Paghaharap ng Mabuting Balita—Paggamit sa Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
1 Sa nakaraang mga taon, halos lahat ng ating mga publikasyon ay tumalakay sa ilang paraan sa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo. Ito ay angkop, yamang “walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.” (Gawa 4:12) Ang bagong aklat na ito ay kakaiba dahilan sa ito ang unang pagkakataon na ang isa sa ating mga aklat ay pantanging inilaan sa buhay ni Jesus.
2 Ialok Ito sa Iba: Ano ang maipakikita nating kapanapanabik na bahagi sa publikasyong ito? Ang kabanata 5 ay nagbabangon ng angkop na tanong, “Ang Kapanganakan ni Jesus—Saan at Kailan?” Maaari ninyong makuha ang interes ng isang kabataan sa pamamagitan ng kapanapanabik na ulat sa kabanata 44, “Pagpapatahimik sa Isang Kakila-kilabot na Bagyo.” Ang isang tao na nakakaranas ng pisikal na karamdaman o kapansanan ay tiyak na maaaliw ng kabanata 57, “Habag sa mga may Kapansanan.” Ang kabanata 90, “Ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli,” ay dapat na makatawag-pansin sa sinumang tao na nagdadalamhati dahilan sa pagkawala ng isang minamahal. Ang pag-uusap hinggil sa kalunos-lunos na kalagayan sa daigdig ay maaaring umakay sa kabanata 111, “Tanda ng mga Huling Araw.”
3 Sa pintuan ay maaari ninyong sabihin: “Ano ang hinihiling sa atin ng Diyos bilang mga Kristiyano? Inaakay tayo ng Bibliya na tularan ang halimbawa na ibinigay ng pinakadakilang tao sa daigdig, si Jesu-Kristo. [Basahin ang 1 Pedro 2:21.] Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang kanilang kapuwa, ingatang malinis ang moral, at idalangin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. Ang ating kaligtasan ay depende sa pagkilala at pagsunod kay Jesus na ating Tagapagligtas. [Basahin ang Juan 14:6.] Yamang depende sa kaniya ang ating kaligtasan, di kaya dapat tayong higit na makaalam hinggil sa kaniyang gawa at sa kaniyang itinuro? Ang aklat na ito ay pantanging inihanda para sa layuning ito, at ako’y nalulugod na ialok sa inyo ang kopyang ito.”
4 Tiyaking balikan ang lahat ng kumuha ng aklat. Ito ay maaaring gamitin sa pagpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ito’y lalo pang mabuti para sa isang pampamilyang pag-aaral at sa mga pag-aaral na idinaraos sa mga kabataan. Ang pamamahagi nito sa iba ay makatutulong sa kanila na masumpungan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan.