Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Aklat na Salita ng Diyos
1 Sa kaniyang liham sa isang kapuwa ebanghelisador, ang apostol Pablo ay sumulat: “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Diyos ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran.”—2 Tim. 3:16.
2 Bilang makabagong panahong tagapagpahayag ng mabuting balita, tayo ay naniniwala nang buong puso sa pananalitang ito. Ating tinatanggap ang Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos. Ating tinatanggap ang patnubay nito sa lahat ng bahagi ng ating buhay. (Awit 119:105; Juan 17:17) Subali’t papaano natin matutulungan ang iba na tanggapin ang Bibliya bilang Salita ng Diyos at ikapit ang mga simulain nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay?
PAPAANO GAGAWIN ITO
3 Habang tayo ay nakikibahagi sa panimulang pamamahagi sa madla ng bagong aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa buwan ng Nobyembre, makapagpapatibay tayo ng pagtitiwala sa Bibliya at matutulungan ang mga tao na makita ang kapakinabangan ng pamumuhay alinsunod sa kinasihang payo nito. Kay laking pribilehiyo ito!
4 Ano ang maaari nating sabihin sa pag-aalok ng aklat? Pagkatapos ng isang palakaibigang pagbati, maaari nating itawag-pansin ang Kawikaan 14:12 upang ipakita na ang isang matagumpay na pamumuhay ay nangangailangan ng matalinong patnubay. Ang maling patnubay ay maaaring maging kapahapahamak. Pagkatapos ay basahin ang Kawikaan 2:6, 7 upang ipakita na si Jehova ay naglaan ng tunay na karunungan. Maaari tayong mangatuwiran sa maybahay hinggil sa pangangailangang bumaling sa Bibliya upang masumpungan ang makadiyos na karunungan. Pagkatapos ay maaari nating sabihin: “Ang publikasyong ito ay nagpapakita na ang Bibliya ay maaasahan para sa matalinong payo sa mga problemang napapaharap sa mga tao. Pakisuyong pansinin kung ano ang sinasabi dito sa parapo 2 sa pahina 5. [Basahin ang parapo 2, at kung ipinahihintulot ng panahon ay basahin ang parapo 4.] Ang publikasyong ito ay tutulong sa inyo na mapahalagahan na ang Bibliya ay tunay na Salita ng Diyos at ito’y naglalaman ng praktikal na patnubay sa lahat ng bahagi ng buhay. Ang aklat na ito ay inyo na sa abuloy na ₱16.00 lamang.”
5 Ang maybahay ay maaaring abala o magsabing siya’y hindi interesado, at ayaw ng mahabang usapan. Upang gawing maikli ang presentasyon, maaari ninyong sabihin: “Walang alinlangang sasang-ayon kayo na maraming suliranin ang napapaharap sa sangkatauhan.” Pagkatapos ay basahin ang panimulang parapo sa kabanata 1. Pagkatapos na makapagkomento ang maybahay sa katapusang tanong sa parapong iyon, maaari ninyong sabihin: “Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na malapit nang lutasin mismo ng Diyos ang lahat ng nakalilitong suliranin ng sangkatauhan. Ang aklat na ito ay nagbibigay ng matibay na katunayan upang ipakita na ang Bibliya ay totoo, yamang ito ay Salita ng Diyos at hindi ng tao. Nais kong magkaroon kayo nito sa abuloy na ₱16.00 lamang.”
PAGPUNO SA PANGANGAILANGAN
6 Ang aklat na ito, Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, ay tutulong upang maunawaan at mapahalagahan ng taimtim na mga mambabasa na ang Bibliya ay tunay na Salita ng Diyos. Ang tapat na pagsasaalang-alang sa sinasabi nito ay maaaring maglagay sa kanila sa daan patungo sa buhay. Kung gayon, gumawa ng pantanging pagsisikap na ilagay ang aklat na ito sa maraming tao hangga’t magagawa ninyo. Nawa’y maisagawa natin ang pinakamalawak na pamamahagi ng aklat na ito hangga’t maaari.