Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Kaunawaan
1 Idiniin ng apostol Pablo ang pangangailangang gumamit ng unawa sa paghaharap ng mabuting balita sa mga tao na may kakaibang paniniwala at pinagmulan. Sa ating panahon, may mga ilang tao na nag-aangking relihiyoso, bagaman ang iba ay walang hilig sa espirituwal at hindi nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Bilang mga mamamahayag ng mabuting balita, kailangan nating gawing kaakit-akit ang pabalita ng Kaharian “sa lahat ng mga tao” sa pamamagitan ng paggamit ng kaunawaan sa ministeryo.—1 Cor. 9:19-23.
PAG-UNAWA SA MAYBAHAY
2 Ang paggamit ng kaunawaan sa paglilingkod sa larangan ay sumasaklaw sa kakayahan na iangkop ang ating presentasyon sa interes ng maybahay. Ito’y humihiling ng mabuting paghahanda sa pamamagitan ng pagiging lubusang pamilyar sa iba’t ibang paksang isinasaalang-alang sa ating mga publikasyon.
PAG-AANGKOP SA INYONG PRESENTASYON
3 Kung sa inyong paglapit sa bahay ay inyong napansin ang mga laruan o mga bata, maaari ninyong buksan ang kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan sa pamamagitan ng pagsasabing: “Kami ay nakikipag-usap sa mga magulang sa komunidad tungkol sa mga giya na kanilang inilalaan sa kanilang mga anak. Maraming magulang ang nababahala sa kakulangan ng moral na patnubay para sa mga anak sa sistema ng paaralan. May napansin ba kayong suliranin sa bagay na ito?” Pakinggan ang tugon ng maybahay. Kung ang tugon ay nagpapakitang siya’y may pagkarelihiyoso, maaari kayong magpatuloy: “Kapanapanabik na ang Bibliya ay nagtuturo ng pangangailangang tayo at ang ating mga anak ay tumanggap ng matalinong patnubay. Pansinin kung ano ang sinasabi rito sa Kawikaan 14:12.” Pagkatapos basahin ang kasulatan, maaari ninyong sabihin: “May binabasa ako kamakailan lamang na nagdiriin kung papaano praktikal ang payo ng Bibliya para sa atin.” Bumaling sa pahina 174 ng Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at basahin ang huling parapo sa kabanata. Ialok ang aklat sa ₱16.00.
4 Kung ang tugon ng maybahay ay nagpapakita na siya’y hindi nagpapahalaga sa payo ng Bibliya, maipakikita ninyo ang kaunawaan sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong presentasyon sa pagsasabing: “Maaari ko ba kayong tanungin kung bakit gayon ang inyong konklusyon?” Pagkatapos marinig ang kaniyang sagot, maaari kayong magpatuloy: “Nauunawaan ko kung bakit gayon ang inyong nadarama. Sa katunayan, kamakailan lamang ay binabasa ko ang publikasyong ito at natitiyak kong masusumpungan ninyong kapanapanabik.” Bumaling sa pahina 6 at basahin ang mga parapo 3 at 4. Gayundin, basahin ang unang pangungusap sa parapo 5 sa pahina 7. Tanungin ang maybahay kung nais niyang isaalang-alang ang tinatanggap ng ibang tao bilang katunayan ng awtentisidad ng Bibliya.
5 Habang tayo’y naghahandang mabuti at nagpapakita ng kaunawaan sa paglilingkod kay Jehova, masasabi natin ang kagaya ni apostol Pablo, “Nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.”—1 Cor. 9:22; Kaw. 19:8.