Ihanda ang Inyong Presentasyon sa Marso
1 Kapag nag-aalok ng aklat na Tanong ng mga Kabataan sa Marso, maaaring kayo’y nag-iisip kung papaano ninyo gagamitin ang isang maka-kasulatang tema sa paghaharap nito. Walang alinlangan na makikita ninyong praktikal na matutuhan at gamitin ang isa o lahat sa sumusunod na mungkahing presentasyon.
2 Ang Lupa—Walang Hanggang Tahanan ng Tao: Kung nais ninyong pasimulan ang pakikipag-usap sa mga kabataang nababahala sa lupa at sa kapaligiran nito, subukin ang temang “Ang Lupa ay Mananatili Magpakailanman Bilang Tahanan ng Tao.” Ang mga kasulatang maaari ninyong gamitin ay ang Isaias 45:18 o Eclesiastes 1:4. Ang tema at mga kasulatan ay masusumpungan sa aklat na Tanong ng mga Kabataan sa pahina 306-7, parapo 3-5.
3 Pagkatapos na ipakilala ang inyong sarili, maaari ninyong sabihin:
◼ “Ako’y dumadalaw ng ilang sandali upang ipakipag-usap ang isang bagay na lubos na ikinababahala ng marami sa atin. Ang lupa ay ating tahanan, at walang alinlangan na ikinababahala rin ninyo ang nangyayaring pagsira dito. Ano sa palagay ninyo ang lunas sa suliraning ito? [Huminto para sa komento.] Sa maikli, nais kong ipakita sa inyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng lupa sa Eclesiastes 1:4.” Basahin ang teksto, at ipakita ang mga komento sa parapo 3 hanggang 5 sa mga pahina 306-7 ng aklat na Tanong ng mga Kabataan.
4 Ang Kasamaan ay Aalisin: Upang matawag-pansin ang mga taong nababahala hinggil sa krimen at karahasan, nanaisin ninyong gamitin ang temang “Ang Kasamaan ay Aalisin Upang Tamasahin ng mga Umiibig sa Diyos ang Buhay at Kapayapaan.” Gamitin ang Awit 37:9-11 at pahina 216, parapo 4, ng aklat na Tanong ng mga Kabataan.
5 Kasunod ng inyong pambungad, maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa palagay kaya ninyo’y darating ang panahon na mawawala ang krimen at karahasan? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng Bibliya ang namamalaging lunas dito sa Awit 37:2, 9-11.” Basahin ang teksto at bumaling sa pahina 216 sa aklat na Tanong ng mga Kabataan upang basahin ang parapo 4.
6 Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-muli: Yamang may panahon na ating naiwala ang isang minamahal sa buhay sa kamatayan, nakakaaliw na talakayin ang paksang “Ibabalik Tungo sa Buhay ang mga Nangamatay na Minamahal sa Kalagayang Paraiso sa Pamamahala ng Kaharian.” Maaari ninyong gamitin ang alinman sa Juan 5:28, 29 o Gawa 17:31 at ipakita ang mga komento sa paksa at kasulatan sa aklat na Tanong ng mga Kabataan, pahina 132, parapo 1.
7 Maaari kayong magpasimula sa ikalawang pambungad sa ilalim ng “Pagtanda/Kamatayan” sa aklat na “Nangangatuwiran” at pagkatapos ay sabihin:
◼ “Sa pana-panahon ang karamihan sa atin ay nag-iisip hinggil sa ating mga namatay na minamahal. Sa palagay kaya ninyo’y makita natin silang muli? [Hayaang magkomento.] Maraming tao ang nagtataka na malaman na ang Salita ng Diyos ay nangangako ng isang pagkabuhay-muli dito sa lupa.” Pagkatapos ay gamitin ang alinman sa Juan 5:28, 29 o Gawa 17:31, at parapo 1 sa pahina 132 ng aklat na Tanong ng mga Kabataan.
8 Ihanda at gamitin ang isa o lahat ng mga presentasyong ito sa buwang ito. Kapag nagpakita ng kakaunting interes lamang, ialok ang isang tract na tumatalakay sa gayunding paksa.