Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 12/15 p. 4-8
  • Pasko—Bakit Pati sa Silangan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pasko—Bakit Pati sa Silangan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bahagi na Pagbibigayan ng Regalo
  • Ang Pinagmulan ng Pasko
  • Makakasulatang Malalim na Pagkaunawa sa Pasko
  • Ang Pasko—Bakit Totoong Popular sa Hapón?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Dapat Mo Bang Ipagdiwang ang Pasko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Pasko—Ito Ba’y Maka-Kristiyano?
    Gumising!—1988
  • Ano ang Nangyari sa Tradisyunal na Pasko?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 12/15 p. 4-8

Pasko​—Bakit Pati sa Silangan?

ISANG matandang paniniwala sa Silangan ang nagpapagunita tungkol kay Santa Klaus ng Pasko. Iyan ang paniniwalang Koreano sa isa na nagngangalang Chowangshin, at may nakakahawig din ito na masusumpungan sa mga Tsino at Haponés.

Si Chowangshin ay itinuturing na isang diyos na nangangasiwa sa kusina, isang diyos ng apoy na nauugnay sa sinaunang pagsamba sa apoy ng mga Koreano. (Noong unang panahon, maingat na inihahatid ng mga Koreano ang nagbabagang mga uling, anupat tinitiyak na hindi ito kailanman mamamatay.) Ang diyos na ito’y pinaniniwalaang nagbabantay sa paggawi ng mga miyembro ng pamilya sa loob ng isang taon, pagkatapos nito’y umaakyat siya sa langit sa pamamagitan ng kalan sa kusina at tsiminea.

Nag-uulat daw si Chowangshin sa hari ng langit sa ika-23 ng lunar na buwan ng Disyembre. Siya’y inaasahang bumalik sa katapusan ng taon sa pamamagitan ng tsiminea at ng kalan, na nagdadala ng mga gantimpala at mga parusa ayon sa paggawi ng bawat isa. Sa araw ng kaniyang pagbabalik, ang mga miyembro ng pamilya ay dapat magsindi ng mga kandila sa kusina o sa ibang dako sa bahay. Nahahawig din kay Santa Klaus ang mga larawan ng diyos na ito ng kusina​—siya’y inilalarawan na nakapula! Kaugalian na para sa mga manugang na babae na gumawa ng isang pares ng tradisyunal na Koreanong medyas at ibigay ito sa kanilang biyenang babae sa winter solstice. Iyan ay nilayon upang sumagisag sa kaniyang hangarin na magkaroon ng mahabang buhay ang kaniyang biyenang babae, yamang mas mahaba ang mga araw pagkatapos ng petsang iyon.

Hindi mo ba nakikita ang mga pagkakahawig sa pagitan ng nabanggit na mga punto at ng Pasko? Mayroon silang magkatulad na mga kuwento at kaugalian: ang tsiminea, mga kandila, pagbibigay ng regalo, mga medyas, isang matandang lalaki na nakasuot ng pula, at ang petsa. Gayunman, ang basta pagkakahawig lamang ay hindi siyang dahilan kung bakit agad na tinanggap ang Pasko sa Korea. Ang paniniwala kay Chowangshin ay halos naglaho na nang unang ipakilala ang Pasko sa Korea. Sa katunayan, hindi alam ng karamihan ng mga Koreano ngayon na nagkaroon kailanman ng gayong paniniwala.

Gayunman, ipinakikita nito kung paanong ang mga kaugaliang nauugnay sa winter solstice at sa katapusan ng taon ay lumaganap sa buong daigdig sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Noong ikaapat na siglo C.E., binago ng umiiral na simbahan sa Imperyong Romano ang pangalan ng Saturnalia, ang paganong kapistahang Romano ng kapanganakan ng diyos na araw, at ginawa itong bahagi ng Pasko. Ang pagdiriwang ng Pasko ay katumbas ng pagpapanumbalik ng lokal na mga kaugalian na may ibang pangalan. Paano nangyari ito?

Ang Bahagi na Pagbibigayan ng Regalo

Ang pagbibigayan ng regalo ay isang kaugalian na hindi kailanman naglaho. Sa loob ng mahabang panahon, nakasumpong ng labis na kagalakan ang mga Koreano sa pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo. Ito ang isang dahilan upang maging popular ang pagdiriwang ng Pasko sa Korea.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, para sa mga sundalo ng Estados Unidos na nakadestino sa Korea na nagnanais na sila’y mapamahal sa mga tao, ang mga simbahan ay mga dako upang magtipon at mamahagi ng mga regalo at tulong. Nangyayari ito lalo na kung Araw ng Pasko. Maraming bata ang nagpupunta sa mga simbahan dahil sa pag-uusyoso, at doon sila unang tumanggap ng mga regalong tsokolate. Gaya ng mauunawaan mo, pinanabikan ng marami sa kanila ang susunod na Pasko.

Para sa mga batang iyon, si Santa Klaus ay isang sundalong Amerikano na may gorang pula. Ang Kawikaan 19:6 ay nagsasabi: “Ang lahat ay kasamahan ng taong nagbibigay ng mga kaloob.” Oo, ang pagbibigayan ng regalo ay napatunayang napakabisa. Subalit gaya ng mahihinuha mo sa talatang ito, ang gayong mga regalo ay hindi gumarantiya ng isang namamalaging pagkakaibigan. Kahit na sa Korea, marami yaong ang tanging naaalaala tungkol sa simbahan ay ang tsokolateng natikman nila noong kanilang kabataan. Subalit, hindi nakalimutan ang Pasko. Kasabay ng mabilis na pag-unlad ng ekonomiya sa Korea, lumago ang komersiyalismo, at ang pagbibigayan ng regalo kung Pasko ay isang payak na paraan upang pasiglahin ang paggasta ng mga mamimili. Sinamantala ng mga negosyo ang Pasko upang palakihin ang kita.

Nagbibigay ito sa iyo ng malalim na unawa may kinalaman sa Pasko sa Silangan ngayon. Pinupuntirya ang kasagsagan ng pamimili sa Pasko, mga bagong produkto ang ginagawa. Ang mga plano para sa pag-aanunsiyo ay nagsisimula sa kalagitnaan ng tag-araw. Pinakamalakas ang benta sa pagtatapos ng taon, dahil sa lahat ng pagbili ng mga regalo, kard, at mga rekording sa musika may kinalaman sa Pasko. Aba, ipinadarama ng mga anunsiyo sa karaniwang kabataan na siya’y kaawa-awa kung mananatili siya sa bahay at hindi tatanggap ng anumang regalo sa Bisperas ng Pasko!

Habang papalapit ang Araw ng Pasko, ang mga tindahan at mga shopping mall sa Seoul ay punung-puno ng mga tao na naroon upang bumili ng mga regalo, at gayundin ang nangyayari sa iba pang lunsod sa Silangan. Siksikan ang trapiko. Dinaragsa ng mga parokyano ang mga otel, distrito ng kalakal, restawran, at mga nightclub. Maririnig ang maiingay na pagsasaya​—malalakas na awitan. Sa Bisperas ng Pasko, makikita ang lasing na mga lalaki’t babae na naglalakad sa mga lansangan na doo’y nagkalat ang basura.

Gayon nga ito. Ang Pasko sa Silangan ay hindi na isang kapistahan na pinangungunahan ng nag-aangking mga Kristiyano. Maliwanag, sa Korea at gayundin sa iba pang lugar, ang komersiyalismo ay lubhang nakinabang sa kapistahang ito ng Sangkakristiyanuhan. Kung gayon, ang komersiyalismo ba lamang ang dapat sisihin sa isang Pasko na lubhang naging salungat sa espiritu ni Kristo? Dapat suriing mabuti ng tunay na mga Kristiyano ang seryosong isyu na nasasangkot.

Ang Pinagmulan ng Pasko

Ang isang mabangis na hayop na inilipat sa loob ng isang kulungan sa isang zoo ay hayop pa rin. At isang malaking pagkakamali na maniwalang napaamo na ito dahil lamang sa ito’y nakakulong sa loob ng ilang panahon at waring nasisiyahan na kasama ng kaniyang mga anak. Maaaring nakarinig ka na ng mga ulat tungkol sa mga nagtatrabaho sa zoo na sinalakay.

Sa ilang paraan ay gayundin ang masasabi natin tungkol sa pagdiriwang ng Pasko. Sa simula, ito ay isang “hayop” na namumuhay sa labas ng Kristiyanismo. Sa ilalim ng subtitulong “Kaugnayan sa Saturnalia ng Roma,” ganito ang sabi ng The Christian Encyclopedia (sa Koreano)a tungkol sa Pasko:

“Ang paganong Saturnalia at Brumalia ay lubhang malalim ang pagkakaugat sa popular na kaugalian upang isaisang-tabi ng impluwensiyang Kristiyano. Ang pagkilala ni emperador Constantino sa Linggo (ang araw ni Phoebus at Mithras gayundin ang Araw ng Panginoon) . . . ay umakay sa mga Kristiyano noong ikaapat na siglo na ipalagay na naaangkop na itapat ang kapanganakan ng Anak ng Diyos sa kapanganakan ng literal na araw. Napakapopular ng paganong kapistahan pati na ang walang-habas na pag-iingay at pagsasaya nito anupat malugod na tinanggap ito ng mga Kristiyano na isang dahilan upang ipagpatuloy ang pagdiriwang na ito na may kaunting pagbabago sa saloobin o sa pamamaraan.”

Iniisip mo bang maaaring mangyari ang gayong pag-unlad nang walang anumang pagsalansang? Ang ensayklopidiya ring iyon ay nagsabi: “Tinutulan ng mga Kristiyanong mangangaral sa Kanluran at sa Malapit na Silangan ang di-nararapat na kasayahan sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo, samantalang pinaratangan naman ng mga Kristiyano sa Mesopotamia ang kanilang mga kapatid sa Kanluran ng idolatriya at pagsamba sa araw dahil sa pag-aangkin sa paganong kapistahan na ito bilang Kristiyano.” Ang totoo, may mali na sa pasimula pa lamang. “Gayunman ay mabilis na tinanggap ang kapistahan at sa wakas ay lubhang matibay na naitatag anupat hindi ito naalis kahit noong rebolusyong Protestante ng ikalabing-anim na siglo,” sabi ng ensayklopidiya.

Oo, isang kapistahan ng diyos na araw, na hindi bahagi ng Kristiyanismo, ang pinagtibay ng umiiral na simbahan. Nagkaroon ito ng ibang pangalan​—gayunman ay nanatili ang paganong katangian nito. At nakatulong ito upang maipasok ang paganismo sa mga simbahang Kristiyano lamang sa pangalan at mahawahan ang espirituwalidad ng mga indibiduwal. Pinatutunayan ng kasaysayan na habang umuunlad ang Sangkakristiyanuhan, ang dating saloobin na “ibigin ang iyong mga kaaway” ay nahalinhan ng pagsamâ ng moral at ng mararahas na digmaan.

Nang maglaon, naging maliwanag na sa kabila ng huwad na pangalan nito, masasalamin sa Pasko ang paganong pinagmulan nito sa pamamagitan ng maingay na pagsasaya, labis na pag-iinuman, pagsasaya, pagsasayaw, pagbibigayan ng regalo, at paggagayak sa mga bahay ng mga evergreen. Upang maabot ang sukdulang tunguhin ng komersiyalismo​—mas maraming benta​—sinasamantala ang Pasko sa lahat ng posibleng paraan. Pinupuri ito ng mass media; ang publiko ay basta nalilibang. Sa kabayanan ng Seoul, isang tindahan na nagtitinda lamang ng mga kasuutang panloob ang napabalita sa telebisyon dahil sa pagdidispley sa eskaparate nito ng isang Krismas tri na napapalamutian lamang ng mga kasuutang panloob. Kapansin-pansin ang kapaligiran ng Pasko, subalit hindi nakikita ang anumang palatandaan ng pagtanggap kay Kristo.

Makakasulatang Malalim na Pagkaunawa sa Pasko

Ano ang matututuhan natin mula sa makasaysayang pinagmulan at pag-unlad na ito? Kung ang isang kamisadentro o blusa ay hindi pantay ang pagkakabutones mula sa simula, ang tanging paraan upang maiwasto ang kalagayan ay magsimulang muli. Hindi ba’t totoo iyan? Sa kabila ng katotohanang ito, nangangatuwiran ang ilan na sa kabila ng paganong pinagmulan nito na pagsamba sa araw, ang Pasko ay tinanggap na ng Sangkakristiyanuhan. Kaya ipinalalagay nilang ang kapistahan ay napagtitibay na bilang ang kapanganakan ni Kristo at nalipos ng bagong kahulugan.

Matututo tayo ng isang mahalagang aral mula sa isang makasaysayang pangyayari na naganap sa sinaunang Juda. Noong 612 B.C.E., ipinakilala ng mga Judeano ang paganong pagsamba sa araw sa templo sa Jerusalem. Pinabanal ba ang gayong paganong pagsamba dahil sa dinala ito sa dakong itinalaga sa malinis na pagsamba sa Diyos na Jehova? Ang manunulat ng Bibliya na si Ezekiel ay sumulat tungkol sa pagsamba sa araw na isinagawa sa templo sa Jerusalem: “Narito! sa pasukan ng templo ni Jehova, sa pagitan ng beranda at ng altar, may mga dalawampu’t limang lalaki na . . . ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa silangan, at sila ay yumuyukod sa dakong silangan, sa araw. At siya ay nagsabi sa akin: ‘Nakikita mo ba ito, O anak ng tao? Napakagaan bang bagay sa sambahayan ni Juda ang gawin ang mga karima-rimarim na bagay na ginagawa nila rito, na pinupuno nga nila ng karahasan ang lupain at ginagalit nila akong muli, at narito, idinuduldol nila sa aking ilong ang supang?’ ”​—Ezekiel 8:16, 17.

Oo, sa halip na pakabanalin, isinapanganib ng paganong anyong iyon ng pagsamba ang buong templo. Kumalat sa Juda ang mga gawaing ito at naging dahilan ng paglaganap ng karahasan at pagsamâ ng moral sa lupaing iyon. Katulad ito sa Sangkakristiyanuhan, kung saan ang mga gawaing nagmula sa pagsamba sa araw ng Saturnalia ay naging prominente kung Pasko. Kapansin-pansin, mga ilang taon pagkatapos matanggap ni Ezekiel ang pangitaing iyon, naranasan ng Jerusalem ang kahatulan ng Diyos​—dumanas ito ng pagkapuksa sa mga kamay ng mga taga-Babilonya.​—2 Cronica 36:15-20.

Maaaring katawa-tawa sa iyo ang paglalarawan sa batang si Jesus ng isang Koreanong iskolar, na inilahad sa naunang artikulo. Subalit ang katotohanan na palibhasa’y galing sa isang tao na walang tumpak na kaalaman kay Kristo, ang reaksiyon niya ay maipalalagay na makatuwiran. Maaari namang seryosong pag-isipin nito ang mga taong nagdiriwang ng Pasko. Bakit? Sapagkat hindi wastong kinakatawan ng Pasko si Kristo. Sa katunayan, itinatago nito ang tunay niyang katayuan sa ngayon. Hindi na isang sanggol sa sabsaban si Jesus.

Paulit-ulit, itinatampok ng Bibliya na si Jesus ngayon ay Mesiyas na, ang makapangyarihang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 11:15) Handa niyang wakasan ang karalitaan at kahapisan na hindi nakalimutan ng ilang tao kung Kapaskuhan habang nagbibigay sila sa mga institusyon na pangkawanggawa.

Sa totoo, hindi nakatulong ang Pasko sa mga lupain ng Sangkakristiyanuhan ni sa ibang bansa, pati na sa Silangan. Bagkus, inilihis nito ang pansin mula sa tunay na mensaheng Kristiyano tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema. (Mateo 24:14) Inaanyayahan ka naming magtanong sa mga Saksi ni Jehova hinggil sa kung paano darating ang wakas na iyon. At malalaman mo mula sa kanila ang tungkol sa namamalaging mga pagpapala na pagkatapos ay darating sa lupa, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos at ng nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo.​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

a Batay sa The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge.

[Blurb sa pahina 6]

Ang Pasko ay nakatulong upang maipasok ang paganismo sa mga simbahang Kristiyano lamang sa pangalan

[Larawan sa pahina 5]

Maraming bata ang nagpupunta sa mga simbahan dahil sa pag-uusyoso at tumanggap ng mga regalong tsokolate. Pagkatapos ay pinanabikan nila ang susunod na Pasko

[Larawan sa pahina 7]

Bisperas ng Pasko sa kabayanan ng Seoul, Korea

[Larawan sa pahina 8]

Hindi na isang sanggol si Kristo kundi ang makapangyarihang Hari ng Kaharian ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share