong pagkalayu-layo sa iginawi ni apostol Pablo! Siya’y sumulat: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? . . . At anong pakikiisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?”—2 Corinto 6:14-16.
Malimit, yaong mga may matalik na kaugnayan sa Kimbilikiti at sa mga umiiral na relihiyon ang umuusig sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga mananalansang na ito ay katulad na katulad ng mga manggagawa ng idolo sa sinaunang Efeso. Kanilang nakita na nanganganib ang kanilang hanapbuhay dahilan sa pangangaral doon ni Pablo, na nagpapatunay na ‘ang mga ginawa ng mga kamay ay hindi mga diyos.’ (Gawa 19:23-28) Ang ganiyan ding simulain ang kumakapit sa katotohanan na hindi nga umiiral ang espiritung Kimbilikiti.
Nadarama ng mga Saksi ni Jehova ang obligasyon na ipamalita ang gayong mga katotohanan. Mangyari pa, dahilan sa pagsasalita ng katotohanan, sila ay dumaranas ng pag-uusig kung minsan. Subalit ano ang maaaring matutuhan buhat sa kanilang tapat na pagtitiis?