Hindi Nabibigo sa Layunin ng Ating Ministeryo sa Larangan
1 Sa maraming mga lugar sa ngayon ang mga tao ay nagsasabi sa atin na mayroon na silang sariling relihiyon at hindi interesadong palitan iyon. Ang ilan ay maaaring nagsasabing: “Kayo ay nagsasagawa ng isang mainam na gawain, subali’t binibigyan na ako ng aking relihiyon ng lahat ng babasahing kailangan ko.” Kapag nangyayari ito, tayo ba ay basta nagsasabing “Salamat po” at pagkatapos ay nagpapatuloy sa susunod na pintuan, o nagsisikap pa rin tayong magpaliwanag sa layunin ng ating pagdalaw?
2 Napaharap din si Jesus sa ganitong mga suliranin sa kaniyang ministeryo. Nang ang mga alagad ng mga Fariseo ay nagsabi: “Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Diyos,” siya’y nagbigay ng mabisang patotoo na anupa’t sila’y namangha sa kaniyang sinabi. Hindi niya hinayaang ang kanilang labis na papuri ay pumigil sa kaniya sa pagbibigay ng may tibay-loob na patotoo.—Mat. 22:15-22.
HIGIT NA APURAHAN NGAYON
3 Darating ang araw na tayo’y gagawa ng huling pagdalaw sa mga tao sa ating teritoryo. Sa lahat ng pagkakataong tayo’y nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, dapat nating ingatan ito sa kaisipan. (2 Cor. 6:2; Isa. 55:6) Dapat na mababalaan ang mga tao na nalalapit na ang “araw ng paghihiganti” ni Jehova at kailangang matulungan silang makasumpong sa daan ng kaligtasan.—Isa. 61:1, 2; Ezek. 33:8, 9.
4 Kapag nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, huwag kayong mag-aatubili sa pagsasalita ng katotohanan taglay ang dignidad, pamamaraan at mabuting asal. Laging magpakita ng paggalang sa maybahay, subali’t sa gayunding pagkakataon ay gawin ang lahat ng makakaya upang matulungan siyang makaunawa sa layunin ng inyong pagdalaw.
PAGSASAKATUPARAN NG ATING LAYUNIN SA MAYO
5 Ang inyong pambungad na mga salita ay napakahalaga. Ang sinasabi ninyo sa inyong pambungad ang magpapangyari kung baga makukuha ninyo ang pansin ng tao. Ano ang mga karaniwang pagtutol sa inyong lugar? Makabubuting magbangon kayo ng ilan sa mga ito sa inyong pambungad.
6 Halimbawa maaari ninyong sabihin: “Marahil ay nababatid ninyo na kami ay mga Saksi ni Jehova. Kung kayo ay kabilang sa isa sa mga iglesiya sa dakong ito, marahil ay nagtataka kayo kung bakit kami madalas na dumadalaw. [Hayaang magkomento.] Ang isang maselang na suliraning ikinababahala natin ay ang pambuong daigdig na pagkawasak ng pamilya. Ang World Book Encyclopedia ay nagsabi: ‘Ang buong sibilisasyon ay naliligtas o naglalaho, depende sa kalakasan o kahinaan ng buhay-pamilya.’” Mula sa puntong ito, magpatuloy sa Genesis 1:27, 28.
7 Ang mga suliranin may kinalaman sa pamilya ay itatampok sa mga isyu sa Mayo ng Ang Bantayan. Kaya, pagkatapos basahin ang Isaias 48:17, 18, sabihing may pagtitiwala na Ang Bantayan ay nakatulong sa milyun-milyon na mabuhay nang maligaya. Nanaisin ninyong banggitin na ito ay nakatulong sa inyo nang personal. Magbigay ng komento sa isa sa mga itinampok na artikulo at ipabatid sa tao na maaari siyang magkaroon ng Ang Bantayan sa pamamagitan ng koreo sa loob ng isang taon sa ₱60.00 lamang.
8 “Ang panahon ay pinaikli.” (1 Cor. 7:29) Hindi natin nalalaman kung ilang pagkakataon pa ang nalalabi para hanapin ang natitirang mga tulad-tupa. Kaya dapat nating ipangaral ang katotohanan nang may katapangan at pagtitiwala habang may panahon pa.—Gawa 4:29, 31; 14:3.