Kaayusan sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
Bahagi 4—Patuloy na Magpatibayan sa Isa’t Isa
1 Ang bawat isa sa grupo ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay may mahalagang papel na magagampanan sa espirituwal na pagsulong ng iba sa grupo. Ibig nating lahat na sundin ang maka-Kasulatang utos na ‘mangaudyok sa pag-iibigan at mabubuting gawa, lalo na habang nalalapit na ang katapusan.’—Heb. 10:24, 25.
2 Pagtulong sa Isa’t Isa: Kapag ang bawat isa sa atin ay nagpapakita ng personal na interes sa ibang mga miyembro, ang isang mainit, palakaibigang espiritu ang namamayani sa grupo. Sa Galacia 6:10 ay binibigyan tayo ng tagubilin na “gumawa ng mabuti sa lahat, ngunit lalong lalo na sa mga kasambahay natin sa pananampalataya.” Halimbawa, napapansin ba ninyo pagka ang iba sa grupo ng pag-aaral ay maysakit at hindi nakadalo? Marahil ay maaari ninyo silang tawagan sa telepono o dalawin nang personal. Ang gayong espiritu sa isang grupo ng pag-aaral sa aklat ay nagpapasulong ng higit na matalik na ugnayan sa gitna ng mga kapatid.
3 Nangangailangan ba ang iba ng pampatibay-loob dahil sa pang-araw-araw na mga kagipitan, pampamilyang mga pananagutan, o ibang mga problema? Ano ang maitutulong ninyo? Gumawa ng pantanging pagsisikap na kausapin ang iba sa mga pulong, hindi lamang ang basta batiin sila. Baka ang iba ay mahiyain ngunit gusto nilang may makakausap. (uw p. 137-8) Pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “palakasin ang mga nalulumbay, alalayan ang mga mahihina, maging mapagpahinuhod sa lahat.” (1 Tes. 5:14) Kapag ang isa ay maysakit o nasiraan ng loob, kay laking ginhawa ang idinudulot pagka dumaan ang mga kapatid upang dumalaw o mag-alok ng tulong! Kadalasa’y sapat na ang basta pagkaalam na may nagmamalasakit sa kaniya.
4 Dapat din tayong makipagtulungan sa mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan. Sikapin nating gumawang kasama ng iba’t iba sa grupo. (2 Cor. 6:11-13;12:15) Sa pana-panahon maaaring hilingan tayo ng kunduktor ng pag-aaral na tumulong sa ibang kapatid. Kumusta ang ating pagtugon? Ang grupo ng pag-aaral sa aklat ay totoong napatitibay kapag ang mga mamamahayag at payunir ay gumagawang magkakasama sa ministeryo.
5 Sariling Halimbawa: May iba pang maitutulong ninyo sa kaayusan ng pag-aaral sa aklat. Ang inyong mabuting halimbawa ay mahalaga. Halimbawa, kapag nananamit kayo katulad ng ginagawa ninyo pagka dumadalo sa isang pulong sa Kingdom Hall, nagpapakita kayo ng paggalang. Nagbibigay kayo ng positibong halimbawa para sa mga nasanay na manamit nang masyadong kasuwal. Kaugalian ba ninyong laging nasa oras upang huwag magambala ang pagpupulong?
6 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay isang dako na doon ay makakukuha tayo ng personal na tulong at gayundin ay makapagbibigay tayo ng espirituwal na kaginhawahan sa iba. Nawa’y tayong lahat ay “patuloy na mangag-aliwan at mangagpatibayan sa isa’t isa” sa pamamagitan ng lubusang pagtangkilik sa kaayusang ito.—1 Tes. 5:11.