Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 12/15 p. 9-13
  • Pagkasumpong ng Tunay na Kapayapaan sa Isang Magulong Lupain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkasumpong ng Tunay na Kapayapaan sa Isang Magulong Lupain
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • “Paglaki Ko, Aanib Ako sa IRA!”
  • Tunay na Isang Proteksiyon ang Pagiging Neutral
  • “Ang mga Baril Ko ang Tanging Proteksiyon Ko”
  • “Hindi Ko Talaga Maintindihan ang mga Nangyayari”
  • “Lagi Kaming Inaakay ng mga Saksi sa Bibliya”
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 12/15 p. 9-13

Pagkasumpong ng Tunay na Kapayapaan sa Isang Magulong Lupain

“Ang nagngangalit na karahasan dahil sa sekta ay lubusan nang sumiklab,” ang sabi ng isang ulat noong 1969. Nangyari iyon nang magsimulang tumindi ang Kaguluhan, ang kasalukuyang yugto ng kaligaligan sa Hilagang Ireland.

NAGING pangkaraniwan na lamang ang karahasan at pagpatay dahil sa sekta habang pinag-iibayo ng mga mamamaslang na Protestante at Katoliko, “ang mababangis na tao sa magkabilang panig” ng alitang pulitikal at panrelihiyon, ang kanilang paghahamok upang mangibabaw sa Ireland. Sapol noon, “mahigit na 3,600 tao ang napatay at libu-libo ang malubhang napinsala sa halos 30 taóng karahasan,” ang ulat ng The Irish Times.

Sabihin pa, hindi ito isang bagong pakikipaghamok. Daan-daang taon na nitong sinasalot ang Ireland. Nitong nagdaang mga taon, ang lubhang nakamamatay na mga epekto nito ay nadama sa Hilagang Ireland, subalit ang mga tao sa buong Ireland ay napinsala dahil sa galit at alitan na nalikha nito.

Sa gayong kalagayan, mahigit na sandaang taon na ngayon, itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na lunas sa mga suliranin na sumalot sa magulong lupaing ito. Ang lunas na iyon ay ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo. (Mateo 6:9, 10) Sa pasimula ng Kaguluhan noong 1969, 876 lamang ang mga Saksi ni Jehova sa Ireland. Ngayon ay lampas na sa 4,500, sa mahigit na 100 kongregasyon. Narito ang ilang karanasan mula sa ilang tumalikod sa pulitikal at tulad-militar na mga gawain.

“Paglaki Ko, Aanib Ako sa IRA!”

Si Michaela ay lumaking isang Katoliko sa Republika ng Ireland. Sa paaralan, tinuruan siya tungkol sa kasaysayan ng Ireland at sa pakikipag-alitan nito sa Britanya daan-daang taon na ang nakalilipas. Noong siya’y bata pa, nagkaroon na siya ng matinding pagkamuhi sa mga Ingles, na sa pangmalas niya ay “mga umaapi sa mga taga-Ireland.” Nang magsampung taon siya, sinabi niya sa kaniyang lola, “Paglaki ko, aanib ako sa IRA!” (Ang Irish Republican Army) “Naaalaala ko pa hanggang ngayon ang pagsampal sa akin,” ang sabi niya. Di-nagtagal ay nalaman niya na ang kaniyang lolo ay naging kasapi pala ng hukbo ng Britanya noong Digmaang Pandaigdig I. Minsan, kinailangang humarang ang kaniyang lola sa harap ng kaniyang lolo upang hindi ito mabaril ng mga miyembro ng IRA.

Gayunman, nang magkaedad na si Michael, ninais niyang makatulong sa kaniyang mga kapuwa Katoliko sa Hilagang Ireland. “Sa wari ko noong panahong iyon,” ang sabi niya, “ang mga IRA lamang ang mga tao na tumutulong sa mga Katoliko sa Hilagang Ireland.” Palibhasa’y pinakikilos ng kaniyang itinuturing na makatarungang layunin, siya ay naging miyembro ng IRA at sinanay sa paggamit ng mga sandata. Tatlo sa kaniyang mga kaibigan ang binaril at napatay ng mga tulad-militar na Protestante sa Hilagang Ireland.

Nang dakong huli ay nabigo si Michael sa kaniyang inaasahan sa tulad-militar na pakikihamok, anupat nabagabag, bilang halimbawa, sa mainitang awayan na namamagitan sa iba’t ibang tulad-militar na mga grupo. Samantalang nakabilanggo dahil sa mga paglabag may kinalaman sa mga gawain ng IRA, nanalangin siya sa Diyos upang tulungan siyang masumpungan ang tunay na daan patungo sa namamalaging kapayapaan at katarungan. Nang maglaon ay dumalaw sa kaniyang tahanan ang mga Saksi ni Jehova. Gayunman, nakahadlang ang mga maling akala niya noon. Ang mga Saksi ay Ingles. Naging mahirap para sa kaniya na makinig dahil sa matinding pagkamuhi. “Hindi ko laging ipinakikita na natutuwa akong makita sila,” ang sabi niya, “subalit nagtiyaga sila sa pagdalaw at pakikipag-usap sa akin, at nagsimula kong makita na wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan sa pulitika at lipunan na sinisikap kong pawiin sa pamamagitan ng pakikipaglaban.”​—Awit 37:10, 11; 72:12-14.

Napaharap sa kagipitan si Michael nang isang gabi ay nakipagkita sa kaniya ang kaniyang kumandante sa IRA, na nagsabi, “May ipagagawa kami sa iyo.” “Nadama ko na kailangan akong magpasiya sa mismong oras na iyon,” ang sabi ni Michael, “kaya huminga ako nang malalim at nagsabi, ‘Ako ay isa nang Saksi ni Jehova ngayon,’ bagaman hindi pa ako bautisado noong panahong iyon. Basta alam ko noon na gusto kong maging isang lingkod ni Jehova.” “Dapat kang isandal sa pader at barilin,” ang sagot ng kumandante. Sa kabila ng banta, tumiwalag si Michael sa IRA. Nakapag-ipon siya ng lakas ng loob na gawin ito dahilan sa hinayaan niyang manuot sa kaniyang isip at puso ang mga salita ni Jehova. “Nang maglaon, inialay rin ng aking asawa at ng ilan sa aking mga anak ang kanilang buhay kay Jehova. Kami ngayon ay may tunay na kapayapaan sa aming puso. At lagi naming pasasalamatan si Jehova sa pagpapahintulot sa amin na malaman ang katotohanan at magkaroon ng bahagi sa pagpapalaganap sa isang mensahe ng kapayapaan sa isang magulong lupain.”​—Awit 34:14; 119:165.

Tunay na Isang Proteksiyon ang Pagiging Neutral

“Lumaki ako sa lalawigan sa County Derry sa Hilagang Ireland,” ang sabi ni Patrick. “Nang ako’y bata pa, wala akong alam kundi ang Kaguluhan. Maliwanag na nakaapekto sa aking pangmalas at pag-iisip ang gayong kapaligiran.” Si Patrick ay nagkaroon ng aktibistang pangmalas bunga ng matinding nasyonalismo at masasamang akala laban sa mga Britano. Nakita niya ang mga relihiyosong tao sa magkabilang panig ng tunggalian sa pulitika na lumalabag sa mga saligang simulaing Kristiyano at sa mga pangunahing simulain ng kagandahang-asal ng tao. Bunga nito, tumalikod siya sa relihiyon, anupat nang dakong huli ay naging isang ateista at isang taimtim na Marxista.​—Ihambing ang Mateo 15:7-9; 23:27, 28.

“Ang unang mga natatandaan ko ay ang mga hunger strike na ginawa ng mga republikanong bilanggo sa Hilaga,” ang sabi ni Patrick. “Matindi ang naging epekto nito sa akin. Naaalaala ko pa na naglalagay ako ng mga bandila ng Ireland at sumusulat ng mga bagay na laban sa mga Britano kung saan-saan. Bagaman 15 taon pa lamang ako, naging bantay ako sa libing ng isa sa nag-hunger strike na namatay sa bilangguan.” Gaya ng marami pang iba na nasangkot sa kaligaligan at kalituhang laganap noon, si Patrick ay nakibahagi sa mga panggugulo at mga pagmamartsa bilang protesta upang makamit ang itinuturing niyang katarungan at pagkakapantay-pantay sa lipunan. Matalik siyang nakipagkaibigan sa maraming labis na makabayan, anupat marami sa mga ito ang ibinilanggo ng mga awtoridad ng Britanya.

“Pagkatapos,” ang sabi ni Patrick, “bunga ng mga kadahilanang pangkabuhayan, gumugol ako ng ilang panahon sa Inglatera. Habang ako’y naroroon, inaresto ng mga Britanong pulis ang isa sa aking mga kaibigan na may misyong magpasabog ng bomba.” Bagaman masidhi pa rin ang pakikiisa ni Patrick sa adhikain ng mga makabayan, nagsimulang magbago ang kaniyang saloobin. Unti-unti niyang nakita na ang kaniyang maling mga akala sa lahat ng mga Ingles ay walang saligan sa pangkalahatan. “Unti-unti ko ring natanto,” ang sabi niya, “na ang mga suliranin ay hindi talaga malulutas kailanman ng tulad-militar na gawain at hindi nito maaalis ang kawalang-katarungan na bumabagabag sa akin. Masyadong marami ang katiwalian at iba pang mga depekto sa mga humahawak sa tulad-militar na mga organisasyon.”​—Eclesiastes 4:1; Jeremias 10:23.

Sa wakas ay nagbalik si Patrick sa Hilagang Ireland. “Nang makauwi ako, ipinakilala ako ng isang kaibigan sa mga Saksi ni Jehova.” Mula sa kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, nagsimulang makita ni Patrick ang tunay na lunas sa alitan at di-pagkakasundo ng tao. Naging mabilis ang kaniyang pagsulong sa espirituwal nang tumagos sa kaniyang isip at puso ang mga simulain sa Bibliya. (Efeso 4:20-24) “Ngayon,” sabi niya, “sa halip na magbalak na pabagsakin ang kasalukuyang kaayusan, nasumpungan ko ang aking sarili na nangangaral ng mensahe ng kapayapaan mula sa Bibliya, kahit na sa mga lugar ng mga loyalista na dati’y hindi ko kailanman pinupuntahan. Sa katunayan, noong panahon na maraming pinapatay sa Belfast dahil sa sekta, ang tanging malayang nakapagpaparoo’t parito sa mga lugar ng loyalista at ng nasyonalista nang walang nasasandatahang sasakyan ay ang mga Saksi ni Jehova.” Tulad ng ibang mga Saksi sa Hilagang Ireland sa panahon ngayon, nasumpungan niya na ang pagiging neutral, gaya ng unang mga Kristiyano noon, ay tunay na isang proteksiyon. (Juan 17:16; 18:36) Ganito ang huling sinabi niya: “Tunay na nakasisiyang makita na sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay maglalaan si Jehova ng tunay na katarungan at kalayaan mula sa pang-aapi para sa lahat ng tao.”​—Isaias 32:1, 16-18.

“Ang mga Baril Ko ang Tanging Proteksiyon Ko”

“Lumaki ako sa kabilang panig ng pulitikal at relihiyosong alitan,” ang sabi ni William. “Ako ay hinubog sa maling mga akala ng mga Protestante at nagkaroon ng matinding pagkamuhi sa anumang bagay tungkol sa Katoliko. Ni hindi ako nagpupunta sa isang tindahang Katoliko hangga’t maaari, at minsan lamang ako dumalaw sa Republika ng Ireland. Nasangkot ako sa iba’t ibang grupo at institusyong Protestante, tulad ng Orange Order​—isang organisasyon na nakatalaga sa pangangalaga sa Protestanteng relihiyon at paraan ng pamumuhay.” Nang siya ay 22, umanib si William sa Ulster Defense Regiment, isang bahagi ng hukbo ng Britanya na kinakalap sa lokal na paraan. Karamihan sa mga miyembro nito ay mga Protestante. Siya ay handang-handang pumatay upang ipagtanggol ang kaniyang kinagisnan. “Nagmay-ari ako ng ilang baril at hindi ako nag-aatubiling gamitin ang mga ito kung kinakailangan. Itinatago ko ang isa sa ilalim ng aking unan kung gabi.”

Subalit nagkaroon ng malaking pagbabago. “Natanto ko na ang mga Saksi ni Jehova ay may kakaibang taglay nang makatrabaho ko ang isa sa kanila sa pagkukumpuni sa isang lumang bahay. Ang katrabaho kong ito ay nakaimpluwensiya nang malaki sa akin. Habang magkasama naming itinatayo ang bahay, nakapagbangon ako sa kaniya ng maraming tanong na bumabagabag sa akin hinggil sa Kaguluhan, relihiyon, at Diyos. Ang kaniyang simple at maliwanag na mga sagot ay nakatulong sa akin na makilala kung sino talaga ang mga Saksi ni Jehova​—isang nagkakaisa, di-marahas at neutral-sa-pulitika na lupon ng mga tao, na kinakikitaan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.”​—Juan 13:34, 35.

Sa loob ng apat na buwang pag-aaral ng Bibliya, tumiwalag na si William sa lahat ng relihiyoso at makapulitikang mga institusyong kaniyang kinaaaniban. “Isa itong malaking pagbabago para sa akin,” ang gunita niya, “dahil kinailangan kong talikdan ang maraming matagal ko nang pinakaiingatang tradisyon.” Gayunman, may darating pang pinakamalaking pagsubok sa kaniya. “Dahil sa situwasyon sa Hilagang Ireland, inakala ko na ang mga baril ko ang tanging proteksiyon ko. Itinuturing ako bilang isang ‘lehitimong puntirya’ ng tulad-militar na mga IRA. Kaya napakahirap na isuko ang mga sandatang ito.” Gayunman, unti-unting binago ng payo ng Bibliya, gaya ng masusumpungan sa Isaias 2:2-4, ang kaniyang pangmalas. Nakita niya na sa dakong huli, si Jehova ang kaniyang tunay na proteksiyon, kung paanong Siya ay nagsilbing proteksiyon para sa mga Kristiyano noong unang siglo. Dahil dito ay isinuko ni William ang kaniyang mga baril.

“Isa sa mga bagay na talagang ikinatutuwa ko,” ang sabi ni William, “ay ang pagkakaroon ko ngayon ng matalik at namamalaging pakikipagkaibigan sa mga tao na dati ay itinuturing kong mortal na mga kaaway. Gayundin, tunay na isang pinagmumulan ng kagalakan ang maihatid ang mensahe ng Bibliya hinggil sa kapayapaan sa mga lugar na dati ay ‘bawal puntahan’ para sa akin. Ang paggunita sa nagawa ng katotohanan sa akin at sa aking pamilya ay nagpapangyari sa akin na magpasalamat nang walang-katapusan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.”

“Hindi Ko Talaga Maintindihan ang mga Nangyayari”

Ganap na magkaiba ang pinagmulan nina Robert at Teresa. “Ako ay galing sa isang pamilyang saradong Protestante,” ang sabi ni Robert. “Ang ilan sa aking mga kamag-anak ay kasangkot sa tulad-militar na mga gawain. Ako mismo ay umanib sa Ulster Defense Regiment ng hukbo ng Britanya sa edad na 19 na taon. Karamihan sa mga panahong iyon ay ginugol ko sa pagpapatrulya sa lugar na tinitirhan nina Teresa. Isang gabi, inalis ako sa regular na pagpapatrulya at binigyan ng ibang atas. Nang gabing iyon, ang Land-Rover na dapat sana’y sinakyan ko ay pinasabog. Dalawang sundalo ang namatay at dalawa pa ang nasugatan.”

Pinag-isipan ni Robert ang kahulugan ng buhay. “Noon pa man ay naniniwala na ako sa Diyos, subalit nang pagmasdan ko ang palibot ng Hilagang Ireland, hindi ko talaga maintindihan ang mga nangyayari. Talagang nanalangin ako sa Diyos. Nagtanong ako sa Diyos kung talagang umiiral siya, at kung umiiral nga siya, ipakita niya sa akin ang tamang paraan ng paggugol sa aking buhay. Natatandaan ko pang sinabi ko sa Diyos na tiyak na may isang tunay na relihiyon!” Pagkaraan lamang ng ilang araw, isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw kay Robert at nag-iwan ng ilang literatura. Nang gabing-gabi na siyang nakauwi mula sa pagpapatrulya nang araw na iyon, sinimulan itong basahin ni Robert at natapos niya ito nang alas singko ng umaga. “Agad kong nakilala ang taginting ng katotohanan,” ang sabi niya, “at nakikita kong ang lahat ay tuwirang nanggagaling sa Bibliya.” (2 Timoteo 3:16) Nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya, at sa loob ng maikling panahon, inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos.

“Lagi Kaming Inaakay ng mga Saksi sa Bibliya”

Sa kabilang panig naman, si Teresa ay may Katolikong pinagmulan, anupat may masidhing damdaming makabayan. “Nang ako’y bata pa, umanib ako sa Sinn Féin.”b Inamin ni Teresa: “Dahil dito ay nasangkot ako sa pagsuporta sa tulad-militar na gawain. Tumulong ako upang mangilak ng pondo para sa pakikipagtunggali ng militar. Ipinababatid ko sa IRA kung ano ang nangyayari sa aming lugar. Nasangkot din ako sa panggugulo at pambabato sa mga nagpapatrulyang pulis at sundalo.”

Nang magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang ilan sa pamilya ni Teresa, napukaw rin ang kaniyang interes. Nakaimpluwensiya sa kaniya nang malaki ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. “Lagi kaming inaakay ng mga Saksi sa Bibliya para makuha ang mga sagot sa mga tanong,” ang sabi niya. “Ang pangako sa Daniel 2:44 ay tunay na nakapagbubukas ng kaisipan. Nalaman ko na ang Kaharian ng Diyos ang tunay na lunas sa pag-aalis sa lahat ng kawalang-katarungan na ipinakikipaglaban ko.” Unti-unti siyang nakadama ng pagkamuhi sa ilang kabuktutan na ginagawa ng tulad-militar na mga grupo. Halimbawa, hindi maintindihan ni Teresa kung bakit ang isa na nakadarama ng habag at may magandang asal ay matutuwa sa balita tungkol sa ginawa ng mga terorista na doo’y napatay o napinsala ang mga sundalo o ang iba pa at ang mga pamilya ay lumung-lumo sa pamimighati at pagdadalamhati. Siya man ay tumugon sa katotohanan ng Bibliya at hinayaan niyang baguhin ng mga simulain ng Diyos ang kaniyang pag-iisip. Inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos at di-nagtagal ay nabautismuhan.​—Kawikaan 2:1-5, 10-14.

Nakilala ni Teresa si Robert nang kapuwa sila dumalo sa mga pulong sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Hilagang Ireland. Ganito ang sabi niya: “Nang una kong makilala si Robert, hindi ako makapaniwalang nakikipag-usap ako nang napakahinahon at payapang-payapa sa isa na, kung hindi nitong huli, ay baka ituring kong bahagi ng kaayusan ng Britanya sa pakikidigma. Tunay na tinulungan ako ng Salita ng Diyos na maalis ang malalim na pagkakaugat ng poot at maling mga akala.” Nasumpungan nila ni Robert na sa halip na di-magkasundo dahil sa poot at maling mga akala na bunga ng kanilang magkaibang mga tradisyon at kultura, sila ngayon ay nagkakasundo pala sa maraming bagay. Ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng ito ay ang pag-ibig sa Diyos na Jehova. Sila ay nagpakasal. Sila ngayon ay magkasamang nagdadala ng mensahe ng Diyos hinggil sa tunay na kapayapaan sa mga taong may iba’t ibang pinagmulan at paniniwala sa magulong lupaing ito.

Ang iba sa Ireland ay may nakakatulad ding karanasan. Sa pamamagitan ng pakikinig at pagtanggap sa mga turo ng kinasihang Salita ng Diyos, nakatakas sila sa ‘mga pilosopiya at walang-lamang mga panlilinlang’ ng mga tao. (Colosas 2:8) Inilalagak nila ngayon ang kanilang buong pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos na nakaulat sa Bibliya. Maligaya nilang ibinabahagi sa sinumang makikinig ang kanilang pag-asa ukol sa isang mapayapang kinabukasan​—isa na magiging lubusang malaya mula sa sektaryanismo at iba pang uri ng karahasan.​—Isaias 11:6-9.

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan.

b Isang partido pulitika na may malapit na kaugnayan sa Provisional IRA.

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang tulad-militar na pakikihamok ay ipinamamarali sa mga pader sa buong Hilagang Ireland

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share