Maging Buong-Kaluluwa sa Ministeryo sa Larangan
Bahagi 2—Pagpukaw ng Kasiglahan
1 Mas madaling sumigla sa isang gawain kung tayo’y nasisiyahan doon. Totoo rin na nasisiyahan ang isang tao sa bagay na doo’y handa siya. Ito’y totoong totoo rin sa pagsasagawa ng ating ministeryo nang lubusan.—2 Tim. 4:5.
MAHALAGA ANG PAGHAHANDA
2 Ang ating kasiglahan ay may tuwirang kaugnayan sa ating pagiging handa. Halimbawa, kung may masumpungan tayong Muslim sa paglilingkod, ano ang maaari nating sabihin? Ang isang handang-handang mamamahayag ay maaaring magsabi: “Magandang malaman iyan. Kakaunti pa ang aking nakakausap na mga Muslim. Subalit may nabasa na ako tungkol sa inyong mga aral sa aklat na ito. [Bumaling sa pahina 23 sa aklat na Nangangatuwiran.] Ito’y nagsasabing pinaniniwalaan ninyo si Jesus bilang isang propeta ngunit si Muhammad ang siyang pinakamahalagang propeta. Totoo ba ito? [Hayaang sumagot.] Kayo ba’y naniniwala rin na si Moises ay isang tunay na propeta? Maaari ko bang ipakita sa inyo mula sa Banal na Kasulatan kung ano ang natutuhan ni Moises hinggil sa personal na pangalan ng Diyos?” Maaari ninyong basahin ang Exodo 6:3, upang pasimulan ang isang mainam na pag-uusap.
3 Mahirap para sa marami sa atin na matandaan ang mga numero ng pahina. Subalit sa pamamagitan ng kaunting paghahanda at pag-eensayo, maaari nating gamitin ang seksiyong “Mga Pagtutol” sa aklat na Nangangatuwiran.
4 Ang aklat na Nangangatuwiran ay may mainam na seksiyon din hinggil sa mga pambungad. Bakit hindi gamitin ang mga ito? Kakailanganing ibagay natin ang ating presentasyon ayon sa kalagayan. Sa katapusan ng maraming paksa sa aklat na Nangangatuwiran, may seksiyong “Kung May Magsasabi,” na sumasagot sa espesipikong mga tanong at pagtutol sa paksa. Subalit ang materyal na ito ay kapakipakinabang lamang kung gagamitin natin ito sa ating paghahanda.
PAPAANO MAGHAHANDA
5 Maging alisto sa panahon ng pagtatanghal sa Pulong Ukol sa Paglilingkod, na dala ang mga publikasyong itinatanghal. Sa ganitong paraan, kayo ay makikinabang nang higit sa paghahandang ginawa ng iba.
6 Gumugol ng ilang panahon sa paghahanda para sa paglilingkod. Tiyaking taglay ninyo ang literaturang inyong kinakailangan. Gumamit ng ilang minuto sa pagtingin sa Paksang Mapag-uusapan. Repasuhin ang mga kasulatan at alamin ang mga litaw na punto sa literaturang iniaalok. Ang paggawa nitong magkakasama bilang isang pamilya ay makatutulong.
7 Magkaroon ng sesyon sa pag-eensayo. Magagawa ninyo ito pagkatapos ng pag-aaral sa aklat, sa mga sosyal na pagtitipon, at samantalang naglalakad patungo sa susunod na bahay. Ang paghaharap ng presentasyon at pagpapakita ng paraan kung papaano haharapin ang mga pagtutol ay magpapatalas sa ating kakayahan.
8 Ang masikap na paghahanda ay pupukaw sa ating sigla upang tayo ay maging mga bihasang manggagawa at mag-ani ng tunay na kasiyahan.—Juan 2:17.