Ang Kahulugan ng mga Balita
Mapag-imbot na Motibo
Kapagdaka nang mapasa-kapangyarihan noong 1933, ang Nazi lider na si Adolf Hitler ay nakipag-ayos ng isang kasunduan sa Iglesiya Katolika. Ang kasunduang ito ay nagbigay kay Hitler ng karapatang mag-veto ng nominasyon ng mga obispong Aleman kapalit ng ilang mga pribilehiyong ipinagkaloob sa simbahan. Subalit alin sa dalawang partido ang makikinabang nang pinakamalaki? Isang bagong ensayklopediang Katolikong Pranses ang nagbibigay ng isang tuwirang sagot sa tanong na ito.
“Si Papa Pio XI mismo . . . ang may turing na lubusang kailangan na siguruhin ang kaligtasan ng simbahang Aleman sa pamamagitan ng isang kasunduan. Ito’y ginawa noong pagitan ng Abril at Hulyo 1933. Bagaman pormalang pabor sa Iglesiya Katolika, ang kasunduang ito ay aktuwal na isang tagumpay para kay Hitler, yamang nagkaloob ito ng pagkilala sa kaniyang rehimen. Isa pa, palibhasa’y patuloy na nilalabag iyon ni Hitler, ang papa ay inakusahan na kaniyang pinakakalma ang mga budhing Katoliko at dinidisarmahan ang mga obispo sa pamamagitan ng paggawa ng isang may kamangmangang pakikipagkasunduan.”
Sa ngayon, lalo na sa Pransya at sa Alemanya, ang Iglesiya Katolika ay hayagang pinipintasan sa mga pakikipagkompromiso ng kaniyang hierarkiya noong panahon ng rehimeng Nazi. Ang mga suliraning ito ay lumilitaw pagka ang mga lider ng simbahan ay hindi nakikinig sa mga salita at halimbawa ni Jesu-Kristo, na nagsabi ng kaniyang tunay na mga tagasunod: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Totoo, ang gayong pakikipagkompromiso ng mga lider ng simbahan ay nagdala sa kanila ng pabor ng mga pulitiko, subalit ano ba ang nagawa nito sa kanilang kaugnayan sa Diyos? Nang sumulat sa mga kapuwa Kristiyano, ang alagad ni Jesus na si Santiago ay nagbabala: “Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos.”—Santiago 4:4.
Mga Natatalo sa Loterya
Mga 14 na milyon sa isa ang tsansa na ikaw ay manalo sa loterya. Gayunman, milyun-milyong mga tao ang regular na tumataya sa mga loteryang taguyod ng gobyerno, ang pag-uulat ng The Globe and Mail, isang pahayagan sa Canada. Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga loterya ay walang maipang-aakit maliban sa pag-asang manalo ka ng jackpot, na kadalasan ginagatungan ng pag-aanunsiyo na nakatutok “sa premyo at sa panganib ng hindi pagbili ng isang tiket.” Yamang ang layunin ng loterya ay magtubo at magkaroon lamang ng iilang nananalo, ang mga sponsor ay gumagawa ng araw-araw na panghihikayat sa “pag-asang makaakit ng mga naging bisyo na ang bumili.”
Ito ba’y epektibo? Oo! Sa pag-uulat sa magasing American Health tungkol sa pagdami ng nagsusugal na tinedyer, binanggit ni Dr. Durand Jacobs ang mga loterya bilang isang tagapagpakilala sa kanila sa pagsusugal “sapagkat ang mga ito’y mura, madaling gawin at itinataguyod bilang okay.” Kaniyang isinusog: “Ang loterya ang siyang Pied Piper na umaakay sa mga bagong sibol tungo sa iba pang anyo ng seryosong pagsusugal.” Isang autoridad sa Canada sa pusakal na pagsusugal ang nagsasabi: “Sinuman ang magsasabi sa iyo na ang mga loterya’y hindi sugal ay kumikilos nang may kahangalan o kundi man ay hangal sila. . . . Tayo’y gumagasta ng daan-daang libong dolyar sa mga loterya sa pag-asang manalo ng anuman. Ito ay pagsusugal.”
Ang loterya’y umaakay sa isa sa pag-ibig sa salapi. Si Dr. Marvin Steinberg, pangulo ng Connecticut Council on Compulsive Gambling, ay nakapansin sa problema tungkol sa mga manunugal na tinedyer na gumagamit ng kanilang perang ibibili ng pananghalian, nagnanakaw ng salapi, at nang-uumit pa man din sa mga tindahan upang masuportahan ang kanilang bisyo ng pagsusugal. Totoong-totoo nga naman ang mga salita ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay . . . tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:9, 10.