Ipahayag ang mga Pakikitungo ni Jehova
1 “Ipahayag ninyo ang kaniyang mga pakikitungo sa mga bayan . . . , sapagkat siya’y gumawa ng mga maririlag na bagay.” (Isa. 12:4, 5) Papaano kayo tutugon sa ganitong masidhing panghihikayat? Kapag binubulaybulay natin ang mga pakikitungo ni Jehova sa atin bilang isang bayan at bilang mga indibiduwal, di ba’t napakikilos ang ating puso na sabihin iyon sa iba? Mga 73 taon na ang nakararaan, pinalaya ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa maka-Babilonyang pagkaalipin. Mula noong 1919 ang tunay na pagsamba ay matibay na naitatag at ngayo’y lumaganap na sa lahat ng bahagi ng lupa, sa lawak na higit sa ating inaasahan. Bilang indibiduwal, magagawa ba ninyo ang higit pa upang ipahayag ang kaniyang mga pakikitungo at itanghal ang kaniyang pangalan?
2 Ang panahon ng Memoryal ay nagpapaalaala sa atin sa isang paglalaan ng Diyos na ating pasasalamatan nang walang hanggan. Ang mga buwan ng Abril at Mayo ay mga angkop na pagkakataon para ipakita kay Jehova ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagpapatala bilang auxiliary payunir.
3 Kadalasan, ang mga kaayusan ay gumaganang mabuti kapag ang maraming mamamahayag ay nagpapatala bilang mga auxiliary payunir. Ang isang mabuting eskedyul ay maaaring isagawa upang ang lahat ay may makasama sa gawain, at ang mga kapatid na may maliliit na anak ay maaaring gumawa ng kaayusan upang magtulungan sa isa’t isa. Taglay ang mabubuting pagpaplano, nasumpungan ng marami na hindi mahirap abutin ang kahilingang 60 oras. Ito’y nangangahulugan ng paggamit ng 2 lamang oras bilang aberids sa isang araw o 15 oras sa isang linggo sa ministeryo. Ang ilang auxiliary payunir ay nagpapatotoo sa isa o dalawang oras bago o pagkatapos ng kanilang sekular na trabaho at mas mahabang panahon ng paglilingkod ang ginugugol sa mga dulong sanlinggo.
4 Kahit na kayo’y hindi makapag-auxiliary payunir, maaari ninyong mapalaki ang inyong gawain sa paglilingkod sa larangan. Gayundin, sa pamamagitan ng pagtulong sa pasahe o paggawang kasama ng mga payunir, kayo’y magsisilbing pampatibay-loob sa kanila. Anuman ang ating magagawa upang ipahayag ang mga pakikitungo ni Jehova ay hindi malilingid sa ating mapagpahalagang Diyos.—Mal. 3:16.