Purihin Nang Lubusan ang Pangalan ng Diyos
1 Anong laking kagalakan natin dahilan sa maraming pagpapala ni Jehova! Nagkaroon tayo ng bagong peak sa mga mamamahayag at sa pag-aaral ng Bibliya. Napakainam din ng bilang ng dumalo sa Memoryal na 332,830. Tayong lahat ay nakinabang sa saganang espirituwal na pagkain sa mga programa ng ating pansirkitong asamblea at pantanging araw ng asamblea.
2 Papaano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa lahat ng mga pagpapalang ito? Sa pamamagitan ng pagpuri nang lubusan sa pangalan ng Diyos!—Awit 145:21.
PATULOY NA PURIHIN ANG PANGALAN NG DIYOS
3 Tayo’y makapupuri nang lubusan sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga tao ng aklat na Tanong ng mga Kabataan. Ang Paksang Mapag-uusapan na “Ang Sagot sa mga Suliranin ng Kabataan” ay angkop para sa mga magulang at mga kabataan. Kapag nakikipag-usap sa mga magulang, nanaisin ninyong ipaliwanag na kayo’y gumagawa ng pangmadlang paglilingkod upang tulungan ang mga tao na mapagtagumpayan ang pang-araw-araw na mga suliranin. Ipakita ang isang halimbawa ng praktikal na payo na masusumpungan sa aklat.
4 Kapag nakikipag-usap sa mga kabataan, maging palakaibigan at pakitunguhan sila taglay ang dignidad. Pagkatapos ng inyong pambungad, maaari ninyong talakayin ang hinggil sa panggigipit ng mga kababata at tanungin siya, ‘Naisip mo na ba kung papaano mapagtatagumpayan ang gayong panggigipit ng mga kababata?’ Pagkatapos tumugon, buksan ang aklat sa kabanata 9, basahin ang isang parapo sa pahina 77. Sa pagtatapos ay maaari ninyong sabihin, ‘Ang aklat na ito ay magpapakita sa iyo kung papaano makakatutulong ang Bibliya sa mga kabataan upang mapagtagumpayan ang mahihirap na mga kalagayan, tulad ng nasa talaan ng mga nilalaman.’
MAGHANDANG MABUTI
5 Ang paghahanda ay mahalaga kung nais nating maging mabisa sa pagtuturo sa iba. Bakit hindi maghanda kasama ng miyembro ng pamilya o ng iba pa sa inyong grupo ng pag-aaral? Sa pamamagitan ng pag-eensayo ng inyong presentasyon, lalo ninyong madarama ang pagtitiwala kapag nakikipag-usap sa mga tao sa inyong teritoryo.
6 Ang ating presentasyon ay dapat magpakita ng ating interes sa mga tao. Kapag tinanggap ng maybahay ang aklat, maaari ninyong ipakita kung papaano ito magagamit bilang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya at maisaayos ang pagdalaw-muli. Pagkatapos ng ilang pag-uusap, maaari ninyong iharap ang iba pang publikasyon para sa pag-aaral. Habang ginagawa natin ito nang puspusan, matutulungan natin ang iba upang sila’y matutong pumuri nang lubusan sa pangalan ni Jehova.